Kabanata 8
Nagpatunay sa pagkakapako kay Cristo ang mga unos, lindol, apoy, buhawi, at pagkakagulo ng kalikasan—Maraming tao ang nalipol—Binalot ng kadiliman ang lupain sa loob ng tatlong araw—Nagdalamhati ang mga nalabi sa kanilang sinapit. Mga A.D. 33–34.
1 At ngayon, ito ay nangyari na ayon sa aming talaan, at alam namin na ang aming talaan ay totoo, sapagkat dinggin, isang matwid na tao ang nag-ingat sa talaan—sapagkat tunay na siya ay gumawa ng maraming himala sa pangalan ni Jesus; at walang sinumang tao ang makagagawa ng himala sa pangalan ni Jesus maliban kung siya ay nalinis sa bawat kaliit-liitang kasamaan niya—
2 At ngayon, ito ay nangyari na kung walang nagawang pagkakamali ang taong ito sa pagbilang ng aming panahon, ang ikatatlumpu’t tatlong taon ay lumipas na;
3 At ang mga tao ay nagsimulang umasa nang buong taimtim sa palatandaang ibinigay ng propetang si Samuel, ang Lamanita, oo, sa panahong magkakaroon ng kadiliman sa loob ng tatlong araw sa ibabaw ng lupain.
4 At nagsimulang magkaroon ng masisidhing pag-aalinlangan at pagtatalo sa mga tao, sa kabila ng maraming palatandaang naibigay na.
5 At ito ay nangyari na sa ikatatlumpu’t apat na taon, sa unang buwan, sa ikaapat na araw ng buwan, nagkaroon ng isang malakas na bagyo, isa na hindi pa kailanman naranasan sa buong lupain.
6 At nagkaroon din ng isang malakas at kakila-kilabot na unos; at nagkaroon ng kakila-kilabot na kulog, kung kaya nga’t niyanig nito ang buong lupa na parang ito ay mabibiyak.
7 At nagkaroon ng lubhang matatalim na kidlat, na hindi pa kailanman nakita sa buong lupain.
8 At ang lungsod ng Zarahemla ay nasunog.
9 At ang lungsod ng Moroni ay lumubog sa kailaliman ng dagat, at ang mga naninirahan doon ay nangalunod.
10 At natabunan ng lupa ang lungsod ng Moronihas, kung kaya’t sa kinalalagyan ng lungsod ay nagkaroon ng isang malaking bundok.
11 At nagkaroon ng isang matindi at kakila-kilabot na pagkawasak sa lupaing patimog.
12 Subalit dinggin, nagkaroon ng higit na matindi at kakila-kilabot na pagkawasak sa lupaing pahilaga; sapagkat dinggin, ang ibabaw ng buong lupain ay nabago dahil sa unos at sa mga buhawi, at sa mga pagkulog at sa mga pagkidlat, at sa napakalubhang pagyanig ng buong lupa;
13 At ang mga lansangang-bayan ay nangawasak, at ang mga pantay na daan ay nasira, at maraming patag na lugar ang naging baku-bako.
14 At maraming dakila at kilalang lungsod ang lumubog, at marami ang nasunog, at marami ang nayanig hanggang sa ang mga gusali roon ay bumagsak sa lupa, at ang mga naninirahan doon ay nangamatay, at ang mga pook ay naiwang mapanglaw.
15 At may ilang mga lungsod na natira; subalit ang pinsala sa mga yaon ay lubhang malaki, at marami sa mga naroon ang nangamatay.
16 At may ilang tinangay ng buhawi; at kung saan man sila naparoon ay walang taong nakaaalam, maliban sa alam nila na sila ay tinangay.
17 At sa gayon naiba ang anyo ng ibabaw ng buong lupain, dahil sa mga unos, at sa mga pagkulog, at sa mga pagkidlat, at sa pagyanig ng lupa.
18 At dinggin, ang mga bato ay nahati sa dalawa; nangabiyak ang mga yaon sa ibabaw ng buong lupain, kung kaya ang mga yaon ay natagpuang pira-piraso, at bitak-bitak at sira-sira, sa ibabaw ng buong lupain.
19 At ito ay nangyari na nang tumigil ang mga pagkulog, at ang mga pagkidlat, at ang bagyo, at ang unos, at ang mga pagyanig ng lupa—sapagkat dinggin, ang mga ito ay tumagal sa loob ng mga tatlong oras; at sinabi ng ilan na ang oras ay higit pa roon; gayunpaman, lahat ng dakila at kakila-kilabot na bagay na ito ay naganap sa loob ng mga tatlong oras—at pagkatapos, dinggin, nagkaroon ng kadiliman sa ibabaw ng lupain.
20 At ito ay nangyari na nagkaroon ng makapal na kadiliman sa ibabaw ng buong lupain, kung kaya’t ang mga naninirahan doon na hindi namatay ay nadama ang ulap ng kadiliman;
21 At hindi maaaring magkaroon ng liwanag, dahil sa kadiliman, ni mga kandila, ni mga sulo; ni hindi makapagsindi ng apoy sa pamamagitan ng kanilang mga napakainam at lubhang tuyong kahoy, kung kaya’t hindi maaaring magkaroon ng anumang liwanag;
22 At walang anumang liwanag na nakita, ni apoy, ni kislap, ni ang araw, ni ang buwan, ni ang mga bituin, sapagkat lubhang napakakapal ng abu-abo ng kadiliman na nasa ibabaw ng lupain.
23 At ito ay nangyari na tumagal sa loob ng tatlong araw na walang liwanag na nakita; at nagkaroon ng matinding pagdadalamhati at paghagulgol at pagtangis sa mga tao nang walang humpay; oo, matindi ang paghihinagpis ng mga tao, dahil sa kadiliman at matinding pagkawasak na sumapit sa kanila.
24 At sa isang dako, sila ay narinig na sumisigaw, sinasabing: O kung kami ay nagsisi bago sumapit ang dakila at kakila-kilabot na araw na ito, at kung nagkagayon ay naligtas sana ang aming mga kapatid, at hindi sana sila nasunog sa yaong dakilang lungsod ng Zarahemla.
25 At sa iba pang dako, sila ay narinig na sumisigaw at nagdadalamhati, sinasabing: O kung kami ay nagsisi bago sumapit ang dakila at kakila-kilabot na araw na ito, at hindi pinatay at binato ang mga propeta, at itinaboy sila; kung nagkagayon ay naligtas sana ang aming mga ina at aming magagandang anak na babae, at aming mga anak, at hindi natabunan sa yaong dakilang lungsod ng Moronihas. At gayon ang paghagulgol ng mga tao, kamangha-mangha at kakila-kilabot.