Kabanata 26
Ipinaliwanag ni Jesus ang lahat ng bagay mula sa simula hanggang sa katapusan—Nangusap ang mga sanggol at bata ng mga kagila-gilalas na bagay na hindi maaaring isulat—Silang nasa Simbahan ni Cristo ay may pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila. Mga A.D. 34.
1 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, ipinaliwanag niya ang mga yaon sa maraming tao; at kanyang ipinaliwanag ang lahat ng bagay sa kanila, kapwa ang napakahalaga at ang hindi gaanong mahalaga.
2 At kanyang winika: Ang mga banal na kasulatang ito, na wala sa inyo, ay iniutos ng Ama na ibigay ko sa inyo; sapagkat karunungan sa kanya na ibigay ang mga ito sa mga darating na salinlahi.
3 At kanyang ipinaliwanag ang lahat ng bagay, maging mula sa simula hanggang sa panahon na siya ay paparito sa kanyang kaluwalhatian—oo, maging ang lahat ng bagay na mangyayari sa balat ng lupa, maging hanggang sa matunaw ang mga elemento sa matinding init, at mabilot ang lupa tulad ng balumbon na pergamino, at lilipas ang langit at ang lupa;
4 At maging sa dakila at huling araw, kung kailan ang lahat ng tao, at lahat ng lahi, at lahat ng bansa at wika ay tatayo sa harapan ng Diyos, upang hatulan sa kanilang mga gawa, maging mabuti man yaon o maging yaon man ay masama—
5 Kung sila ay mabubuti, sa pagkabuhay na mag-uli ng buhay na walang hanggan; at kung sila ay masasama, sa pagkabuhay na mag-uli ng kapahamakan; na magkahanay, ang isa sa isang dako at ang isa pa sa kabilang dako, alinsunod sa awa, at sa katarungan, at sa kabanalan na na kay Cristo, na buhay na bago pa nagsimula ang daigdig.
6 At ngayon, hindi maaaring isulat sa aklat na ito maging ang ika-isandaang bahagi ng mga bagay na tunay na itinuro ni Jesus sa mga tao;
7 Ngunit dinggin, ang mga lamina ni Nephi ay naglalaman ng higit na malaking bahagi ng mga bagay na kanyang itinuro sa mga tao.
8 At ang mga bagay na ito ay isinulat ko, na higit na maliit na bahagi ng mga bagay na kanyang itinuro sa mga tao; at isinulat ko ang mga iyon sa layuning muling madala ang mga yaon sa mga taong ito, mula sa mga Gentil, alinsunod sa mga salitang winika ni Jesus.
9 At kapag kanilang natanggap na ito, na mahalagang mapasakanila muna, upang subukin ang kanilang pananampalataya, at kung mangyayari na sila ay maniniwala sa mga bagay na ito, sa gayon ang mga bagay na higit na dakila ay ipaaalam sa kanila.
10 At kung mangyayari na sila ay hindi maniniwala sa mga bagay na ito, sa gayon, ang mga bagay na higit na dakila ay ipagkakait sa kanila, tungo sa paghatol sa kanila.
11 Dinggin, isusulat ko na sana ang mga yaon, lahat ng nakaukit sa mga lamina ni Nephi, ngunit ipinagbawal ito ng Panginoon, sinasabing: Susubukin ko ang pananampalataya ng aking mga tao.
12 Samakatwid, ako, si Mormon, ay isinusulat ang mga bagay na iniutos sa akin ng Panginoon. At ngayon, ako, si Mormon, ay nagtatapos sa aking mga pananalita, at magpapatuloy sa pagsulat sa mga bagay na iniutos sa akin.
13 Samakatwid, nais kong inyong maunawaan na tunay na tinuruan ng Panginoon ang mga tao, sa loob ng tatlong araw; at pagkatapos niyon ay ipinakita niya ang kanyang sarili sa kanila nang madalas, at madalas na nagpira-piraso ng tinapay, at binasbasan ito, at ibinigay ito sa kanila.
14 At ito ay nangyari na nagturo at naglingkod siya sa mga anak ng maraming tao na nabanggit, at kanyang kinalagan ang kanilang mga dila, at sila ay nangusap sa kanilang mga ama ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay, maging higit na dakila kaysa sa kanyang inihayag sa mga tao; at kinalagan niya ang kanilang mga dila nang sila ay makapangusap.
15 At ito ay nangyari na matapos siyang umakyat sa langit—sa ikalawang pagkakataon na ipinakita niya ang kanyang sarili sa kanila, at nagtungo sa Ama, matapos pagalingin ang lahat ng kanilang mga may karamdaman, at ang kanilang mga pilay, at buksan ang mga mata ng kanilang mga bulag at alisin ang bara sa mga tainga ng mga bingi, at maging magawa ang lahat ng uri ng mga pagpapagaling sa kanila, at ibangon ang isang lalaki mula sa mga patay, at ipakita ang kanyang kapangyarihan sa kanila, at umakyat sa Ama—
16 Dinggin, ito ay nangyari na kinabukasan, nagtipun-tipong magkakasama ang maraming tao, at kapwa nila nakita at narinig ang mga batang ito; oo, maging ang mga sanggol ay nagbukas ng kanilang mga bibig at nangusap ng mga kagila-gilalas na bagay; at ang mga bagay na kanilang winika ay ipinagbawal na isulat ng sinumang tao.
17 At ito ay nangyari na nagsimula ang mga disipulong pinili ni Jesus magbuhat sa panahong yaon na magbinyag at magturo sa kasindami ng lumapit sa kanila; at kasindami ng nagpabinyag sa pangalan ni Jesus ay napuspos ng Espiritu Santo.
18 At marami sa kanila ang nakakita at nakarinig ng mga bagay na hindi masasambit, na hindi pinahihintulutang isulat.
19 At sila ay nagturo, at naglingkod sa isa’t isa; at sa lahat ng bagay ay may pagkakapantay-pantay sa kanila, bawat tao ay nakikitungo nang makatarungan sa isa’t isa.
20 At ito ay nangyari na isinagawa nila ang lahat ng bagay maging katulad ng iniutos ni Jesus sa kanila.
21 At sila na nabinyagan sa pangalan ni Jesus ay tinawag na simbahan ni Cristo.