Kabanata 21
Titipunin ang Israel sa paglabas ng Aklat ni Mormon—Itatatag ang mga Gentil bilang malalayang tao sa Amerika—Maliligtas sila kung sila ay maniniwala at susunod; kung hindi, sila ay mahihiwalay at mapapahamak—Itatayo ng Israel ang Bagong Jerusalem, at magbabalik ang mga nawawalang lipi. Mga A.D. 34.
1 At katotohanan, sinasabi ko sa inyo, magbibigay ako sa inyo ng palatandaan, upang malaman ninyo ang panahon kung kailan ang mga bagay na ito ay malapit nang maganap—na aking titipunin, mula sa matagal na nilang pagkakakalat, ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at muling itatatag sa kanila ang aking Sion;
2 At dinggin, ito ang bagay na ibibigay ko sa inyo bilang palatandaan—sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo na kapag ang mga bagay na ito na ipinahahayag ko sa inyo, at ipahahayag sa inyo ng aking sarili pagkatapos nito, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ibibigay sa inyo ng Ama, ay ipaaalam sa mga Gentil nang kanilang malaman ang hinggil sa mga taong ito na mga labi ng sambahayan ni Jacob, at hinggil sa aking mga taong ito na ikakalat nila;
3 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kapag ang mga bagay na ito ay ipinaalam sa kanila ng Ama, at magmumula sa Ama, mula sa kanila patungo sa inyo;
4 Sapagkat karunungan ng Ama na sila ay manahan sa lupaing ito, at maitatag bilang malalayang tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, upang ang mga bagay na ito ay makarating mula sa kanila patungo sa labi ng inyong binhi, upang ang tipan ng Ama ay matupad na kanyang ipinakipagtipan sa kanyang mga tao, O sambahayan ni Israel;
5 Anupa’t kapag ang mga gawaing ito at ang mga gawaing gagawin sa inyo pagkatapos nito ay magmumula sa mga Gentil, patungo sa inyong mga binhi na manghihina sa kawalang-paniniwala dahil sa kasamaan;
6 Sapagkat sa gayon hinangad ng Ama na ito ay magmula sa mga Gentil, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga Gentil, sa layuning ang mga Gentil, kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, na sila ay magsisi at lumapit sa akin at mabinyagan sa aking pangalan at malaman ang tunay na mga aral ng aking doktrina, upang sila ay mapabilang sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel;
7 At kapag ang mga bagay na ito ay nangyari, na magsisimulang malaman ng inyong mga binhi ang mga bagay na ito—ito ay magiging palatandaan sa kanila, upang kanilang malaman na ang gawain ng Ama ay nagsimula na tungo sa pagtupad ng tipang kanyang ginawa sa mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel.
8 At kapag dumating ang panahong iyon, ito ay mangyayari na ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig; sapagkat ang yaong hindi sinabi sa kanila ay makikita nila; at ang yaong hindi nila narinig ay mauunawaan nila.
9 Sapagkat sa panahong yaon, para sa aking kapakanan, ang Ama ay gagawa ng isang gawain, na magiging dakila at kagila-gilalas na gawa sa kanila; at sa kanila ay may mga yaong hindi paniniwalaan ito, bagama’t isang tao ang magpapahayag nito sa kanila.
10 Ngunit dinggin, ang buhay ng aking tagapaglingkod ay nasa aking kamay; kaya nga hindi nila siya masasaktan, bagama’t siya ay mapipinsala dahil sa kanila. Gayunman, akin siyang pagagalingin, sapagkat ipakikita ko sa kanila na ang aking karunungan ay higit na dakila kaysa sa katusuhan ng diyablo.
11 Anupa’t ito ay mangyayari na ang sinumang hindi maniniwala sa aking mga salita, ako na si Jesucristo, na iuutos ng Ama na dalhin niya sa mga Gentil, at bibigyan siya ng kapangyarihan na kanyang madala ang mga iyon sa mga Gentil, (ito ay mangyayari maging tulad ng winika ni Moises) sila ay mahihiwalay sa aking mga tao na kabilang sa tipan.
12 At ang aking mga tao na mga labi ni Jacob ay masasama sa mga Gentil, oo, sa gitna nila na tulad ng isang leon sa mababangis na hayop sa gubat, tulad ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa, na kung makapapasok, siya ay kapwa manununggab at manluluray, at walang makapagliligtas.
13 Ang kanilang mga kamay ay itataas sa kanilang mga kaaway, at lilipulin ang lahat ng kanilang mga kaaway.
14 Oo, sa aba sa mga Gentil maliban kung sila ay magsisisi; sapagkat ito ay mangyayari na sa araw na yaon, wika ng Ama, na aking tatanggalin ang inyong mga kabayo sa gitna ninyo, at aking wawasakin ang inyong mga karuwahe;
15 At aking wawasakin ang mga lungsod ng inyong lupain, at gigibain ang lahat ng inyong mga muog;
16 At aking wawakasan ang mga pangkukulam sa inyong mga lupain, at hindi na kayo magkakaroon pa ng mga manghuhula;
17 Ang inyong mga inukit na larawan ay akin ding sisirain, at aalisin ang inyong mga nakatayong imahen sa gitna ninyo, at hindi na ninyo sasambahin pa ang mga gawa ng inyong mga kamay;
18 At aking bubunutin ang inyong mga puno sa gitna ninyo; akin ding wawasakin ang inyong mga lungsod.
19 At ito ay mangyayari na matitigil ang lahat ng pagsisinungaling, at panlilinlang, at inggitan, at sigalutan, at huwad na pagkasaserdote, at pagpapatutot.
20 Sapagkat ito ay mangyayari, wika ng Ama, na sa panahong yaon, ang sinumang hindi magsisisi at lalapit sa aking Minamahal na Anak, sila ay ihihiwalay ko sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel;
21 At aking isasagawa ang paghihiganti at matinding galit sa kanila, maging tulad ng sa mga hindi binyagan, na hindi pa nila narinig.
22 Ngunit kung sila ay magsisisi at makikinig sa aking mga salita, at hindi patitigasin ang kanilang mga puso, itatatag ko ang aking simbahan sa kanila, at sila ay makikipagtipan at ibibilang sa mga ito na labi ni Jacob, kung kanino ko ibinigay ang lupaing ito bilang kanilang mana;
23 At tutulong sila sa aking mga tao, na labi ni Jacob, at sa kasindami rin ng sambahayan ni Israel na darating upang makapagtayo sila ng isang lungsod, na tatawaging ang Bagong Jerusalem.
24 At sa gayon nila tutulungan ang aking mga tao upang sila ay matipon, na nakakalat sa balat ng lupa, patungo sa Bagong Jerusalem.
25 At sa gayon bababa sa kanila ang kapangyarihan ng langit; at ako rin ay mapapasagitna nila.
26 At sa gayon magsisimula ang gawain ng Ama sa panahong yaon, maging kung kailan ipangangaral ang ebanghelyong ito sa labi ng mga taong ito. Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sa panahong yaon magsisimula ang gawain ng Ama sa lahat ng naikalat na mga tao ko, oo, maging sa mga nawalang lipi na inakay ng Ama palabas ng Jerusalem.
27 Oo, ang gawain ay magsisimula sa lahat ng naikalat na mga tao ko, na ang Ama ang maghahanda ng daan kung paano sila makalalapit sa akin, upang sila ay makapanawagan sa Ama sa aking pangalan.
28 Oo, at sa gayon magsisimula ang gawain, na ang Ama ang maghahanda ng daan sa lahat ng bansa kung paano matitipong pauwi ang kanyang mga tao sa lupaing kanilang mana.
29 At sila ay lalabas mula sa lahat ng bansa; at hindi sila lalabas na nagmamadali, ni aalis nang patakas, sapagkat ako ang mauuna sa kanila, wika ng Ama, at ako ang kanilang magiging tagapagtanggol sa likod.