Kabanata 9
Sa kadiliman, inihayag ng tinig ni Cristo ang pagkawasak ng maraming tao at lungsod dahil sa kanilang kasamaan—Inihayag din Niya ang Kanyang pagka-Diyos, ipinaalam na natupad na ang batas ni Moises, at inanyayahang lumapit ang mga tao sa Kanya at maligtas. Mga A.D. 34.
1 At ito ay nangyari na may tinig na narinig sa lahat ng naninirahan sa lupain, sa ibabaw ng buong lupaing ito, sinasabing:
2 Sa aba, sa aba, sa aba sa mga taong ito; sa aba sa mga naninirahan sa buong mundo maliban kung sila ay magsisisi; sapagkat humahalakhak ang diyablo, at ang kanyang mga anghel ay nagsasaya, dahil sa mga napatay sa mga kaaya-ayang anak na lalaki’t babae ng aking mga tao; at dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain kung kaya’t sila ay bumagsak!
3 Dinggin, ang dakilang lungsod ng Zarahemla ay sinunog ko ng apoy, at ang mga naninirahan doon.
4 At dinggin, ang dakilang lungsod ng Moroni ay ipinag-utos kong lumubog sa kailaliman ng dagat, at ang mga naninirahan doon na mangalunod.
5 At dinggin, ang dakilang lungsod ng Moronihas ay tinabunan ko ng lupa, at ang mga naninirahan doon, upang itago ang kanilang mga kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain mula sa aking harapan, upang ang dugo ng mga propeta at ng mga banal ay hindi na magsumamo sa akin laban sa kanila.
6 At dinggin, ang lungsod ng Gilgal ay ipinag-utos kong lumubog, at ang mga naninirahan doon na malibing sa kailaliman ng lupa;
7 Oo, at ang lungsod ng Onihas at ang mga naninirahan doon, at ang lungsod ng Mocum at ang mga naninirahan doon, at ang lungsod ng Jerusalem at ang mga naninirahan doon; at ipinag-utos ko na mga tubig ang pumalit sa mga yaon, upang itago ang kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain mula sa aking harapan, upang ang dugo ng mga propeta at ng mga banal ay hindi na magsumamo sa akin laban sa kanila.
8 At dinggin, ang lungsod ng Gadiandi, at ang lungsod ng Gadiomnas, at ang lungsod ng Jacob, at ang lungsod ng Gimgimno, ang lahat ng ito ay ipinag-utos kong lumubog, at lumikha ng mga burol at lambak sa mga lugar niyon; at ang mga naninirahan doon ay inilibing ko sa kailaliman ng lupa, upang itago ang kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain mula sa aking harapan, upang ang dugo ng mga propeta at ng mga banal ay hindi na magsumamo sa akin laban sa kanila.
9 At dinggin, ang dakilang lungsod ng Jacobugat, na tinitirahan ng mga tao ni haring Jacob, ay ipinag-utos kong masunog ng apoy dahil sa kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan, na nakahihigit sa lahat ng kasamaan ng buong sangkatauhan, dahil sa kanilang mga lihim na pagpaslang at pakikipagsabwatan; sapagkat sila itong nagwasak sa kapayapaan ng aking mga tao at sa pamahalaan ng lupain; kaya nga ipinag-utos kong masunog sila, upang lipulin sila mula sa aking harapan, upang ang dugo ng mga propeta at ng mga banal ay hindi na magsumamo sa akin laban sa kanila.
10 At dinggin, ang lungsod ng Laman, at ang lungsod ng Jos, at ang lungsod ng Gad, at ang lungsod ng Kiskumen ay ipinag-utos kong masunog ng apoy, at ang mga naninirahan doon, dahil sa kanilang kasamaan sa pagtataboy sa mga propeta, at sa pagbabato sa mga yaong isinugo ko upang ihayag sa kanila ang hinggil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain.
11 At dahil sa silang lahat ay itinaboy nila, kung kaya’t wala nang matwid sa kanila, ako ay nagpadala ng apoy at nilipol sila, upang itago ang kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain mula sa aking harapan, upang ang dugo ng mga propeta at ng mga banal na aking isinugo sa kanila ay hindi na dumaing pa sa akin mula sa lupa laban sa kanila.
12 At maraming malawakang pagkawasak ang ipinag-utos kong sumapit sa lupaing ito, at sa mga taong ito, dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain.
13 O lahat kayong naligtas dahil sa kayo ay higit na matwid kaysa sa kanila, hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbabalik-loob, upang mapagaling ko kayo?
14 Oo, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung lalapit kayo sa akin ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Dinggin, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa akin.
15 Dinggin, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Nilikha ko ang kalangitan at ang lupa, at lahat ng bagay na nasa mga ito. Kasama ko ang Ama mula pa sa simula. Ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; at sa pamamagitan ko ay niluwalhati ng Ama ang kanyang pangalan.
16 Pumaroon ako sa sariling akin, at hindi ako tinanggap ng sariling akin. At ang mga banal na kasulatan hinggil sa aking pagparito ay natupad na.
17 At kasindami ng tumanggap sa akin, sa kanila ay ipinagkaloob ko na maging mga anak ng Diyos; at maging gayon ang gagawin ko sa lahat ng maniniwala sa aking pangalan, sapagkat dinggin, sa pamamagitan ko dumarating ang pagtubos, at sa pamamagitan ko natupad ang batas ni Moises.
18 Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan. Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas.
19 At hindi na kayo mag-aalay pa sa akin ng pagbubuhos ng dugo; oo, ang inyong mga alay at inyong mga handog na susunugin ay tatanggalin na, sapagkat wala na akong tatanggapin pa sa mga alay ninyo at mga handog na susunugin ninyo.
20 At mag-aalay kayo bilang hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. At sinuman ang lalapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo, maging tulad ng mga Lamanita, dahil sa kanilang pananampalataya sa akin sa panahon ng kanilang pagbabalik-loob, ay nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito.
21 Dinggin, pumarito ako sa daigdig upang bigyang-kaganapan ang pagtubos sa sanlibutan, upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.
22 Samakatwid, sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. Dinggin, para sa kanila ko inialay ang aking buhay, at muling kinuha ito; kaya nga magsisi, at lumapit sa akin, kayong mga nasa dulo ng mundo, at maligtas.