Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 27


Kabanata 27

Iniutos ni Jesus na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan—Ang Kanyang misyon at pagbabayad-salang hain ang bumubuo ng Kanyang ebanghelyo—Ang mga tao ay inuutusang magsisi at magpabinyag upang mapadalisay sila ng Espiritu Santo—Nararapat silang maging katulad ni Jesus. Mga A.D. 34–35.

1 At ito ay nangyari na samantalang naglalakbay ang mga disipulo ni Jesus at ipinangangaral ang mga bagay na kapwa nila nakita at narinig, at nagbibinyag sa pangalan ni Jesus, ito ay nangyari na ang mga disipulo ay magkakasamang nagtipon at nagkaisa sa mataimtim na panalangin at pag-aayuno.

2 At muling ipinakita ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat sila ay nananalangin sa Ama sa kanyang pangalan; at si Jesus ay dumating at tumayo sa gitna nila, at sinabi sa kanila: Ano ang nais ninyong ibigay ko sa inyo?

3 At kanilang sinabi sa kanya: Panginoon, nais po naming sabihin ninyo sa amin ang pangalan kung paano namin tatawagin ang simbahang ito; sapagkat may mga pagtatalo po sa mga tao hinggil sa bagay na ito.

4 At sinabi ng Panginoon sa kanila: Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, bakit kinakailangang bumulung-bulong at magtalo ang mga tao dahil sa bagay na ito?

5 Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing kailangan ninyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan? Sapagkat sa pangalang ito kayo tatawagin sa huling araw;

6 At sinuman ang magtataglay ng aking pangalan, at magtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas sa huling araw.

7 Samakatwid, anuman ang inyong gagawin, gawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan; at kayo ay mananawagan sa Ama sa aking pangalan upang kanyang pagpalain ang simbahan alang-alang sa akin.

8 At paano ito magiging aking simbahan maliban kung tatawagin ito sa pangalan ko? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinawag sa pangalan ni Moises, kung gayon, simbahan iyon ni Moises; o kung iyon ay tinawag sa pangalan ng tao, kung gayon, simbahan iyon ng tao; ngunit kung tatawagin ito sa aking pangalan, kung gayon, ito ay aking simbahan, kung mangyayari na ang mga ito ay nakatayo sa aking ebanghelyo.

9 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay nakatayo sa aking ebanghelyo; kaya nga, inyong tatawagin ang anumang mga bagay na inyong tatawagin sa aking pangalan; kaya nga, kapag kayo ay nananawagan sa Ama, para sa simbahan, kung ito ay sa aking pangalan, diringgin kayo ng Ama;

10 At kung mangyayari na ang simbahan ay nakatayo sa aking ebanghelyo, kung gayon, ipakikita ng Ama ang kanyang sariling mga gawain dito.

11 Ngunit kung hindi ito nakatayo sa aking ebanghelyo, at nakatayo sa mga gawa ng tao, o sa mga gawa ng diyablo, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na mayroon silang kagalakan sa kanilang mga gawa nang kaunting panahon, at maya-maya, darating ang wakas, at sila ay puputulin at ihahagis sa apoy, kung saan walang makababalik.

12 Sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila, sapagkat pinuputol sila dahil sa kanilang mga gawa; kaya nga, tandaan ang mga bagay na sinabi ko sa inyo.

13 Dinggin, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.

14 At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay itaas sa krus; at pagkatapos niyon, itinaas ako sa krus, nang mapalapit ko ang lahat ng tao sa akin, upang tulad ng pagtataas sa akin ng mga tao, gayundin itataas ng aking Ama ang mga tao, upang tumayo sa harapan ko, nang mahatulan sa kanilang mga gawa, maging mabuti man yaon o maging masama man yaon—

15 At sa dahilang ito ako ipinako; kaya nga, alinsunod sa kapangyarihan ng Ama ay palalapitin ko ang lahat ng tao sa akin, upang mahatulan sila alinsunod sa kanilang mga gawa.

16 At ito ay mangyayari, na sinuman ang magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan ay mapupuspos; at kung magtitiis siya hanggang wakas, dinggin, pawawalan ko siya ng sala sa harapan ng aking Ama sa panahong yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan.

17 At siya na hindi magtitiis hanggang wakas, siya rin ay puputulin at ihahagis sa apoy, kung saan sila ay hindi na makababalik pa, dahil sa katarungan ng Ama.

18 At ito ang salitang kanyang ibinigay sa mga anak ng tao. At sa dahilang ito niya tinutupad ang mga salitang kanyang ibinigay, at hindi siya nagsisinungaling, kundi tinutupad ang lahat ng kanyang mga salita.

19 At walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian; kaya nga walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban ang mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.

20 Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay magawang-banal sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.

21 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo; at alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawaing nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin; sapagkat ang yaong nakita ninyong ginawa ko, maging gayundin ang gagawin ninyo;

22 Samakatwid, kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo, sapagkat kayo ay dadakilain sa huling araw.

23 Isulat ang mga bagay na inyong nakita at narinig, maliban doon sa mga ipinagbabawal.

24 Isulat ang mga gawain ng mga taong ito, na mangyayari, maging katulad ng mga naisulat na, tungkol sa mga nangyari na.

25 Anupa’t dinggin, alinsunod sa mga aklat na naisulat na, at isusulat pa, hahatulan ang mga taong ito, sapagkat sa pamamagitan ng mga yaon maipahahayag ang kanilang mga gawa sa mga tao.

26 At dinggin, ang lahat ng bagay ay isinulat ng Ama; kaya nga, alinsunod sa mga aklat na isusulat hahatulan ang sanlibutan.

27 At alam ninyo na kayo ay magiging mga hukom ng mga taong ito, alinsunod sa kahatulan na aking ibibigay sa inyo, na magiging makatarungan. Samakatwid, maging anong uri ng mga tao ba dapat kayo? Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, maging tulad ko.

28 At ngayon, ako ay patutungo sa Ama. At katotohanan, sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang hihingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo.

29 Samakatwid, humingi, at kayo ay tatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan; sapagkat siya na humihingi ay tumatanggap; at siya na kumakatok ay pagbubuksan.

30 At ngayon, dinggin, ang aking kagalakan ay lubos, maging hanggang sa kapunuan, dahil sa inyo, at gayundin sa salinlahing ito; oo, at maging ang Ama ay nagsasaya, at gayundin ang lahat ng banal na anghel, dahil sa inyo at sa salinlahing ito; sapagkat wala sa kanila ang naliligaw.

31 Dinggin, nais kong inyong maunawaan; sapagkat ang tinutukoy ko ay sila na nabubuhay ngayon sa salinlahing ito; at wala sa kanila ang naliligaw; at sa kanila ay ganap ang aking kagalakan.

32 Ngunit dinggin, ako ay nagdadalamhati dahil sa ikaapat na salinlahi mula sa salinlahing ito, sapagkat sila ay naakay palayo na bihag niya maging tulad ng anak na lalaki ng kapahamakan; sapagkat ipagpapalit nila ako sa pilak at sa ginto, at sa yaong sinisira ng tangà at sa yaong mapapasok at mananakaw ng mga magnanakaw. At sa araw na iyon ay dadalawin ko sila, maging sa pagbabalik ng kanilang mga gawa sa kanilang mga sariling ulo.

33 At ito ay nangyari na nang matapos si Jesus sa mga salitang ito, sinabi niya sa kanyang mga disipulo: Magsipasok kayo sa makipot na pasukan; sapagkat makipot ang pasukan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong nito; ngunit maluwang ang pasukan, at malawak ang daan na patungo sa kamatayan, at marami ang maglalakbay papasok dito, hanggang sa sumapit ang gabi, kung kailan walang taong makagagawa pa.