Ang ulat ng pangangaral nina Aaron, at Muloki, at ng kanilang mga kapatid, sa mga Lamanita.
Binubuo ng mga kabanata 21 hanggang 25.
Kabanata 21
Nagturo si Aaron sa mga Amalekita tungkol kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala—Ibinilanggo sa Midoni si Aaron at ang kanyang mga kapatid—Pagkatapos ng kanilang paglaya, sila ay nagturo sa mga sinagoga at marami ang napabalik-loob—Ipinahintulot ni Lamoni ang kalayaang panrelihiyon sa mga tao sa lupain ng Ismael. Mga 90–77 B.C.
1 Ngayon, nang maghiwa-hiwalay si Ammon at ang kanyang mga kapatid sa mga hangganan ng lupain ng mga Lamanita, dinggin, si Aaron ay humayo sa kanyang paglalakbay patungo sa lupaing tinatawag ng mga Lamanita na Jerusalem, tinawag ito alinsunod sa lupang sinilangan ng kanilang mga ama; at ito ay malayo, katabi ng mga hangganan ng Mormon.
2 Ngayon, ang mga Lamanita at ang mga Amalekita at ang mga tao ni Amulon ay nagtayo ng isang dakilang lungsod, na tinawag na Jerusalem.
3 Ngayon, ang mga Lamanita sa kanilang sarili ay sapat nang matitigas, subalit ang mga Amalekita at ang mga Amulonita ay higit na matitigas; kaya nga nagawa nilang patigasin ng mga Lamanita ang kanilang mga puso, upang labis na lumala ang kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain.
4 At ito ay nangyari na dumating si Aaron sa lungsod ng Jerusalem, at unang nagsimulang mangaral sa mga Amalekita. At siya ay nagsimulang mangaral sa kanila sa kanilang mga sinagoga, sapagkat sila ay nagtayo ng mga sinagoga alinsunod sa orden ng mga Nehor; sapagkat marami sa mga Amalekita at sa mga Amulonita ang naaalinsunod sa orden ng mga Nehor.
5 Samakatwid, nang pumasok si Aaron sa isa sa kanilang mga sinagoga upang mangaral sa mga tao, at habang nangungusap siya sa kanila, dinggin, may tumindig na isang Amalekita at nagsimulang makipagtalo sa kanya, sinasabing: Ano itong pinatototohanan mo? Nakakita ka ba ng anghel? Bakit hindi nagpapakita sa amin ang mga anghel? Dinggin, hindi ba kasimbuti ng mga taong ito ang iyong mga tao?
6 Sinabi mo rin, maliban kung magsisisi kami ay masasawi kami. Paano mo nalaman ang saloobin at layunin ng aming mga puso? Paano mo nalamang may dahilan upang kami ay magsisi? Paano mo nalamang hindi kami mga matwid na tao? Dinggin, kami ay nagtayo ng mga santuwaryo, at sama-samang tinitipon namin ang aming sarili upang sumamba sa Diyos. Kami ay naniniwalang ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao.
7 Ngayon, sinabi ni Aaron sa kanya: Naniniwala ka bang paparito ang Anak ng Diyos upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan?
8 At sinabi ng lalaki sa kanya: Hindi kami naniniwalang nalalaman mo ang gayong bagay. Hindi kami naniniwala sa mga hangal na kaugaliang ito. Hindi kami naniniwalang nalalaman mo ang mga bagay na mangyayari, ni hindi kami naniniwala na ang iyong mga ama at gayundin ang aming mga ama ay nalaman ang hinggil sa mga bagay na kanilang sinabi, na darating.
9 Ngayon, nagsimulang buklatin ni Aaron sa kanila ang mga banal na kasulatan hinggil sa pagparito ni Cristo, at gayundin ang hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at na hindi magkakaroon ng pagtubos para sa sangkatauhan maliban sa pamamagitan ng kamatayan at mga pagpapakasakit ni Cristo, at ng pagbabayad-sala ng kanyang dugo.
10 At ito ay nangyari na nang simulan niyang ipaliwanag sa kanila ang mga bagay na ito, sila ay nagalit sa kanya, at nagsimulang kutyain siya; at tumanggi silang makinig sa mga salitang kanyang sinabi.
11 Samakatwid, nang makita niyang tumanggi silang makinig sa kanyang mga salita, nilisan niya ang kanilang sinagoga, at nagtungo sa isang nayon na tinatawag na Ani-Anti, at doon niya natagpuan si Muloki na ipinangangaral ang salita sa kanila; at gayundin si Amma at ang kanyang mga kapatid. At sila ay nakipagtalo sa marami tungkol sa salita.
12 At ito ay nangyari na nakita nilang patitigasin ng mga tao ang kanilang mga puso, kaya nga, sila ay lumisan at nakarating sa lupain ng Midoni. At ipinangaral nila ang salita sa marami, at kakaunti ang naniwala sa mga salitang kanilang itinuro.
13 Gayunpaman, si Aaron at ang ilan sa kanyang mga kapatid ay dinakip at itinapon sa bilangguan, at ang nalalabi sa kanila ay nagsitakas mula sa lupain ng Midoni patungo sa mga lugar sa palibot.
14 At ang mga yaong itinapon sa bilangguan ay nagdusa ng maraming bagay, at sila ay nakalaya sa pamamagitan ng kamay nina Lamoni at Ammon, at sila ay pinakain at dinamitan.
15 At sila ay humayong muli upang ipahayag ang salita, at sa gayon sila nakalaya sa unang pagkakataon sa bilangguan; at sa gayon sila nagdusa.
16 At sila ay humayo saanman sila akayin ng Espiritu ng Panginoon, ipinangangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng sinagoga ng mga Amalekita, o sa bawat pagtitipon ng mga Lamanita kung saan sila maaaring tanggapin.
17 At ito ay nangyari na nagsimulang pagpalain sila ng Panginoon, kung kaya nga’t nadala nila ang marami sa kaalaman ng katotohanan; oo, napaniwala nila ang marami tungkol sa kanilang mga kasalanan, at sa mga kaugalian ng kanilang mga ama, na hindi tama.
18 At ito ay nangyari na nagbalik sina Ammon at Lamoni sa lupain ng Ismael mula sa lupain ng Midoni, na lupaing kanilang mana.
19 At hindi pinahintulutan ni haring Lamoni na si Ammon ay maglingkod sa kanya; o maging kanyang tagapagsilbi.
20 Kundi ipinag-utos niyang magtayo ng mga sinagoga sa lupain ng Ismael; at ipinag-utos niya na ang kanyang mga tao, o ang mga taong nasa ilalim ng kanyang paghahari, ay nararapat na sama-samang tipunin ang kanilang sarili.
21 At siya ay nagsaya hinggil sa kanila, at kanyang tinuruan sila ng maraming bagay. At ipinahayag din niya sa kanila na sila ay mga taong nasasakupan niya, at na sila ay mga taong malaya, na sila ay malaya mula sa mga pang-aapi ng hari, na kanyang ama; sapagkat ipinagkaloob ng kanyang ama sa kanya na siya ay makapamahala sa mga tao na nasa lupain ng Ismael, at sa lahat ng lupain sa palibot.
22 At ipinahayag din niya sa kanila na sila ay may kalayaan sa pagsamba sa Panginoon nilang Diyos alinsunod sa kanilang mga naisin, saanmang lugar sila naroroon, kung ito ay nasa lupain na nasa ilalim ng paghahari ni haring Lamoni.
23 At si Ammon ay nangaral sa mga tao ni haring Lamoni; at ito ay nangyari na itinuro niya sa kanila ang lahat ng bagay hinggil sa mga bagay na nauukol sa katwiran. At pinapayuhan niya sila araw-araw, nang may buong pagsusumigasig; at kanilang pinakinggan ang kanyang salita, at sila ay naging masugid sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.