Kabanata 41
Sa Pagkabuhay na Mag-uli, babangon ang mga tao sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan o walang katapusang kalungkutan—Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan—Ang mga makamundong tao ay walang Diyos sa daigdig—Tatanggaping muli ng bawat tao sa Pagpapanumbalik ang mga pag-uugali at katangiang natamo sa buhay na ito. Mga 74 B.C.
1 At ngayon, anak ko, ako ay may sasabihin kahit paano hinggil sa pagpapanumbalik na nabanggit; sapagkat dinggin, sinalungat ng ilan ang mga banal na kasulatan, at nangaligaw nang labis dahil sa bagay na ito. At nahihiwatigan ko na ang iyong isip ay nababalisa rin hinggil sa bagay na ito. Ngunit dinggin, ito ay aking ipaliliwanag sa iyo.
2 Sinasabi ko sa iyo, anak ko, na ang plano ng pagpapanumbalik ay hinihingi ng katarungan ng Diyos; sapagkat kinakailangan na ang lahat ng bagay ay manumbalik sa wastong kaayusan ng mga ito. Dinggin, ito ay kinakailangan at makatarungan, alinsunod sa kapangyarihan at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, na ang kaluluwa ng tao ay manumbalik sa kanyang katawan, at na ang bawat bahagi ng katawan ay manumbalik sa sarili nito.
3 At hinihingi ng katarungan ng Diyos na ang mga tao ay nararapat hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa; at kung ang kanilang mga gawa sa buhay na ito ay mabuti, at ang mga pagnanais ng kanilang mga puso ay mabuti, na sila rin, sa huling araw, ay nararapat manumbalik doon sa mabuti.
4 At kung ang kanilang mga gawa ay masama, ang mga ito ay manunumbalik sa kanila sa masama. Samakatwid, lahat ng bagay ay manunumbalik sa wastong kaayusan ng mga ito, lahat ng bagay sa likas na anyo ng mga ito—ang may kamatayan ay magbabangon sa kawalang-kamatayan, kabulukan sa walang kabulukan—magbabangon sa walang katapusang kaligayahan upang magmana ng kaharian ng Diyos, o sa walang katapusang kalungkutan upang magmana ng kaharian ng diyablo, ang isa ay sa isang dako, at ang isa ay sa kabila—
5 Ang isa ay magbabangon sa kaligayahan alinsunod sa kanyang mga pagnanais ng kaligayahan, o kabutihan alinsunod sa kanyang mga pagnanais ng mabuti; at ang isa pa ay sa masama alinsunod sa kanyang mga pagnanais ng kasamaan; sapagkat katulad ng pagnais niya na gumawa ng masama sa buong araw, maging sa gayon niya matatamo ang kanyang gantimpala ng kasamaan pagsapit ng gabi.
6 At gayundin ito sa kabilang dako. Kung siya ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan, at nagnais ng katwiran hanggang sa kahuli-hulihan ng kanyang mga araw, maging sa gayon siya gagantimpalaan sa katwiran.
7 Sila ang mga yaong tinubos ng Panginoon; oo, sila ang mga yaong kinuha, na iniligtas mula sa yaong walang katapusang gabi ng kadiliman; at sa gayon sila tatayo o mahuhulog, sapagkat dinggin, sila ang kanilang sariling mga hukom, kung gagawa man ng mabuti o gagawa ng masama.
8 Ngayon, ang mga panuntunan ng Diyos ay hindi nababago; anupa’t nakahanda ang daan upang ang sinumang may nais ay maaaring lumakad doon at maligtas.
9 At ngayon, dinggin, anak ko, huwag nang makipagsapalaran ng isa pang paglabag laban sa iyong Diyos sa mga bahaging iyon ng doktrina, na hanggang sa ngayon ay iyong ipinakipagsapalaran sa paggawa ng kasalanan.
10 Huwag ipalagay, dahil sa sinabi ang hinggil sa pagpapanumbalik, na ikaw ay manunumbalik mula sa kasalanan tungo sa kaligayahan. Dinggin, sinasabi ko sa iyo, ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.
11 At ngayon, anak ko, lahat ng tao na nasa likas na kalagayan, o ang ibig kong sabihin, sa isang makamundong kalagayan, ay nasa kasukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan; sila ay walang Diyos sa daigdig; at sila ay tumaliwas sa katangian ng Diyos; kaya nga, sila ay nasa kalagayang taliwas sa likas na kaligayahan.
12 At ngayon, dinggin, ang kahulugan ba ng salitang pagpapanumbalik ay kunin ang isang bagay na nasa likas na kalagayan at ilagay ito sa isang hindi likas na kalagayan, o ilagay ito sa isang kalagayang kabaligtaran ng kanyang kalikasan?
13 O, anak ko, hindi gayon ang bagay-bagay; kundi ang kahulugan ng salitang pagpapanumbalik ay ibalik muli ang masama sa masama, o ang makamundo sa makamundo, o ang mala-diyablo sa mala-diyablo—mabuti doon sa mabuti; matwid doon sa matwid; makatarungan doon sa makatarungan; maawain doon sa maawain.
14 Samakatwid, anak ko, tiyaking ikaw ay maawain sa iyong mga kapatid; makitungo nang makatarungan, humatol nang makatwiran, at patuloy na gumawa ng mabuti; at kung gagawin mo ang lahat ng bagay na ito, sa gayon tatanggapin mo ang iyong gantimpala; oo, ang awa ay manunumbalik sa iyong muli; ang katarungan ay manunumbalik sa iyong muli; ang paghatol nang makatwiran ay manunumbalik sa iyong muli; at ang kabutihan ay igagantimpala sa iyong muli.
15 Sapagkat kung ano ang iyong ipinamamahagi ay siyang babalik sa iyong muli at manunumbalik; kaya nga, ang salitang pagpapanumbalik ay lubos na sumusumpa sa makasalanan, at hinding-hindi siya binibigyang-katwiran.