Kabanata 18
Inakala ni Haring Lamoni na si Ammon ang Dakilang Espiritu—Itinuro ni Ammon sa hari ang tungkol sa Paglikha, ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao, at ang pagtubos na darating sa pamamagitan ni Cristo—Si Lamoni ay naniwala at bumagsak sa lupa na tila patay. Mga 90 B.C.
1 At ito ay nangyari na nag-utos si haring Lamoni sa kanyang mga tagapagsilbi na tumindig at magpatotoo sa lahat ng bagay na kanilang nakita hinggil sa pangyayari.
2 At nang magpatotoo silang lahat sa mga bagay na nakita nila, at nalaman niya ang katapatan ni Ammon sa pangangalaga sa kanyang mga kawan, at gayundin ang tungkol sa kanyang kahanga-hangang lakas sa pakikipaglaban sa mga yaong naghangad na patayin siya, na labis siyang nanggilalas, at sinabi: Tunay nga, ito ay higit pa sa isang tao. Dinggin, hindi ba ito ang Dakilang Espiritu na siyang nagpapadala ng gayong mabibigat na kaparusahan sa mga taong ito, dahil sa kanilang mga pagpaslang?
3 At tinugon nila ang hari, at sinabi: Kung siya man po ang Dakilang Espiritu o isang tao, ay hindi po namin nalalaman; subalit ito lamang po ang nalalaman namin, na hindi po siya mapapatay ng mga kaaway ng hari; ni hindi po nila magagawang ikalat ang mga kawan ng hari kapag kasama namin siya, dahil po sa kanyang kasanayan at kahanga-hangang lakas; kaya nga, nalalaman po namin na siya ay kaibigan ng hari. At ngayon, O hari, hindi po kami naniniwala na ang isang tao ay may gayong kahanga-hangang lakas, sapagkat nalalaman po naming hindi siya maaaring mapatay.
4 At ngayon, nang marinig ng hari ang mga salitang ito, sinabi niya sa kanila: Ngayon, nalalaman ko na ito ang Dakilang Espiritu; at siya ay bumaba sa panahong ito upang pangalagaan ang inyong mga buhay, upang hindi ko kayo ipapatay na tulad ng ginagawa ko sa inyong mga kapatid. Ngayon, ito ang Dakilang Espiritu na siyang sinabi ng ating mga ama.
5 Ngayon, ito ang kaugalian ni Lamoni, na natanggap niya mula sa kanyang ama, na may Dakilang Espiritu. Sa kabila ng naniniwala sila sa Dakilang Espiritu, ipinalagay nilang anuman ang kanilang gawin ay tama; gayunpaman, si Lamoni ay nagsimulang labis na matakot, natakot na baka nakagawa siya ng mali sa pagpapapatay sa kanyang mga tagapagsilbi;
6 Sapagkat kanyang ipinapatay ang marami sa kanila dahil sa ikinalat ng kanilang mga kapatid ang kanilang mga kawan sa lugar ng tubig; at sa gayon, dahil sa naikalat nila ang kanilang mga kawan, sila ay ipinapatay.
7 Ngayon, kagawian ito ng mga yaong Lamanita na tumindig sa malapit sa mga tubig ng Sebus upang ikalat ang mga kawan ng mga tao, nang sa gayon maitaboy nilang palayo ang marami sa mga tupang nakalat sa kanilang sariling lupain, ito na isang kagawian ng pandarambong sa kanila.
8 At ito ay nangyari na nagtanong si haring Lamoni sa kanyang mga tagapagsilbi, sinasabing: Nasaan ang lalaking ito na may gayong kahanga-hangang lakas?
9 At sinabi nila sa kanya: Dinggin, pinakakain po niya ang inyong mga kabayo. Ngayon, inutusan ng hari ang kanyang mga tagapagsilbi bago pa sa panahon ng pagpapainom ng kanilang mga kawan, na nararapat nilang ihanda ang kanyang mga kabayo at karuwahe, at ihatid siya sa lupain ng Nephi; sapagkat may malaking piging na itinakda ang ama ni Lamoni sa lupain ng Nephi, na siyang hari ng buong lupain.
10 Ngayon, nang marinig ni haring Lamoni na inihahanda ni Ammon ang kanyang mga kabayo at karuwahe, siya ay lalong nanggilalas, dahil sa katapatan ni Ammon, sinasabing: Tunay na walang sinumang tagapagsilbi sa lahat ng tagapagsilbi ko ang naging napakatapat na tulad ng taong ito; sapagkat naaalala niya maging ang lahat ng aking mga utos upang isagawa ang mga ito.
11 Ngayon, tunay na nalalaman ko na ito ang Dakilang Espiritu, at nais kong siya ay magtungo sa akin, subalit hindi ako magtatangka.
12 At ito ay nangyari na nang maihanda na ni Ammon ang mga kabayo at karuwahe para sa hari at sa kanyang mga tagapagsilbi, siya ay nagtungo sa hari, at nakita niya na nagbago ang anyo ng mukha ng hari; kaya nga, babalik na sana siya paalis sa kanyang harapan.
13 At isa sa mga tagapagsilbi ng hari ang nagsabi sa kanya, Rabana, na ang ibig ipakahulugan, makapangyarihan o dakilang hari, ipinalalagay na ang kanilang mga hari ay makapangyarihan; at gayon ang sinabi niya sa kanya: Rabana, nais po ng haring manatili kayo.
14 Samakatwid, iniharap ni Ammon ang kanyang sarili sa hari, at sinabi sa kanya: Ano po ang nais ninyong gawin ko para sa inyo, O hari? At hindi siya tinugon ng hari sa loob ng isang oras, alinsunod sa kanilang oras, sapagkat hindi niya alam kung ano ang nararapat niyang sabihin sa kanya.
15 At ito ay nangyari na muling sinabi ni Ammon sa kanya: Ano po ang nais ninyo sa akin? Subalit hindi siya tinugon ng hari.
16 At ito ay nangyari na si Ammon, na puspos ng Espiritu ng Diyos, kaya nga nahiwatigan niya ang mga iniisip ng hari. At sinabi niya sa kanya: Dahil po ba ito sa narinig ninyong ipinagtanggol ko ang inyong mga tagapagsilbi at ang inyong mga kawan, at pinatay ang pito sa kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng tirador at ng espada, at pinutol ang mga bisig ng iba pa, upang maipagtanggol ang inyong mga kawan at inyong mga tagapagsilbi; dinggin, ito po ba ang sanhi ng inyong panggigilalas?
17 Sinasabi ko po sa inyo, ano po ba ito, na labis-labis ang inyong panggigilalas? Dinggin, ako po ay isang tao, at inyong tagapagsilbi; kaya nga, anuman ang inyong naising tama, yaon ay gagawin ko.
18 Ngayon, nang marinig ng hari ang mga salitang ito, muli siyang nanggilalas sapagkat namasdan niyang nahihiwatigan ni Ammon ang kanyang mga iniisip; subalit sa kabila nito, ibinuka ni haring Lamoni ang kanyang bibig at sinabi sa kanya: Sino ka? Ikaw ba ang yaong Dakilang Espiritu na nakaaalam ng lahat ng bagay?
19 Tumugon si Ammon at sinabi sa kanya: Hindi po ako.
20 At sinabi ng hari: Paanong nalalaman mo ang mga niloloob ng aking puso? Makapagsasalita ka nang walang takot, at sabihin sa akin ang hinggil sa mga bagay na ito; at sabihin mo rin sa akin sa anong kapangyarihan mo pinatay at pinutol ang mga bisig ng aking mga kapatid na nagkalat ng aking mga kawan—
21 At ngayon, kung sasabihin mo sa akin ang hinggil sa mga bagay na ito, anuman ang naisin mo ay ibibigay ko sa iyo; at kung kinakailangan, pababantayan kita sa aking mga hukbo; subalit nalalaman kong higit kang makapangyarihan kaysa sa kanilang lahat; gayunpaman, anuman ang naisin mo sa akin ay ipagkakaloob ko sa iyo.
22 Ngayon, dahil sa si Ammon ay matalino, gayunpaman ay hindi mapaminsala, sinabi niya kay Lamoni: Makikinig po ba kayo sa aking mga salita, kung sasabihin ko po sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko nagagawa ang mga bagay na ito? At ito po ang bagay na ninanais ko sa inyo.
23 At tinugon siya ng hari, at sinabing: Oo, paniniwalaan ko ang lahat ng iyong mga salita. At sa gayong paraan siya napasang-ayon.
24 At si Ammon ay nagsimulang magsalita sa kanya nang may katapangan, at sinabi sa kanya: Naniniwala po ba kayo na may Diyos?
25 At tumugon siya, at sinabi sa kanya: Hindi ko nauunawaan kung ano ang ibig mong sabihin.
26 At sa gayon sinabi ni Ammon: Naniniwala po ba kayo na may Dakilang Espiritu?
27 At sinabi niya, Oo.
28 At sinabi ni Ammon: Yaon ang Diyos. At muling sinabi ni Ammon sa kanya: Naniniwala po ba kayo na ang Dakilang Espiritu na ito, na siyang Diyos, ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa?
29 At sinabi niya: Oo, naniniwala akong nilikha niya ang lahat ng bagay na nasa lupa; subalit hindi ko nalalaman ang kalangitan.
30 At sinabi sa kanya ni Ammon: Ang kalangitan ay isang lugar kung saan nananahanan ang Diyos at lahat ng kanyang mga banal na anghel.
31 At sinabi ni haring Lamoni: Iyon ba ay sa itaas ng lupa?
32 At sinabi ni Ammon: Opo, at pinagmamasdan niya ang lahat ng anak ng tao; at nalalaman po niya ang lahat ng saloobin at layunin ng puso; sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamay ay nilikha silang lahat mula sa simula.
33 At sinabi ni haring Lamoni: Naniniwala ako sa lahat ng bagay na ito na iyong sinabi. Ikaw ba ay isinugo mula sa Diyos?
34 Sinabi ni Ammon sa kanya: Ako po ay isang tao; at ang tao sa simula ay nilikha na kawangis ng Diyos, at tinawag po ako ng kanyang Banal na Espiritu na ituro ang mga bagay na ito sa mga taong ito, upang sila po ay madala sa kaalaman ng yaong makatarungan at totoo;
35 At isang bahagi ng Espiritung yaon ang namamalagi sa akin, na nagbibigay po sa akin ng kaalaman, at gayundin ng kapangyarihan alinsunod sa aking pananampalataya at mga naisin na nasa Diyos.
36 Ngayon, nang sabihin ni Ammon ang mga salitang ito, siya ay nagsimula sa paglikha ng daigdig, at gayundin sa paglikha kay Adan, at sinabi sa kanya ang lahat ng bagay hinggil sa pagkahulog ng tao, at isinalaysay at ipinaalam sa kanya ang mga talaan at ang mga banal na kasulatan ng mga tao, na sinabi ng mga propeta, maging mula sa panahon na ang kanilang amang si Lehi ay lumisan sa Jerusalem.
37 At isinalaysay rin niya sa kanila (sapagkat ito ay sa hari at sa kanyang mga tagapagsilbi) ang lahat ng paglalakbay ng kanilang mga ama sa ilang, at lahat ng kanilang mga pagdurusa dahil sa gutom at uhaw, at kanilang paghihirap, at iba pa.
38 At isinalaysay rin niya sa kanila ang hinggil sa paghihimagsik nina Laman at Lemuel, at ng mga anak na lalaki ni Ismael, oo, ang lahat ng kanilang mga paghihimagsik ay isinalaysay niya sa kanila; at ipinaliwanag niya sa kanila ang lahat ng talaan at mga banal na kasulatan mula sa panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem hanggang sa kasalukuyang panahon.
39 Subalit hindi lamang ito; sapagkat ipinaliwanag niya sa kanila ang plano ng pagtubos, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; at ipinaalam din niya sa kanila ang hinggil sa pagparito ni Cristo, at lahat ng gawain ng Panginoon ay ipinaalam niya sa kanila.
40 At ito ay nangyari na matapos niyang sabihin ang lahat ng bagay na ito at ipaliwanag ang mga ito sa hari, na ang hari ay naniwala sa lahat ng kanyang mga salita.
41 At nagsimula siyang magsumamo sa Panginoon, sinasabing: O Panginoon, maawa, alinsunod po sa inyong masaganang awa na inyong ipinadama sa mga tao ni Nephi, sa akin, at sa aking mga tao.
42 At ngayon, nang sabihin niya ito, siya ay nalugmok sa lupa, na tila bagang siya ay patay na.
43 At ito ay nangyari na binuhat siya ng kanyang mga tagapagsilbi at dinala siya sa kanyang asawa, at inilapag siya sa isang higaan; at nahihiga siyang tila bagang patay na sa loob ng dalawang araw at dalawang gabi; at ang kanyang asawa, at kanyang mga anak na lalaki, at kanyang mga anak na babae ay ipinagdalamhati siya, alinsunod sa pamamaraan ng mga Lamanita, labis na nananaghoy sa kanyang pagkawala.