Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 6


Kabanata 6

Umunlad ang mga Nephita—Nagsimula ang kapalaluan, pagyaman, at pagtatangi sa mga tao—Nahati ang Simbahan ng mga pagtitiwalag—Pinamunuan ni Satanas ang mga tao sa hayagang paghihimagsik—Maraming propeta ang nangaral ng pagsisisi at pinatay—Nakipagsabwatan ang mga pumaslang sa kanila na pabagsakin ang pamahalaan. Mga A.D. 26–30.

1 At ito ay nangyari na nagsibalik na lahat ang mga tao ng mga Nephita sa kanilang sariling mga lupain sa ikadalawampu’t anim na taon, bawat lalaki, kasama ang kanyang mag-anak, kanyang mga kawan ng tupa at kanyang mga kawan ng baka, kanyang mga kabayo at kanyang mga baka, at lahat ng bagay na pag-aari nila.

2 At ito ay nangyari na hindi nila naubos ang lahat ng kanilang mga pagkain; kaya nga dinala nila ang lahat ng hindi nila nakain, ang lahat ng kanilang butil ng bawat uri, at kanilang ginto, at kanilang pilak, at lahat ng kanilang mamahaling bagay, at sila ay bumalik sa kanilang sariling mga lupain at kanilang mga pag-aari, kapwa sa hilaga at sa timog, kapwa sa lupaing kahilagaan at sa lupaing katimugan.

3 At pinagkalooban nila ang mga yaong tulisang nakipagtipan na pananatilihin ang kapayapaan ng lupain, na nagnanais na manatiling mga Lamanita, ng mga lupain, alinsunod sa kanilang bilang, upang sila ay magkaroon, sa pamamagitan ng kanilang mga pagsusumikap, ng kanilang ikabubuhay; at sa gayon nila naitatag ang kapayapaan sa buong lupain.

4 At muli silang nagsimulang umunlad at maging makapangyarihan; at ang ikadalawampu’t anim at pitong taon ay lumipas, at nagkaroon ng malawakang kaayusan sa lupain; at binuo nila ang kanilang mga batas alinsunod sa pagkakapantay-pantay at katarungan.

5 At ngayon, walang anumang bagay sa buong lupain ang makapipigil sa mga tao mula sa patuloy na pag-unlad, maliban kung mahuhulog sila sa paglabag.

6 At ngayon, si Gidgiddoni, at ang hukom na si Laconeo, at ang mga yaong naatasang maging pinuno, ang mga nagtatag ng malawakang kapayapaang ito sa lupain.

7 At ito ay nangyari na maraming lungsod ang itinayong muli, at maraming lumang lungsod ang inayos.

8 At maraming lansangang-bayan ang itinayo, at maraming daan ang ginawa, na nag-uugnay nang lungsod sa lungsod, at lupain sa lupain, at lugar sa lugar.

9 At sa gayon lumipas ang ikadalawampu’t walong taon, at ang mga tao ay nagkaroon ng patuloy na kapayapaan.

10 Subalit ito ay nangyari na sa ikadalawampu’t siyam na taon, nagsimulang magkaroon ng ilang pagtatalu-talo sa mga tao; at ang ilan ay iniangat sa kapalaluan at mga pagmamalaki dahil sa labis-labis nilang kayamanan, oo, maging hanggang sa masidhing pag-uusig;

11 Sapagkat marami ang mangangalakal sa lupain, at marami ring manananggol, at maraming pinuno.

12 At ang mga tao ay nagsimulang makilala sa pamamagitan ng mga katayuan sa buhay, alinsunod sa kanilang yaman at kanilang mga pagkakataong matuto; oo, ang ilan ay mangmang dahil sa kanilang kahirapan, at ang iba ay nakatanggap ng labis na dunong dahil sa kanilang kayamanan.

13 Ang ilan ay iniangat sa kapalaluan, at ang iba ay labis ang pagkamababang-loob; ang iba ay nagkukutyaan, habang ang iba ay tumatanggap ng pangungutya at pag-uusig at lahat ng uri ng paghihirap, at hindi gaganti at muling hahamak pa, kundi naging mapagkumbaba at nagsisisi sa harapan ng Diyos.

14 At sa gayon nagkaroon ng malawakang hindi pagkakapantay-pantay sa buong lupain, hanggang sa nagsimulang mahati ang simbahan; oo, hanggang sa nang sumapit ang ikatatlumpung taon ay nahati ang simbahan sa buong lupain maliban sa ilan sa mga Lamanita na nagbalik-loob sa totoong pananampalataya; at ayaw nilang iwanan ito, sapagkat sila ay matitibay, at matatatag, at hindi matitinag, bukal sa loob nang may buong pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.

15 Ngayon, ang dahilan ng kasamaang ito ng mga tao ay ito—Si Satanas ay may malakas na kapangyarihan, sa pag-uudyok sa mga tao na gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at sa pag-aangat sa kanila sa kapalaluan, tinutukso sila na maghangad ng kapangyarihan, at karapatan, at mga kayamanan, at ng mga walang kabuluhang bagay ng daigdig.

16 At sa gayon inakay palayo ni Satanas ang mga puso ng mga tao na gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan; kaya nga, sila ay nakatamasa ng kapayapaan sa loob lamang ng iilang taon.

17 At sa gayon, sa pagsisimula ng ikatatlumpung taon—ang mga tao, matapos hayaang matangay sa loob ng mahabang panahon ng mga tukso ng diyablo kung saan niya nais na dalhin sila, at gawin ang anumang kasamaang nais niyang gawin nila—at sa gayon, sa pagsisimula nito, ang ikatatlumpung taon, sila ay nasa kalagayan ng kakila-kilabot na kasamaan.

18 Ngayon, sila ay hindi nagkasala sa kamangmangan, sapagkat nalalaman nila ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, sapagkat ito ay naituro sa kanila; kaya nga sila ay hayagang naghimagsik laban sa Diyos.

19 At ngayon, ito ay sa mga araw ni Laconeo, na anak na lalaki ni Laconeo, sapagkat si Laconeo ang humalili sa luklukan ng kanyang ama at pinamahalaan ang mga tao sa taong yaon.

20 At nagsimulang magkaroon ng mga kalalakihan na binigyang-sigla mula sa langit at isinugo, tumatayo sa mga tao sa buong lupain, nangangaral at pinatototohanan nang buong tapang ang mga kasalanan at kasamaan ng mga tao, at pinatototohanan sa kanila ang hinggil sa pagtubos na gagawin ng Panginoon para sa kanyang mga tao, o sa ibang salita, ang pagkabuhay na mag-uli ni Cristo; at buong tapang na pinatotohanan nila ang kanyang kamatayan at mga pagdurusa.

21 Ngayon, marami sa mga tao ang labis na nagalit dahil sa mga yaong nagpatotoo sa mga bagay na ito; at karamihan sa mga yaong nagagalit ay mga punong hukom, at sila na naging matataas na saserdote at mga manananggol; oo, ang lahat ng yaong manananggol ay nagalit sa mga yaong nagpatotoo sa mga bagay na ito.

22 Ngayon, walang manananggol ni hukom ni mataas na saserdote man ang may kapangyarihang hatulan ang sinuman ng kamatayan maliban kung ang kanilang pagkakahatol ay nilagdaan ng gobernador ng lupain.

23 Ngayon, marami sa mga yaong nagpatotoo ng mga bagay hinggil kay Cristo na nagpatotoo nang buong tapang ang dinakip at ipinapatay nang lihim ng mga hukom, kung kaya’t ang kaalaman ng kanilang kamatayan ay hindi nakarating sa gobernador ng lupain hanggang sa pagkatapos ng kanilang kamatayan.

24 Ngayon, dinggin, ito ay salungat sa mga batas ng lupain, na ang sinumang tao ay patayin maliban kung may karapatan sila mula sa gobernador ng lupain—

25 Samakatwid, isang daing ang idinulog sa lupain ng Zarahemla, sa gobernador ng lupain, laban sa mga hukom na ito na humatol ng kamatayan sa mga propeta ng Panginoon, nang hindi naaalinsunod sa batas.

26 Ngayon, ito ay nangyari na dinakip sila at dinala sa harapan ng hukom, upang hatulan sa mabibigat na pagkakasalang kanilang nagawa, alinsunod sa batas na ibinigay ng mga tao.

27 Ngayon, ito ay nangyari na maraming kaibigan at kaanak ang mga yaong hukom; at ang nalalabi, oo, maging halos lahat ng manananggol at matataas na saserdote, ay sama-samang tinipon ang kanilang sarili, at nakiisa sa mga kaanak ng mga yaong hukom na hahatulan alinsunod sa batas.

28 At sila ay nakipagtipan sa isa’t isa, oo, maging sa yaong tipan na itinatag nila na mga sinauna, kung aling tipan ay ibinigay at pinamahalaan ng diyablo, na magkaisa laban sa lahat ng katwiran.

29 Samakatwid, sila ay nagkaisa laban sa mga tao ng Panginoon, at nakipagtipang lipulin sila, at palayain ang mga yaong nagkasala ng pagpaslang mula sa pagkakahawak ng katarungan, na ipapataw na sana alinsunod sa batas.

30 At nilabag nila ang batas at mga karapatan ng kanilang bayan; at nakipagtipan sila sa isa’t isa na patayin ang gobernador, at magluklok ng isang hari sa lupain, upang ang lupain ay hindi na maging malaya kundi mapapasailalim sa mga hari.