Kabanata 37
Ang mga laminang tanso at iba pang mga banal na kasulatan ay pinangalagaan upang madala ang mga tao sa kaligtasan—Nalipol ang mga Jaredita dahil sa kanilang kasamaan—Kinakailangang itago mula sa mga tao ang kanilang mga lihim na sumpa at tipan—Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain—Tulad ng Liahona na gumabay sa mga Nephita, gayundin inaakay ng salita ni Cristo ang mga tao sa buhay na walang hanggan. Mga 74 B.C.
1 At ngayon, anak kong Helaman, inuutusan kitang kunin mo ang mga talaang ipinagkatiwala sa akin;
2 At inuutusan din kita na mag-ingat ka ng isang tala ng mga taong ito, tulad ng ginawa ko, sa mga lamina ni Nephi, at panatilihing banal ang lahat ng bagay na ito na aking iningatan, maging tulad ng pag-iingat ko sa mga ito; sapagkat ang mga ito ay iniingatan para sa isang matalinong layunin.
3 At ang mga laminang tansong ito, na naglalaman ng mga inukit na ito, na naglalaman ng mga tala ng mga banal na kasulatan sa mga yaon, na naglalaman ng talaangkanan ng ating mga ninuno, maging mula pa sa simula—
4 Dinggin, ipinropesiya ng ating mga ama na ang mga ito ay iingatan at ipapasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi, at iingatan at pangangalagaan ng kamay ng Panginoon hanggang sa ang mga ito ay maipahayag sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, upang malaman nila ang mga hiwagang nilalaman niyon.
5 At ngayon, dinggin, kung iingatan ang mga ito ay kinakailangang mapanatili nito ang kanilang kinang; oo, at mapananatili ng mga ito ang kanilang kinang; oo, at gayundin ang lahat ng laminang naglalaman ng yaong banal na kasulatan.
6 Ngayon, maaaring ipalagay mo na ito ay kahangalan sa akin; subalit dinggin, sinasabi ko sa iyo, na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay; at ang maliliit na pamamaraan sa maraming pagkakataon ay tumutulig sa marurunong.
7 At ang Panginoong Diyos ay nagsasagawa ng mga pamamaraan upang isakatuparan ang kanyang mga dakila at walang hanggang layunin; at sa pamamagitan ng napakaliliit na pamamaraan ay tinutulig ng Panginoon ang marurunong at isinasakatuparan ang kaligtasan ng maraming kaluluwa.
8 At ngayon, sa simula pa ay karunungan na ito sa Diyos na pangalagaan ang mga bagay na ito; sapagkat dinggin, pinalawak ng mga ito ang alaala ng mga taong ito, oo, at napaniwala ang marami sa kamalian ng kanilang mga gawain, at sila ay dinala sa kaalaman ng kanilang Diyos tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa.
9 Oo, sinasabi ko sa iyo, kung hindi dahil sa mga bagay na ito na nilalaman ng mga talaang ito, na nasa mga laminang ito, ay hindi sana napaniwala ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang napakaraming libu-libo sa mga Lamanita sa kamalian ng kaugalian ng kanilang mga ama; oo, ang mga talaang ito at ang mga salita nito ang nagdala sa kanila sa pagsisisi; ibig sabihin, sila ay dinala ng mga ito sa kaalaman tungkol sa Panginoon nilang Diyos, at upang magsaya kay Jesucristo na kanilang Manunubos.
10 At sino ang nakaaalam, na marahil, sila ang magiging daan sa pagdadala ng napakaraming libu-libo sa kanila, oo, at marami rin sa libu-libo nating mga kapatid na mga Lamanita ang matitigas ang leeg, na ngayon ay pinatitigas ang kanilang mga puso sa kasalanan at mga kasamaan, sa kaalaman tungkol sa kanilang Manunubos?
11 Ngayon, ang mga hiwagang ito ay hindi pa ganap na ipinaalam sa akin; kaya nga, ako ay magpipigil.
12 At makasasapat na kung sasabihin ko lamang na ang mga ito ay pinangangalagaan dahil sa isang matalinong layunin, na layuning nalalaman ng Diyos; sapagkat siya ay nagpapayo sa karunungan sa lahat ng kanyang mga nilikha, at ang kanyang mga daan ay tuwid, at ang kanyang landas ay isang walang hanggang pag-ikot.
13 O tandaan, tandaan, anak kong Helaman, kung gaano kahigpit ang mga kautusan ng Diyos. At sinabi niya: Kung inyong susundin ang aking mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain—subalit kung hindi mo susundin ang kanyang mga kautusan, ikaw ay itatakwil mula sa kanyang harapan.
14 At ngayon, tandaan, anak ko, na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito, na mga banal, na pinanatili niyang banal, at kanya ring iingatan at pangangalagaan para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga susunod na salinlahi.
15 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo sa pamamagitan ng diwa ng propesiya, na kung ikaw ay lalabag sa mga kautusan ng Diyos, dinggin, ang mga banal na bagay na ito ay kukunin mula sa iyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at ipauubaya ka kay Satanas, upang salain ka niya na tulad ng ipa sa hangin.
16 Subalit kung susundin mo ang mga kautusan ng Diyos, at gagawin sa mga banal na bagay na ito ang naaalinsunod sa iniutos sa iyo ng Panginoon, (sapagkat kinakailangan kang magsumamo sa Panginoon para sa lahat ng bagay, anuman ang kinakailangan mong gawin sa mga ito) dinggin, walang kapangyarihan sa lupa o impiyerno ang makakukuha sa mga ito mula sa iyo, sapagkat ang Diyos ay makapangyarihan tungo sa katuparan ng lahat ng kanyang salita.
17 Sapagkat tutuparin niya ang lahat ng kanyang mga pangako na gagawin niya sa iyo, sapagkat tinupad niya ang kanyang mga pangakong ginawa niya sa ating mga ama.
18 Sapagkat siya ay nangako sa kanila na kanyang pangangalagaan ang mga bagay na ito para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga susunod na salinlahi.
19 At ngayon, dinggin, isang layunin ang tinupad na niya, maging sa pagpapanumbalik sa maraming libu-libong Lamanita sa kaalaman ng katotohanan; at ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan sa kanila, at kanya pa ring ipakikita ang kanyang kapangyarihan sa kanila hanggang sa mga susunod na salinlahi; kaya nga, ang mga ito ay pangangalagaan.
20 Samakatwid, iniuutos ko sa iyo, anak kong Helaman, na maging masigasig ka sa pagtupad sa lahat ng aking mga salita, at na maging masigasig ka sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos na tulad ng nasusulat sa mga ito.
21 At ngayon, mangungusap ako sa iyo hinggil sa mga yaong dalawampu’t apat na lamina, na ingatan mo ang mga ito, upang ang mga hiwaga at ang mga gawain ng kadiliman, at kanilang mga lihim na gawain, o ang mga lihim na gawain ng mga yaong taong nalipol, ay maipaalam sa mga taong ito; oo, lahat ng kanilang mga pagpaslang, at panloloob, at kanilang mga pandarambong, at lahat ng kanilang mga kasamaan at karumal-dumal na gawain, ay maipaalam sa mga taong ito; oo, at na pangalagaan mo ang mga pansaling ito.
22 Sapagkat dinggin, nakita ng Panginoon na ang kanyang mga tao ay nagsisimulang gumawa sa kadiliman, oo, gumagawa ng mga lihim na pagpaslang at karumal-dumal na gawain; kaya nga sinabi ng Panginoon, kung hindi sila magsisisi, sila ay lilipulin mula sa balat ng lupa.
23 At sinabi ng Panginoon: Ihahanda ko para sa aking tagapaglingkod na si Gaselim, ang isang bato, na kikinang sa kadiliman tungo sa liwanag, upang maisiwalat ko sa aking mga tao na naglilingkod sa akin, upang maisiwalat ko sa kanila ang mga gawain ng kanilang mga kapatid, oo, ang kanilang mga lihim na gawain, ang kanilang mga gawain ng kadiliman, at ang kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain.
24 At ngayon, anak ko, ang mga pansaling ito ay inihanda upang ang salita ng Diyos ay matupad, na sinabi niya, sinasabing:
25 Ilalabas ko sa kadiliman tungo sa liwanag ang lahat ng kanilang mga lihim na gawain at kanilang mga karumal-dumal na gawain; at maliban kung sila ay magsisisi, lilipulin ko sila mula sa balat ng lupa; at dadalhin ko sa liwanag ang lahat ng kanilang mga lihim at karumal-dumal na gawain, sa lahat ng bansa na magmula ngayon ay magmamay-ari ng lupain.
26 At ngayon, anak ko, nakikita natin na hindi sila nagsisi; kaya nga nalipol sila, at sa gayon ang salita ng Diyos ay natupad; oo, ang kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain ay inilabas sa kadiliman at ipinaalam sa atin.
27 At ngayon, anak ko, iniuutos ko sa iyong ilihim mo ang lahat ng kanilang mga sumpa, at kanilang mga tipan, at kanilang mga kasunduan sa kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain; oo, at lahat ng kanilang mga senyas at kanilang mga kababalaghan ay ilihim mo mula sa mga taong ito, upang hindi nila malaman ang mga ito, na baka sila ay masadlak din sa kadiliman at malipol.
28 Sapagkat dinggin, may sumpa sa buong lupaing ito, na ang pagkalipol ay sasapit sa lahat ng yaong manggagawa ng kadiliman, alinsunod sa kapangyarihan ng Diyos, kapag sila ay ganap nang hinog; anupa’t nais ko na ang mga taong ito ay hindi malipol.
29 Samakatwid, ililihim mo ang mga yaong lihim na plano ng kanilang mga sumpa at tipan mula sa mga taong ito, at ang kanilang mga yaong kasamaan at kanilang mga pagpaslang at kanilang mga karumal-dumal na gawain lamang ang iyong ipaaalam sa kanila; at tuturuan mo silang mapoot sa mga gayong kasamaan at mga karumal-dumal na gawain at pagpaslang; at ituturo mo rin sa kanila na ang mga taong ito ay nalipol dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain at kanilang mga pagpaslang.
30 Sapagkat dinggin, kanilang pinaslang ang lahat ng propeta ng Panginoon na dumating sa kanila upang ipahayag sa kanila ang hinggil sa kanilang mga kasamaan; at ang dugo ng mga yaong kanilang pinaslang ay dumaing sa Panginoon nilang Diyos upang maghiganti sa mga yaong kanilang mamamatay; at sa gayon ang mga kahatulan ng Diyos ay sumapit sa mga manggagawang ito ng kadiliman at lihim na pagsasabwatan.
31 Oo, at sumpain nawa ang lupain magpakailanman sa mga yaong manggagawa ng kadiliman at ng mga lihim na pagsasabwatan, maging hanggang sa pagkalipol, maliban kung sila ay magsisisi bago sila ganap na mahinog.
32 At ngayon, anak ko, tandaan ang mga salitang sinabi ko sa iyo; huwag ipagkatiwala ang mga yaong lihim na plano sa mga taong ito, sa halip, ituro sa kanila ang walang katapusang pagkapoot laban sa kasalanan at kasamaan.
33 Ipangaral sa kanila ang pagsisisi, at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; turuan silang magpakumbaba ng kanilang sarili at maging maamo at magkaroon ng pusong may mababang kalooban; turuan silang paglabanan ang bawat tukso ng diyablo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
34 Turuan silang kailanman ay huwag magsawa sa mabubuting gawa, kundi maging maamo at magkaroon ng pusong may mababang kalooban; sapagkat ang gayon ay makahahanap ng kapahingahan sa kanilang mga kaluluwa.
35 O, tandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.
36 Oo, at magsumamo sa Diyos para sa lahat ng iyong pangangailangan; oo, hayaang ang lahat ng iyong gawain ay para sa Panginoon, at saan ka man magtungo ay hayaang sa Panginoon; oo, hayaang lahat ng iyong nasasaisip ay nakatuon sa Panginoon; oo, hayaang ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman.
37 Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga, hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw.
38 At ngayon, anak ko, ako ay may sasabihin kahit paano hinggil sa bagay na tinatawag ng ating mga ama na isang bola, o tagagabay—o tinawag ito ng ating mga ama na Liahona, na sa pagkakasalin ay isang aguhon; at inihanda ito ng Panginoon.
39 At dinggin, walang sinumang tao ang makagagawa alinsunod sa labis na kahanga-hangang pagkakagawa nito. At dinggin, ito ay inihanda upang ipakita sa ating mga ama ang landas kung saan sila nararapat maglakbay sa ilang.
40 At kumilos ito para sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya sa Diyos; kaya nga, kung sila ay may pananampalatayang maniwala na magagawa ng Diyos na ipaturo sa mga yaong ikiran ang daan na kanilang nararapat patunguhan, dinggin, ito ay naganap; kaya nga, taglay nila ang himalang ito, at marami pang ibang himala ang naisagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa araw-araw.
41 Gayunpaman, dahil ang mga yaong himala ay nagawa sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan, nagpakita ito sa kanila ng mga kagila-gilalas na gawain. Sila ay mga tamad, at nakalimot na pairalin ang kanilang pananampalataya at pagsusumigasig at sa gayon tumigil ang mga yaong kagila-gilalas na gawain, at hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay;
42 Samakatwid, sila ay namalagi sa ilang, o hindi nakapaglakbay sa isang tuwid na landas, at nagdanas ng gutom at uhaw, dahil sa kanilang mga pagkakasala.
43 At ngayon, anak ko, nais kong maunawaan mo na hindi sa walang kahalintulad ang mga bagay na ito; sapagkat yamang tamad ang ating mga ama sa pagbibigay-pansin sa aguhong ito (ngayon, ang mga bagay na ito ay temporal), sila ay hindi umunlad; maging sa mga bagay na espirituwal.
44 Sapagkat dinggin, kasindali ito ng pagbibigay-pansin sa salita ni Cristo, na magtuturo sa iyo sa tuwid na landas patungo sa walang hanggang kaligayahan, gayundin para sa ating mga ama na bigyang-pansin ang aguhong ito, na nagturo sa kanila sa tuwid na landas patungo sa lupang pangako.
45 At ngayon, sinasabi ko, hindi ba’t may kahalintulad ang bagay na ito? Sapagkat kasintiyak na inakay ng tagagabay na ito ang ating mga ama, sa pamamagitan ng pagsunod sa pagkilos nito, patungo sa lupang pangako, ang mga salita ni Cristo, kung susundin natin ang mga aral nito, ay dadalhin tayo sa kabila ng lambak ng kalungkutang ito tungo sa higit na mainam na lupang pangako.
46 O anak ko, huwag tayong maging mga tamad dahil sa kadalian ng daan; sapagkat gayundin ito sa ating mga ama; sapagkat sa gayon ito inihanda para sa kanila, na kung titingin sila ay mabubuhay sila; gayundin ito sa atin. Ang daan ay inihanda, at kung titingin tayo, maaari tayong mabuhay magpakailanman.
47 At ngayon, anak ko, tiyaking pangangalagaan mo ang mga banal na bagay na ito, oo, tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay. Humayo sa mga taong ito at ipahayag ang salita, at maging taimtim. Anak ko, paalam.