Mga Banal na Kasulatan
Alma 31


Kabanata 31

Pinamunuan ni Alma ang isang misyon upang bawiin ang mga Zoramita na mga tumalikod sa katotohanan—Ang mga Zoramita ay itinatwa si Cristo, naniwala sa isang huwad na kaisipan ng paghirang, at sumamba sa pamamagitan ng mga nakatakdang panalangin—Ang mga misyonero ay napuspos ng Banal na Espiritu—Ang kanilang mga paghihirap ay nadaig sa kagalakan dahil kay Cristo. Mga 74 B.C.

1 Ngayon, ito ay nangyari na matapos ang kamatayan ni Korihor, si Alma, matapos makatanggap ng balitang binabaluktot ng mga Zoramita ang mga landas ng Panginoon, at na si Zoram, na kanilang pinuno, ay inaakay ang mga puso ng mga tao na yumukod sa mga piping diyus-diyusan, ang kanyang puso ay nagsimula muling malungkot dahil sa kasamaan ng mga tao.

2 Sapagkat dahilan ng labis na kalungkutan ni Alma na malamang may kasamaan sa kanyang mga tao; kaya nga ang kanyang puso ay labis na nalungkot dahil sa paghiwalay ng mga Zoramita mula sa mga Nephita.

3 Ngayon, sama-samang tinipon ng mga Zoramita ang kanilang sarili sa lupaing tinawag nilang Antionum, na nasa silangan ng lupain ng Zarahemla, na halos nasa may hangganan ng dalampasigan, na nasa timog ng lupain ng Jerson, na nasa hangganan din ng timog ilang, na ilang na puno ng mga Lamanita.

4 Ngayon, ang mga Nephita ay nangamba nang labis na baka pumasok ang mga Zoramita sa isang pakikipag-ugnayan sa mga Lamanita, at na ito ang maging dahilan ng malaking kawalan sa panig ng mga Nephita.

5 At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may dakilang pangganyak na umakay sa mga tao na gawin ang yaong makatarungan—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—kaya nga naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos.

6 Samakatwid, kanyang isinama si Ammon, at si Aaron, at si Omner; at si Himni ay iniwan niya sa simbahan sa Zarahemla; subalit ang naunang tatlo ay isinama niya, at gayundin sina Amulek at Zisrom, na nasa Melek; at isinama rin niya ang dalawa sa kanyang mga anak na lalaki.

7 Ngayon, ang pinakamatanda sa kanyang mga anak na lalaki ay hindi niya isinama, at ang pangalan niya ay Helaman; subalit ang mga pangalan ng mga yaong isinama niya ay Siblon at Corianton; at ito ang mga pangalan ng mga yaong sumama sa kanya sa mga Zoramita, upang ipangaral sa kanila ang salita.

8 Ngayon, ang mga Zoramita ay mga tumiwalag mula sa mga Nephita; kaya nga, naipangaral na sa kanila ang salita ng Diyos.

9 Subalit sila ay nahulog sa malalaking kamalian, sapagkat hindi nila pinagsisikapang sundin ang mga kautusan ng Diyos, at ang kanyang mga panuntunan, alinsunod sa batas ni Moises.

10 Ni hindi nila sinusunod ang mga gawain ng simbahan, na magpatuloy sa panalangin at pagsusumamo sa Diyos sa araw-araw, upang hindi sila mapadala sa tukso.

11 Oo, sa madaling salita, binaluktot nila ang mga landas ng Panginoon sa napakaraming pagkakataon; kaya nga, dahil dito, si Alma at ang kanyang mga kapatid ay nagtungo sa lupain upang ipangaral ang salita sa kanila.

12 Ngayon, nang sila ay makarating sa lupain, dinggin, sa kanilang panggigilalas ay nalaman nila na nagtayo ang mga Zoramita ng mga sinagoga, at na sama-samang tinitipon nila ang kanilang sarili isang araw sa isang linggo, kung aling araw ay tinatawag nilang araw ng Panginoon; at sila ay sumasamba alinsunod sa isang pamamaraang kailanman ay hindi pa namasdan ni Alma at ng kanyang mga kapatid;

13 Sapagkat may lugar silang itinayo sa gitna ng kanilang sinagoga, isang lugar na tindigan, na mataas sa ulo; at sa tuktok niyon ay isang tao lamang ang makatitindig.

14 Anupa’t sinuman ang magnais na sumamba ay kailangang magtungo at tumindig sa tuktok niyon, at iunat ang kanyang mga kamay sa langit, at magsumamo sa malakas na tinig, sinasabing:

15 Banal, banal na Diyos; naniniwala po kaming kayo ay Diyos, at naniniwala po kaming kayo ay banal, at na kayo po ay espiritu, at mananatiling espiritu magpakailanman.

16 Banal na Diyos, naniniwala po kaming inihiwalay ninyo kami sa aming mga kapatid; at hindi po kami naniniwala sa kaugalian ng aming mga kapatid, na ipinasa-pasa sa kanila dahil sa pagiging isip-bata ng kanilang mga ama; sa halip, naniniwala po kaming hinirang ninyo kami upang inyong maging mga banal na anak; at inyo rin pong ipinaalam sa amin na hindi magkakaroon ng Cristo.

17 Kundi kayo po ay siya rin, kahapon, ngayon, at magpakailanman; at hinirang po ninyo kami upang kami ay maligtas, samantalang ang lahat ng yaong nasa aming paligid ay hinirang na iwaksi ng inyong kapootan pababa sa impiyerno; kung aling kabanalan, O Diyos, ay nagpapasalamat po kami sa inyo; at nagpapasalamat din po kami sa inyo na hinirang ninyo kami, upang hindi po kami maakay palayo alinsunod sa mga hangal na kaugalian ng aming mga kapatid, na gumagapos sa kanila sa isang paniniwala kay Cristo, na umaakay po sa kanilang mga puso na lumihis palayo mula sa inyo, aming Diyos.

18 At muli, nagpapasalamat po kami sa inyo, O Diyos, na kami ay mga pinili at banal na tao. Amen.

19 Ngayon, ito ay nangyari na matapos marinig ni Alma at ng kanyang mga kapatid at ng kanyang mga anak ang mga panalanging ito, sila ay nanggilalas nang hindi masusukat.

20 Sapagkat dinggin, humayo ang bawat tao at naghandog ng gayunding mga panalangin.

21 Ngayon, ang lugar ay tinawag nilang Ramiumptum, na ang ibig sabihin ay banal na tindigan.

22 Ngayon, mula sa tindigang ito ay naghahandog sila, bawat tao, ng gayunding panalangin sa Diyos, pinasasalamatan ang kanilang Diyos na pinili niya sila, at na hindi niya sila inakay palayo alinsunod sa kaugalian ng kanilang mga kapatid, at na hindi nahikayat ang kanilang mga puso na maniwala sa mga bagay na magaganap, kung saan sila ay walang anumang nalalaman.

23 Ngayon, matapos na ang lahat ng tao ay makapaghandog ng pasasalamat alinsunod sa pamamaraang ito, sila ay nagsibalik sa kanilang mga tahanan, hindi na muling nangungusap pa hinggil sa kanilang Diyos hanggang sa muli nilang sama-samang tipunin ang kanilang sarili sa banal na tindigan, upang maghandog ng pasasalamat alinsunod sa kanilang pamamaraan.

24 Ngayon, nang makita ito ni Alma, ang kanyang puso ay nagdalamhati; sapagkat kanyang nakita na sila ay masasama at mga naliligaw na tao; oo, nakita niya na ang kanilang mga puso ay nakalagak sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng maiinam na bagay.

25 Oo, at kanyang nakita rin na ang kanilang mga puso ay iniangat hanggang sa labis na pagmamalaki, sa kanilang kapalaluan.

26 At itinaas niya ang kanyang tinig sa langit, at nagsumamo, sinasabing: O, gaano po katagal, O Panginoon, na pahihintulutan po ninyo ang inyong mga tagapaglingkod na mamalagi rito sa ibaba sa laman, upang mamasdan po ang ganitong napakalaking kasamaan sa mga anak ng tao?

27 Dinggin, O Diyos, sila po ay nagsusumamo sa inyo, at gayunman, ang kanilang mga puso ay nalulon sa kanilang kapalaluan. Dinggin, O Diyos, sila po ay nagsusumamo sa inyo sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, samantalang sila ay nagmamataas, maging sa kasukdulan, sa mga bagay na walang kabuluhan ng daigdig.

28 Masdan, O aking Diyos, ang kanilang mamahaling kasuotan, at kanilang mga singsing, at kanilang mga pulseras, at kanilang mga palamuting ginto, at lahat ng kanilang mamahaling bagay na sa kanila ay pumapalamuti; at dinggin, ang kanilang mga puso ay nakalagak sa mga ito, at gayunman, nagsusumamo po sila sa inyo at sinasabing—Kami po ay nagpapasalamat sa inyo, O Diyos, sapagkat kami ay mga piniling tao ninyo, samantalang masasawi po ang iba.

29 Opo, at sinasabi po nilang ipinaalam ninyo sa kanila na hindi magkakaroon ng Cristo.

30 O Panginoong Diyos, gaano katagal po ninyong pahihintulutang magkaroon ng ganitong kasamaan at kawalan ng paniniwala sa mga taong ito? O Panginoon, nawa ay pagkalooban po ninyo ako ng lakas, upang makayanan ko ang aking mga paghihirap. Sapagkat ako po ay naghihirap, at ang gayong kasamaan sa mga taong ito ay sumusugat sa aking kaluluwa.

31 O Panginoon, ang aking puso po ay labis na nalulungkot, nawa ay aluin ninyo ang aking kaluluwa kay Cristo. O Panginoon, nawa ay ipahintulot po ninyong magkaroon ako ng lakas, upang mapasan ko po nang may pagtitiis ang mga paghihirap na ito na sasapit sa akin, dahil sa kasamaan ng mga taong ito.

32 O Panginoon, nawa ay aluin po ninyo ang aking kaluluwa, at bigyan ako ng tagumpay, at gayundin po ang mga kapwa ko manggagawa na mga kasama ko—opo, sina Ammon, at Aaron, at Omner, at gayundin po sina Amulek at Zisrom, at gayundin po ang dalawa kong anak na lalaki—opo, nawa ay aluin po ninyo maging lahat sila, O Panginoon. Opo, nawa ay aluin po ninyo ang kanilang mga kaluluwa kay Cristo.

33 Nawa ay ipagkaloob po ninyo sa kanila na magkaroon sila ng lakas upang mapasan po nila ang kanilang mga paghihirap na sasapit sa kanila dahil sa mga kasamaan ng mga taong ito.

34 O Panginoon, nawa ay ipagkaloob po ninyo sa amin na matamo namin ang tagumpay sa muling pagdadala sa kanila sa inyo sa pamamagitan ni Cristo.

35 Dinggin, O Panginoon, ang kanila pong mga kaluluwa ay mahahalaga, at marami sa kanila ay aming mga kapatid; kaya nga, pagkalooban po ninyo kami, O Panginoon, ng kapangyarihan at karunungan upang madala po naming muli sila na aming mga kapatid sa inyo.

36 Ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito, na ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanilang lahat na kasama niya. At dinggin, nang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila, sila ay napuspos ng Banal na Espiritu.

37 At matapos nito ay naghiwa-hiwalay ang bawat isa sa kanila, hindi nag-aalala para sa kanilang sarili kung ano ang kanilang kakainin, o kung ano ang kanilang iinumin, o kung ano ang kanilang isusuot.

38 At ang Panginoon ay naglaan para sa kanila upang hindi sila magutom, ni hindi sila mauhaw; oo, at kanya ring binigyan sila ng lakas, upang hindi sila magdanas ng anumang uri ng paghihirap, maliban sa madaig sa kagalakan dahil kay Cristo. Ngayon, ito ay naaalinsunod sa panalangin ni Alma; at ito ay dahil sa nanalangin siya nang may pananampalataya.