Kabanata 15
Sina Alma at Amulek ay nagtungo sa Sidom at nagtatag ng isang simbahan—Pinagaling ni Alma si Zisrom, na sumapi sa Simbahan—Marami ang nabinyagan, at umunlad ang Simbahan—Sina Alma at Amulek ay nagtungo sa Zarahemla. Mga 81 B.C.
1 At ito ay nangyari na inutusan sina Alma at Amulek na lisanin ang lungsod na yaon; at sila ay lumisan, at nagtungo maging sa lupain ng Sidom; at dinggin, doon ay natagpuan nila ang lahat ng taong nagsilisan sa lupain ng Ammonihas, na mga itinaboy at pinagbabato, dahil sa sila ay naniwala sa mga salita ni Alma.
2 At isinalaysay nila sa kanila ang lahat ng nangyari sa kanilang mga asawa at mga anak, at hinggil din sa kanilang sarili, at sa kapangyarihan ng kanilang pagkakaligtas.
3 At gayundin si Zisrom ay nakaratay sa karamdaman sa Sidom, inaapoy ng lagnat, na sanhi ng labis na mga paghihirap ng kanyang isipan dahil sa kasamaan niya, sapagkat inakala niyang wala na sina Alma at Amulek; at inakala niyang sila ay napatay dahil sa kanyang kasamaan. At ang malaking kasalanang ito, at ang kanyang marami pang ibang kasalanan, ay sinusuyod ang kanyang isipan hanggang sa maging napakasidhi nito, na walang kaligtasan; kaya nga siya ay nagsimulang mapaso ng nag-aapoy na init.
4 Ngayon, nang marinig niya na sina Alma at Amulek ay nasa lupain ng Sidom, ang kanyang puso ay nagsimulang magkalakas-loob; at kaagad siyang nagpadala ng mensahe sa kanila, nagnanais na sila ay magsadya sa kanya.
5 At ito ay nangyari na kaagad silang nagsadya, sinusunod ang mensaheng ipinadala niya sa kanila; at sila ay pumasok sa bahay patungo kay Zisrom; at kanilang natagpuan siya sa kanyang higaan, na may karamdaman, labis na nanghihina at inaapoy ng lagnat; at ang isipan niya ay labis na naghihirap din dahil sa kanyang mga kasamaan; at nang kanyang makita sila ay iniunat niya ang kanyang kamay, at nagsumamo sa kanila na pagalingin nila siya.
6 At ito ay nangyari na sinabi sa kanya ni Alma, inaalalayan siya sa kamay: Naniniwala ka ba sa kapangyarihan ni Cristo tungo sa kaligtasan?
7 At tumugon siya at sinabi: Oo, naniniwala ako sa lahat ng salitang iyong itinuro.
8 At sinabi ni Alma: Kung naniniwala ka sa pagtubos ni Cristo ay gagaling ka.
9 At sinabi niya: Oo, naniniwala ako alinsunod sa iyong mga salita.
10 At pagkatapos, si Alma ay nagsumamo sa Panginoon, sinasabing: O Panginoon naming Diyos, kaawaan ang lalaking ito, at pagalingin siya alinsunod sa kanyang pananampalataya na na kay Cristo.
11 At nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito, si Zisrom ay lumundag sa kanyang mga paa, at nagsimulang lumakad; at ito ay naganap sa labis na panggigilalas ng lahat ng tao; at lumaganap ang kaalamang ito sa lahat ng dako ng lupain ng Sidom.
12 At bininyagan ni Alma si Zisrom sa Panginoon; at nagsimula siyang mangaral sa mga tao magmula sa panahong yaon.
13 At si Alma ay nagtatag ng isang simbahan sa lupain ng Sidom, at nagtalaga ng mga saserdote at guro sa lupain, upang magbinyag sa sinumang magnanais na mabinyagan sa Panginoon.
14 At ito ay nangyari na marami sila; sapagkat nangagtipon sila mula sa lahat ng dako sa palibot ng Sidom, at nabinyagan.
15 Subalit hinggil sa mga tao na nasa lupain ng Ammonihas, sila ay nanatili pa rin na mga taong matitigas ang puso at matitigas ang leeg; at hindi sila nagsipagsisi ng kanilang mga kasalanan, ipinapalagay ang lahat ng kapangyarihan nina Alma at Amulek sa diyablo; sapagkat sila ay mula sa pananampalataya ni Nehor, at hindi naniniwala sa pagsisisi ng kanilang mga kasalanan.
16 At ito ay nangyari na sina Alma at Amulek, si Amulek na iniwan ang lahat ng kanyang ginto, at pilak, at kanyang mamahaling bagay, na nasa lupain ng Ammonihas, para sa salita ng Diyos, siya na itinakwil ng mga yaong minsan ay kanyang mga kaibigan at gayundin ng kanyang ama at kanyang kaanak;
17 Samakatwid, matapos maitatag ni Alma ang simbahan sa Sidom, na nakikita ang labis na pagpipigil, oo, nakikita na ang mga tao ay nagpigil sa kapalaluan ng kanilang mga puso, at nagsimulang magpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagsimulang sama-samang tipunin ang kanilang sarili sa kanilang mga santuwaryo upang sambahin ang Diyos sa harap ng dambana, patuloy na nagbabantay at nanalangin, upang sila ay maligtas mula kay Satanas, at mula sa kamatayan, at mula sa pagkalipol—
18 Ngayon, tulad ng sinabi ko, matapos makita ni Alma ang lahat ng bagay na ito, anupa’t dinala niya si Amulek at nagtungo sa lupain ng Zarahemla, at siya ay isinama sa kanyang sariling tahanan, at tinulungan siya sa kanyang mga paghihirap, at pinalakas siya sa Panginoon.
19 At sa gayon nagtapos ang ikasampung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.