Mga Banal na Kasulatan
Alma 36


Ang mga kautusan ni Alma sa kanyang anak na si Helaman.

Binubuo ng mga kabanata 36 at 37.

Kabanata 36

Nagpatotoo si Alma kay Helaman tungkol sa kanyang pagbabalik-loob matapos makakita ng isang anghel—Pinagdusahan niya ang mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa; tinawag niya ang pangalan ni Jesus, at pagkatapos ay isinilang sa Diyos—Matamis na kagalakan ang pumuspos sa kanyang kaluluwa—Siya ay nakakita ng lipumpon ng mga anghel na pumupuri sa Diyos—Maraming nagbalik-loob ang nakatikim at nakakita ng tulad ng natikman at nakita niya. Mga 74 B.C.

1 Anak ko, pakinggan ang aking mga salita; sapagkat ipinapangako ko sa iyo na yamang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos, ikaw ay uunlad sa lupain.

2 Nais kong gawin mo ang tulad ng ginawa ko, sa pag-alala sa pagkabihag ng ating mga ama; sapagkat sila ay nasa pagkaalipin, at walang sinumang makapagpapalaya sa kanila maliban sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob; at tunay na kanyang hinango sila sa kanilang mga paghihirap.

3 At ngayon, O anak kong Helaman, dinggin, ikaw ay nasa iyong kabataan, at kaya nga, nagsusumamo ako sa iyo na pakinggan mo ang aking mga salita at matuto sa akin; sapagkat nalalaman ko na sinumang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.

4 At hindi ko nais na isipin mong nalalaman ko ito sa aking sarili—hindi sa temporal kundi sa espirituwal, hindi sa makamundong kaisipan kundi sa Diyos.

5 Ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo, kung hindi ako isinilang sa Diyos ay hindi ko sana nalaman ang mga bagay na ito; subalit ginawa ng Diyos, sa pamamagitan ng bibig ng kanyang banal na anghel, na ipaalam ang mga bagay na ito sa akin, hindi dahil sa karapat-dapat ang aking sarili;

6 Sapagkat naglakbay akong kasama ang mga anak na lalaki ni Mosias, naghahangad na wasakin ang simbahan ng Diyos; subalit dinggin, isinugo ng Diyos ang kanyang banal na anghel upang pigilan kami sa daraanan.

7 At dinggin, siya ay nangusap sa amin, tulad ng tinig ng kulog, at ang buong lupa ay nayanig sa ilalim ng aming mga paa; at kaming lahat ay nalugmok sa lupa, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nanaig sa amin.

8 Subalit dinggin, sinabi ng tinig sa akin: Bumangon. At bumangon ako at tumayo, at namasdan ang anghel.

9 At sinabi niya sa akin: Kahit naisin mo man sa iyong sarili na mamatay, huwag nang hangarin pang wasakin ang simbahan ng Diyos.

10 At ito ay nangyari na nalugmok ako sa lupa; at ito ay sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi na hindi ko maibuka ang aking bibig, ni hindi ko magamit ang aking mga paa.

11 At ang anghel ay nangusap pa ng maraming bagay sa akin, na narinig ng aking mga kapatid, subalit hindi ko narinig ang mga ito; sapagkat nang marinig ko ang mga salitang—Kahit naisin mo man sa iyong sarili na mamatay, huwag nang hangarin pang wasakin ang simbahan ng Diyos—ako ay nakadama ng malaking takot at panggigilalas na baka ako ay mamatay, kung kaya’t ako ay nalugmok sa lupa at wala na akong narinig pa.

12 Subalit ako ay giniyagis ng walang hanggang pagdurusa, sapagkat ang kaluluwa ko ay sinuyod sa pinakamasidhing sakit at giniyagis ng lahat ng aking kasalanan.

13 Oo, naalala ko ang lahat ng aking mga kasalanan at kasamaan, kung saan ako ay pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno; oo, nabatid ko na ako ay naghimagsik laban sa aking Diyos, at na hindi ko sinunod ang kanyang mga banal na kautusan.

14 Oo, at pinaslang ko ang marami sa kanyang mga anak, o hustong sabihin na, inakay silang palayo tungo sa pagkawasak; oo, at sa madaling salita, naging labis ang aking kasamaan, na ang isipin lamang na magtungo sa kinaroroonan ng aking Diyos ay gumiyagis sa aking kaluluwa nang may hindi maipaliwanag na kilabot.

15 O, naisip ko na ako nawa ay palayasin at maglaho kapwa sa kaluluwa at katawan, nang hindi ako madalang tumayo sa harapan ng aking Diyos, upang hatulan sa aking mga gawa.

16 At ngayon, sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi ay giniyagis ako, maging ng mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa.

17 At ito ay nangyari na habang nasa gayon akong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako ay sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, dinggin, naalala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

18 Ngayon, nang labis na natuon ang aking isipan sa kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, kayo po na Anak ng Diyos, kaawaan po ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang katapusang tanikala ng kamatayan.

19 At ngayon, dinggin, nang maisip ko ito, hindi ko na naalala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako nagiyagis pa ng alaala ng aking mga kasalanan.

20 At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko ay napuspos ng kagalakan na kasinsidhi ng aking pasakit!

21 Oo, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na wala nang maaaring maging kasinghapdi at kasimpait ng aking mga pasakit. Oo, at muli, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na sa kabilang dako, wala nang maaaring maging kasingganda at kasintamis ng aking kagalakan.

22 Oo, inakala kong nakita ko, maging tulad ng nakita ng ating amang si Lehi, ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, napaliligiran ng hindi mabilang na lipumpon ng mga anghel, na nasa ayos ng pag-awit at pagpupuri sa kanilang Diyos; oo, at ang aking kaluluwa ay nag-asam na maparoon.

23 Subalit dinggin, muling nanumbalik sa aking mga biyas ang mga lakas nito, at tumayo ako sa aking mga paa, at ipinahayag sa mga tao na ako ay isinilang sa Diyos.

24 Oo, at magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako ay gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila ay madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman; upang sila rin ay isilang sa Diyos, at mapuspos ng Espiritu Santo.

25 Oo, at ngayon, dinggin, O anak ko, binigyan ako ng Panginoon ng labis na kagalakan sa bunga ng aking mga pagpapagod;

26 Sapagkat dahil sa salitang ibinahagi niya sa akin, dinggin, marami ang isinilang sa Diyos, at nakatikim tulad ng natikman ko, at nakakita nang mata sa mata tulad ng nakita ko; kaya nga, nalalaman nila ang mga bagay na ito na sinasabi ko, tulad ng pagkaalam ko; at ang kaalamang taglay ko ay sa Diyos.

27 At ako ay tinulungan habang dumaranas ng lahat ng uri ng mga pagsubok at suliranin, oo, at sa lahat ng uri ng paghihirap; oo, pinalaya ako ng Diyos mula sa bilangguan, at mula sa mga gapos, at mula sa kamatayan; oo, at ibinibigay ko ang aking tiwala sa kanya, at ako ay patuloy niyang ililigtas.

28 At nalalaman ko na ako ay kanyang ibabangon sa huling araw, upang manahang kasama niya sa kaluwalhatian; oo, at pupurihin ko siya magpakailanman, sapagkat inilabas niya ang ating mga ama sa Egipto, at ipinalamon niya ang mga taga-Egipto sa Dagat na Pula; at kanyang inakay sila tungo sa lupang pangako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan; oo, at kanyang pinalaya sila mula sa pagkaalipin at pagkabihag sa pana-panahon.

29 Oo, at inilabas din niya ang ating mga ama sa lupain ng Jerusalem; at pinalaya rin niya sila, sa pamamagitan ng kanyang walang katapusang kapangyarihan, sa pagkaalipin at pagkabihag, sa pana-panahon maging hanggang sa ngayon; at parati kong pinananatili sa aking alaala ang kanilang pagkabihag; oo, nararapat mo ring panatilihin sa alaala, tulad ng ginawa ko, ang kanilang pagkabihag.

30 Subalit dinggin, anak ko, hindi lamang ito; sapagkat nararapat mong malaman na tulad ko na yamang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos, ikaw ay uunlad sa lupain; at nararapat mo ring malaman na yamang hindi mo sinusunod ang mga kautusan ng Diyos, ikaw ay itatakwil mula sa kanyang harapan. Ngayon, ito ay ayon sa kanyang salita.