Mga Banal na Kasulatan
Alma 28


Kabanata 28

Natalo ang mga Lamanita sa isang napakasidhing labanan—Sampu-sampung libo ang mga napatay—Itinatalaga ang masasama sa kalagayan ng walang katapusang kapighatian; matatamo ng mga matwid ang walang katapusang kaligayahan. Mga 77–76 B.C.

1 At ito ay nangyari na matapos makapanirahan ang mga tao ni Ammon sa lupain ng Jerson, at isa ring simbahan ang naitatag sa lupain ng Jerson, at ang mga hukbo ng mga Nephita ay itinalaga sa palibot ng lupain ng Jerson, oo, sa lahat ng hangganan sa palibot ng lupain ng Zarahemla; dinggin, sinundan ng mga hukbo ng mga Lamanita ang kanilang mga kapatid sa ilang.

2 At sa gayon nagkaroon ng isang napakasidhing labanan; oo, maging isa na kailanman ay hindi pa nakita sa lahat ng tao sa lupain mula sa panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem; oo, at sampu-sampung libo sa mga Lamanita ang napatay at naikalat sa paligid.

3 Oo, at nagkaroon din ng napakasidhing pagkatay sa mga tao ni Nephi; gayunpaman, ang mga Lamanita ay naitaboy at naikalat, at ang mga tao ni Nephi ay muling nagsibalik sa kanilang lupain.

4 At ngayon, ito ay isang panahon na may narinig na masidhing pagdadalamhati at pananaghoy sa lahat ng dako ng buong lupain, sa lahat ng tao ni Nephi—

5 Oo, ang iyakan ng mga balong nagdadalamhati dahil sa kanilang mga asawa, at gayundin ng mga amang nagdadalamhati dahil sa kanilang mga anak na lalaki, at ng anak na babae dahil sa kanyang kapatid na lalaki, oo, ng kapatid na lalaki dahil sa ama; at sa gayon maririnig ang iyak ng pagdadalamhati sa kanilang lahat, nagdadalamhati dahil sa kanilang kaanak na napatay.

6 At ngayon, tunay na ito ay isang nakalulungkot na araw; oo, isang panahon ng kabigatan, at isang panahon ng labis na pag-aayuno at panalangin.

7 At sa gayon nagtapos ang ikalabinlimang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi;

8 At ito ang ulat ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, ang kanilang mga paglalakbay sa lupain ng Nephi, ang kanilang mga pagdurusa sa lupain, ang kanilang mga kalungkutan, at kanilang mga paghihirap, at kanilang hindi maunawaang kagalakan, at ang pagtanggap at kaligtasan ng mga kapatid sa lupain ng Jerson. At ngayon, nawa ay pagpalain ng Panginoon, ang Manunubos ng lahat ng tao, ang kanilang mga kaluluwa magpakailanman.

9 At ito ang ulat ng mga digmaan at alitan sa mga Nephita, at gayundin ng mga digmaang namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita; at ang ikalabinlimang taon ng panunungkulan ng mga hukom ay nagtapos.

10 At mula sa unang taon hanggang sa ikalabinlima ay naganap ang pagkalipol ng maraming libu-libong buhay; oo, naganap ang isang kakila-kilabot na tagpo ng pagdanak ng dugo.

11 At ang mga katawan ng maraming libu-libo ay nailibing sa ilalim ng lupa, samantalang ang mga katawan ng marami pang libu-libo ay nagsiagnasan sa mga bunton sa ibabaw ng lupa; oo, at maraming libu-libo ang nagdalamhati sa pagkawala ng kanilang mga kaanak, sapagkat may dahilan silang matakot, alinsunod sa mga pangako ng Panginoon, na sila ay nakatalaga sa kalagayan ng walang katapusang kapighatian.

12 Samantalang ang iba sa maraming libu-libo ay tunay na nagdalamhati dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaanak, gayunpaman, sila ay nagsaya at nagpakagalak sa pag-asa, at nalalaman din, ayon sa mga pangako ng Panginoon, na sila ay ibabangon upang mamalagi sa kanang kamay ng Diyos, sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.

13 At sa gayon nakikita natin kung gaano kalaki ang hindi pagkakapantay-pantay ng tao dahil sa kasalanan at paglabag, at ng kapangyarihan ng diyablo, na dumarating sa pamamagitan ng mga tusong plano na kanyang pinapakana upang mabitag ang puso ng mga tao.

14 At sa gayon nakikita natin ang dakilang panawagan na magsumigasig ang mga tao na gumawa sa mga ubasan ng Panginoon; at sa gayon nakikita natin ang malaking dahilan ng kalungkutan, at gayundin ng pagsasaya—kalungkutan dahil sa kamatayan at pagkalipol ng mga tao, at kagalakan dahil sa liwanag ni Cristo tungo sa pagkabuhay.