Isang ulat ng mga anak na lalaki ni Mosias, na tinanggihan ang kanilang mga karapatan sa kaharian dahil sa salita ng Diyos, at umahon sa lupain ng Nephi upang mangaral sa mga Lamanita; ang kanilang mga paghihirap at pagkakaligtas—ayon sa talaan ni Alma.
Binubuo ng mga kabanata 17 hanggang 27.
Kabanata 17
Taglay ng mga anak na lalaki ni Mosias ang diwa ng propesiya at ng paghahayag—Sila ay humayo sa kani-kanilang mga landas upang ipahayag ang salita sa mga Lamanita—Si Ammon ay nagtungo sa lupain ng Ismael at naging tagapagsilbi ni Haring Lamoni—Iniligtas ni Ammon ang mga kawan ng hari at pinatay ang kanyang mga kaaway sa tubig ng Sebus. Talata 1–3, mga 77 B.C.; talata 4, mga 91–77 B.C.; at talata 5–39, mga 91 B.C.
1 Ngayon, ito ay nangyari na habang naglalakbay si Alma mula sa lupain ng Gedeon patimog, patungo sa lupain ng Manti, dinggin, sa panggigilalas niya, nakasalubong niya ang mga anak na lalaki ni Mosias na naglalakbay patungo sa lupain ng Zarahemla.
2 Ngayon, ang mga anak na ito ni Mosias ay kasama ni Alma sa panahong unang nagpakita ang anghel sa kanya; kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon; oo, at sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila ay mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
3 Subalit hindi lamang ito; inilaan nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin at pag-aayuno; kaya nga, taglay nila ang diwa ng propesiya at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.
4 At sila ay nakapagturo na ng salita ng Diyos sa loob ng labing-apat na taon sa mga Lamanita, nakatamo ng malaking tagumpay sa pagdadala sa marami sa kaalaman ng katotohanan; oo, sa kapangyarihan ng kanilang mga salita ay marami ang nadala sa harapan ng altar ng Diyos, upang manawagan sa kanyang pangalan at magtapat ng kanilang mga kasalanan sa kanyang harapan.
5 Ngayon, ito ang mga pangyayaring naranasan nila sa kanilang mga paglalakbay, sapagkat sila ay maraming naging paghihirap; at sila ay labis na nagdusa, kapwa sa katawan at sa isipan, tulad ng gutom, uhaw at pagod, at gayundin sa labis na paghihirap ng espiritu.
6 Ngayon, ang mga ito ang kanilang mga paglalakbay: Matapos na iwanan ang kanilang amang si Mosias sa unang taon ng mga hukom; tinanggihan ang kahariang nais na igawad sa kanila ng kanilang ama, at gayundin ang hangad ng mga tao;
7 Gayunpaman, nilisan nila ang lupain ng Zarahemla, at dinala ang kanilang mga espada, at kanilang mga sibat, at kanilang mga busog, at kanilang mga palaso, at kanilang mga tirador; at ito ay ginawa nila upang matustusan nila ang kanilang sarili ng pagkain habang nasa ilang.
8 At sa gayon sila lumisan patungo sa ilang na kasama ang ilan pa sa kanilang mga pinili, upang umahon sa lupain ng Nephi upang ipangaral ang salita ng Diyos sa mga Lamanita.
9 At ito ay nangyari na naglakbay sila nang maraming araw sa ilang, at sila ay labis na nag-ayuno at labis na nanalangin upang pagkalooban sila ng Panginoon ng bahagi ng kanyang Espiritu upang makasama nila, at manatili sa kanila, upang sila ay maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos nang madala, kung maaari, ang kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, sa kaalaman ng katotohanan, sa kaalaman ng kasamaan ng mga kaugalian ng kanilang mga ama, na hindi tama.
10 At ito ay nangyari na dinalaw sila ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, at sinabi sa kanila: Mapanatag. At napanatag sila.
11 At sinabi rin sa kanila ng Panginoon: Humayo sa mga Lamanita, na inyong mga kapatid, at pagtibayin ang aking salita; gayunman, kayo ay maging matiyaga sa mahabang pagtitiis at mga paghihirap, upang kayo ay makapagpakita sa kanila ng mabubuting halimbawa sa pamamagitan ko, at gagawin ko kayong kasangkapan sa aking mga kamay tungo sa kaligtasan ng maraming tao.
12 At ito ay nangyari na ang mga puso ng mga anak ni Mosias, at gayundin ng mga yaong kasama nila, ay nagkalakas-loob na humayo sa mga Lamanita upang ipahayag sa kanila ang salita ng Diyos.
13 At ito ay nangyari na nang dumating sila sa mga hangganan ng lupain ng mga Lamanita, sila ay naghiwa-hiwalay at nilisan ang isa’t isa, nagtitiwala sa Panginoon na muli silang magkikita-kita sa katapusan ng kanilang pag-aani; sapagkat ipinapalagay nilang dakila ang gawaing kanilang isinagawa.
14 At tunay na dakila ito, sapagkat isinagawa nilang ipangaral ang salita ng Diyos sa isang mababangis at matitigas at malulupit na tao; mga taong nagagalak sa pagpaslang ng mga Nephita, at nilolooban at dinarambong sila; at ang kanilang mga puso ay nakalagak sa mga kayamanan, o sa ginto at pilak, at mamahaling bato; gayunman hinangad nilang matamo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagpaslang at pandarambong, upang hindi sila gumawa para sa mga yaon sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay.
15 Sa gayon sila ay mga taong napakatatamad, marami sa kanila ay sumamba sa mga diyus-diyusan, at ang sumpa ng Diyos ay ipinataw sa kanila dahil sa mga kaugalian ng kanilang mga ama; sa kabila nito, ang mga pangako ng Panginoon ay ipinaaabot sa kanila ayon sa mga hinihingi ng pagsisisi.
16 Samakatwid, ito ang dahilan kung bakit isinagawa ng mga anak ni Mosias ang gawain, nagbabaka sakaling kanilang madala sila sa pagsisisi; nagbabaka sakaling kanilang madala sila sa kaalaman ng plano ng pagtubos.
17 Anupa’t hiniwalay nila ang kani-kanilang sarili mula sa isa’t isa, at humayo sa kanila, bawat lalaki ay nag-iisa, alinsunod sa salita at kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa kanya.
18 Ngayon, si Ammon ang namuno sa kanila, o sa madaling salita, siya ang nangasiwa sa kanila, at kanyang nilisan sila, matapos silang basbasan alinsunod sa kanilang magkakaibang tungkulin, matapos na maibahagi ang salita ng Diyos sa kanila, o nangasiwa sa kanila bago ang kanyang paglisan; at sa gayon sila nagsimula sa kani-kanilang paglalakbay sa lahat ng dako ng lupain.
19 At si Ammon ay nagtungo sa lupain ng Ismael, ang lupaing tinawag alinsunod sa mga anak na lalaki ni Ismael, na sila ring mga naging Lamanita.
20 At nang pasukin ni Ammon ang lupain ng Ismael, ang mga Lamanita ay dinakip siya at iginapos siya, tulad ng kanilang nakaugalian na igapos ang lahat ng Nephita na nahuhulog sa kanilang mga kamay, at dinadala sila sa harapan ng hari; at sa gayon ipinauubaya sa kasiyahan ng hari na patayin sila, o panatilihin sila sa pagkabihag, o itapon sila sa bilangguan, o itaboy sila palabas ng kanyang lupain, alinsunod sa kanyang kagustuhan at kasiyahan.
21 At sa gayon dinala si Ammon sa harapan ng hari na namamahala sa lupain ng Ismael; at ang kanyang pangalan ay Lamoni; at siya ay isang inapo ni Ismael.
22 At tinanong ng hari si Ammon kung nais niyang manirahan sa lupain kasama ng mga Lamanita, o ng kanyang mga tao.
23 At sinabi ni Ammon sa kanya: Opo, nais kong manirahan kasama ng mga taong ito nang ilang panahon; opo, at marahil hanggang sa araw na ako ay mamatay.
24 At ito ay nangyari na labis na nasiyahan si haring Lamoni kay Ammon, at nag-utos na kalagan ang kanyang mga gapos; at kanyang ninais na pakasalan ni Ammon ang isa sa kanyang mga anak na babae.
25 Subalit sinabi ni Ammon sa kanya: Hindi po, kundi magiging tagapagsilbi ninyo ako. Samakatwid, si Ammon ay naging tagapagsilbi ni haring Lamoni. At ito ay nangyari na isinama siya sa iba pang mga tagapagsilbi upang bantayan ang mga kawan ni Lamoni, alinsunod sa kinaugalian ng mga Lamanita.
26 At makalipas ang tatlong araw na nasa paglilingkod siya ng hari, habang siya ay kasama ng mga tagapagsilbing Lamanita na nagtungo kasama ang kanilang mga kawan sa lugar ng tubig, na tinatawag na tubig ng Sebus, at doon ipinapastol ng lahat ng Lamanita ang kanilang mga kawan, upang makainom ang mga ito ng tubig—
27 Anupa’t habang ipinapastol ni Ammon at ng mga tagapagsilbi ng hari ang kanilang mga kawan sa lugar na ito ng tubig, dinggin, ilang bilang ng mga Lamanita, na nagtungong kasama ang kanilang mga kawan upang painumin, ay tumindig at ikinalat ang mga kawan ni Ammon at ng mga tagapagsilbi ng hari, at kanilang ikinalat ang mga ito hanggang sa magpanakbuhan ang mga ito sa iba’t ibang dako.
28 Ngayon, ang mga tagapagsilbi ng hari ay nagsimulang bumulung-bulong, sinasabing: Ngayon, tayo ay ipapapatay ng hari, tulad ng kanyang ginawa sa ating mga kapatid sapagkat ang kanilang mga kawan ay naikalat dahil sa kasamaan ng kalalakihang ito. At sila ay nagsimulang manangis nang labis, sinasabing: Masdan, ang ating mga kawan ay nakakalat na.
29 Ngayon, sila ay tumangis dahil sa takot na patayin. Ngayon, nang makita ito ni Ammon ay tumaba ang kanyang puso sa kagalakan; sapagkat sinabi niya, ipakikita ko ang aking kapangyarihan sa kanila na kapwa ko mga tagapagsilbi, o ang kapangyarihan na nasa akin, sa pagpapanumbalik ng mga kawang ito sa hari, upang makuha ko ang loob ng mga kapwa ko tagapagsilbing ito, nang maakay ko silang maniwala sa aking mga salita.
30 At ngayon, ito ang mga nasasaisip ni Ammon, nang kanyang makita ang mga paghihirap ng mga yaong tinatawag niyang kanyang mga kapatid.
31 At ito ay nangyari na kanyang pinalakas ang loob nila sa pamamagitan ng kanyang mga salita, sinasabing: Mga kapatid ko, magsipagsaya at halinang humayo tayo sa paghahanap sa mga kawan, at sama-samang titipunin natin ang mga ito at ibabalik ang mga ito sa lugar ng tubig; at sa gayon mapangangalagaan natin ang mga kawan para sa hari at hindi niya tayo ipapapatay.
32 At ito ay nangyari na humayo sila sa paghahanap sa mga kawan, at sinunod nila si Ammon, at nagmadali sila nang napakabilis at hinarang ang mga kawan ng hari, at sama-samang tinipong muli ang mga ito sa lugar ng tubig.
33 At ang mga yaong lalaki ay muling tumindig upang ikalat ang kanilang mga kawan; subalit sinabi ni Ammon sa kanyang mga kapatid: Palibutan ang mga kawan upang hindi magpanakbuhan ang mga ito; at ako ay hahayo at makikipaglaban sa mga lalaking ito na mga nagkakalat ng ating mga kawan.
34 Anupa’t ginawa nila ang iniutos sa kanila ni Ammon, at siya ay humayo at tumindig upang makipaglaban sa mga yaong nakatindig malapit sa mga tubig ng Sebus; at ang kanilang bilang ay hindi kakaunti.
35 Samakatwid, hindi sila natakot kay Ammon, sapagkat inakala nila na isa sa kanilang mga tauhan ay makakayang patayin siya alinsunod sa kanilang kasiyahan, sapagkat hindi nila nalalaman na ang Panginoon ay nangako kay Mosias na ililigtas niya ang kanyang mga anak mula sa mga kamay nila; ni hindi nila nalalaman ang anumang bagay hinggil sa Panginoon; kaya nga, sila ay nagagalak sa pagkawasak ng kanilang mga kapatid; at sa kadahilanang ito sila tumindig upang ikalat ang mga kawan ng hari.
36 Subalit si Ammon ay tumindig at nagsimulang magpukol ng mga bato sa kanila sa pamamagitan ng kanyang tirador; oo, sa pambihirang lakas ay kanyang tinirador sila; at sa gayon napatay niya ang ilang bilang nila kung kaya’t nagsimula silang manggilalas sa kanyang lakas; gayunpaman, sila ay nagalit dahil sa pagkakapatay sa kanilang mga kapatid, at nagtika silang pabagsakin siya; kaya nga, nakikitang hindi nila siya matamaan ng kanilang mga bato, sumugod silang dala ang mga pambambo upang patayin siya.
37 Subalit dinggin, bawat lalaking nagtaas ng kanyang pambambo upang hampasin si Ammon ay pinutol niya ang kanilang mga bisig sa pamamagitan ng kanyang espada; sapagkat napaglabanan niya ang kanilang mga hampas sa pamamagitan ng pagputol sa kanilang mga bisig gamit ang talim ng kanyang espada, kung kaya’t nagsimula silang manggilalas, at nagsimulang magsitakas sa kanyang harapan; oo, at hindi kakaunti ang kanilang bilang; at kanyang napatakbo sila sa pamamagitan ng lakas ng kanyang bisig.
38 Ngayon, anim sa kanila ang bumagsak sa pamamagitan ng tirador, subalit wala siyang pinatay maliban sa kanilang pinuno sa pamamagitan ng kanyang espada; at kasindami ng mga bisig na nagtaas laban sa kanya ang pinutol niya, at hindi ito kakaunti.
39 At nang kanyang maitaboy sila papalayo, siya ay nagbalik at pinainom nila ang kanilang mga kawan at ibinalik ang mga ito sa pastulan ng hari, at pagkatapos ay nagtungo sa hari, dala-dala ang mga bisig na pinutol ng espada ni Ammon, ng yaong mga naghangad na patayin siya; at dinala ang mga ito sa hari bilang patotoo ng mga bagay na kanilang ginawa.