Mga Banal na Kasulatan
Alma 38


Ang mga kautusan ni Alma sa kanyang anak na si Siblon.

Binubuo ng kabanata 38.

Kabanata 38

Inusig si Siblon dahil sa katwiran—Ang kaligtasan ay na kay Cristo, na siyang buhay at ilaw ng sanlibutan—Pigilin ang lahat ng silakbo ng inyong damdamin. Mga 74 B.C.

1 Anak ko, pakinggan ang aking mga salita, sapagkat sinasabi ko sa iyo, maging tulad ng sinabi ko kay Helaman, na yamang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos, ikaw ay uunlad sa lupain; at yamang hindi mo sinusunod ang mga kautusan ng Diyos, ikaw ay itatakwil mula sa kanyang harapan.

2 At ngayon, anak ko, ako ay nagtitiwalang magkakaroon ako ng labis na kagalakan sa iyo, dahil sa iyong katatagan at iyong katapatan sa Diyos; sapagkat nang magsimula kang umasa sa Panginoon mong Diyos sa iyong kabataan, maging sa ako ay umaasang magpapatuloy ka sa pagsunod sa kanyang mga kautusan; sapagkat pinagpala siya na makapagtitiis hanggang sa wakas.

3 Sinasabi ko sa iyo, anak ko, na ako ay nagkaroon na ng labis na kagalakan sa iyo, dahil sa iyong katapatan at iyong pagsusumigasig, at iyong tiyaga at iyong mahabang pagtitiis sa mga tao ng mga Zoramita.

4 Sapagkat nalalaman kong ikaw ay iginapos; oo, at nalalaman ko ring pinagbabato ka dahil sa salita; at tiniis mo ang lahat ng bagay na ito nang may pagtitiyaga dahil sa nasasaiyo ang Panginoon; at ngayon, nalalaman mong iniligtas ka ng Panginoon.

5 At ngayon, anak ko, Siblon, nais kong tandaan mo, na hangga’t ibinibigay mo ang iyong lubos na tiwala sa Diyos, ikaw ay maliligtas mula sa iyong mga pagsubok, at iyong mga suliranin, at iyong mga paghihirap, at dadakilain ka sa huling araw.

6 Ngayon, anak ko, hindi ko nais na isipin mong nalalaman ko ito sa aking sarili, sa halip, ang Espiritu ng Diyos na nasa akin ang siyang nagbigay-alam ng mga bagay na ito sa akin; sapagkat kung hindi ako isinilang sa Diyos ay hindi ko sana nalaman ang mga bagay na ito.

7 Subalit dinggin, ang Panginoon sa kanyang dakilang awa ay isinugo ang kanyang anghel upang ipahayag sa akin na kailangang itigil ko ang gawain ng pangwawasak sa kanyang mga tao; oo, at nakakita ako ng isang anghel nang harap-harapan, at siya ay nakipag-usap sa akin, at ang kanyang tinig ay tulad sa kulog, at niyanig nito ang buong lupa.

8 At ito ay nangyari na tatlong araw at tatlong gabi akong nasa pinakamapait na sakit at pagdurusa ng kaluluwa; at hindi ako kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, nakatanggap ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit dinggin, nagsumamo ako sa kanya at nakahanap ako ng kapayapaan sa aking kaluluwa.

9 At ngayon, anak ko, ito ay sinabi ko sa iyo upang matuto ka ng karunungan, nang matutuhan mo sa akin na walang ibang daan o pamamaraan na maliligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo lamang. Dinggin, siya ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan. Dinggin, siya ang salita ng katotohanan at katwiran.

10 At ngayon, sapagkat nagsimula ka nang ituro ang salita, maging sa nais kong magpatuloy ka sa pagtuturo; at nais kong maging masigasig at mahinahon ka sa lahat ng bagay.

11 Tiyaking hindi ka inaangat sa kapalaluan; oo, tiyaking hindi ka nagmamalaki sa iyong sariling karunungan, ni sa iyong labis na lakas.

12 Gumamit ng katapangan, datapwat hindi mapanupil; at tiyakin ding pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin, nang mapuspos ka ng pagmamahal; tiyaking umiwas ka sa katamaran.

13 Huwag manalanging tulad ng ginagawa ng mga Zoramita, sapagkat nakita mong sila ay nananalangin upang marinig ng mga tao, at mapuri dahil sa kanilang karunungan.

14 Huwag sabihin: O Diyos, ako po ay nagpapasalamat sa inyo na higit kaming mabubuti kaysa sa aming mga kapatid; sa halip, sabihin: O Panginoon, patawarin mo ang aking pagiging hindi karapat-dapat, at alalahaning kaawaan ang aking mga kapatid—oo, kilalanin ang iyong pagiging hindi karapat-dapat sa harapan ng Diyos sa lahat ng panahon.

15 At nawa ay pagpalain ng Panginoon ang iyong kaluluwa, at tanggapin ka sa huling araw sa kanyang kaharian, upang umupo sa kapayapaan. Ngayon, humayo, anak ko, at ituro ang salita sa mga taong ito. Maging mahinahon. Anak ko, paalam.