Kabanata 5
Ang mga Nephita ay nagsisi at tinalikuran ang kanilang mga kasalanan—Isinulat ni Mormon ang kasaysayan ng kanyang mga tao at inihayag ang walang katapusang salita sa kanila—Titipunin ang Israel mula sa kanyang matagal na pagkakakalat. Mga A.D. 22–26.
1 At ngayon, dinggin, walang nabubuhay na tao sa lahat ng tao ng mga Nephita na nag-alinlangan sa kaliit-liitang salita ng lahat ng banal na propeta na nagsalita; sapagkat nalalaman nila na talagang kinakailangan na ang mga ito ay matupad.
2 At nalalaman nila na talagang kinakailangan na si Cristo ay pumarito, dahil sa maraming palatandaang ibinigay, alinsunod sa mga salita ng mga propeta; at dahil sa mga bagay na nangyari na, nalaman nila na talagang kinakailangang matupad ang lahat ng bagay alinsunod sa yaong nasabi na.
3 Samakatwid, tinalikuran nila ang lahat ng kanilang mga kasalanan, at kanilang mga karumal-dumal na gawain, at kanilang mga pagpapatutot, at pinaglingkuran ang Diyos nang buong pagsusumigasig sa araw at gabi.
4 At ngayon, ito ay nangyari na nang madakip nila ang lahat ng tulisan bilang mga bihag, kung kaya’t walang nakatakas na hindi napatay, itinapon nila ang kanilang mga bihag sa bilangguan, at iniutos na ipangaral ang salita ng Diyos sa kanila; at kasindami ng nagsisi ng kanilang mga kasalanan at nakipagtipan na hindi na sila mamamaslang ng tao ay pinalaya.
5 Subalit kasindami ng hindi nakipagtipan, at nagpatuloy pa ring panatilihin ang mga lihim na pagpaslang sa kanilang mga puso, oo, kasindami ng natagpuang nagbabanta ng masama laban sa kanilang mga kapatid ay hinatulan at pinarusahan alinsunod sa batas.
6 At sa gayon nila winakasan ang lahat ng yaong masama, at lihim, at karumal-dumal na pakikipagsabwatan, kung saan ay labis na maraming kasamaan, at napakaraming pagpaslang ang nagawa.
7 At sa gayon lumipas ang ikadalawampu’t dalawang taon, at gayundin ang ikadalawampu’t tatlong taon, at ang ikadalawampu’t apat, at ang ikadalawampu’t lima; at sa gayon lumipas ang dalawampu’t limang taon.
8 At maraming bagay ang nangyari na sa paningin ng ilan ay dakila at kagila-gilalas; gayunpaman, ang mga ito ay hindi maaaring isulat na lahat sa aklat na ito; oo, ang aklat na ito ay hindi maaaring maglaman ng kahit na ika-isandaang bahagi ng nagawa sa napakaraming tao sa loob ng dalawampu’t limang taon;
9 Subalit dinggin, may mga talaang naglalaman ng lahat ng pangyayari sa mga taong ito; at isang mas maikli subalit totoong ulat ang ibinigay ni Nephi.
10 Samakatwid, ginawa ko ang aking tala ng mga bagay na ito ayon sa talaan ni Nephi, na nauukit sa mga laminang tinatawag na mga lamina ni Nephi.
11 At dinggin, ginagawa ko ang tala sa mga laminang aking ginawa sa pamamagitan ng sarili kong mga kamay.
12 At dinggin, ako ay tinatawag na Mormon, na tinawag alinsunod sa lupain ng Mormon, ang lupain kung saan itinatag ni Alma ang simbahan sa mga tao, oo, ang unang simbahang itinatag sa kanila matapos ang kanilang paglabag.
13 Dinggin, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.
14 At nararapat na ako, alinsunod sa kalooban ng Diyos, nang ang mga panalangin ng mga yaong pumanaw na, na mga banal, ay matupad alinsunod sa kanilang pananampalataya, ay gumawa ng tala ng mga bagay na ito na naganap—
15 Oo, isang maliit na tala tungkol sa yaong naganap mula sa panahong lisanin ni Lehi ang Jerusalem, maging hanggang sa panahong kasalukuyan.
16 Samakatwid, ginagawa ko ang aking tala mula sa mga ulat na ibinigay ng mga yaong nauna sa akin, hanggang sa pagsisimula ng aking araw;
17 At pagkatapos, ako ay gagawa ng tala ng mga bagay na aking nakita ng aking sariling mga mata.
18 At nalalaman ko na ang talang aking ginagawa ay isang matwid at totoong tala; gayunpaman, maraming bagay, na alinsunod sa aming wika, ang hindi namin nagawang isulat.
19 At ngayon, tinatapos ko ang aking sinasabi, na tungkol sa aking sarili, at magpapatuloy na magbigay ng aking ulat tungkol sa mga bagay na nangyari bago pa ang sa akin.
20 Ako si Mormon, at isang tunay na inapo ni Lehi. May dahilan ako na purihin ang aking Diyos at aking Tagapagligtas na si Jesucristo, na dinala niya ang aming mga ama palabas ng lupain ng Jerusalem, (at walang nakaalam nito maliban sa kanyang sarili at ang mga yaong inilabas niya mula sa lupaing yaon) at kanyang binigyan ako at ang aking mga tao ng labis na kaalaman tungo sa kaligtasan ng aming mga kaluluwa.
21 Tunay na pinagpala niya ang sambahayan ni Jacob, at naging maawain sa mga binhi ni Jose.
22 At yamang sinusunod ng mga anak ni Lehi ang kanyang mga kautusan, kanyang pinagpapala sila at pinauunlad sila alinsunod sa kanyang salita.
23 Oo, at tunay na muli siyang magdadala ng isang labi ng mga binhi ni Jose sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos.
24 At tunay na yamang buhay ang Panginoon, titipunin niya mula sa apat na sulok ng mundo ang lahat ng labi ng mga binhi ni Jacob, na nakakalat sa balat ng lupa.
25 At dahil nakipagtipan siya sa buong sambahayan ni Jacob, maging sa gayon matutupad ang tipang ipinakipagtipan niya sa sambahayan ni Jacob sa kanyang sariling takdang panahon, tungo sa pagpapanumbalik ng buong sambahayan ni Jacob sa kaalaman ng tipang ipinakipagtipan niya sa kanila.
26 At doon nila makikilala ang kanilang Manunubos, na si Jesucristo, ang Anak ng Diyos; at doon sila titipunin mula sa apat na sulok ng mundo sa kanilang sariling mga lupain, kung saan sila ikinalat; oo, yamang buhay ang Panginoon, mangyayari nga ito. Amen.