Mga Banal na Kasulatan
Alma 25


Kabanata 25

Lumaganap ang mga pagsalakay ng mga Lamanita—Nasawi ang mga binhi ng mga saserdote ni Noe tulad ng ipinropesiya ni Abinadi—Marami sa mga Lamanita ang nagbalik-loob at sumama sa mga tao ni Anti-Nephi-Lehi—Sila ay naniwala kay Cristo at sinunod ang batas ni Moises. Mga 90–77 B.C.

1 At dinggin, ngayon, ito ay nangyari na lalong nagalit ang mga yaong Lamanita dahil sa pinatay nila ang kanilang mga kapatid; kaya nga, sila ay sumumpa ng paghihiganti sa mga Nephita; at hindi na sila nagtangkang patayin pa ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi sa panahong yaon.

2 Sa halip, dinala nila ang kanilang mga hukbo at nagtungo sa mga hangganan ng lupain ng Zarahemla, at sinalakay ang mga taong nasa lupain ng Ammonihas at nilipol sila.

3 At pagkaraan niyon, sila ay nagkaroon ng maraming pakikidigma sa mga Nephita, kung saan sila ay naitaboy at napatay.

4 At kabilang sa mga Lamanita na napatay ang halos lahat ng binhi ni Amulon at ng kanyang mga kapatid, na mga saserdote ni Noe, at sila ay napatay ng mga kamay ng mga Nephita;

5 At ang nalalabi, matapos na magsitakas patungo sa silangang ilang, at matapos makamkam ang kapangyarihan at karapatan sa mga Lamanita, ay pinangyaring mangasawi ang marami sa mga Lamanita sa pamamagitan ng apoy dahil sa kanilang paniniwala—

6 Sapagkat marami sa kanila, matapos dumanas ng labis na kawalan at napakaraming paghihirap, ay nagsimulang mapukaw sa pag-alala sa mga salita ni Aaron at ng kanyang mga kapatid na ipinangaral sa kanila sa kanilang lupain; kaya nga, sila ay nagsimulang mawalan ng paniniwala sa mga kaugalian ng kanilang mga ama, at maniwala sa Panginoon, at na binigyan niya ng dakilang kapangyarihan ang mga Nephita; at sa gayon marami sa kanila ang nagbalik-loob sa ilang.

7 At ito ay nangyari na ipinapatay sila ng mga yaong tagapamahala na labi ng mga anak ni Amulon, oo, ang lahat ng yaong naniwala sa mga bagay na ito.

8 Ngayon, ang pagkamartir na ito ay nagdulot na mapukaw sa galit ang marami sa kanilang mga kapatid; at nagsimulang magkaroon ng alitan sa ilang; at ang mga Lamanita ay nagsimulang tugisin ang mga binhi ni Amulon at ng kanyang mga kapatid at nagsimulang pagpapatayin sila; at sila ay nagsitakas patungo sa silangang ilang.

9 At dinggin, sila ay tinutugis hanggang sa mga araw na ito ng mga Lamanita. Sa gayon natupad ang mga sinabi ni Abinadi, na sinabi niya hinggil sa mga binhi ng mga saserdoteng nagpapatay sa kanya sa pamamagitan ng apoy.

10 Sapagkat sinabi niya sa kanila: Kung ano ang gagawin ninyo sa akin ay magiging halimbawa ng mga bagay na darating.

11 At ngayon, si Abinadi ang unang nagdusa ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy dahil sa kanyang paniniwala sa Diyos; ngayon, ito ang ibig niyang sabihin, na marami ang magdurusa ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy, tulad ng dinanas niya.

12 At sinabi niya sa mga saserdote ni Noe na ang kanilang mga binhi ang magiging dahilan ng pagdadala sa kamatayan ng marami, kahalintulad ng pamamaraang ginawa sa kanya, at na sila ay ikakalat at papatayin, maging tulad ng isang tupa na walang pastol na itinaboy at sinila ng mababangis na hayop; at ngayon, dinggin, napatunayan ang mga salitang ito, sapagkat sila ay itinaboy ng mga Lamanita, at sila ay tinugis, at sila ay sinaktan.

13 At ito ay nangyari na nang makita ng mga Lamanita na hindi nila madaraig ang mga Nephita, muli silang nagsibalik sa kanilang sariling lupain; at marami sa kanila ang nagtungo upang manirahan sa lupain ng Ismael at sa lupain ng Nephi, at ibinilang ang kanilang sarili sa mga tao ng Diyos, na mga tao ni Anti-Nephi-Lehi.

14 At ibinaon din nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, katulad ng ginawa ng kanilang mga kapatid, at sila ay nagsimulang maging mga matwid na tao; at sila ay nagsilakad sa mga landas ng Panginoon, at sinunod ang kanyang mga kautusan at kanyang mga panuntunan.

15 Oo, at sinunod nila ang batas ni Moises; sapagkat kailangan pa nilang sundin ang batas ni Moises, sapagkat ang lahat ng ito ay hindi pa natutupad. Subalit sa kabila ng batas ni Moises, sila ay umaasa sa pagparito ni Cristo, isinasaalang-alang na ang batas ni Moises ay kahalintulad ng kanyang pagparito, at naniniwalang dapat nilang sundin ang mga yaong panlabas na gawa hanggang sa panahong magpakita siya sa kanila.

16 Ngayon, hindi nila inaakala na ang kaligtasan ay dumating sa pamamagitan ng batas ni Moises; kundi ang batas ni Moises ang nagsilbing daan upang palakasin ang kanilang pananampalataya kay Cristo; at sa gayon napanatili nila ang pag-asa sa pamamagitan ng pananampalataya, tungo sa walang hanggang kaligtasan, umaasa sa diwa ng propesiya, na nagsabi ng mga yaong bagay na darating.

17 At ngayon, dinggin, si Ammon, at si Aaron, at Omner, at Himni, at ang kanilang mga kapatid ay labis na nagsaya, dahil sa tagumpay na natamo nila sa mga Lamanita, nakikitang ipinagkaloob ng Panginoon sa kanila ang naaayon sa kanilang mga panalangin, at na pinatunayan din niya ang kanyang salita sa kanila sa kaliit-liitang bagay.