Mga Banal na Kasulatan
Alma 27


Kabanata 27

Inutusan ng Panginoon si Ammon na akayin sa kaligtasan ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi—Sa pagkakakita kay Alma, si Ammon ay naubusan ng kanyang lakas dahil sa kagalakan—Ipinagkaloob sa mga Anti-Nephi-Lehi ng mga Nephita ang lupain ng Jerson—Tinawag silang mga tao ni Ammon. Mga 90–77 B.C.

1 Ngayon, ito ay nangyari na nang mabatid ng mga yaong Lamanita na nakidigma laban sa mga Nephita, matapos ang marami nilang pagsusumikap na lipulin sila, na walang kabuluhang hangarin ang paglipol sa kanila, sila ay nagbalik na muli sa lupain ng Nephi.

2 At ito ay nangyari na ang mga Amalekita, dahil sa kanilang kawalan, ay labis na nagalit. At nang makita nilang hindi sila makapaghahangad ng paghihiganti sa mga Nephita, sinimulan nilang pukawin ang mga tao na magalit laban sa kanilang mga kapatid, ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi; kaya nga, sila ay nagsimulang muli sa paglipol sa kanila.

3 Ngayon, ang mga taong ito ay muling tumangging humawak ng kanilang mga sandata, at hinayaan nilang mapatay ang kanilang sarili alinsunod sa mga pagnanais ng kanilang mga kaaway.

4 Ngayon, nang makita ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang gawaing ito ng pagkalipol sa mga yaong labis nilang minamahal, at sa mga yaong labis na nagmamahal sa kanila—sapagkat sila ay pinakitunguhan na tila bagang mga anghel sila na isinugo mula sa Diyos upang iligtas sila mula sa walang katapusang pagkawasak—kaya nga, nang makita ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang matinding gawaing ito ng pagkalipol, sila ay naantig sa pagkahabag, at sinabi nila sa hari:

5 Sama-sama po nating tipunin ang mga taong ito ng Panginoon, at tayo po ay bumaba patungo sa lupain ng Zarahemla sa ating mga kapatid na mga Nephita, at magsitakas mula sa mga kamay ng ating mga kaaway, upang hindi po tayo malipol.

6 Subalit sinabi ng hari sa kanila: Dinggin, lilipulin kami ng mga Nephita, dahil sa maraming pagpaslang at kasalanang nagawa namin laban sa kanila.

7 At sinabi ni Ammon: Hahayo po ako at magtatanong sa Panginoon, at kung sasabihin niya po sa atin, bumaba patungo sa inyong mga kapatid, hahayo po ba kayo?

8 At sinabi ng hari sa kanya: Oo, kung sasabihin ng Panginoon sa amin na humayo, kami ay bababa patungo sa ating mga kapatid, at kami ay kanilang magiging mga alipin hanggang sa mapagbayaran namin sa kanila ang maraming pagpaslang at kasalanang nagawa namin laban sa kanila.

9 Subalit sinabi ni Ammon sa kanya: Labag po ito sa batas ng ating mga kapatid, na itinakda ng aking ama, na magkaroon ng kahit sinumang alipin sa kanila; anupa’t tayo po ay bumaba at umasa sa awa ng ating mga kapatid.

10 Subalit sinabi ng hari sa kanya: Magtanong sa Panginoon, at kung sasabihin niya sa aming humayo, kami ay hahayo; kung hindi, kami ay masasawi sa lupain.

11 At ito ay nangyari na si Ammon ay humayo at nagtanong sa Panginoon, at sinabi ng Panginoon sa kanya:

12 Ilikas ang mga taong ito mula sa lupaing ito, upang hindi sila mangasawi; sapagkat si Satanas ay may matibay na pagkakahawak sa mga puso ng mga Amalekita, na siyang pumupukaw sa mga Lamanita na magalit laban sa kanilang mga kapatid upang patayin sila; kaya nga, lumikas ka sa lupaing ito; at pinagpala ang mga taong ito ng salinlahing ito, sapagkat pangangalagaan ko sila.

13 At ngayon, ito ay nangyari na si Ammon ay humayo at sinabi sa hari ang lahat ng salitang sinabi ng Panginoon sa kanya.

14 At sama-sama nilang tinipon ang lahat ng kanilang mga tao, oo, lahat ng tao ng Panginoon, at sama-samang tinipon ang lahat ng kanilang mga kawan ng tupa at kawan ng baka, at nilisan ang lupain, at nakarating sa ilang na humahati sa lupain ng Nephi mula sa lupain ng Zarahemla, at nakarating sa malapit sa mga hangganan ng lupain.

15 At ito ay nangyari na sinabi ni Ammon sa kanila: Dinggin, ako at ang aking mga kapatid ay magtutungo sa lupain ng Zarahemla, at kayo ay mananatili rito hanggang sa magbalik kami; at susubukin namin ang mga puso ng ating mga kapatid, kung kanilang papapasukin kayo sa kanilang lupain.

16 At ito ay nangyari na habang papasok si Ammon sa lupain, na siya at ang kanyang mga kapatid ay nakasalubong si Alma, sa lupaing nabanggit; at dinggin, ito ay isang napakasayang pagtatagpo.

17 Ngayon, ang kagalakan ni Ammon ay napakalaki maging sa siya ay napuspos; oo, siya ay nadaig sa kagalakan ng kanyang Diyos, maging sa pagkaubos ng kanyang lakas; at muli siyang nalugmok sa lupa.

18 Ngayon, hindi ba’t labis itong kagalakan? Dinggin, ito ang kagalakan na walang makatatanggap maliban sa tunay na nagsisisi at mapagpakumbabang naghahangad ng kaligayahan.

19 Ngayon, ang kagalakan ni Alma sa pagkakakita sa kanyang mga kapatid ay tunay na masidhi, at gayundin ang kagalakan ni Aaron, ni Omner, at Himni; subalit dinggin, ang kanilang kagalakan ay hindi gayon upang madaig ang kanilang lakas.

20 At ngayon, ito ay nangyari na isinama ni Alma ang kanyang mga kapatid pabalik sa lupain ng Zarahemla; maging sa kanyang sariling tahanan. At sila ay nagtungo at sinabi sa punong hukom ang lahat ng bagay na naganap sa kanila sa lupain ng Nephi, sa kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita.

21 At ito ay nangyari na nagpadala ang punong hukom ng isang pahayag sa lahat ng dako ng buong lupain, hinihingi ang tinig ng mga tao hinggil sa pagtanggap sa kanilang mga kapatid, na mga tao ni Anti-Nephi-Lehi.

22 At ito ay nangyari na nagpahayag ang tinig ng mga tao, sinasabing: Dinggin, lilisanin namin ang lupain ng Jerson, na nasa silangan malapit sa dagat, na katabi ng lupaing Masagana, na nasa timog ng lupaing Masagana; at ang lupaing ito ng Jerson ang lupaing ipagkakaloob namin sa aming mga kapatid bilang isang mana.

23 At dinggin, itatalaga namin ang aming mga hukbo sa pagitan ng lupaing Jerson at ng lupaing Nephi, upang mapangalagaan namin ang aming mga kapatid sa lupaing Jerson; at ito ay gagawin namin para sa aming mga kapatid, dahil sa kanilang takot na humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid na baka sila ay makagawa ng kasalanan; at ang malaking takot na ito ay nadama dahil sa kanilang labis na pagsisisi na pinagdaanan nila, dahil sa kanilang maraming pagpaslang at kanilang kakila-kilabot na kasamaan.

24 At ngayon, dinggin, ito ay gagawin namin para sa aming mga kapatid, upang mamana nila ang lupaing Jerson; at babantayan namin sila ng aming mga hukbo mula sa kanilang mga kaaway, kung bibigyan nila kami ng isang bahagi ng kanilang mga kabuhayan upang tulungan kaming matustusan namin ang aming mga hukbo.

25 Ngayon, ito ay nangyari na nang marinig ito ni Ammon, siya ay nagbalik sa mga tao ni Anti-Nephi-Lehi, at kasama rin niya si Alma, sa ilang, kung saan nila itinayo ang kanilang mga tolda, at ipinaalam sa kanila ang lahat ng bagay na ito. At isinalaysay rin ni Alma sa kanila ang kanyang pagbabalik-loob, kasama nina Ammon at Aaron, at ng kanyang mga kapatid.

26 At ito ay nangyari na nagdulot ito ng malaking kagalakan sa kanila. At sila ay bumaba patungo sa lupain ng Jerson, at inangkin ang lupain ng Jerson; at sila ay tinawag ng mga Nephita na mga tao ni Ammon; kaya nga sila ay nakilala sa pangalang yaon magmula noon.

27 At sila ay nasama sa mga tao ni Nephi, at ibinilang din sa mga tao na kasapi sa simbahan ng Diyos. At nakilala rin sila sa kanilang pagsusumigasig sa Diyos, at gayundin sa mga tao; sapagkat sila ay ganap na matatapat at matwid sa lahat ng bagay; at sila ay matatag sa pananampalataya kay Cristo, maging hanggang sa katapusan.

28 At tinatanaw nila ang pagpapadanak ng dugo ng kanilang mga kapatid nang may masidhing kapootan; at kailanman ay hindi na sila nahimok pang humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid; at kailanman ay hindi nila tinatanaw ang kamatayan nang may anumang antas ng pangingilabot dahil sa kanilang pag-asa at pag-unawa tungkol kay Cristo at sa pagkabuhay na mag-uli; kaya nga, ang kamatayan, para sa kanila, ay nadaig sa pamamagitan ng tagumpay rito ni Cristo.

29 Samakatwid, sila ay magdurusa ng kamatayan sa pinakamabigat at nakapipighating pamamaraan na maigagawad ng kanilang mga kapatid, bago nila hawakan ang kanilang mga espada o simitar upang patayin sila.

30 At sa gayon sila ay masisigasig at mga mapagmahal na tao, mga taong labis na kinasihan ng Panginoon.