Kabanata 20
Si Jesus ay mahimalang naglaan ng tinapay at alak at muling pinangasiwaan ang sakramento sa mga tao—Ang labi ni Jacob ay malalaman ang tungkol sa Panginoon nilang Diyos at mamanahin ang Amerika—Si Jesus ang propetang katulad ni Moises, at mga anak ng mga propeta ang mga Nephita—Titipunin sa Jerusalem ang iba sa mga tao ng Panginoon. Mga A.D. 34.
1 At ito ay nangyari na inutusan niya ang maraming tao na nararapat munang magsitigil sila sa pananalangin, at gayundin ang kanyang mga disipulo. At iniutos niya sa kanila na hindi sila dapat tumigil sa pananalangin sa kanilang mga puso.
2 At kanyang inutusan sila na nararapat silang magsitayo at tumindig sa kanilang mga paa. At sila ay tumayo at tumindig sa kanilang mga paa.
3 At ito ay nangyari na muli siyang nagpira-piraso ng tinapay at binasbasan ito, at ibinigay sa mga disipulo upang kainin.
4 At nang sila ay makakain, kanyang inutusan sila na nararapat silang magpira-piraso ng tinapay, at ibigay sa maraming tao.
5 At nang mabigyan na nila ang maraming tao, binigyan niya rin sila ng alak upang inumin, at inutusan sila na nararapat nilang bigyan ang maraming tao.
6 Ngayon, walang tinapay ni alak na dinala ang mga disipulo, ni ang maraming tao;
7 Ngunit tunay na kanyang binigyan sila ng tinapay upang kainin, at gayundin ng alak upang inumin.
8 At sinabi niya sa kanila: Siya na kumakain ng tinapay na ito ay kumakain ng aking katawan sa kanyang kaluluwa; at siya na umiinom ng alak na ito ay umiinom ng aking dugo sa kanyang kaluluwa; at ang kanyang kaluluwa ay hindi kailanman magugutom ni mauuhaw, kundi mabubusog.
9 Ngayon, nang matapos makakain at makainom na lahat ang maraming tao, dinggin, sila ay napuspos ng Espiritu; at sila ay sumigaw sa iisang tinig, at nagbigay-papuri kay Jesus, na kapwa nila nakita at narinig.
10 At ito ay nangyari na nang matapos silang lahat magbigay-papuri kay Jesus, sinabi niya sa kanila: Dinggin, ngayon ay natapos ko na ang kautusang iniutos ng Ama sa akin hinggil sa mga taong ito, na mga labi ng sambahayan ni Israel.
11 Natatandaan ninyo na winika ko sa inyo, at sinabi na sa panahon na ang mga salita ni Isaias ay matupad—dinggin, ang mga yaon ay nakasulat, nasa harapan ninyo ang mga ito, kaya nga, saliksikin ninyo ang mga yaon—
12 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sa panahon na ang mga ito ay matupad, yaon na ang pagsasakatuparan ng tipan na ginawa ng Ama sa kanyang mga tao, O sambahayan ni Israel.
13 At sa gayon, ang mga labi, na malawakang ikakalat sa balat ng lupa, ay titipunin mula sa silangan at mula sa kanluran, at mula sa timog at mula sa hilaga; at madadala sila sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, na siyang tumubos sa kanila.
14 At iniutos sa akin ng Ama na nararapat kong ibigay sa inyo ang lupaing ito, bilang inyong mana.
15 At sinasabi ko sa inyo, na kung ang mga Gentil ay hindi magsisisi matapos ng pagpapalang kanilang tatanggapin, matapos nilang maikalat ang aking mga tao—
16 Sa gayon, kayo, na mga labi ng sambahayan ni Jacob, ay hahayo sa kanila; at kayo ay mapapasagitna nila na magiging marami; at kayo ay masasama sa kanila katulad ng isang leon sa mababangis na hayop sa gubat, at katulad ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa, na kung makapapasok, siya ay kapwa manununggab at manluluray, at walang makapagliligtas.
17 Ang inyong kamay ay itataas sa inyong mga kaaway, at ang lahat ng inyong mga kaaway ay lilipulin.
18 At aking titipuning sama-sama ang aking mga tao katulad ng isang lalaking nag-iipon ng kanyang mga bungkos sa sahig ng giikan.
19 Sapagkat gagawin ko ang aking mga tao kung kanino nakipagtipan ang Ama, oo, gagawin kong bakal ang inyong sungay, at gagawin kong tanso ang inyong mga kuko. At inyong luluray-lurayin ang maraming tao; at aking ilalaan ang kanilang pakinabang sa Panginoon, at ang kanilang kabuhayan sa Panginoon ng buong mundo. At dinggin, ako ang siyang gagawa nito.
20 At ito ay mangyayari, wika ng Ama, na ang espada ng aking katarungan ay uumang sa ulunan nila sa araw na yaon; at maliban kung sila ay magsisisi, babagsak ito sa kanila, wika ng Ama, oo, maging sa lahat ng bansa ng mga Gentil.
21 At ito ay mangyayari na aking itatatag ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel.
22 At dinggin, aking itatatag ang mga taong ito sa lupaing ito, sa ikatutupad ng tipang aking ginawa sa inyong amang si Jacob; at ito ay magiging isang Bagong Jerusalem. At ang kapangyarihan ng langit ay mapapasagitna ng mga taong ito; oo, maging ako ay mapapasagitna ninyo.
23 Dinggin, ako ang siyang sinabi ni Moises, sinasabing: Isang propeta ang ibabangon ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo mula sa inyong mga kapatid, na tulad sa akin; siya ang inyong diringgin sa lahat ng bagay kung anuman ang sasabihin niya sa inyo. At ito ay mangyayari na ihihiwalay mula sa mga tao ang bawat taong hindi makikinig sa propetang yaon.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, oo, at lahat ng propeta mula kay Samuel at sa mga yaong sumunod, kasindami ng nagsalita, ay nagpatotoo sa akin.
25 At dinggin, kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay mula sa sambahayan ni Israel; at kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.
26 Ang Ama na ibinangon akong una sa inyo, at isinugo ako upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa kanyang mga kasamaan; at ito ay dahil mga anak kayo ng tipan—
27 At matapos na kayo ay pagpalain, tutuparin ng Ama ang tipang ginawa niya kay Abraham, sinasabing: Sa iyong binhi pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa—sa pagbubuhos ng Espiritu Santo sa pamamagitan ko sa mga Gentil, na pagpapala sa mga Gentil na gagawin silang makapangyarihan sa lahat, hanggang sa pagkakalat ng aking mga tao, O sambahayan ni Israel.
28 At sila ay magiging hagupit sa mga tao sa lupaing ito. Gayunman, kapag kanilang natanggap ang kabuuan ng aking ebanghelyo, sa gayon kung kanilang patitigasin ang kanilang mga puso laban sa akin, ibabalik ko ang kanilang mga kasamaan sa kanilang sariling mga ulo, wika ng Ama.
29 At aking aalalahanin ang tipang ginawa ko sa aking mga tao; at ako ay nakipagtipan sa kanila na titipunin ko sila nang magkakasama sa aking sariling takdang panahon, na ibibigay ko sa kanilang muli ang lupain ng kanilang mga ama para sa kanilang mana, na lupain ng Jerusalem, na lupang pangako para sa kanila magpakailanman, wika ng Ama.
30 At ito ay mangyayari na sasapit ang panahon na ipangangaral sa kanila ang kabuuan ng aking ebanghelyo;
31 At sila ay maniniwala sa akin, na ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, at mananalangin sa Ama sa aking pangalan.
32 Sa gayon ang kanilang mga tagabantay ay magtataas ng kanilang tinig, at sa pamamagitan ng sabay-sabay na tinig ay aawit sila; sapagkat sila ay makakikita nang mata sa mata.
33 Sa gayon sila muling titipunin ng Ama nang magkakasama, at ibibigay sa kanila ang Jerusalem bilang lupain ng kanilang mana.
34 Sa gayon sila magpapakagalak—Magsiawit nang sabay-sabay, kayong mga nawasak na dako ng Jerusalem; sapagkat inalo ng Ama ang kanyang mga tao, tinubos niya ang Jerusalem.
35 Ipinakita ng Ama ang kanyang banal na bisig sa paningin ng lahat ng bansa; at makikita ng lahat ng dulo ng mundo ang pagliligtas ng Ama; at ang Ama at ako ay isa.
36 At sa gayon mangyayari ang yaong nasusulat: Gumising, gumising na muli, at isuot mo ang iyong kalakasan, O Sion; isuot ang iyong magagandang kasuotan, O Jerusalem, ang banal na lungsod, sapagkat mula ngayon, hindi na papasok sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.
37 Pagpagin mo ang sarili mula sa alabok; bumangon, umupo, O Jerusalem; kalagan ang sarili mula sa mga tali sa iyong leeg, O bihag na anak na babae ng Sion.
38 Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: Ipinagbili ninyo ang inyong sarili sa wala, at kayo ay tutubusin nang walang salapi.
39 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking pangalan ay malalaman ng aking mga tao; oo, sa araw na yaon ay malalaman nila na ako ang yaong nagsasalita.
40 At sa gayon, kanilang sasabihin: Anong ganda sa mga bundok ng mga paa niya na nagdadala ng mabubuting balita sa kanila, na naghahayag ng kapayapaan; na nagdadala ng mabubuting balita ng kabutihan sa kanila na mabuti, na naghahayag ng kaligtasan; na nagsasabi sa Sion: Ang iyong Diyos ay naghahari!
41 At sa gayon, isang sigaw ang papailanglang: Lumisan kayo, lumisan kayo, magsilabas kayo riyan, huwag humipo ng yaong marumi; lumabas kayo sa gitna niya; maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
42 Sapagkat hindi kayo lalabas na nagmamadali ni aalis nang patakas; sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo, at ang Diyos ng Israel ang inyong magiging tagapagtanggol sa likod.
43 Dinggin, ang aking tagapaglingkod ay kikilos nang may karunungan; siya ay dadakilain at pupurihin at magiging napakatayog.
44 Katulad ng marami ang nanggilalas sa inyo—ang kanyang mukha ay lubhang nasira, higit kaysa sa kaninuman, at ang kanyang anyo ay higit kaysa sa mga anak ng tao—
45 Kung kaya siya ay magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang bibig dahil sa kanya, sapagkat ang yaong hindi sinabi sa kanila ay makikita nila; at ang yaong hindi nila narinig ay mauunawaan nila.
46 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na ito ay tiyak na matutupad, maging katulad ng iniutos ng Ama sa akin. Sa gayon matutupad ang tipang ito na ipinakipagtipan ng Ama sa kanyang mga tao; at sa gayon muling pananahanan ang Jerusalem ng aking mga tao, at ito ang magiging lupaing kanilang mana.