Mga Banal na Kasulatan
Alma 23


Kabanata 23

Ipinahayag ang kalayaang panrelihiyon—Nagbalik-loob ang mga Lamanita na nasa pitong lupain at mga lungsod—Tinawag nila ang sarili na mga Anti-Nephi-Lehi at nakalaya sa sumpa—Tinanggihan ng mga Amalekita at ng mga Amulonita ang katotohanan. Mga 90–77 B.C.

1 Dinggin, ngayon, ito ay nangyari na nagpadala ang hari ng mga Lamanita ng pahayag sa lahat ng kanyang mga tao, na hindi nila pagbubuhatan ng kanilang mga kamay si Ammon, o si Aaron, o si Omner, o si Himni, ni isa man sa kanilang mga kapatid na hahayo sa pangangaral ng salita ng Diyos, saanmang lugar sila magtungo, sa alinmang bahagi ng kanilang lupain.

2 Oo, siya ay naglabas ng isang batas sa kanila, na hindi nila sasalingin sila ng kanilang mga kamay upang igapos sila, o itapon sila sa bilangguan; ni ang kanilang duraan sila, ni hambalusin sila, ni itaboy silang palabas ng kanilang mga sinagoga, ni pahirapan sila; ni hindi nila sila pupukulin ng mga bato, kundi magkaroon sila ng kalayaang makapasok sa kanilang mga bahay, at gayundin sa kanilang mga templo, at kanilang mga santuwaryo.

3 At sa gayon sila makahahayo at makapangangaral ng salita alinsunod sa kanilang mga naisin, sapagkat ang hari ay nagbalik-loob sa Panginoon, at ang kanyang buong sambahayan; kaya nga ipinadala niya ang kanyang pahayag sa lahat ng dako ng lupain sa kanyang mga tao, upang ang salita ng Diyos ay hindi mahadlangan, bagkus ay lumaganap ito sa lahat ng dako ng buong lupain, upang ang kanyang mga tao ay mapaniwala hinggil sa masasamang kaugalian ng kanilang mga ama, at upang sila ay mapaniwala na silang lahat ay magkakapatid, at na hindi sila nararapat na pumaslang, ni mandambong, ni magnakaw, ni makiapid, ni gumawa ng anumang uri ng kasamaan.

4 At ngayon, ito ay nangyari na nang ipadala ng hari ang pahayag na ito, si Aaron at ang kanyang mga kapatid ay naglakbay nang lungsod sa lungsod, at mula sa isang bahay ng pagsamba sa isa pa, nagtatatag ng mga simbahan, at nagtatalaga ng mga saserdote at guro sa lahat ng dako ng lupain sa mga Lamanita, upang ipangaral at ituro ang salita ng Diyos sa kanila; at sa gayon sila nagsimulang magtamo ng malaking tagumpay.

5 At libu-libo ang nadala sa kaalaman ng Panginoon, oo, libu-libo ang nadalang maniwala sa mga kaugalian ng mga Nephita; at itinuro sa kanila ang mga talaan at propesiyang ipinasa-pasa maging hanggang sa kasalukuyan.

6 At kasintunay na buhay ang Panginoon, gayon katunay na kasindami ng naniwala, o kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng mga himala sa kanila—oo, sinasabi ko sa inyo, yamang buhay ang Panginoon, kasindami ng mga Lamanita na naniwala sa kanilang pangangaral, at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.

7 Sapagkat sila ay naging mga matwid na tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos, ni nilabanan ang sinuman sa kanilang mga kapatid.

8 Ngayon, ito sila na mga nagbalik-loob sa Panginoon:

9 Ang mga tao ng mga Lamanita na nasa lupain ng Ismael;

10 At gayundin ang mga tao ng mga Lamanita na nasa lupain ng Midoni;

11 At gayundin ang mga tao ng mga Lamanita na nasa lungsod ng Nephi;

12 At gayundin ang mga tao ng mga Lamanita na nasa lupain ng Silom, at nasa lupain ng Semlon, at nasa lungsod ng Lemuel, at nasa lungsod ng Simnilom.

13 At ito ang mga pangalan ng mga lungsod ng mga Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon; at ito sila na mga nagbaba ng mga sandata ng kanilang paghihimagsik, oo, lahat ng kanilang mga sandata ng digmaan; at lahat sila ay mga Lamanita.

14 At ang mga Amalekita ay hindi nagbalik-loob, maliban sa isa; ni ang sinuman sa mga Amulonita; sa halip, pinatigas nila ang kanilang mga puso, at gayundin ang mga puso ng mga Lamanita sa bahaging yaon ng lupain saanman sila nanirahan, oo, at lahat ng kanilang mga nayon, at lahat ng kanilang mga lungsod.

15 Samakatwid, binanggit namin ang lahat ng lungsod ng mga Lamanita kung saan sila ay nangagsisi at dumating sa kaalaman ng katotohanan, at mga nagbalik-loob.

16 At ngayon, ito ay nangyari na nagnais ang hari at ang mga yaong nagbalik-loob na magkaroon ng pangalan, upang sila ay makilala mula sa kanilang mga kapatid; kaya nga, ang hari ay nakipagsanggunian kay Aaron at sa marami sa kanilang mga saserdote, hinggil sa pangalang tataglayin nila sa kanilang sarili, upang sila ay makilala.

17 At ito ay nangyari na tinawag nila ang kanilang pangalan na mga Anti-Nephi-Lehi; at sila ay tinawag sa pangalang ito at hindi na tinawag pang mga Lamanita.

18 At sila ay nagsimulang maging napakasisipag na tao; oo, at sila ay naging magigiliw sa mga Nephita; kaya nga, sila ay nagbukas ng pakikipag-ugnayan sa kanila, at ang sumpa ng Diyos ay hindi na sila sinundan pa.