Mga Banal na Kasulatan
Alma 33


Kabanata 33

Itinuro ni Zenos na ang lahat ng tao ay nararapat na manalangin at sumamba sa lahat ng lugar, at na iwaksi ang mga kahatulan dahil sa Anak—Itinuro ni Zenok na ang awa ay ipinagkaloob dahil sa Anak—Itinaas ni Moises sa ilang ang isang kahalintulad ng Anak ng Diyos. Mga 74 B.C.

1 Ngayon, matapos sabihin ni Alma ang mga salitang ito, sila ay lumapit sa kanya nang nagnanais na malaman kung nararapat silang maniwala sa isang Diyos, upang matamo nila ang bungang ito na sinabi niya, o kung paano nila itatanim ang binhi, o ang salitang kanyang sinabi, na sinabi niyang kinakailangang maitanim sa kanilang mga puso; o sa paanong paraan sila magsisimulang manampalataya.

2 At sinabi ni Alma sa kanila: Dinggin, sinabi ninyong hindi kayo makasamba sa inyong Diyos dahil sa kayo ay itinaboy palabas ng inyong mga sinagoga. Subalit dinggin, sinasabi ko sa inyo, kung inaakala ninyong hindi kayo makasasamba sa Diyos, kayo ay labis na nagkakamali, at nararapat ninyong saliksikin ang mga banal na kasulatan; kung inaakala ninyong itinuro ng mga ito sa inyo, hindi ninyo nauunawaan ang mga ito.

3 Natatandaan ba ninyong nabasa kung ano ang sinabi ni Zenos, ang sinaunang propeta, hinggil sa panalangin o pagsamba?

4 Sapagkat sinabi niya: Kayo po ay maawain, O Diyos, sapagkat dininig po ninyo ang aking panalangin, maging noong ako ay nasa ilang; opo, naging maawain po kayo nang ako ay manalangin hinggil sa mga yaong aking mga kaaway, at binago po ninyo sila para sa akin.

5 Opo, O Diyos, at naging maawain kayo sa akin nang ako po ay magsumamo sa inyo sa aking bukid; nang ako po ay magsumamo sa inyo sa aking panalangin, at dininig po ninyo ako.

6 At muli, O Diyos, nang magtungo ako sa aking bahay ay dininig ninyo ako sa aking panalangin.

7 At nang ako po ay pumasok sa aking munting silid, O Panginoon, at nanalangin sa inyo, dininig po ninyo ako.

8 Opo, maawain kayo sa inyong mga anak kapag sila ay nagsusumamo sa inyo, upang marinig po ninyo at hindi ng tao, at pakikinggan ninyo sila.

9 Opo, O Diyos, naging maawain po kayo sa akin, at dininig ang aking mga pagsusumamo sa gitna ng inyong mga pagtitipun-tipon.

10 Opo, at dininig din po ninyo ako nang ako ay itaboy at kinamuhian ng aking mga kaaway; opo, dininig po ninyo ang aking mga pagsusumamo, at nagalit sa aking mga kaaway, at dinalaw po ninyo sila ng inyong galit sa pamamagitan ng dagliang pagkalipol.

11 At dininig po ninyo ako dahil sa aking mga paghihirap at aking katapatan; at dahil po ito sa inyong Anak kaya naging maawain kayo nang gayon sa akin, kaya nga, ako po ay magsusumamo sa inyo sa lahat ng aking paghihirap, sapagkat nasa inyo ang aking kagalakan; sapagkat iwinaksi po ninyo mula sa akin ang inyong mga kahatulan, dahil sa inyong Anak.

12 At ngayon, sinabi ni Alma sa kanila: Naniniwala ba kayo sa mga yaong banal na kasulatang isinulat nila noon?

13 Dinggin, kung gayon, kinakailangang maniwala kayo sa sinabi ni Zenos; sapagkat dinggin, sinabi niya: Iwinaksi po ninyo ang inyong mga kahatulan dahil sa inyong Anak.

14 Ngayon, dinggin, mga kapatid ko, itinatanong ko kung binasa ninyo ang mga banal na kasulatan? Kung nabasa ninyo, paanong hindi kayo maniniwala sa Anak ng Diyos?

15 Sapagkat hindi nasusulat na tanging si Zenos lamang ang nangusap tungkol sa mga bagay na ito, kundi nangusap din si Zenok tungkol sa mga bagay na ito—

16 Sapagkat, dinggin, sinabi niya: Nagagalit po kayo, O Panginoon, sa mga taong ito, sapagkat sila ay tumangging unawain ang inyo pong mga awa na ipinagkaloob ninyo sa kanila dahil sa inyong Anak.

17 At ngayon, mga kapatid ko, nakikita ninyo na may ikalawang propeta noon na nagpatotoo tungkol sa Anak ng Diyos, at sapagkat ang mga tao ay tumangging unawain ang kanyang mga salita, kanilang pinagbabato siya hanggang sa kamatayan.

18 Subalit dinggin, hindi lamang ito; hindi lamang sila ang nangusap hinggil sa Anak ng Diyos.

19 Dinggin, siya ay binanggit ni Moises; oo, at dinggin, isang kahalintulad ang itinaas sa ilang, na kung sinuman ang tumingin dito ay mabubuhay. At marami ang tumingin at nabuhay.

20 Subalit kakaunti ang nakaunawa sa ibig sabihin ng mga bagay na yaon, at ito ay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Subalit marami ang napakatigas kung kaya’t tumanggi silang tumingin, kaya nga nasawi sila. Ngayon, ang dahilan ng pagtanggi nilang tumingin ay dahil sa hindi sila naniwalang mapagagaling sila nito.

21 O mga kapatid ko, kung kayo ay mapagagaling sa pamamagitan lamang ng pagbaling ng inyong mga mata upang gumaling kayo, hindi ba kayo mabilis na titingin, o nanaisin pa ba ninyong patigasin ang inyong mga puso sa kawalang-paniniwala, at maging mga tamad, na hindi ninyo ibabaling ang inyong mga mata, nang masawi kayo?

22 Kung gayon, mapasasainyo ang kapighatian; subalit kung hindi, sa gayon ibaling ninyo ang inyong mga mata at magsimulang maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na babangon siya muli mula sa mga patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa.

23 At ngayon, mga kapatid ko, hinihiling kong itanim ninyo ang salitang ito sa inyong mga puso, at habang nagsisimula itong tumubo, sa gayon ito ay alagaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. At dinggin, ito ay magiging isang punungkahoy, sisibol sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan. At pagkatapos, nawa ay ipagkaloob sa inyo ng Diyos na gumaan ang inyong mga pasanin, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak. At maging ang lahat ng ito ay magagawa ninyo kung inyong nanaisin. Amen.