Kabanata 23
Sinasang-ayunan ni Jesus ang mga salita ni Isaias—Kanyang inutusan ang mga tao na saliksikin ang mga propeta—Idinagdag sa kanilang mga talaan ang mga salita ni Samuel, ang Lamanita, hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli. Mga A.D. 34.
1 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong saliksikin ang mga bagay na ito. Oo, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo na masigasig ninyong saliksikin ang mga bagay na ito; sapagkat dakila ang mga salita ni Isaias.
2 Sapagkat tunay na siya ay nangusap tungkol sa lahat ng bagay hinggil sa aking mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel; kaya nga talagang kinakailangan na siya ay mangusap din sa mga Gentil.
3 At lahat ng bagay na kanyang sinabi ay nangyari na at mangyayari, maging alinsunod sa mga salitang kanyang winika.
4 Samakatwid, makinig sa aking mga salita; isulat ang mga bagay na sinabi ko sa inyo; at alinsunod sa panahon at kalooban ng Ama, ang mga yaon ay ipahahayag sa mga Gentil.
5 At sinuman ang makikinig sa aking mga salita at magsisisi at mabibinyagan, siya rin ay maliligtas. Saliksikin ang mga propeta, sapagkat marami ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito.
6 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, muli niyang sinabi sa kanila, matapos na kanyang ipaliwanag ang lahat ng banal na kasulatan sa kanila na kanilang natanggap, kanyang winika sa kanila: Dinggin, nais kong inyong isulat ang iba pang mga banal na kasulatan, na wala kayo.
7 At ito ay nangyari na kanyang sinabi kay Nephi: Dalhin mo rito ang talaang iyong iniingatan.
8 At nang madala ni Nephi ang mga talaan, at nailatag ang mga yaon sa harapan niya, sinuri niya ang mga ito ng kanyang mga paningin at sinabi:
9 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako ay nag-utos sa aking tagapaglingkod na si Samuel, ang Lamanita, na nararapat siyang magpatotoo sa mga taong ito, na sa araw na luluwalhatiin ng Ama ang kanyang pangalan sa akin na maraming banal ang magbabangon mula sa mga patay, at magpapakita sa marami, at maglilingkod sa kanila. At kanyang sinabi sa kanila: Hindi ba?
10 At ang kanyang mga disipulo ay tumugon sa kanya at sinabing: Opo, Panginoon, si Samuel po ay nagpropesiya alinsunod sa inyong mga salita, at natupad ang lahat ng yaon.
11 At sinabi ni Jesus sa kanila: Paanong hindi ninyo naisulat ang bagay na ito, na maraming banal ang nagsibangon at nagpakita sa marami at naglingkod sa kanila?
12 At ito ay nangyari na naalala ni Nephi na hindi naisulat ang bagay na ito.
13 At ito ay nangyari na iniutos ni Jesus na isulat ito; kaya nga, ito ay isinulat alinsunod sa kanyang iniutos.
14 At ngayon, ito ay nangyari na nang maipaliwanag ni Jesus ang lahat ng banal na kasulatan sa kabuuan, na kanilang isinulat, kanyang iniutos sa kanila na nararapat nilang ituro ang mga bagay na ipinaliwanag niya sa kanila.