Mga Banal na Kasulatan
Alma 2


Kabanata 2

Si Amlici ay naghangad na maging hari at tinanggihan ng tinig ng mga tao—Ginawa siyang hari ng kanyang mga tagasunod—Ang mga Amlicita ay nakidigma sa mga Nephita at natalo—Nagsanib ng lakas at natalo ang mga Lamanita at Amlicita—Napatay ni Alma si Amlici. Mga 87 B.C.

1 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikalimang taon ng kanilang panunungkulan, nagsimulang magkaroon ng alitan sa mga tao; sapagkat isang lalaking tinatawag na Amlici, siya na napakatusong tao, oo, isang matalinong tao sa karunungan ng sanlibutan, siya na alinsunod sa orden ng lalaking pumatay kay Gedeon sa pamamagitan ng espada, na binitay alinsunod sa batas—

2 Ngayon, ang Amlici na ito, sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ay nakapanghikayat ng maraming tao na sumunod sa kanya; maging sa napakarami kung kaya’t sila ay nagsimulang maging napakalakas; at sila ay nagsimulang magsumikap na iluklok si Amlici na maging hari sa mga tao.

3 Ngayon, ito ay nakababahala sa mga tao ng simbahan, at gayundin sa lahat ng yaong hindi nahikayat palayo ng mga panghihikayat ni Amlici; sapagkat nalalaman nila na alinsunod sa kanilang batas, ang mga gayong bagay ay kinakailangang pagtibayin ng tinig ng mga tao.

4 Samakatwid, kung magagawang matamo ni Amlici ang tinig ng mga tao, siya, na isang masamang tao, ay pagkakaitan sila ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo sa simbahan; sapagkat kanyang layuning wasakin ang simbahan ng Diyos.

5 At ito ay nangyari na sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili sa lahat ng dako ng buong lupain, bawat tao alinsunod sa kanyang nasasaisip, kung ito ay para kay o laban kay Amlici, sa magkakahiwalay na pangkat, na may masidhing pagtatalu-talo at kamangha-manghang pakikipag-alitan sa isa’t isa.

6 At sa gayon nila sama-samang tinipon ang kanilang sarili upang ipahayag ang kanilang tinig hinggil sa paksa; at inilatag ang mga ito sa harapan ng mga hukom.

7 At ito ay nangyari na nagpahayag ang tinig ng mga tao laban kay Amlici, kung kaya’t hindi siya ginawang hari sa mga tao.

8 Ngayon, ito ay nagdulot ng labis na kagalakan sa mga puso ng mga yaong laban sa kanya; subalit pinukaw ni Amlici ang mga yaong tumangkilik sa kanya na magalit laban sa mga yaong hindi tumangkilik sa kanya.

9 At ito ay nangyari na tinipon nila nang magkakasama ang kanilang sarili, at itinalaga si Amlici na kanilang maging hari.

10 Ngayon, nang si Amlici ay maging hari nila, inutusan niya silang humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid; at ito ay ginawa niya upang mapasailalim sila sa kanya.

11 Ngayon, ang mga tao ni Amlici ay kinilala sa pangalan ni Amlici, na tinatawag na mga Amlicita; at ang nalalabi ay tinawag na mga Nephita, o ang mga tao ng Diyos.

12 Anupa’t nalalaman ng mga tao ng mga Nephita ang layunin ng mga Amlicita, at kaya nga sila naghanda na harapin sila; oo, sinandatahan nila ang kanilang sarili ng mga espada, at ng mga simitar, at ng mga busog, at ng mga palaso, at ng mga bato, at ng mga tirador, at ng lahat ng uri ng sandata ng digmaan, bawat uri nito.

13 At sa gayon sila nakahandang harapin ang mga Amlicita sa panahon ng kanilang pagdating. At may hinirang na mga kapitan, at nakatataas na kapitan, at punong kapitan alinsunod sa kanilang bilang.

14 At ito ay nangyari na sinandatahan ni Amlici ang kanyang mga tauhan ng lahat ng uri ng sandata ng digmaan ng bawat uri nito; at siya ay naghirang din ng mga tagapamahala at pinuno sa kanyang mga tao, upang pamunuan sila sa pakikidigma laban sa kanilang mga kapatid.

15 At ito ay nangyari na narating ng mga Amlicita ang burol ng Amnihu, na nasa silangan ng ilog Sidon, na dumadaloy nang malapit sa lupain ng Zarahemla, at doon sila nagsimulang makidigma sa mga Nephita.

16 Ngayon, si Alma, na siyang punong hukom at gobernador ng mga tao ni Nephi, kaya nga, siya ay umahong kasama ng kanyang mga tao, oo, kasama ng kanyang mga kapitan, at punong kapitan, oo, sa unahan ng kanyang mga hukbo, laban sa mga Amlicita upang makidigma.

17 At sinimulan nilang patayin ang mga Amlicita sa burol sa silangan ng Sidon. At ang mga Amlicita ay nakipaglaban sa mga Nephita nang buong lakas, kung kaya nga’t marami sa mga Nephita ang nagsibagsak sa harapan ng mga Amlicita.

18 Gayunpaman, pinalakas ng Panginoon ang kamay ng mga Nephita, kung kaya’t napatay nila ang mga Amlicita nang may masidhing pagkatay, kung kaya’t nagsimula silang magsitakas sa kanilang harapan.

19 At ito ay nangyari na tinugis ng mga Nephita ang mga Amlicita nang buong maghapong yaon, at pinatay sila nang may labis na pagkatay, kung kaya nga’t may napatay sa mga Amlicita na labindalawang libo limangdaan tatlumpu’t dalawang katao; at may napatay sa mga Nephita na anim na libo limangdaan animnapu’t dalawang katao.

20 At ito ay nangyari na nang hindi na matugis pa ni Alma ang mga Amlicita, iniutos niya sa kanyang mga tao na itayo ang kanilang mga tolda sa lambak ng Gedeon, ang lambak na tinawag alinsunod sa yaong Gedeon na pinatay ng kamay ni Nehor sa pamamagitan ng espada; at sa lambak na ito itinayo ng mga Nephita ang kanilang mga tolda para sa gabing yaon.

21 At si Alma ay nagsugo ng mga tagamanman upang sundan ang labi ng mga Amlicita, upang malaman niya ang kanilang mga balak at kanilang mga pakana, nang mabantayan niya ang kanyang sarili laban sa kanila, upang mapangalagaan niya ang kanyang mga tao mula sa pagkalipol.

22 Ngayon, ang mga yaong isinugo niya upang magmanman sa kampo ng mga Amlicita ay tinatawag na Zeram, at Amnor, at Manti, at Limher; sila ang mga yaong humayong kasama ang kanilang mga tauhan upang magmanman sa kampo ng mga Amlicita.

23 At ito ay nangyari na kinabukasan, nagsibalik sila sa kampo ng mga Nephita na labis na nagmamadali, labis na nanggigilalas, at nakadarama ng labis na pagkatakot, sinasabing:

24 Dinggin, aming sinundan ang kampo ng mga Amlicita, at sa aming labis na panggigilalas, sa lupain ng Minon, sa itaas ng lupain ng Zarahemla, sa daan patungo sa lupain ng Nephi, aming nakita ang napakaraming hukbo ng mga Lamanita; at dinggin, ang mga Amlicita ay umanib sa kanila;

25 At kanilang sinasalakay ang ating mga kapatid sa lupaing yaon; at sila ay nagsisitakas sa kanilang harapan kasama ang kanilang mga kawan, at kanilang mga asawa, at kanilang mga anak, patungo sa ating lungsod; at maliban kung magmamadali tayo, mapapasakanila ang ating lungsod, at ang ating mga ama, at ating mga asawa, at ating mga anak ay mapapatay.

26 At ito ay nangyari na dinala ng mga tao ni Nephi ang kanilang mga tolda, at nilisan ang lambak ng Gedeon patungo sa kanilang lungsod, na lungsod ng Zarahemla.

27 At dinggin, habang tinatawid nila ang ilog Sidon, ang mga Lamanita at ang mga Amlicita, na sa wari ay halos kasindami ng mga buhangin sa dagat, ay sinalakay sila upang lipulin sila.

28 Gayunpaman, ang mga Nephita na pinalakas ng kamay ng Panginoon, na nanalangin nang mataimtim sa kanya upang kanyang iligtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, kaya nga dininig ng Panginoon ang kanilang mga pagsusumamo, at pinalakas sila, at ang mga Lamanita at ang mga Amlicita ay nagsibagsak sa kanilang harapan.

29 At ito ay nangyari na nakipaglaban si Alma kay Amlici sa pamamagitan ng espada, nang harapan; at sila ay buong lakas na nakipaglaban sa isa’t isa.

30 At ito ay nangyari na si Alma, na isang tao ng Diyos, na pinaiiral ang labis na pananampalataya, ay nagsumamo, sinasabing: O, Panginoon, maawa at iligtas ang aking buhay, nang maging kasangkapan ako sa inyong mga kamay upang iligtas at pangalagaan ang mga taong ito.

31 Ngayon, nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito ay muli siyang nakipaglaban kay Amlici; at siya ay pinalakas, kung kaya nga’t napatay niya si Amlici sa pamamagitan ng espada.

32 At siya ay nakipaglaban din sa hari ng mga Lamanita; subalit ang hari ng mga Lamanita ay tumakas mula sa harapan ni Alma at isinugo ang kanyang mga bantay upang makipaglaban kay Alma.

33 Subalit si Alma, kasama ang kanyang mga bantay, ay nakipaglaban sa mga bantay ng hari ng mga Lamanita hanggang sa kanyang mapatay at maitaboy silang pabalik.

34 At sa gayon niya tinanggalan ng sagabal ang lupa, o sa madaling salita, ang pampang, na nasa kanluran ng ilog Sidon, inihahagis sa mga tubig ng Sidon ang mga katawan ng mga Lamanita na napatay, nang sa gayon ang kanyang mga tao ay magkaroon ng puwang upang makatawid at makipaglaban sa mga Lamanita at sa mga Amlicita sa gawing kanluran ng ilog Sidon.

35 At ito ay nangyari na nang nakatawid na silang lahat sa ilog Sidon, na ang mga Lamanita at Amlicita ay nagsimulang magsitakas mula sa kanilang harapan, sa kabila ng napakarami nila kaya nga hindi sila maaaring mabilang.

36 At sila ay nagsitakas sa harapan ng mga Nephita patungo sa ilang sa kanluran at hilaga, papalayo sa kabila ng mga hangganan ng lupain; at tinugis sila ng mga Nephita sa kanilang lakas, at pinagpapatay sila.

37 Oo, sila ay sinalubong sa lahat ng dako, at pinagpapatay at itinaboy, hanggang sa kumalat sila sa kanluran, at sa hilaga, hanggang sa marating nila ang ilang, na tinatawag na Hermon; at ito ang yaong dako ng ilang na pinamumugaran ng mababangis at mga hayok na hayop.

38 At ito ay nangyari na marami ang namatay sa ilang dahil sa kanilang mga sugat, at kinain ng mga hayop na yaon at gayundin ng mga buwitre ng himpapawid; at ang kanilang mga buto ay natagpuan, at nabunton sa lupa.