Mga Banal na Kasulatan
Alma 19


Kabanata 19

Natanggap ni Lamoni ang liwanag ng buhay na walang hanggan at nakita ang Manunubos—Ang kanyang sambahayan ay nawalan ng malay-tao, at marami ang nakakita ng mga anghel—Si Ammon ay himalang pinangalagaan—Bininyagan niya ang marami at nagtatag ng isang simbahan sa kanila. Mga 90 B.C.

1 At ito ay nangyari na pagkalipas ng dalawang araw at dalawang gabi, kanila sanang kukunin ang kanyang katawan at ilalagay ito sa isang libingan, na ginawa nila para sa layunin ng paglilibing ng kanilang mga patay.

2 Ngayon, ang reyna na narinig ang katanyagan ni Ammon, kaya nga, siya ay nagpasabi at nagnais na magtungo siya sa kanya.

3 At ito ay nangyari na ginawa ni Ammon ang ipinag-utos sa kanya, at nagtungo sa reyna, at nagnais na malaman kung ano ang nais niyang ipagawa sa kanya.

4 At sinabi niya sa kanya: Ipinaalam sa akin ng mga tagapagsilbi ng aking asawa na ikaw ay isang propeta ng banal na Diyos, at na mayroon kang kapangyarihang gumawa ng maraming dakilang gawain sa kanyang pangalan;

5 Samakatwid, kung ito ang pagbabatayan, nais kong pumasok ka at tingnan ang aking asawa, sapagkat nakahiga siya sa kanyang higaan sa loob na ng dalawang araw at dalawang gabi; at ang ilan ay nagsasabing hindi pa siya patay, subalit sinasabi naman ng iba na patay na siya at namamaho na, at nararapat na siyang ilagay sa libingan; subalit para sa akin, hindi siya namamaho.

6 Ngayon, ito ang naisin ni Ammon sapagkat alam niyang si haring Lamoni ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos; alam niya na ang madilim na tabing ng kawalang-paniniwala ay iwinawaksi mula sa kanyang isipan, at ang liwanag na umilaw sa kanyang isipan, na liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, na isang kagila-gilalas na liwanag ng kanyang kabutihan—oo, ang liwanag na ito ang nagbigay ng kagalakan sa kanyang kaluluwa, sa pagkakapalis ng ulap ng kadiliman, at na ang liwanag ng buhay na walang hanggan ay nagningas sa kanyang kaluluwa, oo, alam niyang nadaig nito ang kanyang likas na pangangatawan, at tinangay siya sa Diyos—

7 Samakatwid, kung ano ang hiniling ng reyna sa kanya ang tangi niyang naisin. Kaya nga, siya ay pumasok upang tingnan ang hari alinsunod sa hiniling sa kanya ng reyna; at nakita niya ang hari, at alam niyang hindi siya patay.

8 At sinabi niya sa reyna: Hindi po siya patay, kundi siya ay natutulog sa Diyos, at sa kinabukasan, siya po ay muling magbabangon; kaya nga, siya ay huwag pong ilibing.

9 At sinabi ni Ammon sa kanya: Naniniwala po ba kayo rito? At sinabi niya sa kanya: Wala akong katibayan maliban sa iyong salita, at ang salita ng aming mga tagapagsilbi; gayunpaman, naniniwala akong mangyayari ang alinsunod sa iyong sinabi.

10 At sinabi ni Ammon sa kanya: Pinagpala po kayo dahil sa inyong labis na pananampalataya; sinasabi ko po sa inyo, babae, na wala pong gayong kalaking pananampalataya sa lahat ng tao ng mga Nephita.

11 At ito ay nangyari na nagbantay siya sa higaan ng kanyang asawa mula noon maging hanggang sa kinabukasan na siyang itinakda ni Ammon na pagbangon niya.

12 At ito ay nangyari na bumangon siya, alinsunod sa mga salita ni Ammon; at nang siya ay bumangon, iniunat niya ang kanyang kamay sa babae, at sinabi: Purihin ang pangalan ng Diyos, at pagpalain ka.

13 Sapagkat tunay na yamang ikaw ay buhay, dinggin, nakita ko ang aking Manunubos; at siya ay paparito, at isisilang ng isang babae, at tutubusin niya ang buong sangkatauhan na naniniwala sa kanyang pangalan. Ngayon, nang sabihin niya ang mga salitang ito, tumaba ang kanyang puso, at muli siyang nalugmok sa kagalakan; at ang reyna ay nalugmok din, na nadaig ng Espiritu.

14 Ngayon, nang makita ni Ammon na bumuhos ang Espiritu ng Panginoon alinsunod sa kanyang mga panalangin sa mga Lamanita, na kanyang mga kapatid, na naging dahilan ng labis na pagdadalamhati ng mga Nephita, o sa lahat ng tao ng Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at kanilang mga kaugalian, siya ay napaluhod sa kanyang mga tuhod, at nagsimulang ibuhos ang kanyang kaluluwa sa panalangin at pasasalamat sa Diyos dahil sa ginawa niya para sa kanyang mga kapatid; at siya rin ay nadaig sa kagalakan; at sa gayon nalugmok lahat silang tatlo sa lupa.

15 Ngayon, nang makita ng mga tagapagsilbi ng hari na nalugmok sila, nagsimula rin silang magsumamo sa Diyos, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nanaig din sa kanila, sapagkat sila ang mga yaong tumindig sa harapan ng hari at nagpatotoo sa kanya hinggil sa kahanga-hangang lakas ni Ammon.

16 At ito ay nangyari na nanawagan sila sa pangalan ng Panginoon, sa kanilang lakas, maging hanggang sa silang lahat ay nalugmok sa lupa, maliban sa isa sa kababaihang Lamanita, na Abis ang pangalan, siya na nagbalik-loob na sa Panginoon nang maraming taon, dahil sa isang kamangha-manghang pangitain ng kanyang ama—

17 Sa gayon, sapagkat nagbalik-loob sa Panginoon, at kailanman ay hindi ito naipaalam, kaya nga, nang makita niya na ang lahat ng tagapagsilbi ni Lamoni ay nalugmok sa lupa, at gayundin ang kanyang babaeng pinagsisilbihan, ang reyna, at ang hari, at si Ammon ay nakahandusay sa lupa, alam niyang ito ay kapangyarihan ng Diyos; at inaakala na ang pagkakataong ito, sa pamamagitan ng pagpapaalam sa mga tao kung ano ang nangyari sa kanila, na sa pamamagitan ng pagmalas ng tagpong ito, magiging dahilan ito upang maniwala sila sa kapangyarihan ng Diyos, kaya nga, siya ay tumakbo sa bahay-bahay, ipinaaalam ito sa mga tao.

18 At nagsimula silang sama-samang tipunin ang kanilang sarili sa tahanan ng hari. At maraming tao ang dumating, at sa kanilang panggigilalas, namasdan nila ang hari, at ang reyna, at ang kanilang mga tagapagsilbi na nakahandusay sa lupa, at silang lahat ay nakahiga roon na tila bagang mga patay na; at nakita rin nila si Ammon, at dinggin, isa siyang Nephita.

19 At ngayon, ang mga tao ay nagsimulang bumulung-bulong sa kanilang sarili; sinasabi ng ilan na ito ay isang kakila-kilabot na kasamaan na sumapit sa kanila, o sa hari at sa kanyang sambahayan, sapagkat ipinahintulot niyang manatili ang Nephita sa lupain.

20 Subalit sila ay pinagsabihan ng iba, sinasabing: Ang hari ang siyang nagdala ng kasamaang ito sa kanyang sambahayan, dahil sa ipinapatay niya ang kanyang mga tagapagsilbi na naikalat ang kanilang mga kawan sa mga tubig ng Sebus.

21 At sila rin ay pinagsabihan ng mga yaong lalaking nagsitindig sa mga tubig ng Sebus at siyang nagkalat ng mga kawan na pag-aari ng hari, sapagkat sila ay galit kay Ammon dahil sa bilang ng kanyang napatay sa kanilang mga kapatid sa mga tubig ng Sebus, habang ipinagtatanggol ang mga kawan ng hari.

22 Ngayon, isa sa kanila, na ang kapatid na lalaki ay napatay ng espada ni Ammon, sa labis na galit kay Ammon ay hinugot ang kanyang espada at lumusob upang itarak niya ito kay Ammon, upang patayin siya; at nang itaas niya ang espada upang saksakin siya, dinggin, bumagsak siyang patay.

23 Ngayon, nakikita nating si Ammon ay hindi maaaring mapatay, sapagkat sinabi ng Panginoon kay Mosias na kanyang ama: Pangangalagaan ko siya, at mangyayari ito sa kanya alinsunod sa iyong pananampalataya—kaya nga, ipinagkatiwala siya ni Mosias sa Panginoon.

24 At ito ay nangyari na nang mamasdan ng maraming tao na bumagsak na patay ang lalaki, na siyang nagtaas ng espada upang patayin si Ammon, na nanaig ang takot sa kanilang lahat, at hindi nila tinangkang iunat ang kanilang mga kamay upang hawakan siya o sinuman sa mga yaong nangalugmok; at nagsimula silang muling manggilalas sa kanilang sarili kung ano kaya ang sanhi ng dakilang kapangyarihang ito, o ano ang ibig sabihin ng lahat ng bagay na ito.

25 At ito ay nangyari na marami sa kanila ang nagsabi na si Ammon ang Dakilang Espiritu, at ang iba ay nagsabi naman na siya ay isinugo ng Dakilang Espiritu;

26 Subalit pinagsabihan silang lahat ng iba, sinasabing isa siyang halimaw, na isinugo mula sa mga Nephita upang parusahan sila.

27 At may ilang nagsabing isinugo si Ammon ng Dakilang Espiritu upang sila ay pahirapan dahil sa kanilang mga kasamaan; at na ang Dakilang Espiritu ang palaging nangangalaga sa mga Nephita, na siyang palaging nagliligtas sa kanila mula sa kanilang mga kamay; at sinabi nila na ang Dakilang Espiritu na ito ang siyang lumipol sa marami sa kanilang mga kapatid na mga Lamanita.

28 At sa gayon nagsimulang maging matalim ang mga pagtatalu-talo sa kanila. At habang sila ay nasa gayong pagtatalu-talo, ang babaeng tagapagsilbi na siyang nagtipon sa maraming tao ay dumating, at nang kanyang makita ang pagtatalu-talo sa maraming tao, siya ay labis na nalungkot, maging hanggang sa maluha.

29 At ito ay nangyari na siya ay lumapit at hinawakan ang kamay ng reyna na baka sakaling kanyang maitayo siya mula sa lupa; at nang hawakan niya ang kanyang kamay, siya ay bumangon at tumayo sa kanyang mga paa, at sumigaw sa isang malakas na tinig, sinasabing: O mapagpalang Jesus, na nagligtas sa akin mula sa kakila-kilabot na impiyerno! O mapagpalang Diyos, kaawaan ang mga taong ito!

30 At nang sabihin niya ito, pinagdaop niya nang mahigpit ang kanyang mga palad, napupuspos ng kagalakan, nangungusap ng maraming salitang hindi maunawaan; at nang magawa na niya ito, hinawakan niya ang haring si Lamoni sa kamay, at dinggin, siya ay bumangon at tumayo sa kanyang mga paa.

31 At siya, nakikita ang pagtatalu-talo sa kanyang mga tao, ay kaagad-agad na lumapit at nagsimulang pagsabihan sila, at ituro sa kanila ang mga salitang kanyang narinig mula sa bibig ni Ammon; at kasindami ng nakarinig ng kanyang mga salita ang naniwala at nagbalik-loob sa Panginoon.

32 Subalit marami sa kanila ang tumangging makinig sa kanyang mga salita; kaya nga, humayo sila sa kani-kanilang landas.

33 At ito ay nangyari na nang bumangon si Ammon, siya rin ay nangaral sa kanila, at gayundin ang lahat ng tagapagsilbi ni Lamoni; at ipinahayag nilang lahat sa mga tao ang gayunding bagay—na ang kanilang mga puso ay nagbago; na wala na silang pagnanais pang gumawa ng masama.

34 At dinggin, marami ang nagpahayag sa mga tao na sila ay nakakita ng mga anghel at nakipag-usap sa kanila; at sa gayon sila nangusap sa kanila tungkol sa mga bagay ng Diyos, at sa kanyang katwiran.

35 At ito ay nangyari na marami ang naniwala sa kanilang mga salita; at kasindami ng naniwala ang nabinyagan; at sila ay naging mga matwid na tao, at sila ay nagtatag ng isang simbahan sa kanila.

36 At sa gayon nagsimula ang gawain ng Panginoon sa mga Lamanita; sa gayon nagsimulang ibuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa kanila; at nakikita nating nakaunat ang kanyang bisig sa lahat ng taong magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan.