Mga Banal na Kasulatan
Alma 24


Kabanata 24

Sinalakay ng mga Lamanita ang mga tao ng Diyos—Ang mga Anti-Nephi-Lehi ay nagsaya kay Cristo at dinalaw ng mga anghel—Pinili nilang magdusa ng kamatayan kaysa sa ipagtanggol ang kanilang sarili—Marami pa sa mga Lamanita ang nagbalik-loob. Mga 90–77 B.C.

1 At ito ay nangyari na ang mga Amalekita at ang mga Amulonita at ang mga Lamanita na nasa lupain ng Amulon, at gayundin sa lupain ng Helam, at nasa lupain ng Jerusalem, at sa madaling salita, sa lahat ng lupain sa palibot, na hindi nagbalik-loob at hindi tinaglay sa kanilang sarili ang pangalang Anti-Nephi-Lehi, ay pinukaw ng mga Amalekita at ng mga Amulonita na magalit laban sa kanilang mga kapatid.

2 At ang kanilang poot ay labis na naging masidhi laban sa kanila, maging hanggang sa nagsimula silang maghimagsik laban sa kanilang hari, hanggang sa sila ay tumanggi na maging hari pa nila siya; kaya nga, sila ay humawak ng mga sandata laban sa mga tao ni Anti-Nephi-Lehi.

3 Ngayon, iginawad ng hari sa kanyang anak na lalaki ang kaharian, at tinawag niya ang kanyang pangalang Anti-Nephi-Lehi.

4 At ang hari ay namatay sa taon ding yaon nang magsimulang maghanda ang mga Lamanita na makidigma laban sa mga tao ng Diyos.

5 Ngayon, nang makita ni Ammon at ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng yaong nagsisama sa kanya ang mga paghahanda ng mga Lamanita upang lipulin ang kanilang mga kapatid, sila ay nagtungo sa lupain ng Media, at doon kinatagpo ni Ammon ang lahat ng kanyang mga kapatid; at mula roon ay nagtungo sila sa lupain ng Ismael upang makapagdaos sila ng isang pagpupulong na kasama si Lamoni at kasama rin ang kanyang kapatid na si Anti-Nephi-Lehi, kung ano ang kanilang nararapat gawin upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga Lamanita.

6 Ngayon, wala ni isa mang kaluluwa sa lahat ng taong nagbalik-loob sa Panginoon ang nagnais na humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid; hindi, tumanggi sila maging sa paggawa ng anumang paghahanda para sa pakikidigma; oo, at ang kanilang hari ay nag-utos din na huwag silang gumawa nang gayon.

7 Ngayon, ito ang mga salitang kanyang sinabi sa mga tao hinggil sa bagay na yaon: Nagpapasalamat ako sa aking Diyos, mga tao kong minamahal, na isinugo sa kabutihan ng ating dakilang Diyos itong ating mga kapatid, ang mga Nephita, sa atin upang pangaralan tayo, at upang mapaniwala tayo laban sa mga kaugalian ng ating masasamang ama.

8 At dinggin, nagpapasalamat ako sa aking dakilang Diyos na binigyan niya tayo ng isang bahagi ng kanyang Espiritu upang palambutin ang ating mga puso, kung kaya’t tayo ay nagbukas ng pakikipag-ugnayan sa mga kapatid nating ito, ang mga Nephita.

9 At dinggin, pinasasalamatan ko rin ang aking Diyos na dahil sa pagbubukas ng pakikipag-ugnayang ito ay napaniwala tayo sa ating mga kasalanan, at sa maraming pagpaslang na nagawa natin.

10 At pinasasalamatan ko rin ang aking Diyos, oo, ang aking dakilang Diyos, na kanyang pinahintulutan tayong mapagsisihan natin ang mga bagay na ito, at na kanya ring pinatawad tayo sa marami nating kasalanan at mga pagpaslang na nagawa natin, at inalis ang pagkakasala sa ating mga puso, sa pamamagitan ng kabutihan ng kanyang Anak.

11 At ngayon, dinggin, mga kapatid ko, sapagkat ito lamang ang lahat ng ating magagawa (sapagkat tayo ang pinakaligaw sa buong sangkatauhan) upang magsisi sa lahat ng ating mga kasalanan at sa maraming pagpaslang na nagawa natin, at upang mapahinuhod ang Diyos na alisin ang mga ito sa ating mga puso, sapagkat ito lamang ang lahat ng magagawa natin upang sapat na makapagsisi sa harapan ng Diyos upang kanyang linisin ang ating dungis—

12 Ngayon, mga pinakamamahal kong kapatid, yamang nilinis ng Diyos ang ating mga dungis, at ang ating mga espada ay naging makinang, kung gayon, huwag na nating dungisan pa ang ating mga espada ng dugo ng ating mga kapatid.

13 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi, itabi natin ang ating mga espada upang hindi madungisan ang mga ito ng dugo ng ating mga kapatid; sapagkat marahil, kung muli nating dudungisan ang ating mga espada, ang mga ito ay hindi na mahuhugasang makinang sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng ating dakilang Diyos, na mabubuhos para sa pagbabayad-sala ng ating mga kasalanan.

14 At kinaawaan tayo ng dakilang Diyos, at ipinaalam ang mga bagay na ito sa atin upang hindi tayo masawi; oo, at ipinaalam niya ang mga bagay na ito sa atin sa mula’t mula pa, sapagkat minamahal niya ang ating mga kaluluwa katulad ng pagmamahal niya sa ating mga anak; kaya nga, sa kanyang awa ay dinalaw niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga anghel, upang ang plano ng kaligtasan ay maipaalam sa atin maging sa mga susunod na salinlahi.

15 O, napakamaawain ng ating Diyos! At ngayon, dinggin, sapagkat ito lamang ang magagawa natin upang malinis ang ating mga dungis mula sa atin, at ang maging makinang ang ating mga espada, itabi natin ang mga ito upang ang mga ito ay mapanatiling makinang, bilang patotoo sa ating Diyos sa huling araw, o sa araw na yaon na tayo ay dadalhin upang tumindig sa kanyang harapan upang hatulan, na hindi natin dinungisan pa ang ating mga espada ng dugo ng ating mga kapatid magmula nang ibahagi niya ang kanyang salita sa atin at ginawa tayong malinis sa gayong paraan.

16 At ngayon, mga kapatid ko, kung hangad ng ating mga kapatid na lipulin tayo, dinggin, itatabi natin ang ating mga espada, oo, maging ibabaon pa natin ang mga ito nang malalim sa lupa, upang ang mga ito ay mapanatiling makinang, bilang patotoo na hindi na natin kailanman ginamit ang mga ito, sa huling araw; at kung lilipulin tayo ng ating mga kapatid, dinggin, tayo ay magtutungo sa ating Diyos at maliligtas.

17 At ngayon, ito ay nangyari na nang matapos ang hari sa mga pangungusap na ito, at ang lahat ng tao ay sama-samang nagtipon, kinuha nila ang kanilang mga espada, at lahat ng sandatang ginamit para sa pagpapadanak ng dugo ng tao, at ibinaon nila ang mga ito nang malalim sa lupa.

18 At ito ay ginawa nila, ito na sa pananaw nila ay patotoo sa Diyos, at gayundin sa mga tao, na hindi na sila muling gagamit pa ng mga sandata para sa pagpapadanak ng dugo ng tao; at ito ay ginawa nila, nananagutan at nakikipagtipan sa Diyos, na kaysa sa padanakin ang dugo ng kanilang mga kapatid ay ibibigay nila ang kanilang buhay; at kaysa sa kumuha mula sa isang kapatid ay magbibigay sila sa kanya; at kaysa sa palipasin ang kanilang mga araw sa katamaran ay masigasig silang gagawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.

19 At sa gayon nakikita natin na nang ang mga Lamanitang ito ay nadalang maniwala at malaman ang katotohanan, sila ay naging matatag, at magdurusa maging hanggang sa kamatayan kaysa sa gumawa ng kasalanan; at sa gayon nakikita nating ibinaon nila ang kanilang mga sandata ng kapayapaan, o ibinaon nila ang mga sandata ng digmaan, para sa kapayapaan.

20 At ito ay nangyari na ang kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, ay gumawa ng mga paghahanda para sa digmaan, at sumalakay sa lupain ng Nephi sa layuning patayin ang hari, at maglagay ng ibang kahalili niya, at lipulin din ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi sa lupain.

21 Ngayon, nang makita ng mga taong sumasalakay sila laban sa kanila ay lumabas sila upang salubungin sila, at itinirapa ang kanilang sarili sa lupa sa kanilang mga harapan, at nagsimulang manawagan sa pangalan ng Panginoon; at nasa gayon silang pagkakaayos nang magsimulang salakayin sila ng mga Lamanita, at nagsimulang patayin sila sa pamamagitan ng espada.

22 At sa gayong walang anumang paglaban, napatay nila ang isanlibo at lima sa kanila; at nalalaman nating sila ay pinagpala, sapagkat sila ay lumisan upang manahanang kasama ang kanilang Diyos.

23 Ngayon, nang makita ng mga Lamanita na ang kanilang mga kapatid ay hindi magsisitakas sa espada, ni hindi sila babaling sa kanang kamay o sa kaliwa, sa halip sila ay mahihiga at masasawi, at pupurihin ang Diyos maging sa yaon ding gawa ng pagkasawi sa ilalim ng espada—

24 Ngayon, nang makita ito ng mga Lamanita ay nagpigil sila sa pagpatay sa kanila; at marami sa kanila ang napuspos ang mga puso para sa kanilang mga kapatid na yaon na nangamatay sa ilalim ng espada, sapagkat sila ay nagsisi sa mga bagay na nagawa nila.

25 At ito ay nangyari na itinapon nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, at tumangging kuning muli ang mga ito, sapagkat sila ay nagdalamhati sa mga pagpaslang na nagawa nila; at sila ay nagsitirapa maging katulad ng kanilang mga kapatid, umaasa sa awa ng mga yaong nakataas ang mga bisig upang sila ay patayin.

26 At ito ay nangyari na naragdagan ang mga tao ng Diyos noong araw na yaon nang higit pa sa bilang ng mga napatay; at ang mga yaong napatay ay mga matwid na tao, kaya nga wala tayong dahilan upang mag-alinlangan na sila ay naligtas.

27 At wala ni isang masamang tao ang napatay sa kanila; subalit may mahigit sa isanlibo ang nadala sa kaalaman ng katotohanan; sa gayon nakikita natin na ang Panginoon ay gumagawa sa maraming paraan para sa kaligtasan ng kanyang mga tao.

28 Ngayon, ang pinakamalaking bilang ng mga yaong Lamanita na pumatay sa napakarami sa kanilang mga kapatid ay mga Amalekita at Amulonita, ang pinakamalaking bilang sa kanila ay naaalinsunod sa orden ng mga Nehor.

29 Ngayon, sa mga yaong sumapi sa mga tao ng Panginoon, walang mga Amalekita o Amulonita, o mga nasa orden ni Nehor, kundi sila ay mga tunay na inapo nina Laman at Lemuel.

30 At sa gayon malinaw nating nakikita na matapos ang mga tao ay minsan nang naliwanagan ng Espiritu ng Diyos, at nagkaroon ng maraming kaalaman sa mga bagay na nauukol sa katwiran, at pagkatapos ay nahulog sa kasalanan at paglabag, sila ay nagiging higit na matitigas, at sa gayon ang kanilang kalagayan ay nagiging higit na masahol pa kaysa sa kung hindi nila nalaman kailanman ang mga bagay na ito.