Mga Banal na Kasulatan
Alma 3


Kabanata 3

Minarkahan ng mga Amlicita ang kanilang sarili alinsunod sa ipinropesiyang salita—Isinumpa ang mga Lamanita dahil sa paghihimagsik nila—Ang mga tao ang nagdadala ng sariling mga sumpa sa kanilang sarili—Natalo ng mga Nephita ang isa pang hukbong Lamanita. Mga 87–86 B.C.

1 At ito ay nangyari na ang mga Nephita na hindi napatay ng mga sandata ng digmaan, matapos mailibing ang mga yaong napatay—ngayon, ang bilang ng mga napatay ay hindi mabilang, dahil sa kalakihan ng kanilang bilang—matapos nilang mailibing ang kanilang mga patay, silang lahat ay muling nagsibalik sa kanilang mga lupain, at sa kanilang mga bahay, at kanilang mga asawa, at kanilang mga anak.

2 Ngayon, maraming babae at bata ang napatay sa pamamagitan ng espada, at marami rin sa kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga kawan ng baka; at marami rin sa kanilang mga taniman ng butil ang nawasak, sapagkat niyapak-yapakan ang mga ito ng maraming tao.

3 At ngayon, kasindami ng mga Lamanita at Amlicita na napatay sa baybay ng ilog Sidon ang itinapon sa mga tubig ng Sidon; at dinggin, ang kanilang mga buto ay nasa kailaliman ng dagat, at ang mga ito ay marami.

4 At ang mga Amlicita ay naiiba mula sa mga Nephita sapagkat minarkahan nila ang sarili ng kulay pula sa kanilang mga noo alinsunod sa mga Lamanita; gayunpaman, hindi nila inahit ang kanilang mga ulo na tulad ng mga Lamanita.

5 Ngayon, ang mga ulo ng mga Lamanita ay ahit; at sila ay nakahubad, maliban sa balat na nakabigkis sa kanilang mga balakang, at gayundin sa kanilang mga baluti, na nakabigkis sa kanila, at kanilang mga busog, at kanilang mga palaso, at kanilang mga bato, at kanilang mga tirador, at iba pa.

6 At ang balat ng mga Lamanita ay maiitim, alinsunod sa markang itinakda sa kanilang mga ama, na isang sumpa sa kanila dahil sa kanilang pagkakasala at kanilang paghihimagsik laban sa kanilang mga kapatid, na binubuo nina Nephi, Jacob, at Jose, at Sam, na mga matwid at banal na kalalakihan.

7 At hinangad ng kanilang mga kapatid na lipulin sila, kaya nga sila ay isinumpa; at ang Panginoong Diyos ay naglagay ng marka sa kanila, oo, kina Laman at Lemuel, at gayundin sa mga anak na lalaki ni Ismael, at sa kababaihang Ismaelita.

8 At ito ay ginawa upang makilala ang binhi nila mula sa binhi ng kanilang mga kapatid, nang sa gayon mapangalagaan ng Panginoong Diyos ang kanyang mga tao, upang hindi sila maisama at maniwala sa mga maling kaugalian na hahantong sa kanilang pagkalipol.

9 At ito ay nangyari na sinuman ang magsama sa kanyang mga binhi sa mga Lamanita ay nagdadala ng gayunding sumpa sa kanyang mga binhi.

10 Samakatwid, sinuman ang magpahintulot sa kanyang sarili na maakay palayo ng mga Lamanita ay tinawag sa ilalim ng gayong pangalan, at may markang inilagay sa kanya.

11 At ito ay nangyari na sinumang hindi maniwala sa mga kaugalian ng mga Lamanita, subalit naniwala sa mga yaong talaang dinala palabas mula sa lupain ng Jerusalem, at gayundin sa kaugalian ng kanilang mga ama, na tama, na naniwala sa mga kautusan ng Diyos at sinunod ang mga ito, ay tinawag na mga Nephita, o ang mga tao ni Nephi, magmula noon—

12 At sila ang mga yaong nagpanatili ng mga talaan na totoo hinggil sa kanilang mga tao, at gayundin sa mga tao ng mga Lamanita.

13 Ngayon, muli tayong magbabalik sa mga Amlicita, sapagkat may marka ring inilagay sa kanila; oo, inilagay nila ang marka sa kanilang sarili, oo, maging isang markang pula sa kanilang mga noo.

14 Sa gayon natupad ang salita ng Diyos, sapagkat ito ang mga salitang sinabi niya kay Nephi: Dinggin, ang mga Lamanita ay isinumpa ko, at maglalagay ako ng marka sa kanila upang sila at ang kanilang mga binhi ay maihiwalay mula sa iyo at sa iyong mga binhi, simula ngayon at magpakailanman, maliban kung sila ay magsisisi sa kanilang mga kasamaan at bumaling sa akin upang maawa ako sa kanila.

15 At muli: Ako ay maglalagay ng marka sa kanya na isasama ang kanyang mga binhi sa iyong mga kapatid, upang sila ay maisumpa rin.

16 At muli: Ako ay maglalagay ng marka sa kanya na kumakalaban sa iyo at sa iyong mga binhi.

17 At muli, sinasabi ko na siya na tumalikod sa iyo ay hindi na tatawagin pang iyong binhi; at pagpapalain kita, at ang sinumang tatawaging iyong mga binhi, simula ngayon at magpakailanman; at ang mga ito ang mga pangako ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga binhi.

18 Ngayon, hindi nalalaman ng mga Amlicita na tinutupad nila ang mga salita ng Diyos nang sinimulan nilang markahan ang kanilang sarili sa kanilang mga noo; gayunpaman, sila ay lantarang naghimagsik laban sa Diyos; kaya nga ang sumpa ay kinailangang mapasakanila.

19 Ngayon, nais kong inyong makita na sila ang nagdala sa kanilang sarili ng sumpa; at gayundin, ang bawat taong isinumpa ang siya ring nagdala sa kanyang sarili ng sarili niyang pagkakasumpa.

20 Ngayon, ito ay nangyari na hindi pa lumilipas ang maraming araw matapos ang digmaang pinaglabanan sa lupain ng Zarahemla, ng mga Lamanita at ng mga Amlicita, na may isa pang hukbo ng mga Lamanita na sumalakay sa mga tao ni Nephi, sa yaon ding lugar kung saan nakatagpo ng unang hukbo ang mga Amlicita.

21 At ito ay nangyari na may hukbong ipinadala upang itaboy silang palabas ng kanilang lupain.

22 Ngayon, si Alma rin na nahirapan dahil sa isang sugat ay hindi umahon sa panahong ito upang makipaglaban sa mga Lamanita;

23 Subalit siya ay nagpadala ng napakaraming hukbo laban sa kanila; at sila ay umahon at pinatay ang marami sa mga Lamanita, at itinaboy ang nalalabi sa kanila palabas ng mga hangganan ng kanilang lupain.

24 At pagkatapos, sila ay muling nagbalik at nagsimulang itatag ang kapayapaan sa lupain, na hindi na ginagambala ng ilang panahon ng kanilang mga kaaway.

25 Ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay naganap, oo, lahat ng digmaan at alitang ito ay nagsimula at nagtapos sa ikalimang taon ng panunungkulan ng mga hukom.

26 At sa loob ng isang taon ay libu-libo at sampu-sampung libong kaluluwa ang ipinadala sa walang hanggang daigdig, upang anihin nila ang kanilang mga gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, maging mabuti man o masama, upang umani ng walang hanggang kaligayahan o walang hanggang kalungkutan, alinsunod sa espiritung kanilang piniling sundin, kung ito man ay mabuting espiritu o masama.

27 Sapagkat tinatanggap ng bawat tao ang kabayaran mula sa kanya na pinili niyang sundin, at ito ay ayon sa mga salita ng diwa ng propesiya; kaya nga, ito ay mangyayari alinsunod sa katotohanan. At sa gayon nagtapos ang ikalimang taon ng panunungkulan ng mga hukom.