Kabanata 7
Pinaslang ang punong hukom, winasak ang pamahalaan, at nahati-hati ang mga tao sa mga lipi—Si Jacob, isang anti-Cristo, ay naging hari ng lihim na pagsasabwatan—Nangaral si Nephi ng pagsisisi at pananampalataya kay Cristo—Ang mga anghel ay araw-araw na naglingkod sa kanya, at binuhay niya ang kanyang kapatid mula sa mga patay—Marami ang nagsisi at nagpabinyag. Mga A.D. 30–33.
1 Ngayon, dinggin, ipakikita ko sa inyo na hindi sila nagluklok ng hari sa lupain; subalit sa taon ding ito, oo, sa ikatatlumpung taon, sila ay pumatay sa hukumang-luklukan, oo, pinaslang ang punong hukom ng lupain.
2 At ang mga tao ay nahati laban sa isa’t isa; at naghiwa-hiwalay sila sa isa’t isa sa mga lipi, ang bawat tao alinsunod sa kanyang mag-anak at kanyang mga kaanak at kaibigan; at sa gayon nila nawasak ang pamahalaan ng lupain.
3 At ang bawat lipi ay naghirang ng isang puno o isang pinuno sa kanila; at sa gayon sila naging mga lipi at mga pinuno ng mga lipi.
4 Ngayon, dinggin, walang ni isang tao sa kanila ang hindi malaki ang kanyang mag-anak at maraming kaanak at kaibigan; kaya nga, ang kanilang mga lipi ay naging napakalaki.
5 Ngayon, ang lahat ng ito ay naganap, at wala pang mga digmaan sa kanila; at ang lahat ng kasamaang ito ay sumapit sa mga tao dahil isinuko nila ang kanilang sarili sa kapangyarihan ni Satanas.
6 At ang mga panuntunan ng pamahalaan ay nawalan ng bisa, dahil sa lihim na pakikipagsabwatan ng mga kaibigan at kaanak ng mga yaong pumaslang sa mga propeta.
7 At sila ay naging dahilan ng malaking alitan sa lupain, hanggang sa ang higit na matwid na bahagi ng mga tao ay halos malapit nang maging masamang lahat; oo, may iilan lamang na matwid na tao sa kanila.
8 At sa gayon, hindi pa nakalilipas ang anim na taon mula nang ang nakahihigit na bahagi ng mga tao ay tumalikod mula sa kanilang pagkamatwid, tulad ng aso sa kanyang suka, o tulad ng baboy sa kanyang paglulublob sa putik.
9 Ngayon, ang lihim na pagsasabwatang ito, na nagdala ng labis na kasamaan sa mga tao, ay magkakasamang tinipon ang kanilang sarili, at naghirang ng isang pinuno sa kanila na isang lalaking tinawag nilang Jacob;
10 At siya ay hinirang nilang kanilang hari; kaya nga siya ay naging hari sa masamang pangkat na ito; at isa siya sa mga pinakakilalang nagpahayag ng kanyang tinig laban sa mga propeta na nagpatotoo kay Jesus.
11 At ito ay nangyari na hindi sila kasindami sa bilang ng mga lipi ng mga tao, na nagkakaisa maliban sa ang kanilang mga pinuno ang nagpapatupad ng kanilang mga batas, bawat isa alinsunod sa kanyang lipi; gayunpaman, sila ay magkakaaway; sa kabila ng hindi sila mga matwid na tao, gayunman ay nagkakaisa sila sa pagkapoot sa mga yaong nakipagtipang wasakin ang pamahalaan.
12 Anupa’t si Jacob na nakikitang higit na marami ang kanilang mga kaaway kaysa sa kanila, siya bilang hari ng pangkat, kaya nga inutusan niya ang kanyang mga tao na tumakas sila patungo sa pinakahilagang bahagi ng lupain, at doon magtayo sa kanilang sarili ng isang kaharian, hanggang sa umanib sa kanila ang mga tumiwalag, (sapagkat kanyang nilinlang sila na magkakaroon ng maraming magsisitiwalag) at magiging sapat ang kanilang lakas upang makipaglaban sa mga lipi ng mga tao; at ginawa nga nila ito.
13 At napakabilis ng kanilang paghayo kung kaya’t hindi ito nahadlangan hanggang hindi na sila naabutan pa ng mga tao. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpung taon; at gayon ang mga pangyayari sa mga tao ni Nephi.
14 At ito ay nangyari na sa ikatatlumpu’t isang taon, nahati sila sa mga lipi, bawat lalaki alinsunod sa kanyang mag-anak, kaanak, at mga kaibigan; gayunpaman, sila ay nagkasundo na hindi sila makikidigma sa isa’t isa; subalit hindi sila nagkakaisa sa kanilang mga batas, at sa kanilang uri ng pamahalaan, sapagkat ang mga ito ay pinagtibay alinsunod sa pag-iisip ng yaong kanilang mga puno at kanilang mga pinuno. Subalit nagpatupad sila ng napakahihigpit na batas na ang isang lipi ay hindi dapat magkasala laban sa iba, kaya nga’t nagkaroon sila ng kaunting kapayapaan sa lupain; gayunpaman, ang kanilang mga puso ay tumalikod mula sa Panginoon nilang Diyos, at pinagbabato nila ang mga propeta at itinaboy sila mula sa kanila.
15 At ito ay nangyari na si Nephi—na dinalaw ng mga anghel at gayundin ng tinig ng Panginoon, kaya nga dahil sa nakakita ng mga anghel, at naging saksi, at may kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya na malaman niya ang hinggil sa ministeryo ni Cristo, at saksi rin sa kanilang mabilis na pagbalik mula sa katwiran patungo sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain;
16 Anupa’t dahil sa pagdadalamhati na sanhi ng katigasan ng kanilang mga puso at ng pagkabulag ng kanilang mga pag-iisip—ay humayo sa kanila sa taon ding yaon, at nagsimulang magpatotoo, nang buong tapang, ng pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
17 At siya ay nangaral ng maraming bagay sa kanila; at lahat ng ito ay hindi maaaring isulat, at ang isang bahagi ng mga ito ay hindi makasasapat, kaya nga ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. At si Nephi ay nangaral nang may kapangyarihan at may dakilang karapatan.
18 At ito ay nangyari na nagalit sila sa kanya, maging dahil sa nakahihigit ang kanyang kapangyarihan kaysa sa kanila, sapagkat hindi maaaring hindi nila paniwalaan ang kanyang mga salita, sapagkat napakalaki ng kanyang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo kung kaya’t naglilingkod ang mga anghel sa kanya sa araw-araw.
19 At sa pangalan ni Jesus ay nagpalayas siya ng mga diyablo at masasamang espiritu; at maging ang kanyang kapatid na lalaki ay binuhay niya mula sa mga patay, matapos siyang pagbabatuhin at mamatay dahil sa mga tao.
20 At nakita ito ng mga tao, at sumaksi rito, at nagalit sa kanya dahil sa kanyang kapangyarihan; at gumawa rin siya ng marami pang mga himala, sa paningin ng mga tao, sa pangalan ni Jesus.
21 At ito ay nangyari na lumipas ang ikatatlumpu’t isang taon, at kakaunti lamang ang nagbalik-loob sa Panginoon; subalit kasindami ng nagbalik-loob ay tunay na ipinakita sa mga tao na dinalaw sila ng kapangyarihan at Espiritu ng Diyos, na na kay Jesucristo, kung kanino sila ay naniniwala.
22 At kasindami ng may mga diyablong napalayas mula sa kanila, at napagaling mula sa kanilang mga karamdaman at kanilang mga kahinaan, ay tunay na nagpahayag sa mga tao na napasakanila ang Espiritu ng Diyos, at napagaling; at nagpakita rin sila ng mga palatandaan at gumawa ng ilang himala sa mga tao.
23 Sa gayundin lumipas ang ikatatlumpu’t dalawang taon. At si Nephi ay nangaral sa mga tao sa pagsisimula ng ikatatlumpu’t tatlong taon; at siya ay nangaral sa kanila ng pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan.
24 Ngayon, nais kong tandaan din ninyo, na walang sinumang nagsisi ang hindi nabinyagan sa tubig.
25 Samakatwid, may mga inorden si Nephi na mga lalaki sa ministeryong ito upang ang lahat ng yaong lalapit sa kanila ay mabinyagan sa tubig, at ito ay bilang saksi at patotoo sa harapan ng Diyos, at sa mga tao, na sila ay nagsipagsisi at nakatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
26 At marami ang nabinyagan tungo sa pagsisisi sa pagsisimula ng taong ito; at sa gayon lumipas ang malaking bahagi ng taon.