Mga Banal na Kasulatan
Alma 35


Kabanata 35

Winasak ng pangangaral ng salita ang katusuhan ng mga Zoramita—Pinaalis nila ang mga nagbalik-loob, na pagkatapos ay nakiisa sa mga tao ni Ammon sa Jerson—Nalungkot si Alma dahil sa kasamaan ng mga tao. Mga 74 B.C.

1 Ngayon, ito ay nangyari na nang matapos si Amulek sa mga salitang ito, inilayo nila ang kanilang sarili sa maraming tao at nagtungo sa lupain ng Jerson.

2 Oo, at ang iba pang mga kapatid, matapos nilang ipangaral ang salita sa mga Zoramita, ay nagtungo rin sa lupain ng Jerson.

3 At ito ay nangyari na matapos sama-samang nagsanggunian ang higit na tanyag na bahagi ng mga Zoramita hinggil sa mga salitang ipinangaral sa kanila, sila ay nagalit dahil sa salita, sapagkat winasak nito ang kanilang katusuhan; kaya nga, sila ay tumangging makinig sa mga salita.

4 At sila ay nagpasabi at sama-samang tinipon ang lahat ng tao sa lahat ng dako ng buong lupain, at nakipagsanggunian sa kanila hinggil sa mga salitang sinabi.

5 Ngayon, ang kanilang mga tagapamahala at kanilang mga saserdote at kanilang mga guro ay hindi hinayaang malaman ng mga tao ang hinggil sa kanilang mga hangarin; anupa’t nalaman nila nang palihim ang mga iniisip ng lahat ng tao.

6 At ito ay nangyari na matapos nilang malaman ang mga iniisip ng lahat ng tao, ang mga yaong sumasang-ayon sa mga salitang sinabi ni Alma at ng kanyang mga kapatid ay itinaboy palabas ng lupain; at marami sila; at sila ay nagtungo rin sa lupain ng Jerson.

7 At ito ay nangyari na nangaral sa kanila si Alma at ang kanyang mga kapatid.

8 Ngayon, ang mga tao ng mga Zoramita ay nagalit sa mga tao ni Ammon na nasa Jerson, at ang punong tagapamahala ng mga Zoramita, na isang napakasamang tao, ay nagpasabi sa mga tao ni Ammon na hinihiling sa kanila na itaboy nilang palabas ng kanilang lupain ang lahat ng yaong nagtungo sa kanilang lupain mula sa kanila.

9 At nangusap siya ng maraming pananakot laban sa kanila. At ngayon, ang mga tao ni Ammon ay hindi natakot sa kanilang mga salita; kaya nga, hindi nila sila itinaboy palabas, sa halip ay tinanggap nila ang lahat ng maralita ng mga Zoramita na nagtungo sa kanila; at inalagaan sila, at dinamitan sila, at binigyan sila ng mga lupain na kanilang mana; at kanilang pinaglingkuran sila alinsunod sa kanilang mga kakulangan.

10 Ngayon, pinukaw nito ang mga Zoramita na magalit laban sa mga tao ni Ammon, at sila ay nagsimulang sumama sa mga Lamanita at pukawin din silang magalit laban sa kanila.

11 At sa gayon ang mga Zoramita at ang mga Lamanita ay nagsimulang maghanda para sa digmaan laban sa mga tao ni Ammon, at laban din sa mga Nephita.

12 At sa gayon nagtapos ang ikalabimpitong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

13 At nilisan ng mga tao ni Ammon ang lupain ng Jerson, at nagtungo sa lupain ng Melek, at nagbigay-daan sa lupain ng Jerson sa mga hukbo ng mga Nephita, upang sila ay makipaglaban sa mga hukbo ng mga Lamanita at sa mga hukbo ng mga Zoramita; at sa gayon nagsimula ang isang digmaan sa pagitan ng mga Lamanita at ng mga Nephita, sa ikalabingwalong taon ng panunungkulan ng mga hukom; at isang ulat ng kanilang mga digmaan ang ibibigay pagkaraan nito.

14 At si Alma, at si Ammon, at ang kanilang mga kapatid, at gayundin ang dalawang anak na lalaki ni Alma ay nagsibalik sa lupain ng Zarahemla, matapos na maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa mga Zoramita sa pagsisisi; at kasindami ng nadala sa pagsisisi ang itinaboy palabas ng kanilang lupain; datapwat sila ay nagkaroon ng mga lupain na kanilang mana sa lupain ng Jerson, at sila ay humawak ng mga sandata upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at kanilang mga asawa, at mga anak, at kanilang mga lupain.

15 Ngayon, si Alma, nagdadalamhati dahil sa kasamaan ng kanyang mga tao, oo, dahil sa mga digmaan, at sa mga pagdanak ng dugo, at sa mga alitan na nasa kanila; at matapos na maipahayag ang salita, o isugo upang ipahayag ang salita sa lahat ng tao sa lahat ng lungsod; at nakikitang ang mga puso ng mga tao ay nagsimulang maging matitigas, at na nagsimula silang magdamdam dahil sa kahigpitan ng salita, ang kanyang puso ay labis na nalungkot.

16 Anupa’t kanyang iniutos na sama-samang magtipon ang kanyang mga anak na lalaki, upang maibigay niya sa bawat isa sa kanila ang kani-kanyang tungkulin, nang magkakahiwalay, hinggil sa mga bagay na nauukol sa katwiran. At kami ay may ulat ng kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila ayon sa kanyang sariling talaan.