Kabanata 30
Kinutya ni Korihor, ang anti-Cristo, si Cristo, ang Pagbabayad-sala, at ang diwa ng propesiya—Itinuro niya na walang Diyos, walang pagkahulog ng tao, walang kaparusahan para sa kasalanan, at walang Cristo—Si Alma ay nagpatotoo na paparito si Cristo at na ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos—Si Korihor ay sapilitang humingi ng palatandaan at napipi—Ang diyablo ay nagpakita kay Korihor na tulad ng isang anghel at itinuro kung ano ang sasabihin niya—Si Korihor ay niyapak-yapakan at namatay. Mga 76–74 B.C.
1 Dinggin, ngayon, ito ay nangyari na matapos na makapanirahan ang mga tao ni Ammon sa lupain ng Jerson, oo, at matapos ding maitaboy ang mga Lamanita palabas ng lupain, at ang kanilang mga patay ay nailibing na ng mga mamamayan ng lupain—
2 Ngayon, ang kanilang mga patay ay hindi mabilang dahil sa kalakihan ng kanilang bilang; ni hindi mabilang ang mga patay ng mga Nephita—subalit ito ay nangyari na matapos nilang ilibing ang kanilang mga patay, at matapos din ang mga araw ng pag-aayuno, at pagdadalamhati, at panalangin, (at ito ay sa ikalabing-anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi) nagsimulang magkaroon ng patuloy na kapayapaan sa lahat ng dako ng buong lupain.
3 Oo, at ang mga tao ay nagsumikap na sundin ang mga kautusan ng Panginoon; at sila ay mahigpit sa pagpapatupad ng mga ordenansa ng Diyos, alinsunod sa batas ni Moises; sapagkat sila ay tinuruang sundin ang batas ni Moises hanggang sa matupad ito.
4 At sa gayon ang mga tao ay hindi nagkaroon ng kaguluhan sa buong ikalabing-anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
5 At ito ay nangyari na nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa pagsisimula ng ikalabimpitong taon ng panunungkulan ng mga hukom.
6 Subalit ito ay nangyari na sa dakong huli ng ikalabimpitong taon, may isang lalaking dumating sa lupain ng Zarahemla, at siya ay Anti-Cristo, sapagkat siya ay nagsimulang mangaral sa mga tao laban sa mga propesiyang sinabi ng mga propeta, hinggil sa pagparito ni Cristo.
7 Ngayon, walang batas laban sa paniniwala ng isang tao; sapagkat mahigpit itong sumasalungat sa mga utos ng Diyos na magkaroon ng isang batas na makapaglalagay sa mga tao sa hindi pantay na katayuan.
8 Sapagkat ganito ang wika ng mga banal na kasulatan: Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.
9 Ngayon, kung nais ng isang tao na maglingkod sa Diyos, ito ay kanyang pribilehiyo; o sa madaling salita, kung naniniwala siya sa Diyos ay kanyang pribilehiyong paglingkuran siya; subalit kung hindi siya naniniwala sa kanya ay walang batas upang parusahan siya.
10 Subalit kung pumaslang siya ay parurusahan siya hanggang sa kamatayan; at kung nanloob siya ay parurusahan din siya; at kung nagnakaw siya ay parurusahan din siya; at kung nakagawa siya ng pakikiapid ay parurusahan din siya; oo, sa lahat ng kasamaang ito ay pinarurusahan sila.
11 Sapagkat may batas na ang mga tao ay nararapat hatulan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan. Gayunpaman, walang batas laban sa paniniwala ng isang tao; kaya nga, ang isang tao ay pinarurusahan lamang para sa mabibigat na kasalanang nagawa niya; kaya nga ang lahat ng tao ay nasa pantay na katayuan.
12 At ang Anti-Cristong ito, na ang pangalan ay Korihor, (at ang batas ay walang panghahawakan sa kanya) ay nagsimulang mangaral sa mga tao na hindi magkakaroon ng isang Cristo. At alinsunod sa pamamaraang ito siya nangaral, sinasabing:
13 O kayong nakagapos sa ilalim ng isang hangal at walang kabuluhang pag-asa, bakit ninyo sinisingkawan ang inyong sarili ng mga gayong bagay na hangal? Bakit kayo umaasa sa isang Cristo? Sapagkat walang taong makaaalam ng anumang bagay na darating.
14 Dinggin, ang mga bagay na ito na tinatawag ninyong mga propesiya, na sinasabi ninyong ipinapasa-pasa ng mga banal na propeta, dinggin, ang mga ito ay hangal na kaugalian ng inyong mga ama.
15 Paano ninyo nalalaman ang katiyakan ng mga ito? Dinggin, hindi ninyo maaaring malaman ang tungkol sa mga bagay na hindi ninyo nakikita; kaya nga hindi ninyo maaaring malaman na magkakaroon ng isang Cristo.
16 Umaasa kayo at sinasabing nababatid ninyo ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan. Subalit dinggin, ito ay bunga ng isang isipang nababaliw; at ang pagkahibang na ito ng inyong mga isipan ay dumating dahil sa mga kaugalian ng inyong mga ama, na umakay sa inyo palayo tungo sa isang paniniwala sa mga bagay na hindi naman gayon.
17 At marami pang gayong bagay ang sinabi niya sa kanila, sinasabi sa kanila na hindi maaaring magsagawa ng isang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao, sa halip, ang bawat tao ay namumuhay sa buhay na ito alinsunod sa pamamahala ng nilikha; kaya nga, ang bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at ang bawat tao ay nakagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang anumang gawin ng tao ay hindi pagkakasala.
18 At sa gayon siya nangaral sa kanila, inaakay palayo ang puso ng marami, nagdudulot na itaas nila ang kanilang mga ulo sa kanilang kasamaan, oo, inaakay palayo ang maraming kababaihan, at gayundin ang kalalakihan, na gumawa ng mga pagpapatutot—sinasabi sa kanila na kapag ang isang tao ay patay na, iyon na ang katapusan niyon.
19 Ngayon, ang lalaking ito ay nagtungo rin sa lupain ng Jerson, upang ipangaral ang mga bagay na ito sa mga tao ni Ammon, na noong minsan ay mga tao ng mga Lamanita.
20 Subalit dinggin, higit silang matatalino kaysa sa marami sa mga Nephita; sapagkat kanilang dinakip siya, at iginapos siya, at dinala siya sa harapan ni Ammon, na siyang mataas na saserdote sa mga taong yaon.
21 At ito ay nangyari na iniutos niyang dalhin siya palabas ng lupain. At siya ay nagtungo sa lupain ng Gedeon, at nagsimula ring mangaral sa kanila; at dito ay hindi siya nagtamo ng gaanong tagumpay, sapagkat siya ay dinakip at iginapos at dinala sa harapan ng mataas na saserdote, at gayundin sa punong hukom ng lupain.
22 At ito ay nangyari na sinabi ng mataas na saserdote sa kanya: Bakit lumilibot ka sa pagbabaluktot sa mga landas ng Panginoon? Bakit itinuturo mo sa mga taong ito na hindi magkakaroon ng isang Cristo, upang gambalain ang mga pagsasaya nila? Bakit nangungusap ka laban sa lahat ng propesiya ng mga banal na propeta?
23 Ngayon, ang pangalan ng mataas na saserdote ay Gidonas. At sinabi ni Korihor sa kanya: Sapagkat hindi ko itinuturo ang mga hangal na kaugalian ng inyong mga ama, at sapagkat hindi ko itinuturo sa mga taong ito na igapos ang kanilang sarili sa ilalim ng mga hangal na ordenansa at gawaing pinasimulan ng mga sinaunang saserdote, upang mangamkam ng kapangyarihan at karapatan sa kanila, upang panatilihin sila sa kawalang-malay, nang sa gayon hindi nila itaas ang kanilang mga ulo, kundi hilahing pababa alinsunod sa iyong mga salita.
24 Sinasabi ninyo na ang mga taong ito ay mga taong malaya. Dinggin, sinasabi kong sila ay nasa pagkaalipin. Sinasabi ninyo na ang mga yaong sinaunang propesiya ay totoo. Dinggin, sinasabi kong hindi ninyo nalalaman na ang mga ito ay totoo.
25 Sinasabi ninyo na ang mga taong ito ay mga nagkasala at nahulog na tao, dahil sa paglabag ng isang magulang. Dinggin, sinasabi ko na hindi nagkasala ang isang musmos dahil sa mga magulang niya.
26 At sinasabi rin ninyo na paparito si Cristo. Subalit dinggin, sinasabi kong hindi ninyo nalalaman na magkakaroon ng isang Cristo. At sinasabi rin ninyo na siya ay papatayin para sa mga kasalanan ng sanlibutan—
27 At sa gayon ninyo inaakay palayo ang mga taong ito alinsunod sa mga hangal na kaugalian ng inyong mga ama, at alinsunod sa inyong mga sariling naisin; at pinapanatili ninyo sila, maging sa pagkaalipin, upang magpakasasa kayo sa pamamagitan ng mga pinaghirapan ng kanilang mga kamay, upang hindi sila mangahas na tumingala nang may katapangan, at upang hindi sila mangahas na tamasahin ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo.
28 Oo, hindi sila nangahas na gamitin ang yaong sa kanila sapagkat baka masugatan nila ang damdamin ng kanilang mga saserdote, na sinisingkawan sila alinsunod sa kanilang mga naisin, at inakay sila na maniwala, sa pamamagitan ng kanilang mga kaugalian at kanilang mga panaginip at kanilang mga layaw at kanilang mga pangitain at kanilang mga mapagkunwaring hiwaga, na masasaktan nila ang damdamin, kung hindi nila gagawin ang naaayon sa kanilang mga salita, ng isang hindi kilalang nilalang, na sinasabi nilang Diyos—isang nilalang na kailanman ay hindi pa nakita o nakilala noon pa man ni kailanman.
29 Ngayon, nang makita ng mataas na saserdote at ng punong hukom ang katigasan ng kanyang puso, oo, nang makita nilang lalaitin niya maging ang Diyos, sila ay tumangging gumawa ng anumang pagtugon sa kanyang mga salita; sa halip, kanilang iniutos na igapos siya; at kanilang ibinigay siya sa mga kamay ng mga pinuno, at ipinadala siya sa lupain ng Zarahemla, upang siya ay madala sa harapan ni Alma, at sa punong hukom na siyang gobernador ng buong lupain.
30 At ito ay nangyari na nang dalhin siya sa harapan nina Alma at ng punong hukom, siya ay nagpatuloy sa gayunding pamamaraan tulad ng kanyang ginawa sa lupain ng Gedeon; oo, siya ay nagpatuloy sa paglalapastangan.
31 At siya ay nangusap gamit ang malalakas na pananalita sa harapan ni Alma, at nilait ang mga saserdote at guro, pinararatangan sila ng pag-aakay palayo sa mga tao alinsunod sa mga hangal na kaugalian ng kanilang mga ama, para sa kasiyahan ng pagpapakasasa sa mga pinaghirapan ng mga tao.
32 Ngayon, sinabi ni Alma sa kanya: Nalalaman mong hindi kami nagpapakasasa sa aming sarili sa mga pinaghirapan ng mga taong ito; sapagkat dinggin, ako ay gumawa maging mula pa sa simula ng panunungkulan ng mga hukom hanggang sa ngayon, gamit ang aking sariling mga kamay para sa aking ikabubuhay, sa kabila ng marami kong paglalakbay sa palibot ng lupain upang ipahayag ang salita ng Diyos sa aking mga tao.
33 At sa kabila ng maraming gawaing ginawa ko sa simbahan, kailanman ay hindi ako nakatanggap kahit isang senine para sa ginawa ko; ni ang sinuman sa aking mga kapatid, maliban sa hukumang-luklukan; at sa yaon, tinanggap lamang namin ang naaalinsunod sa batas para sa aming panahon.
34 At ngayon, kung hindi kami tumatanggap ng anumang bagay para sa aming mga ginagawa sa simbahan, ano ang aming kapakinabangan upang gumawa sa simbahan maliban sa ipahayag ang katotohanan, upang kami ay magkaroon ng kasiyahan sa kagalakan ng ating mga kapatid?
35 Kung gayon, bakit sinasabi mong nangangaral kami sa mga taong ito upang makinabang, bagama’t nalalaman mo sa iyong sarili na hindi kami nakatatanggap ng kita? At ngayon, naniniwala ka bang nililinlang namin ang mga taong ito, na nakapagdudulot ng labis na kagalakan sa kanilang mga puso?
36 At tinugon siya ni Korihor: Oo.
37 At sa gayon sinabi ni Alma sa kanya: Naniniwala ka bang may Diyos?
38 At siya ay tumugon, Hindi.
39 Ngayon, sinabi ni Alma sa kanya: Ipagkakaila mo bang muli na may Diyos, at ipagkakaila mo rin ba ang Cristo? Sapagkat dinggin, sinasabi ko sa iyo, nalalaman kong may Diyos, at gayundin na si Cristo ay paparito.
40 At ngayon, anong katibayan ang mayroon ka na walang Diyos, o na si Cristo ay hindi paparito? Sinasabi ko sa iyo na wala, maliban lamang sa iyong salita.
41 Subalit, dinggin, taglay ko ang lahat ng bagay bilang patotoo na ang mga bagay na ito ay totoo; at taglay mo rin ang lahat ng bagay bilang patotoo sa iyo na ang mga ito ay totoo; at ipagkakaila mo ba ang mga ito? Naniniwala ka ba na ang mga bagay na ito ay totoo?
42 Dinggin, nalalaman kong naniniwala ka, subalit pinaghaharian ka ng isang mapagsinungaling na espiritu, at isinantabi mo ang Espiritu ng Diyos upang hindi ito magkaroon ng puwang sa iyo; kung kaya nga’t ang diyablo ay may nangingibabaw na kapangyarihan sa iyo, at inaakay ka niya, gumagawa ng mga pamamaraan upang mawasak niya ang mga anak ng Diyos.
43 At ngayon, sinabi ni Korihor kay Alma: Kung magpapakita ka sa akin ng isang palatandaan, upang ako ay mapaniwalang may Diyos, oo, patunayan mo sa akin na siya ay may kapangyarihan, at pagkatapos nito, ako ay maniniwala sa katotohanan ng iyong mga salita.
44 Subalit sinabi ni Alma sa kanya: Mayroon kang sapat na mga palatandaan; tutuksuhin mo ba ang iyong Diyos? Sasabihin mo bang, Magpakita sa akin ng palatandaan, kung taglay mo ang patotoo ng lahat ng ito na iyong mga kapatid, at gayundin ang lahat ng banal na propeta? Ang mga banal na kasulatan ay nakalahad sa iyong harapan, oo, at ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayundin ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.
45 At gayunpaman, nagpalibut-libot ka, inaakay palayo ang mga puso ng mga taong ito, nagpapatotoo sa kanila na walang Diyos? At gayunman, magkakaila ka ba laban sa lahat ng katunayang ito? At sinabi niya: Oo, magkakaila ako, maliban kung pakikitaan mo ako ng palatandaan.
46 At ngayon, ito ay nangyari na sinabi ni Alma sa kanya: Dinggin, ako ay nalulungkot dahil sa katigasan ng iyong puso, oo, na iyo pa ring lalabanan ang diwa ng katotohanan, upang ang iyong kaluluwa ay mawasak.
47 Subalit dinggin, higit na mabuti na ang iyong kaluluwa ay mawala kaysa sa ikaw ang maging sanhi ng pagdadala sa maraming kaluluwa tungo sa pagkawasak, sa pamamagitan ng iyong pagsisinungaling at sa pamamagitan ng iyong magagandang salita; kaya nga, kung muli kang magkakaila, dinggin, parurusahan ka ng Diyos, na magiging pipi ka, upang hindi mo na mabuksan pa kailanman ang iyong bibig, nang hindi mo na malinlang pa ang mga taong ito.
48 Ngayon, sinabi ni Korihor sa kanya: Hindi ko ikinakaila ang pagkakaroon ng Diyos, datapwat hindi ako naniniwalang may Diyos; at sinasabi ko ring hindi mo nalalamang may Diyos; at maliban kung pakitaan mo ako ng palatandaan ay hindi ako maniniwala.
49 Ngayon, sinabi sa kanya ni Alma: Ito ang ibibigay ko sa iyo bilang palatandaan, na mapipipi ka, alinsunod sa aking mga salita; at sinasabi ko sa pangalan ng Diyos, magiging pipi ka, na hindi ka na makapangungusap pa.
50 Ngayon, nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito, si Korihor ay napipi, kung kaya’t hindi siya makapangusap, alinsunod sa mga salita ni Alma.
51 At ngayon, nang makita ito ng punong hukom, iniunat niya ang kanyang kamay at sumulat kay Korihor, sinasabing: Naniniwala ka na ba sa kapangyarihan ng Diyos? Kung kanino ninais mong pakitaan ka ni Alma ng kanyang palatandaan? Hangad mo bang pahirapan niya ang iba, upang pakitaan ka ng isang palatandaan? Dinggin, siya ay nagpakita sa iyo ng palatandaan; at ngayon, makikipagtalo ka pa ba?
52 At iniunat ni Korihor ang kanyang kamay at sumulat, sinasabing: Nalalaman kong ako ay napipi sapagkat hindi ako makapagsalita; at nalalaman kong walang bagay maliban sa kapangyarihan ng Diyos ang makagagawa nito sa akin; oo, at noon pa ay nalalaman ko nang may Diyos.
53 Subalit dinggin, ako ay nalinlang ng diyablo; sapagkat siya ay nagpakita sa akin sa kaanyuan ng isang anghel, at sinabi sa akin: Humayo at bawiin ang mga taong ito, sapagkat nangaligaw silang lahat sa pagsunod sa isang hindi kilalang Diyos. At sinabi niya sa akin: Walang Diyos; oo, at itinuro niya sa akin ang nararapat kong sabihin. At itinuro ko ang kanyang mga salita; at itinuro ko ang mga ito dahil sa kasiya-siya ang mga ito sa makamundong isipan; at itinuro ko ang mga ito, maging hanggang sa makamtan ko ang malaking tagumpay, hanggang sa ako ay tunay na naniwala na totoo ang mga ito; at sa kadahilanang ito ko kinalaban ang katotohanan, maging hanggang sa idulot ko ang malaking sumpang ito sa akin.
54 Ngayon, nang sabihin niya ito, siya ay nagsumamo na manalangin sa Diyos si Alma, upang maalis sa kanya ang sumpa.
55 Subalit sinabi ni Alma sa kanya: Kung ang sumpang ito ay aalisin mula sa iyo, muli mong aakayin palayo ang mga puso ng mga taong ito; kaya nga, mangyayari sa iyo ang naaayon sa kalooban ng Panginoon.
56 At ito ay nangyari na hindi naalis ang sumpa kay Korihor; datapwat siya ay itinaboy, at nagpalibut-libot sa bahay-bahay na nanlilimos para sa kanyang pagkain.
57 Ngayon, ang kaalaman tungkol sa nangyari kay Korihor ay kaagad ipinahayag sa lahat ng dako ng buong lupain; oo, ang pahayag ay ipinadala ng punong hukom sa lahat ng tao sa lupain, ipinahahayag sa mga yaong naniwala sa mga salita ni Korihor na kailangang kaagad silang magsisi, na baka ang gayunding kahatulan ay sapitin nila.
58 At ito ay nangyari na napaniwala silang lahat sa kasamaan ni Korihor; kaya nga silang lahat ay muling nagbalik-loob sa Panginoon; at winakasan nito ang kasamaan alinsunod sa pamamaraan ni Korihor. At si Korihor ay nagpalibut-libot sa bahay-bahay, nanlilimos ng pagkain para sa kanyang ikabubuhay.
59 At ito ay nangyari na habang humahalubilo siya sa mga tao, oo, sa mga taong inihiwalay ang kanilang sarili mula sa mga Nephita at tinawag ang kanilang sariling mga Zoramita, na pinamumunuan ng isang lalaking nagngangalang Zoram—at habang humahalubilo siya sa kanila, dinggin, tinuntungan siya at niyapak-yapakan, maging hanggang sa mamatay siya.
60 At sa gayon natin nakikita ang katapusan niya na nagbabaluktot sa mga landas ng Panginoon; at sa gayon natin nakikitang hindi tutulungan ng diyablo ang kanyang mga anak sa huling araw, sa halip, kaagad silang hihilahing pababa sa impiyerno.