Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 29


Kabanata 29

Isang palatandaan ang paglabas ng Aklat ni Mormon na ang Panginoon ay nagsimula nang tipunin ang Israel at tuparin ang Kanyang mga tipan—Sila na tatanggi sa Kanyang mga paghahayag sa huling araw at sa mga kaloob ay susumpain. Mga A.D. 34–35.

1 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo na kapag nakita ng Panginoon sa kanyang karunungan na nararapat nang ipahayag ang mga salitang ito sa mga Gentil alinsunod sa kanyang salita, sa gayon ninyo malalaman na ang tipang ginawa ng Ama sa mga anak ni Israel, hinggil sa kanilang pagpapanumbalik sa mga lupaing kanilang mana, ay nagsisimula nang matupad.

2 At malalaman ninyo na ang mga salita ng Panginoon, na winika ng mga banal na propeta, ay matutupad na lahat; at hindi na ninyo kinakailangang sabihin na inaantala ng Panginoon ang kanyang pagparito sa mga anak ni Israel.

3 At hindi ninyo kinakailangang isipin sa inyong mga puso na ang mga salitang winika ay walang saysay, sapagkat dinggin, aalalahanin ng Panginoon ang tipang ginawa niya sa kanyang mga tao sa sambahayan ni Israel.

4 At kapag inyong napagtanto na ang mga salitang ito ay ipinahahayag sa inyo, sa gayon, hindi na ninyo kinakailangan pang itatwa ang mga gawain ng Panginoon, sapagkat ang espada ng kanyang katarungan ay nasa kanang kamay niya; at dinggin, sa araw na yaon, kung inyong kukutyain ang mga gawain niya, kanyang papapangyarihin na kayo ay maabutan nito.

5 Sa aba niya na kumukutya sa mga gawain ng Panginoon; oo, sa aba niya na ipagkakaila ang Cristo at ang kanyang mga gawain!

6 Oo, sa aba niya na ipagkakaila ang mga paghahayag ng Panginoon, at magsasabing hindi na kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag, o ng propesiya, o ng mga kaloob, o ng mga wika, o ng mga pagpapagaling, o sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo!

7 Oo, at sa aba niya na magsasabi sa araw na yaon, upang makakuha ng yaman, na hindi na magkakaroon pa ng mga himalang gagawin si Jesucristo; sapagkat siya na gagawa nito ay magiging tulad ng anak na lalaki ng kapahamakan, para sa kanya ay walang awa, ayon sa salita ni Cristo!

8 Oo, at hindi na ninyo kailangan pang sutsutan, o kutyain, o laitin ang mga Judio, o sinuman sa labi ng sambahayan ni Israel; sapagkat dinggin, naaalala ng Panginoon ang tipan niya sa kanila, at kanyang gagawin sa kanila ang alinsunod doon sa ipinangako niya.

9 Samakatwid, hindi ninyo nararapat isipin na maaari ninyong ibaling ang kanang kamay ng Panginoon sa kaliwa, upang hindi niya maisagawa ang kahatulan sa ikatutupad ng kanyang ginawang tipan sa sambahayan ni Israel.