Kabanata 28
Ang siyam sa labindalawang disipulo ay nagnais at pinangakuan ng mana sa kaharian ni Cristo sa kanilang pagkamatay—Ang Tatlong Nephita ay nagnais at pinagkalooban ng kapangyarihan sa kamatayan upang manatili sila sa lupa hanggang sa muling pumarito si Jesus—Sila ay nagbagong-kalagayan at nakakita ng mga bagay na labag sa batas na bigkasin, at naglilingkod sila ngayon sa mga tao. Mga A.D. 34–35.
1 At ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, siya ay nangusap sa kanyang mga disipulo, isa-isa, sinasabi sa kanila: Ano ang inyong hihilingin sa akin matapos na ako ay pumaroon sa Ama?
2 At silang lahat ay nangusap, maliban sa tatlo, sinasabing: Hinihiling po namin na pagkatapos naming mabuhay hanggang sa gulang ng tao, na ang aming ministeryo, kung saan po ninyo kami tinawag, ay magkaroon ng wakas, upang mabilis po kaming makatungo sa inyo sa inyong kaharian.
3 At kanyang sinabi sa kanila: Pinagpala kayo dahil sa hiniling ninyo ang bagay na ito sa akin; kaya nga, matapos na kayo ay maging pitumpu’t dalawang taong gulang, kayo ay paroroon sa akin sa aking kaharian; at sa akin ninyo matatagpuan ang kapahingahan.
4 At nang siya ay makapangusap na sa kanila, ibinaling niya ang kanyang sarili sa tatlo, at sinabi sa kanila: Ano ang nais ninyong gawin ko para sa inyo, kapag ako ay pumaroon na sa Ama?
5 At sila ay nalungkot sa kanilang mga puso, sapagkat hindi nila mapangahasang sabihin sa kanya ang bagay na kanilang ninanais.
6 At kanyang sinabi sa kanila: Dinggin, nalalaman ko ang inyong mga iniisip, at inyong nais ang bagay na hiniling sa akin ni Juan, na aking pinakamamahal, na nakasama ko sa aking ministeryo, bago ako ipinako ng mga Judio.
7 Samakatwid, higit kayong pinagpala, sapagkat hindi kayo kailanman makatitikim ng kamatayan; kundi kayo ay mabubuhay upang mamasdan ang lahat ng gawa ng Ama sa mga anak ng tao, maging hanggang sa matupad ang lahat ng bagay alinsunod sa kalooban ng Ama, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian taglay ang mga kapangyarihan ng langit.
8 At hindi ninyo kailanman mararanasan ang mga kirot ng kamatayan; kundi sa pagparito ko sa aking kaluwalhatian, kayo ay mababago sa isang kisapmata mula sa pagiging may kamatayan sa pagiging walang kamatayan; at pagkatapos, kayo ay pagpapalain sa kaharian ng aking Ama.
9 At bukod pa riyan, hindi kayo makararanas ng kirot habang kayo ay nananahan sa laman, ni kalungkutan, maliban lamang kung dahil ito sa mga kasalanan ng sanlibutan; at lahat ng ito ay gagawin ko dahil sa bagay na hiniling ninyo sa akin, sapagkat ninais ninyo na makapagdala kayo ng mga kaluluwa ng tao sa akin, habang ang daigdig ay nakatindig.
10 At sa dahilang ito, kayo ay magkakaroon ng ganap na kagalakan; at kayo ay uupo sa kaharian ng aking Ama; oo, ang inyong kagalakan ay malulubos, maging katulad ng pagbigay ng Ama sa akin ng ganap na kagalakan; at kayo ay magiging tulad ko, at maging ako ay tulad ng Ama; at ang Ama at ako ay isa;
11 At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa akin; at ibinigay ng Ama ang Espiritu Santo sa mga anak ng tao dahil sa akin.
12 At ito ay nangyari na nang matapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, hinipo niya ng kanyang daliri ang bawat isa sa kanila maliban sa tatlong mananatili, at pagkatapos, siya ay lumisan.
13 At dinggin, nabuksan ang kalangitan, at sila ay dinala sa langit, at nakakita at nakarinig ng mga bagay na hindi maaaring bigkasin.
14 At iyon ay ipinagbawal sa kanila na bigkasin nila; ni hindi rin sila binigyan ng kapangyarihan na mabigkas nila ang mga bagay na kanilang nakita at narinig;
15 At kung sila man ay nasa katawan o wala sa katawan, hindi nila masabi; sapagkat tila bagang sa kanila, ito ay mistulang pagbabagong-anyo nila, na nabago sila mula sa katawang laman na ito tungo sa kalagayang walang kamatayan, kaya’t kanilang nagawang mamasdan ang mga bagay ng Diyos.
16 Ngunit ito ay nangyari na muli silang nangaral sa balat ng lupa; gayunpaman, hindi sila nangaral tungkol sa mga bagay na kanilang narinig at nakita, dahil sa kautusang ibinigay sa kanila sa langit.
17 At ngayon, kung sila man ay may kamatayan o walang kamatayan, mula sa araw ng kanilang pagbabagong-anyo, hindi ko alam;
18 Ngunit ito lamang ang nalalaman ko, alinsunod sa talaang ibinigay—sila ay humayo sa ibabaw ng lupain, at naglingkod sa lahat ng tao, ibinuklod sa simbahan ang kasindami ng naniwala sa kanilang pangangaral; binibinyagan sila, at kasindami ng nabinyagan ay tumanggap ng Espiritu Santo.
19 At sila ay itinapon sa bilangguan ng mga yaong hindi kabilang sa simbahan. At hindi sila mapigilan ng mga bilangguan, sapagkat ang mga yaon ay nahati sa dalawa.
20 At inihulog sila sa hukay sa lupa; ngunit kanilang inutusan ang lupa gamit ang salita ng Diyos, kung kaya’t sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, sila ay nakalaya sa kailaliman ng lupa; at kaya nga hindi sila makahukay ng mga butas na sapat upang pumigil sa kanila.
21 At tatlong ulit silang inihagis sa hurno at hindi nasaktan.
22 At dalawang ulit silang inihagis sa lungga ng mababangis na hayop; at dinggin, sila ay nakipaglaro sa mga hayop tulad ng isang musmos sa pasusuhing kordero at hindi nasaktan.
23 At ito ay nangyari na sa gayon sila humayo sa lahat ng tao ni Nephi, at ipinangaral ang ebanghelyo ni Cristo sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupain; at sila ay nagbalik-loob sa Panginoon, at sumapi sa simbahan ni Cristo, at sa gayon pinagpala ang mga tao ng salinlahing yaon, alinsunod sa mga salita ni Jesus.
24 At ngayon, ako, si Mormon, ay pansamantalang tinatapos ang pagsasalita hinggil sa mga bagay na ito.
25 Dinggin, isusulat ko na sana ang mga pangalan ng mga yaong hindi kailanman makatitikim ng kamatayan, ngunit ipinagbawal ng Panginoon; kaya nga, hindi ko isinulat ang mga yaon, sapagkat sila ay nakukubli sa sanlibutan.
26 Ngunit dinggin, nakita ko na sila, at sila ay nagsipaglingkod sa akin.
27 At dinggin, sila ay mapapasa mga Gentil, at hindi sila makikilala ng mga Gentil.
28 At sila rin ay mapapasa mga Judio, at hindi sila makikilala ng mga Judio.
29 At ito ay mangyayari, kapag nakita ng Panginoon sa kanyang karunungan na nararapat na silang maglingkod sa lahat ng nangagkalat na mga lipi ng Israel, at sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao, at magdala mula sa kanila tungo kay Jesus ng maraming kaluluwa, upang ang kanilang hangarin ay matupad, at gayundin dahil sa nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Diyos na nasa kanila.
30 At sila ay tulad ng mga anghel ng Diyos, at kung mananalangin sila sa Ama sa pangalan ni Jesus, maaari nilang ipakita ang kanilang sarili sa kaninumang tao na inaakala nilang makabubuti.
31 Samakatwid, mga dakila at kagila-gilalas na gawa ang gagawin nila, bago ang dakila at darating na araw kung kailan ang lahat ng tao ay tiyak na tatayo sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo;
32 Oo, maging sa mga Gentil ay magkakaroon ng isang dakila at kagila-gilalas na gawa na kanilang gagawin, bago ang yaong araw ng paghuhukom.
33 At kung mayroon kayo ng lahat ng banal na kasulatan na nagbibigay-ulat sa lahat ng kagila-gilalas na mga gawa ni Cristo, malalaman ninyo, ayon sa mga salita ni Cristo, na ang mga bagay na ito ay tiyak na magaganap.
34 At sa aba niya na hindi makikinig sa mga salita ni Jesus, at gayundin sa kanila na kanyang mga pinili at isinugo sa kanila; sapagkat sinuman ang hindi tatanggap sa mga salita ni Jesus at sa mga salita nila na kanyang isinugo ay hindi tumatanggap sa kanya; at kaya nga, hindi niya sila tatanggapin sa huling araw;
35 At higit na mabuti pa para sa kanila kung hindi na sila isinilang. Sapagkat inaakala ba ninyo na maaari ninyong iwasan ang katarungan ng isang nagdaramdam na Diyos, na niyurakan sa ilalim ng mga paa ng tao, nang sa gayong paraan ay maaaring dumating ang kaligtasan?
36 At ngayon, dinggin, tulad ng sinabi ko hinggil sa mga yaong pinili ng Panginoon, oo, maging ang tatlong dinala sa kalangitan, na hindi ko alam kung sila ay nalinis mula sa pagiging may kamatayan tungo sa kawalang-kamatayan—
37 Datapwat dinggin, mula nang ako ay sumulat, nagtanong ako sa Panginoon, at kanyang ipinaalam sa akin na talagang kinakailangang may gawing pagbabago sa kanilang mga katawan, o kung hindi, talagang kinakailangang makatikim sila ng kamatayan;
38 Samakatwid, upang hindi sila makatikim ng kamatayan, may ginawang pagbabago sa kanilang mga katawan, upang huwag silang magdanas ng kirot o kalungkutan maliban lamang kung dahil ito sa mga kasalanan ng sanlibutan.
39 Ngayon, ang pagbabagong ito ay hindi kapantay ng yaong mangyayari sa huling araw; ngunit may pagbabagong ginawa sa kanila, kung kaya nga’t si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa kanila, na hindi niya sila matutukso; at sila ay ginawang banal sa laman, kaya nga sila ay mga banal, at kaya nga hindi sila mapipigilan ng mga kapangyarihan ng mundo.
40 At sa ganitong kalagayan sila mananatili hanggang sa araw ng paghuhukom ni Cristo; at sa araw na yaon, sila ay tatanggap ng higit na malaking pagbabago, at tatanggapin sa kaharian ng Ama upang hindi na lumisan pa, kundi mananahanan kasama ng Diyos magpasawalang hanggan sa kalangitan.