Mga Banal na Kasulatan
Alma 39


Ang mga kautusan ni Alma sa kanyang anak na si Corianton.

Binubuo ng mga kabanata 39 hanggang 42.

Kabanata 39

Karumal-dumal ang kasalanang seksuwal—Ang mga kasalanan ni Corianton ang humadlang sa mga Zoramita na tanggapin ang salita—Ang pagtubos ni Cristo ay may bisa sa nakaraan sa pagliligtas sa matatapat na nangauna rito. Mga 74 B.C.

1 At ngayon, aking anak, kahit paano ay higit ang aking sasabihin sa iyo kaysa sa sinabi ko sa iyong kapatid; sapagkat dinggin, hindi mo ba napuna ang katatagan ng iyong kapatid, ang kanyang katapatan, at ang kanyang pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? Dinggin, hindi ba’t nagbigay siya ng magandang halimbawa sa iyo?

2 Sapagkat hindi mo binigyan ng higit na pansin ang aking mga salita, kagaya ng iyong kapatid, sa mga tao ng mga Zoramita. Ngayon, ito ang nasasaloob ko laban sa iyo; ikaw ay patuloy na nagmamalaki sa iyong lakas at sa iyong karunungan.

3 At hindi lamang ito, anak ko. Iyong ginawa ang yaong nakasasakit sa akin; sapagkat iyong tinalikuran ang ministeryo, at nagtungo sa lupain ng Siron sa mga hangganan ng mga Lamanita, sa pagsunod sa patutot na si Isabel.

4 Oo, kanyang naakit ang puso ng marami; ngunit ito ay hindi sapat na dahilan para sa iyo, anak ko. Dapat na nagsilbi ka sa ministeryo na siyang ipinagkatiwala sa iyo.

5 Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon; oo, pinakakarumal-dumal sa lahat ng kasalanan maliban sa pagpapadanak ng dugo ng walang malay o sa pagtatatwa sa Espiritu Santo?

6 Sapagkat dinggin, kung iyong itatatwa ang Espiritu Santo na minsan nang nagkaroon ng puwang sa iyo, at alam mong itinatwa mo ito, dinggin, ito ay isang kasalanang walang kapatawaran; oo, at ang sinumang pumaslang na salungat sa liwanag at kaalamang ibinigay ng Diyos, hindi magiging madali para sa kanya ang magkamit ng kapatawaran; oo, sinasabi ko sa iyo, aking anak, na hindi madali para sa kanya na magkamit ng kapatawaran.

7 At ngayon, anak ko, hinihiling ko sa Diyos na ikaw ay hindi sana nagkasala ng gayong kabigat na kasalanan. Hindi ko tatalakayin ang iyong mabibigat na kasalanan, upang magiyagis ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti.

8 Ngunit dinggin, hindi mo maitatago ang iyong mabibigat na kasalanan sa Diyos; at maliban kung magsisisi ka, ang mga ito ay mananatili bilang patotoo laban sa iyo sa huling araw.

9 Ngayon, anak ko, nais ko na ikaw ay magsisi at talikuran ang iyong mga kasalanan, at huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata, sa halip, pigilin mo ang iyong sarili sa mga bagay na ito; sapagkat maliban kung gagawin mo ito ay hindi ka sa anumang paraan magmamana ng kaharian ng Diyos. O, tandaan, at iyong isaloob, at pigilin ang iyong sarili sa lahat ng bagay na ito.

10 At iniuutos ko sa iyo na isaloob mo na sumangguni sa iyong mga nakatatandang kapatid sa iyong mga gawain; sapagkat dinggin, ikaw ay nasa iyong kabataan, at ikaw ay nangangailangang alagaan ng iyong mga kapatid. At makinig ka sa kanilang mga payo.

11 Huwag pahintulutan ang iyong sarili na maakay ng anumang walang halaga o hangal na bagay; huwag pahintulutan ang diyablo na muling akayin ang iyong puso na sumunud-sunod sa mga yaong masasamang patutot. Dinggin, O anak ko, anong laking kasamaan ang dinala mo sa mga Zoramita; sapagkat nang makita nila ang iyong inaasal ay hindi sila naniwala sa aking mga salita.

12 At ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa akin: Utusan ang iyong mga anak na gumawa ng mabuti, nang hindi nila maakay ang puso ng maraming tao sa pagkawasak; kaya nga, iniuutos ko sa iyo, anak ko, nang may takot sa Diyos, na ikaw ay tumigil sa iyong mga kasamaan;

13 Na ikaw ay bumaling sa Panginoon nang buo mong pag-iisip, kakayahan, at lakas; na huwag mo nang akayin pa ang puso ng sinuman na gumawa ng kasamaan; sa halip, ikaw ay bumalik sa kanila, at aminin ang iyong mga pagkakasala at ang kamaliang iyong nagawa.

14 Huwag kang maghangad ng kayamanan ni ng mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito; sapagkat dinggin, hindi mo ito madadala.

15 At ngayon, anak ko, mayroon akong sasabihin sa iyo kahit paano hinggil sa pagparito ni Cristo. Dinggin, sinasabi ko sa iyo, na siya ang yaong tiyak na paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan; oo, siya ay paparito upang magpahayag ng masasayang balita ng kaligtasan sa kanyang mga tao.

16 At ngayon, anak ko, ito ang ministeryo kung saan ka tinawag, ang ipahayag ang masasayang balitang ito sa mga taong ito, upang ihanda ang kanilang mga isipan; o sa madaling salita, upang ang kaligtasan ay mapasakanila, upang kanilang maihanda ang mga isipan ng kanilang mga anak na pakinggan ang salita sa panahon ng kanyang pagparito.

17 At ngayon, pagagaanin ko kahit paano ang iyong isipan sa paksang ito. Dinggin, nagtataka ka kung bakit ang mga bagay na ito ay kailangang ipaalam nang napakaaga sa simula pa man. Dinggin, sinasabi ko sa iyo, hindi ba’t ang isang kaluluwa sa panahong ito ay kasinghalaga sa Diyos ng isang kaluluwa sa panahon ng kanyang pagparito?

18 Hindi ba’t kasingkailangan din na ang plano ng pagtubos ay maipaalam sa mga taong ito gayundin sa kanilang mga anak?

19 Hindi ba’t kasindali sa panahong ito para sa Panginoon na isugo ang kanyang anghel upang ipahayag ang masasayang balitang ito sa atin gayundin sa ating mga anak, o kagaya rin sa panahon ng kanyang pagparito?