Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 22


Kabanata 22

Sa mga huling araw, itatatag ang Sion at ang kanyang mga istaka, at ang Israel ay matitipon sa awa at pagmamahal—Magtatagumpay sila—Ihambing sa Isaias 54. Mga A.D. 34.

1 At sa gayon mangyayari ang yaong nasusulat: Umawit, O baog, ikaw na hindi nagkaanak; magsimula kang umawit; at sumigaw nang malakas, ikaw na hindi naghirap sa panganganak; sapagkat higit na marami ang mga anak ng pinabayaan kaysa sa mga anak ng may asawa, wika ng Panginoon.

2 Palakihin ang sukat ng iyong tolda, at atasan silang palawakin ang mga tabing ng iyong mga tirahan; huwag magtipid, pahabain mo ang iyong mga lubid at patibayin ang iyong mga istaka;

3 Sapagkat ikaw ay kakalat sa kanang kamay at sa kaliwa, at ang iyong mga binhi ay mamanahin ang mga Gentil at papangyarihing tirhan ang mga pinabayaang lungsod.

4 Huwag matakot, sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya; ni ikaw ay hindi hahamakin, sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan; sapagkat malilimutan mo ang kahihiyan ng iyong kabataan, at hindi maaalala ang kadustahan ng iyong kabataan, at hindi maaalala ang dungis ng iyong pagkabalo.

5 Sapagkat ang iyong tagapaglikha, ang iyong asawa, Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan; at ang iyong Manunubos, ang Banal ng Israel—ang Diyos ng buong mundo ang itatawag sa kanya.

6 Sapagkat tinawag ka ng Panginoon tulad ng isang babaeng pinabayaan at nagdadalamhati sa espiritu, at isang asawa ng kabataan, nang ikaw ay itinakwil, wika ng iyong Diyos.

7 Sa maikling sandali ay pinabayaan kita, datapwat titipunin kita nang may dakilang pagkaawa.

8 Sa munting pagkagalit ay ikinubli ko sandali ang aking mukha sa iyo, ngunit sa walang hanggang kabutihan, ako ay maaawa sa iyo, wika ng Panginoon mong Manunubos.

9 Sapagkat ito ay tulad ng mga tubig ni Noe sa akin, sapagkat tulad ng aking isinumpa na hindi na aagos pa sa lupa ang mga tubig ni Noe, gayundin ako ay sumumpang hindi na ako mapopoot sa iyo.

10 Sapagkat ang mga bundok ay maglalaho at ang mga burol ay maaalis, ngunit hindi maglalaho ang aking kabaitan sa iyo, ni hindi maaalis ang tipan ng aking kapayapaan, wika ng Panginoon na naaawa sa iyo.

11 O ikaw na nahirapan, na sinisiklot ng unos, at hindi naaalo! Dinggin, ilalatag ko ang iyong mga bato na may makikinang na kulay, at lalatagan ko ang iyong mga saligan ng mga sapiro.

12 At gagawin kong yari sa agata ang iyong mga dungawan, at yari sa karbungko ang iyong mga pintuang-bayan, at yari sa mamahaling bato ang iyong mga hangganan.

13 At lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at dakila ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.

14 Sa pagkamatwid, ikaw ay pagtitibayin; ikaw ay malalayo mula sa mga pang-aapi sapagkat hindi ka matatakot, at mula sa kinasisindakan sapagkat hindi ito lalapit sa iyo.

15 Dinggin, sila ay tiyak na magkakasamang sasalakay laban sa iyo, hindi dahil sa akin; sinumang magkakasamang sasalakay laban sa iyo ay mabubuwal para sa iyong kapakanan.

16 Dinggin, aking nilikha ang panday na umiihip sa mga baga na nasa apoy, at gumagawa siya ng kasangkapan para sa kanyang gawain; at aking nilikha ang manlilipol upang manlipol.

17 Walang sandatang ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay; at bawat dilang hahamak sa iyo sa kahatulan ay pasisinungalingan mo. Ito ang pamana ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, at ang kanilang pagkamatwid ay mula sa akin, wika ng Panginoon.