Kabanata 13
Tinatawag ang kalalakihan bilang matataas na saserdote dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa—Ituturo nila ang mga kautusan—Sa pamamagitan ng katwiran, sila ay pababanalin at makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon—Si Melquisedec ay isa sa kanila—Nagpapahayag ang mga anghel ng masasayang balita sa lahat ng dako ng lupain—Ipahahayag nila ang tunay na pagparito ni Cristo. Mga 82 B.C.
1 At muli, mga kapatid ko, aking itutuon ang inyong mga isipan pabalik sa panahon noong ibigay ng Panginoong Diyos ang mga kautusang ito sa kanyang mga anak; at nais kong inyong tandaan na ang Panginoong Diyos ay nag-orden ng mga saserdote, alinsunod sa kanyang banal na orden, na alinsunod sa orden ng kanyang Anak, upang ituro ang mga bagay na ito sa mga tao.
2 At ang mga yaong saserdote ay inordenan alinsunod sa orden ng kanyang Anak, sa isang pamamaraan, nang sa gayon ay malaman ng mga tao sa paanong paraan aasa sa kanyang Anak upang matubos.
3 At ito ang pamamaraan kung paano sila inordenan—tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig alinsunod sa kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa, dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa; sa simula pa ay hinayaang mamili sa mabuti o masama; kaya nga, sila na pumili ng mabuti, at labis na nananampalataya, ay tinatawag sa banal na tungkulin, oo, sa yaong banal na tungkulin na inihanda lakip ang, at naaayon sa, isang nakahandang pagtubos para sa kanila.
4 At sa gayon sila tinawag sa banal na tungkuling ito dahil sa kanilang pananampalataya, samantalang ang iba ay tatanggihan ang Espiritu ng Diyos dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at kabulagan ng kanilang mga isipan, samantalang kung hindi dahil dito, sila sana ay nagkaroon ng malaking pribilehiyo na tulad ng kanilang mga kapatid.
5 O sa madaling salita, sa simula pa ay nasa gayundin silang kalagayan na tulad ng kanilang mga kapatid; sa gayon ang banal na tungkuling ito na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig ay para sa mga yaong hindi patitigasin ang kanilang mga puso, na nasa at sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Bugtong na Anak, na siyang inihanda—
6 At sa gayong pagkakatawag ng banal na tungkuling ito, at inordenan sa mataas na pagkasaserdote ng banal na orden ng Diyos, na ituro ang kanyang mga kautusan sa mga anak ng tao, upang sila rin ay makapasok sa kanyang kapahingahan—
7 Itong mataas na pagkasaserdote na alinsunod sa orden ng kanyang Anak, kung aling orden ay mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; o sa ibang mga salita, walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon, inihanda mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, alinsunod sa kanyang kaalaman sa mula’t mula pa ng lahat ng bagay—
8 Ngayon, sila ay inordenan alinsunod sa pamamaraang ito—tinawag sa banal na tungkulin, at inordenan sa banal na ordenansa, at tinataglay sa kanila ang mataas na pagkasaserdote ng banal na orden, kung aling tungkulin, at ordenansa, at mataas na pagkasaserdote, ay walang simula o katapusan—
9 Sa gayon sila naging matataas na saserdote magpakailanman, alinsunod sa orden ng Anak, ang Bugtong ng Ama, na walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon, na puspos ng biyaya, katarungan, at katotohanan. At gayon nga ito. Amen.
10 Ngayon, tulad ng sinabi ko hinggil sa banal na orden, o sa mataas na pagkasaserdoteng ito, marami na ang naordenan at naging matataas na saserdote ng Diyos; at ito ay dahil sa kanilang labis na pananampalataya at pagsisisi, at sa kanilang pagiging matwid sa harapan ng Diyos, sila na pumipiling magsisi at gumawa ng matwid kaysa masawi;
11 Samakatwid, sila ay tinawag alinsunod sa banal na orden na ito, at pinabanal, at ang kanilang mga kasuotan ay nahugasang maputi sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.
12 Ngayon, sila, matapos na pabanalin ng Espiritu Santo, na ginawang maputi ang kanilang mga kasuotan, na mga dalisay at walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos, ay hindi makatitingin sa kasalanan maliban nang may kapootan; at marami, labis na napakarami, ang ginawang dalisay at nakapasok sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.
13 At ngayon, mga kapatid ko, nais kong kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos, at mamunga ng bunga na karapat-dapat sa pagsisisi, upang kayo rin ay makapasok sa kapahingahang yaon.
14 Oo, magpakumbaba kayo ng inyong sarili maging tulad ng mga tao noong mga araw ni Melquisedec, na isa ring mataas na saserdote alinsunod sa yaon ding orden na aking sinabi, na tinaglay rin sa kanyang sarili ang mataas na pagkasaserdote magpakailanman.
15 At sa Melquisedec ding ito nagbayad si Abraham ng ikapu; oo, maging ang ating amang si Abraham ay nagbayad ng ikapu na ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang pag-aari.
16 Ngayon, ang mga ordenansang ito ay ibinigay alinsunod sa pamamaraang ito, nang sa gayon ang mga tao ay makaasa sa Anak ng Diyos, ito na isang sagisag ng kanyang orden, o ito na kanyang orden, at ito ay upang makaasa sila sa kanya para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, upang sila ay makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.
17 Ngayon, itong si Melquisedec ay isang hari sa lupain ng Salem; at ang kanyang mga tao ay naging matindi sa kasamaan at karumal-dumal na gawain; oo, silang lahat ay nangaligaw; napuspos sila ng lahat ng uri ng kasamaan;
18 Subalit si Melquisedec na masidhing nanampalataya, at tumanggap ng tungkulin ng mataas na pagkasaserdote alinsunod sa banal na orden ng Diyos, ay nangaral ng pagsisisi sa kanyang mga tao. At dinggin, sila ay nagsisi; at naitatag ni Melquisedec ang kapayapaan sa lupain sa kanyang mga araw; kaya nga, siya ay tinawag na prinsipe ng kapayapaan, sapagkat siya ang hari ng Salem; at siya ay namahala sa ilalim ng kanyang ama.
19 Ngayon, marami na ang nauna sa kanya, at gayundin marami pa ang sumunod, subalit walang kasindakila; kaya nga, hinggil sa kanya, sila ay higit na maraming binabanggit.
20 Ngayon, hindi ko na kailangang himay-himayin pa ang bagay na ito; anuman ang nasabi ko na ay makasasapat na. Dinggin, ang mga banal na kasulatan ay nasa sa inyo; kung kayo ay sasalungat sa mga ito, yaon ay tungo sa inyong sariling pagkalipol.
21 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito sa kanila, iniunat niya ang kanyang kamay sa kanila at sumigaw sa malakas na tinig, sinasabing: Ngayon na ang panahon upang magsisi, sapagkat ang araw ng kaligtasan ay nalalapit na;
22 Oo, at ang tinig ng Panginoon, sa pamamagitan ng bibig ng mga anghel, ay ipinahahayag ito sa lahat ng bansa; oo, ipinahahayag ito, upang sila ay magtamo ng masasayang balita ng dakilang kagalakan; oo, at kanilang ipinararating ang masasayang balitang ito sa lahat ng kanyang mga tao, oo, maging sa kanila na malawakang nakakalat sa balat ng lupa; kaya nga, ang mga ito ay ipinahayag sa atin.
23 At ipinaalam ang mga ito sa atin sa malilinaw na pananalita, upang tayo ay makaunawa, upang tayo ay hindi magkamali; at ito ay dahil sa ating pagiging mga palaboy sa isang hindi kilalang lupain; kaya nga, sa gayon tayo labis na kinasihan, sapagkat ipinahayag sa atin ang masasayang balitang ito sa lahat ng dako ng ating ubasan.
24 Sapagkat dinggin, ang mga anghel ay ipinahahayag ito sa marami sa panahong ito sa ating lupain; at ito ay para sa layuning maihanda ang puso ng mga anak ng tao na tanggapin ang kanyang salita sa panahon ng kanyang pagparito sa kanyang kaluwalhatian.
25 At ngayon, tayo ay naghihintay lamang na marinig ang mga balita ng kagalakan na ipinahayag sa atin ng bibig ng mga anghel, tungkol sa kanyang pagparito; sapagkat darating ang panahon, hindi natin nalalaman kung gaano kadali. Samo ko sa Diyos na ito nawa ay sa aking araw; subalit hayaan ito sa malao’t madali, dito ako ay magsasaya.
26 At ito ay ipaaalam sa mga makatarungan at banal na tao, ng bibig ng mga anghel, sa panahon ng kanyang pagparito, upang ang mga salita ng ating mga ama ay matupad, alinsunod sa yaong kanilang sinabi hinggil sa kanya, na alinsunod sa diwa ng propesiya na nasa kanila.
27 At ngayon, mga kapatid ko, hinihiling ko mula sa kaibuturan ng aking puso, oo, lakip ang labis na pagkabahala maging sa pasakit, na kayo ay makinig sa aking mga salita, at iwaksi ang inyong mga kasalanan, at huwag ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi;
28 Sa halip kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Panginoon, at manawagan sa kanyang banal na pangalan, at magbantay at patuloy na manalangin, upang kayo ay hindi matukso nang higit sa inyong makakaya, at sa gayon ay maakay ng Banal na Espiritu, magiging mapagpakumbaba, maamo, masunurin, mapagtiis, puspos ng pag-ibig at mahabang pagtitiis;
29 May pananampalataya sa Panginoon; may pag-asa na kayo ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan; may pag-ibig sa Diyos tuwina sa inyong mga puso, upang kayo ay dakilain sa huling araw at makapasok sa kanyang kapahingahan.
30 At nawa ay ipagkaloob sa inyo ng Panginoon ang pagsisisi, upang hindi ninyo madalang pababa ang kanyang poot sa inyo, upang kayo ay hindi maigapos pababa ng mga tanikala ng impiyerno, upang kayo ay hindi magdusa ng ikalawang kamatayan.
31 At nangusap si Alma ng marami pang salita sa mga tao, na hindi nasusulat sa aklat na ito.