Mga Banal na Kasulatan
Alma 32


Kabanata 32

Tinuruan ni Alma ang mga maralita na nangagpakumbaba dahil sa kanilang mga paghihirap—Ang pananampalataya ay isang pag-asa sa hindi nakikita ngunit totoo—Pinatotohanan ni Alma na naglilingkod ang mga anghel sa mga lalaki, babae, at bata—Inihambing ni Alma ang salita sa isang binhi—Ito ay kailangang itanim at alagaan—Pagkatapos, ito ay tutubo hanggang sa maging isang punungkahoy kung saan pinipitas ang bunga ng buhay na walang hanggan. Mga 74 B.C.

1 At ito ay nangyari na sila ay humayo at nagsimulang ipangaral ang salita ng Diyos sa mga tao, pumapasok sa kanilang mga sinagoga, at sa kanilang mga bahay; oo, at maging sa kanilang mga lansangan ay ipinangangaral nila ang salita.

2 At ito ay nangyari na matapos ang maraming pagsusumikap sa kanila, sila ay nagsimulang magkaroon ng tagumpay sa mga maralitang antas ng mga tao; sapagkat dinggin, sila ay itinaboy palabas ng mga sinagoga dahil sa kagaspangan ng kanilang mga kasuotan—

3 Samakatwid, sila ay hindi pinahintulutang pumasok sa kanilang mga sinagoga upang sumamba sa Diyos, itinuturing na karumihan; kaya nga sila ay mga maralita; oo, sila ay itinuring ng kanilang mga kapatid na kagaya ng taing bakal; kaya nga sila ay salat sa mga bagay ng daigdig; at gayundin sila ay may mababang-loob.

4 Ngayon, habang si Alma ay nagtuturo at nagsasalita sa mga tao sa burol ng Onidas, doon ay nagsilapit sa kanya ang napakaraming tao, sila na ating pinag-uusapan, sila na may mga mababang-loob, dahil sa kanilang kahirapan sa mga bagay ng daigdig.

5 At sila ay lumapit kay Alma; at sinabi sa kanya ng isa na nangunguna sa kanila: Dinggin, ano ang gagawin ng mga kapatid kong ito, sapagkat sila ay hinahamak ng lahat ng tao dahil sa kanilang kahirapan, oo, at lalong higit ng aming mga saserdote; sapagkat kami ay itinaboy nila palabas ng aming mga sinagoga na aming pinagsumikapan nang labis upang itayo ng aming sariling mga kamay; at kami ay itinaboy nila palabas dahil sa aming labis na kahirapan; at kami ay walang lugar na mapagsasambahan ng aming Diyos; at dinggin, ano ang aming gagawin?

6 At ngayon, nang marinig ito ni Alma, bumaling siya sa kanya, iniharap ang mukha niya sa kanya, at tumingin siya nang may malaking kagalakan; sapagkat kanyang namasdan na ang kanilang mga paghihirap ay tunay na nakapagpakumbaba sa kanila, at na sila ay handa nang pakinggan ang salita.

7 Samakatwid, hindi na siya nagsalita pa sa iba pang mga tao; kundi iniunat niya ang kanyang kamay, at sumigaw roon sa kanyang mga namasdan, na mga tunay na nagsisisi, at sinabi sa kanila:

8 Aking namamasdan na kayo ay mapagpakumbaba sa puso; at kung gayon nga, kayo ay pinagpala.

9 Dinggin, ang inyong kapatid ay nagsabi, Ano ang aming gagawin?—sapagkat kami ay itinaboy palabas ng aming mga sinagoga, kung kaya’t hindi namin masamba ang aming Diyos.

10 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, inaakala ba ninyong hindi kayo makasasamba sa Diyos maliban kung ito ay sa inyong mga sinagoga lamang?

11 At bukod dito, itinatanong ko, inaakala ba ninyong hindi kayo makasasamba sa Diyos kundi isang beses lamang sa isang linggo?

12 Sinasabi ko sa inyo, mabuti na kayo ay itinaboy palabas ng inyong mga sinagoga, upang kayo ay maging mapagpakumbaba, at upang kayo ay matuto ng karunungan; sapagkat kinakailangang matuto kayo ng karunungan; sapagkat dahil itinaboy kayo palabas, kayo ay hinamak ng inyong mga kapatid dahil sa inyong labis na kahirapan, kung kaya’t kayo ay naakay sa kababaan ng puso; sapagkat kinakailangan kayong akayin upang maging mapagpakumbaba.

13 At ngayon, dahil napilitan kayong magpakumbaba, kayo ay pinagpala; sapagkat ang isang tao kung minsan, kung siya ay napilitang magpakumbaba, ay naghahangad na magsisi; at ngayon, tiyak na ang sinumang magsisisi ay makasusumpong ng awa; at siya na nakasumpong ng awa at makapagtitiis hanggang katapusan, siya rin ay maliligtas.

14 At ngayon, tulad ng sinabi ko sa inyo, na dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba, kayo ay pinagpala, hindi ba ninyo inaakala na higit na pinagpala sila na tunay na nagpakumbaba ng kanilang sarili dahil sa salita?

15 Oo, siya na tunay na nagpapakumbaba ng kanyang sarili, at nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at nagtitiis hanggang sa katapusan, siya rin ay pagpapalain—oo, lalong higit na pagpapalain kaysa sa kanila na napilitang magpakumbaba dahil sa kanilang labis na kahirapan.

16 Samakatwid, pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili nang hindi pinipilit na magpakumbaba; o sa ibang mga salita, pinagpala siya na naniniwala sa salita ng Diyos, at nabinyagan nang walang katigasan ng puso, oo, na hindi naakay upang malaman ang salita, o maging pinilit na malaman, bago sila maniwala.

17 Oo, marami ang nagsasabi: Kung ikaw ay magpapakita sa amin ng isang palatandaan mula sa langit, sa gayon malalaman namin nang may katiyakan; sa gayon kami ay maniniwala.

18 Ngayon, itinatanong ko, ito ba ay pananampalataya? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat kung nalalaman ng isang tao ang isang bagay, siya ay walang dahilan upang maniwala, sapagkat alam na niya ito.

19 At ngayon, gaano kahigit na susumpain siya na nakaaalam ng kalooban ng Diyos at hindi ito ginagawa, kaysa sa kanya na naniniwala lamang, o mayroon lamang dahilan upang maniwala, at mahulog sa pagkakasala?

20 Ngayon, sa bagay na ito, kayo ang kailangang humatol. Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ito sa isang dako ay katulad din sa kabilang dako; at ito ay mangyayari sa bawat tao alinsunod sa kanyang gawa.

21 At ngayon, tulad ng sinabi ko hinggil sa pananampalataya—ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay; kaya nga, kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, na totoo.

22 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, at nais kong inyong tandaan, na ang Diyos ay maawain sa lahat ng naniniwala sa kanyang pangalan; kaya nga ninanais niya, una sa lahat, na kayo ay maniwala, oo, maging sa kanyang salita.

23 At ngayon, ibinabahagi niya ang kanyang salita sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga anghel, oo, hindi lamang sa kalalakihan, kundi pati rin sa kababaihan. Ngayon, hindi lamang ito; sa maliliit na bata ay mayroon ding mga salitang ibinigay sa kanila nang maraming ulit, na tumutulig sa marunong at matalino.

24 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, katulad ng hinihiling ninyo na malaman sa akin kung ano ang inyong gagawin sapagkat kayo ay pinahirapan at itinaboy—ngayon, hindi ko nais na inyong ipalagay na ibig kong hatulan kayo tanging alinsunod lamang doon sa totoo—

25 Sapagkat hindi ko ibig sabihin na kayong lahat ay napilitang magpakumbaba ng inyong sarili; sapagkat ako ay tunay na naniniwala na may ilan sa inyo na kusang nagpapakumbaba sa inyong sarili, hayaan sila kung anuman ang katayuan nila.

26 Ngayon, katulad ng sinabi ko hinggil sa pananampalataya—na ito ay hindi isang ganap na kaalaman—maging gayundin ang aking mga salita. Hindi ninyo malalaman ang katiyakan ng mga ito sa una, hanggang sa kaganapan, anuman ang higit pa sa pananampalataya ay isang ganap na kaalaman.

27 Subalit dinggin, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.

28 Ngayon, ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang isang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, dinggin, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, dinggin, ito ay magsisimulang tumubo sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong pagtubo, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging kasiya-siya para sa akin.

29 Ngayon, dinggin, hindi ba’t makadaragdag ito sa inyong pananampalataya? Sinasabi ko sa inyo, Oo; gayunman ito ay hindi pa lumalago sa isang ganap na kaalaman.

30 Ngunit dinggin, habang ang binhi ay lumalaki, at sumisibol, at nagsisimulang tumubo, sa gayon ay talagang sasabihin ninyo na mabuti ang binhi; sapagkat dinggin, ito ay lumalaki, at sumisibol, at nagsisimulang tumubo. At ngayon, dinggin, hindi ba’t magpapalakas ito sa inyong pananampalataya? Oo, ito ay magpapalakas sa inyong pananampalataya: sapagkat inyong sasabihin na alam kong ito ay isang mabuting binhi; sapagkat dinggin, ito ay sumisibol at nagsisimulang tumubo.

31 At ngayon, dinggin, nakatitiyak ba kayo na ito ay isang mabuting binhi? Sinasabi ko sa inyo, Oo; sapagkat ang bawat binhi ay magbubunga ng katulad nito.

32 Samakatwid, kung tumutubo ang isang binhi, ito ay mabuti, ngunit kung ito ay hindi tumutubo, dinggin, hindi ito mabuti, kaya nga ito ay itatapon.

33 At ngayon, dinggin, dahil inyong sinubukan ang pagsubok, at itinanim ang binhi, at ito ay lumaki at sumibol, at nagsimulang tumubo, kailangang malaman ninyo na ang binhi ay mabuti.

34 At ngayon, dinggin, ang inyo bang kaalaman ay ganap? Oo, ang inyong kaalaman ay ganap sa bagay na yaon, at hindi na iiral ang inyong pananampalataya; at ito ay sapagkat nalalaman na ninyo, sapagkat nalalaman ninyo na ang salita ay nagpalaki sa inyong mga kaluluwa, at nalalaman din ninyo na sumibol ito, na ang inyong pang-unawa ay nagsimulang magliwanag, at ang inyong isipan ay nagsimulang lumawak.

35 O sa gayon, hindi ba’t ito ay tunay? Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag; at anumang liwanag ay mabuti, sapagkat nauunawaan ito, kaya nga kailangan ninyong malaman na ito ay mabuti; at ngayon, dinggin, matapos ninyong matikman ang liwanag na ito, ang inyo bang kaalaman ay ganap?

36 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni hindi ninyo kailangang isantabi ang inyong pananampalataya, sapagkat ginamit lamang ninyo ang inyong pananampalataya upang itanim ang binhi at nang inyong masubukan ang pagsubok upang inyong malaman kung ang binhi ay mabuti.

37 At dinggin, habang ang punungkahoy ay nagsisimulang lumaki, inyong sasabihin: Ating alagaan ito nang may malaking pagkalinga, nang iyon ay magkaugat, nang iyon ay lumaki, at magbigay ng bunga sa atin. At ngayon, dinggin, kung inyong aalagaan iyon nang mabuti, ito ay magkakaugat, at tutubo, at magbubunga.

38 Subalit kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, dinggin, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat; at kapag ang init ng araw ay matindi at dinarang ito, sapagkat wala itong ugat, ay malalanta ito, at ito ay inyong bubunutin at itatapon.

39 Ngayon, ito ay hindi dahil hindi mabuti ang binhi, ni hindi ito dahil ang bunga niyon ay hindi magiging kanais-nais; kundi ito ay dahil tigang ang inyong lupa, at hindi ninyo inaalagaan ang punungkahoy, kaya nga hindi kayo magkakaroon ng bunga niyon.

40 At sa gayon kung hindi ninyo aalagaan ang salita, na umaasa nang may mata ng pananampalataya sa bunga niyon, hindi kayo kailanman makapipitas ng bunga ng punungkahoy ng buhay.

41 Subalit kung inyong aalagaan ang salita, oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya nang may labis na pagsusumigasig, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat; at dinggin, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.

42 At dahil sa inyong pagsusumigasig at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito, upang ito ay magka-ugat sa inyo, dinggin, hindi maglalaon ay pipitas kayo ng bunga niyon, na pinakamahalaga, na pinakamatamis sa lahat ng matamis, at pinakamaputi sa lahat ng maputi, oo, at pinakadalisay sa lahat ng dalisay; at kayo ay magpapakabusog sa bungang ito hanggang sa kayo ay mapuno, upang hindi na kayo magutom pa, ni hindi na kayo mauhaw pa.

43 Sa gayon, mga kapatid ko, inyong aanihin ang mga gantimpala ng inyong pananampalataya, at inyong pagsusumigasig, at pagtitiyaga, at mahabang pagtitiis, sa paghihintay sa punungkahoy na magbigay ng bunga sa inyo.