Kabanata 10
Nagmula si Lehi kay Manases—Isinalaysay ni Amulek ang utos mula sa anghel na kanyang kalingain si Alma—Ang mga panalangin ng mga matwid ang nagdulot na maligtas ang mga tao—Ang masasamang manananggol at hukom ang naglatag ng batayan ng pagkalipol ng mga tao. Mga 82 B.C.
1 Ngayon, ito ang mga salitang ipinangaral ni Amulek sa mga tao na nasa lupain ng Ammonihas, sinasabing:
2 Ako si Amulek; ako ay anak ni Gidonas, na anak ni Ismael, na inapo ni Aminadi; at ito ang yaon ding Aminadi na nagpaliwanag sa sulating nasa dingding ng templo, na isinulat ng daliri ng Diyos.
3 At si Aminadi ay inapo ni Nephi, na anak ni Lehi, na nagmula sa lupain ng Jerusalem, na inapo ni Manases, na anak ni Jose na ipinagbili sa Egipto ng mga kamay ng kanyang mga kapatid.
4 At dinggin, ako rin ay isang lalaking hindi hamak ang kabantugan sa lahat ng yaong nakakikilala sa akin; oo, at dinggin, ako ay maraming kaanak at kaibigan, at nagkamit din ako ng maraming kayamanan sa pamamagitan ng kamay ng aking kasipagan.
5 Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng ito, kailanman ay hindi ko nalaman ang marami sa mga pamamaraan ng Panginoon, at ang kanyang mga hiwaga at kagila-gilalas na kapangyarihan. Nasabi kong kailanman ay hindi ko nalaman ang marami sa mga bagay na ito; subalit dinggin, ako ay nagkamali, sapagkat nakita ko ang marami sa kanyang mga hiwaga at ang kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan; oo, maging sa pangangalaga sa buhay ng mga taong ito.
6 Gayunpaman, pinatigas ko ang aking puso, sapagkat ako ay tinawag nang maraming ulit at tumanggi akong makinig; kaya nga nalalaman ko ang hinggil sa mga bagay na ito, gayunpaman, ako ay hindi makaaalam; kaya nga nagpatuloy ako sa paghihimagsik laban sa Diyos, sa kasamaan ng aking puso, maging hanggang sa ikaapat na araw ng ikapitong buwan na ito, na nasa ikasampung taon ng panunungkulan ng mga hukom.
7 Habang ako ay naglalakbay upang dalawin ang isang napakamalapit na kaanak, dinggin, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa akin at nagsabi: Amulek, magbalik sa iyong sariling bahay, sapagkat iyong pakakainin ang isang propeta ng Panginoon; oo, isang banal na tao, na piniling tao ng Diyos; sapagkat siya ay nag-ayuno nang maraming araw dahil sa mga kasalanan ng mga taong ito, at siya ay nagugutom, at tatanggapin mo siya sa iyong bahay at pakakainin siya, at babasbasan ka niya at ang iyong sambahayan; at ang pagpapala ng Panginoon ay mapapasaiyo at sa iyong sambahayan.
8 At ito ay nangyari na sinunod ko ang tinig ng anghel, at nagbalik patungo sa aking bahay. At habang ako ay paparoon, natagpuan ko ang lalaki na siyang sinabi ng anghel sa akin: Tatanggapin mo sa iyong bahay—at dinggin, siya rin ang lalaking ito na nangungusap sa inyo hinggil sa mga bagay ng Diyos.
9 At sinabi sa akin ng anghel na siya ay isang banal na tao; kaya nga nalalaman ko na isa siyang banal na tao sapagkat sinabi ito ng isang anghel ng Diyos.
10 At muli, nalalaman ko na ang mga bagay na pinatotohanan niya ay totoo; sapagkat dinggin, sinasabi ko sa inyo, na yamang buhay ang Panginoon, gayunpaman ay isinugo niya ang kanyang anghel upang ang mga bagay na ito ay ipaalam sa akin; at ito ay ginawa niya habang namalagi itong si Alma sa aking bahay.
11 Sapagkat dinggin, binasbasan niya ang aking sambahayan, binasbasan niya ako, at ang aking kababaihan, at ang aking mga anak, at ang aking ama at aking mga kaanak; oo, maging ang aking buong angkan ay binasbasan niya, at napasaamin ang pagpapala ng Panginoon alinsunod sa mga salitang sinabi niya.
12 At ngayon, nang sabihin ni Amulek ang mga salitang ito, ang mga tao ay nagsimulang manggilalas, nakikitang may higit pa sa isang saksi na nagpatotoo sa mga bagay na yaong ipinararatang sa kanila, at gayundin sa mga bagay na magaganap, alinsunod sa diwa ng propesiya na nasa kanila.
13 Gayunpaman, may ilan sa kanila ang nagbalak na tanungin sila, na sa pamamagitan ng kanilang mga tusong pamamaraan ay baka sakaling kanilang mahuli sila sa kanilang mga salita, upang makakuha sila ng patunay laban sa kanila, nang kanilang madala sila sa mga hukom nila upang mahatulan sila alinsunod sa batas, at upang sila ay mapatay o maitapon sa bilangguan, alinsunod sa mabigat na kasalanang magagawa nilang maipakita o mapatunayan laban sa kanila.
14 Ngayon, ito ang mga yaong taong naghangad na lipulin sila, ang mga yaong manananggol, na inupahan o hinirang ng mga tao na magpatupad ng batas sa panahon ng kanilang mga paglilitis, o sa mga paglilitis ng mabibigat na kasalanan ng mga tao sa harapan ng mga hukom.
15 Ngayon, ang mga manananggol na ito ay marunong sa lahat ng kasanayan at katusuhan ng mga tao; at ito ay upang matulungan sila na maging bihasa sa kanilang tungkulin.
16 At ito ay nangyari na sinimulan nilang tanungin si Amulek, upang sa pamamaraang ito ay magawa nilang lituhin siya sa kanyang mga salita, o salungatin ang mga salitang sasabihin niya.
17 Ngayon, hindi nila nalalaman na magagawang malaman ni Amulek ang kanilang mga balak. Subalit ito ay nangyari na nang simulan nilang tanungin siya, na nahiwatigan niya ang kanilang mga saloobin, at sinabi niya sa kanila: O kayong masasama at baluktot na salinlahi, kayong mga manananggol at mapagkunwari, sapagkat inyong inilalatag ang mga saligan ng diyablo; sapagkat kayo ay naglalagay ng mga silo at patibong upang hulihin ang mga banal ng Diyos.
18 Kayo ay nagpapakana ng mga plano upang baluktutin ang mga pamamaraan ng mga matwid, at upang ipataw ang poot ng Diyos sa inyong mga ulo, maging hanggang sa lubusang pagkalipol ng mga taong ito.
19 Oo, tama ang sinabi ni Mosias na ating huling hari, nang handa na niyang ipasa ang kaharian, na wala ni isa mang paggagawaran nito, na pinapangyaring pamahalaan ang mga taong ito ng kanilang sariling mga tinig—oo, tama ang kanyang sinabi na kung darating ang panahon na piliin ng tinig ng mga taong ito ang kasalanan, gayon nga, kung darating ang panahon na ang mga taong ito ay mahulog sa paglabag, mahihinog sila sa pagkalipol.
20 At ngayon, sinasabi ko sa inyo na tama lamang na hatulan ng Panginoon ang inyong mga kasalanan; tama na siya ay magpahayag sa mga taong ito, sa pamamagitan ng tinig ng kanyang mga anghel: Magsisi kayo, magsisi, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na.
21 Oo, tama na siya ay magpahayag, sa pamamagitan ng tinig ng kanyang mga anghel na: Ako ay bababa sa aking mga tao, dala ang katarungan at katwiran sa aking mga kamay.
22 Oo, at sinasabi ko sa inyo na kung hindi dahil sa mga panalangin ng mga matwid, na ngayon ay nasa lupain, na kahit ngayon ay dadalawin kayo ng lubusang pagkalipol; gayunman, ito ay hindi sa pamamagitan ng baha, na tulad ng mga tao noong mga araw ni Noe, kundi ito ay sa pamamagitan ng taggutom, at sa pamamagitan ng salot, at ng espada.
23 Subalit dahil sa mga panalangin ng mga matwid kung kaya’t kayo ay naligtas; ngayon, kaya nga, kung inyong itataboy ang mga matwid mula sa inyo, sa gayon ay hindi pipigilin ng Panginoon ang kanyang kamay; kundi sa kanyang masidhing galit, siya ay paparito laban sa inyo; pagkatapos ay pahihirapan kayo sa pamamagitan ng taggutom, at sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng espada; at nalalapit na ang panahon maliban kung kayo ay magsisisi.
24 At ngayon, ito ay nangyari na lalong nagalit ang mga tao kay Amulek, at sila ay nagsigawan, sinasabing: Nilalait ng taong ito ang ating mga batas na makatarungan, at ang ating matatalinong manananggol na pinili natin.
25 Subalit iniunat ni Amulek ang kanyang kamay, at sumigaw nang higit na malakas kaysa sa kanila, sinasabing: O kayong masasama at baluktot na salinlahi, bakit may mahigpit na pagkakahawak si Satanas sa inyong mga puso? Bakit ninyo ipinasasailalim ang inyong sarili sa kanya upang siya ay magkaroon ng kapangyarihan sa inyo, na bulagin ang inyong mga mata, kung kaya’t hindi ninyo maunawaan ang mga salitang sinabi, alinsunod sa katotohanan ng mga ito?
26 Sapagkat dinggin, ako ba ay nagpatotoo laban sa inyong batas? Hindi ninyo nauunawaan; sinasabi ninyo na ako ay nangusap laban sa inyong batas; subalit hindi ko ginawa ang gayon, kundi ako ay nangusap sang-ayon sa inyong batas, tungo sa inyong pagkakasumpa.
27 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang batayan ng pagkalipol ng mga taong ito ay nagsisimula nang ilatag ng kasamaan ng inyong mga manananggol at inyong mga hukom.
28 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Amulek ang mga salitang ito, nagsigawan ang mga tao laban sa kanya, sinasabing: Ngayon, nalalaman namin na ang taong ito ay anak ng diyablo, sapagkat nagsinungaling siya sa atin; sapagkat nangusap siya laban sa ating batas. At ngayon, sinasabi niyang siya ay hindi nangusap laban dito.
29 At muli, kanyang nilait ang ating mga manananggol, at ang ating mga hukom.
30 At ito ay nangyari na inilagay ng mga manananggol sa kanilang mga puso na dapat nilang tandaan ang mga bagay na ito laban sa kanya.
31 At may isa sa kanila na ang pangalan ay Zisrom. Ngayon, siya ang nangunguna sa pagpaparatang kina Amulek at Alma, siya na isa sa pinakabihasa sa kanila, na may maraming gawaing ginagawa sa mga tao.
32 Ngayon, ang layunin ng mga manananggol na ito ay kumita; at sila ay kumikita alinsunod sa kanilang tungkulin.