Mga Banal na Kasulatan
Alma 1


Ang Aklat ni Alma
ang Anak ni Alma

Ang ulat ni Alma, na anak na lalaki ni Alma, ang una at punong hukom ng mga tao ni Nephi, at mataas na saserdote rin sa Simbahan. Isang ulat ng panunungkulan ng mga hukom, at ng mga digmaan at alitan ng mga tao. At ulat din ng isang digmaan na namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita, ayon sa talaan ni Alma, ang una at punong hukom.

Kabanata 1

Si Nehor ay nagturo ng mga maling doktrina, nagtatag ng isang simbahan, nagpasimula ng huwad na pagkasaserdote, at pinatay si Gedeon—Binitay si Nehor para sa kanyang mabibigat na kasalanan—Lumaganap sa mga tao ang mga huwad na pagkasaserdote at pag-uusig—Tinustusan ng mga saserdote ang kanilang sarili, kinalinga ng mga tao ang mga maralita, at umunlad ang Simbahan. Mga 91–88 B.C.

1 Ngayon, ito ay nangyari na sa unang taon ng pamamahala ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, mula sa panahong ito, si haring Mosias na yumaon na sa lakad ng buong lupa, na nakipaglaban ng isang mabuting laban, naglakad nang matwid sa harapan ng Diyos, ay walang iniwan na mamahalang kahalili niya; gayunpaman, siya ay nagtakda ng mga batas, at kinilala ang mga ito ng mga tao; kaya nga, sila ay kinailangang sumunod sa mga batas na kanyang ginawa.

2 At ito ay nangyari na sa unang taon ng pamamahala ni Alma sa hukumang-luklukan, may isang lalaking dinala sa kanyang harapan upang hatulan, isang malaking lalaki, at nakilala dahil sa kanyang labis na lakas.

3 At siya ay lumibot sa mga tao, nangangaral sa kanila ng tinatawag niyang salita ng Diyos, nagpapatotoo laban sa simbahan; ipinahahayag sa mga tao na ang lahat ng saserdote at guro ay nararapat na maging tanyag; at nararapat na hindi gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, kundi nararapat silang tustusan ng mga tao.

4 At nagpatotoo rin siya sa mga tao na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, at na hindi nila kinakailangang matakot ni manginig, sa halip ay maaari nilang itaas ang kanilang mga ulo at magalak; sapagkat nilikha ng Panginoon ang lahat ng tao, at kanya ring tinubos ang lahat ng tao; at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

5 At ito ay nangyari na itinuro niya ang mga bagay na ito nang husto kung kaya’t marami ang naniwala sa kanyang mga salita, maging sa napakarami kung kaya’t nagsimula silang tustusan siya at bigyan siya ng salapi.

6 At nagsimula siyang maiangat sa kapalaluan ng kanyang puso, at magbihis ng napakamamahaling kasuotan, oo, at nagsimula ring magtatag ng isang simbahan alinsunod sa paraan ng kanyang pangangaral.

7 At ito ay nangyari na nang humahayo siya, upang mangaral sa mga yaong naniniwala sa kanyang salita, na nakatagpo niya ang isang lalaking nabibilang sa simbahan ng Diyos, oo, maging isa sa kanilang mga guro; at siya ay nagsimulang makipagtalo sa kanya nang matalim, upang kanyang maakay palayo ang mga tao ng simbahan; subalit siya ay napangatwiranan ng lalaki, pinaaalalahanan siya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos.

8 Ngayon, ang pangalan ng lalaki ay Gedeon, at siya ang yaong naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagpapalaya sa mga tao ni Limhi mula sa pagkaalipin.

9 Ngayon, sapagkat siya ay napangatwiranan ni Gedeon sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, siya ay napoot kay Gedeon, at hinugot ang kanyang espada at nagsimulang saksakin siya. Ngayon, si Gedeon ay matanda na, kaya nga hindi niya nagawang mapaglabanan ang kanyang mga saksak, kaya nga, napatay siya sa pamamagitan ng espada.

10 At ang lalaking pumatay sa kanya ay dinakip ng mga tao ng simbahan, at dinala sa harapan ni Alma, upang mahatulan alinsunod sa mabibigat na kasalanang kanyang nagawa.

11 At ito ay nangyari na tumindig siya sa harapan ni Alma at ipinagtanggol ang kanyang sarili nang buong kapangahasan.

12 Subalit sinabi ni Alma sa kanya: Dinggin, ito ang unang pagkakataon na ang huwad na pagkasaserdote ay pinasimulan sa mga taong ito. At dinggin, hindi ka lamang nagkasala ng huwad na pagkasaserdote, kundi nagpilit pang ipatupad ito sa pamamagitan ng espada; at kung ang huwad na pagkasaserdote ay ipatutupad sa mga taong ito, hahantong ito sa kanilang lubusang pagkalipol.

13 At pinadanak mo ang dugo ng isang matwid na tao, oo, isang taong nakagawa ng labis na kabutihan sa mga taong ito; at kung amin kang patatawarin, ang kanyang dugo ay pananagutin kami upang maghiganti.

14 Samakatwid, hinahatulan kang mamatay, alinsunod sa batas na ibinigay sa atin ni Mosias, na ating huling hari; at ito ay kinilala ng mga taong ito; kaya nga, ang mga taong ito ay kinakailangang sumunod sa batas.

15 At ito ay nangyari na kanilang dinakip siya; at ang kanyang pangalan ay Nehor; at kanilang dinala siya sa tuktok ng burol ng Manti, at doon siya pinaamin, o sa madaling salita, umamin sa pagitan ng kalangitan at ng lupa, na ang kanyang itinuro sa mga tao ay salungat sa salita ng Diyos; at doon siya nagdanas ng isang kalunos-lunos na kamatayan.

16 Gayunpaman, hindi nito nawakasan ang paglaganap ng huwad na pagkasaserdote sa lupain; sapagkat marami ang nagmamahal sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, at humayo silang nangangaral ng mga maling doktrina; at ito ay ginawa nila para sa mga kayamanan at karangalan.

17 Gayunpaman, hindi sila nangahas na magsinungaling kung ito ay malalaman dahil sa takot sa batas, sapagkat ang mga sinungaling ay pinarurusahan; kaya nga, sila ay nagkunwaring ipinangangaral ang naaayon sa kanilang paniniwala; at ngayon, ang batas ay walang kapangyarihan sa sinumang tao dahil sa kanyang paniniwala.

18 At hindi sila nangahas na magnakaw, dahil sa takot sa batas, sapagkat ang gayon ay pinarurusahan; ni hindi sila nangahas na manloob, ni pumaslang, sapagkat siya na pumapaslang ay pinarurusahan ng kamatayan.

19 Subalit ito ay nangyari na sinumang hindi nabibilang sa simbahan ng Diyos ay nagsimulang usigin ang mga yaong nabibilang sa simbahan ng Diyos, at tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo.

20 Oo, kanilang inusig sila, at sinaktan sila sa pamamagitan ng lahat ng uri ng pananalita, at ito ay dahil sa kanilang pagpapakumbaba; sapagkat hindi sila palalo sa kanilang sariling mga paningin, at dahil sa ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa isa’t isa, nang walang salapi at walang bayad.

21 Ngayon, may isang mahigpit na batas sa mga tao ng simbahan, na walang sinumang tao na nabibilang sa simbahan ang magpapasimuno at uusig sa mga yaong hindi nabibilang sa simbahan, at nararapat na walang pag-uusig sa kanila.

22 Gayunpaman, marami sa kanila ang nagsimulang maging palalo, at nagsimulang mainit na makipagtalo sa kanilang mga katunggali, maging hanggang sa paghahatawan; oo, sinasaktan nila ang isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga kamao.

23 Ngayon, ito ay sa ikalawang taon ng panunungkulan ni Alma, at ito ay naging dahilan ng labis na paghihirap sa simbahan; oo, ito ang naging dahilan ng labis na pagsubok sa simbahan.

24 Sapagkat ang mga puso ng marami ay tumigas, at ang kanilang mga pangalan ay binura, kung kaya’t hindi na sila muling inalala pa sa mga tao ng Diyos. At marami rin ang inilayo ang kanilang sarili mula sa kanila.

25 Ngayon, ito ay naging isang malaking pagsubok sa mga yaong nanatiling matatag sa pananampalataya; gayunpaman, sila ay naging matatag at hindi natitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at kanilang pinasan nang may pagtitiis ang pag-uusig na ibinunton sa kanila.

26 At kapag iniiwanan ng mga saserdote ang kanilang gawain upang ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao, ang mga tao ay iniiwanan din ang kanilang mga gawain upang pakinggan ang salita ng Diyos. At kapag naipahayag na sa kanila ng mga saserdote ang salita ng Diyos, silang lahat ay muling nagbabalik nang buong sigasig sa kanilang mga gawain; at hindi iniisip ng saserdote na nakahihigit ang kanyang sarili sa kanyang mga tagapakinig, sapagkat ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay hindi nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay, at silang lahat ay gumagawa, bawat tao ayon sa kanyang lakas.

27 At ibinahagi nila ang kanilang kabuhayan, bawat tao alinsunod sa kanyang taglay, sa mga maralita, at nangangailangan, at sa may karamdaman, at sa naghihirap; at hindi sila nagbibihis ng mamahaling kasuotan, gayunman, sila ay maaayos at kaakit-akit.

28 At sa gayon nila itinatag ang mga gawain ng simbahan; at sa gayon sila nagsimulang magkaroong muli ng patuloy na kapayapaan, sa kabila ng lahat ng pag-uusig sa kanila.

29 At ngayon, dahil sa katatagan ng simbahan ay nagsimula silang labis na magsiyaman, nananagana sa lahat ng bagay anuman ang kanilang kinakailangan—kasaganaan sa mga kawan ng tupa at kawan ng baka, at patabain ng lahat ng uri, at kasaganaan din sa butil, at sa ginto, at sa pilak, at sa mga mamahaling bagay, at kasaganaan sa sutla at maiinam na hinabing lino, at sa lahat ng uri ng matitibay na tela.

30 At sa gayon, sa kanilang maunlad na kalagayan, hindi nila itinaboy ang sinumang mga hubad, o mga gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, o mga hindi malulusog; at hindi nila inilagak ang kanilang mga puso sa mga kayamanan; kaya nga, sila ay naging mapagbigay sa lahat, sa kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan, walang itinatangi sa mga tao hinggil sa mga yaong nangangailangan.

31 At sa gayon sila umunlad at naging higit na mayayaman kaysa sa mga yaong hindi nabibilang sa kanilang simbahan.

32 Sapagkat ang mga yaong hindi nabibilang sa kanilang simbahan ay ipinalayaw ang kanilang sarili sa mga pangungulam, at sa pagsamba sa mga diyus-diyusan o katamaran, at sa mga usapang walang katuturan, at sa inggitan at sigalutan; nagbibihis ng mamahaling kasuotan; iniaangat sa kapalaluan ng kanilang sariling mga paningin; nang-uusig, nagsisinungaling, nagnanakaw, nanloloob, gumagawa ng mga pagpapatutot, at pumapaslang, at lahat ng uri ng kasamaan; gayunpaman, ang batas ay ipinatutupad sa lahat ng yaong lumalabag dito, hangga’t maaari.

33 At ito ay nangyari na sa pamamagitan ng gayong pagpapatupad ng batas sa kanila, bawat tao ay nagdurusa alinsunod sa nagawa niya, sila ay naging higit na matatag, at hindi nangahas na gumawa ng anumang kasamaan kung ito ay malalaman; kaya nga nagkaroon ng labis na kapayapaan sa mga tao ni Nephi hanggang sa ikalimang taon ng panunungkulan ng mga hukom.