Kabanata 24
Ihahanda ng sugo ng Panginoon ang daan para sa Ikalawang Pagparito—Si Cristo ay uupo sa paghahatol—Inutusan ang Israel na magbayad ng mga ikapu at handog—Isang aklat ng alaala ang iniingatan—Ihambing sa Malakias 3. Mga A.D. 34.
1 At ito ay nangyari na kanyang iniutos sa kanila na nararapat nilang isulat ang mga salitang ibinigay ng Ama kay Malakias, na kanyang sasabihin sa kanila. At ito ay nangyari na matapos maisulat ang mga iyon, kanyang ipinaliwanag ang mga yaon. At ito ang mga salitang kanyang sinabi sa kanila, sinasabing: Ganito ang sinabi ng Ama kay Malakias—Dinggin, ipadadala ko ang aking sugo, at kanyang ihahanda ang daan para sa akin, at ang Panginoong inyong hinahanap ay paroroong bigla sa kanyang templo, maging ang sugo ng tipan, na inyong kinalulugdan; dinggin, siya ay paparito, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
2 Ngunit sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagparito, at sino ang makapananatili kapag siya ay magpakita? Sapagkat siya ay tulad ng apoy ng isang maglalantay, at tulad ng sabon ng isang tagapagpaputi ng lana.
3 At siya ay kikilos bilang maglalantay at tagapagpadalisay ng pilak; at kanyang dadalisayin ang mga anak na lalaki ni Levi, at pakikinisin sila tulad ng ginto at pilak, upang sila ay makapag-alay sa Panginoon ng handog sa pagkamatwid.
4 Sa gayon magiging kalugud-lugod sa Panginoon ang handog ng Juda at Jerusalem, tulad noong sinauna, at tulad ng mga taong lumipas.
5 At ako ay lalapit sa inyo sa paghatol; at ako ay magiging handang saksi laban sa mga mangkukulam, at laban sa mga nakikiapid, at laban sa mga bulaang saksi, at laban sa mga yaong dinaraya ang upahan sa kanyang pasahod, ang balo at mga walang ama, at sa nagsasaisantabi sa dayuhan, at walang takot sa akin, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
6 Sapagkat ako ang Panginoon, hindi ako nagbabago; kaya nga kayong mga anak na lalaki ni Jacob ay hindi matutupok.
7 Maging mula noong mga araw ng inyong mga ama, kayo ay lumihis sa aking mga ordenansa, at hindi ninyo sinunod ang mga yaon. Magbalik kayo sa akin at ako ay magbabalik sa inyo, wika ng Panginoon ng mga Hukbo. Ngunit inyong sinabi: Sa paanong paraan po kami makababalik?
8 Mananakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunman, inyo akong ninakawan. Ngunit inyong sinasabi: Sa paanong paraan po namin kayo ninakawan? Sa mga ikapu at handog.
9 Kayo ay isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninakawan ninyo ako, maging ang buong bansang ito.
10 Dalhin ninyo ang lahat ng ikapu sa kamalig, nang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at subukan ninyo ako ngayon, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga durungawan ng langit, at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na lugar na mapaglalagyan nito.
11 At aking sasawayin ang maninila para sa inyong mga kapakanan, at hindi niya sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; ni hindi mahuhulog ang bunga ng inyong ubasan sa mga bukid nang wala sa panahon, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
12 At tatawagin kayong pinagpala ng lahat ng bansa sapagkat kayo ay magiging isang kalugud-lugod na lupain, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
13 Ang inyong mga salita ay naging lapastangan laban sa akin, wika ng Panginoon. Gayunman, inyong sinasabi: Ano po ang aming sinabi laban sa inyo?
14 Inyong sinabi: Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos, at ano ang kapakinabangan na aming sundin ang kanyang mga ordenansa at na lumakad kami na nagdadalamhati sa harapan ng Panginoon ng mga Hukbo?
15 At ngayon, tinatawag namin ang palalo na masaya; oo, sila na gumagawa ng kasamaan ay matagumpay; oo, sila na tumutukso sa Diyos ay naligtas pa.
16 Sa gayon, sila na may takot sa Panginoon ay madalas na nakipag-usap sa isa’t isa, at napansin at narinig ng Panginoon; at isang aklat ng alaala ang isinulat sa harapan niya para sa kanila na may takot sa Panginoon, at gumunita sa kanyang pangalan.
17 At sila ay magiging akin, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, sa araw na yaon kung kailan aking titipunin ang aking mga hiyas; at akin silang ililigtas tulad ng isang lalaking nagliligtas ng kanyang sariling anak na naglilingkod sa kanya.
18 Sa gayon kayo magbabalik at mahihiwatigan ang pagkakaiba ng matwid at ng masama, sa pagitan niya na naglilingkod sa Diyos at siya na hindi naglilingkod sa kanya.