Kabanata 42
Ang buhay na may kamatayan ay isang panahon ng pagsubok upang makapagsisi at makapaglingkod sa Diyos ang tao—Ang Pagkahulog ay nagdulot ng temporal at espirituwal na kamatayan sa buong sangkatauhan—Dumarating ang pagtubos sa pamamagitan ng pagsisisi—Ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan—Ang awa ay para sa mga yaong nagsisisi—Mapaiilalim ang lahat ng iba pa sa katarungan ng Diyos—Darating ang awa dahil sa Pagbabayad-sala—Ang yaong tunay na nagsisisi lamang ang maliligtas. Mga 74 B.C.
1 At ngayon, anak ko, nahihiwatigan ko na kahit paano ay mayroon pang bumabalisa sa iyong isipan, na hindi mo maunawaan—na yaong hinggil sa katarungan ng Diyos sa pagpaparusa sa makasalanan; sapagkat sinusubukan mong ipalagay na kawalang-katarungan na maitalaga ang makasalanan sa isang kalagayan ng kalungkutan.
2 Ngayon, dinggin, anak ko, ipaliliwanag ko sa iyo ang bagay na ito. Sapagkat dinggin, matapos na paalisin ng Panginoong Diyos ang ating mga unang magulang sa halamanan ng Eden, upang magbungkal ng lupa, kung saan sila ay kinuha—oo, kanyang pinaalis ang tao; at naglagay siya sa dulong silangan ng halamanan ng Eden ng mga querubin at ng isang nagniningas na espada na umiikot, upang bantayan ang punungkahoy ng buhay—
3 Ngayon, nakikita natin na ang tao ay naging katulad ng Diyos, nakaaalam ng mabuti at masama; at baka iunat niya ang kanyang kamay, at pumitas din sa punungkahoy ng buhay, at kumain at mabuhay magpakailanman, ang Panginoong Diyos ay naglagay ng mga querubin at ng nagniningas na espada, upang hindi siya makakain ng bunga—
4 At sa gayon nakikita natin na may isang panahong ipinagkaloob sa tao upang magsisi, oo, isang panahon ng pagsubok, isang panahon upang magsisi at maglingkod sa Diyos.
5 Sapagkat dinggin, kung iniunat kaagad ni Adan ang kanyang kamay, at kumain sa punungkahoy ng buhay, siya ay mabubuhay magpakailanman, alinsunod sa salita ng Diyos, nang walang puwang sa pagsisisi; oo, at gayundin, ang salita ng Diyos ay mawawalan ng kabuluhan, at ang dakilang plano ng kaligtasan ay mabibigo.
6 Ngunit dinggin, itinakda sa tao ang mamatay—kaya nga, katulad ng sila ay inilayo sa punungkahoy ng buhay, sila ay nararapat na ihiwalay sa balat ng lupa—at ang tao ay naligaw magpakailanman, oo, sila ay naging mga taong nahulog.
7 At ngayon, nakikita mo na sa pamamagitan nito, ang ating mga unang magulang ay itinakwil kapwa sa temporal at espirituwal mula sa harapan ng Panginoon; at sa gayon nakikita natin na sila ay naging mga nasasakupang sumusunod sa kanilang sariling kagustuhan.
8 Ngayon, dinggin, hindi naaangkop na ang tao ay mabawi mula sa temporal na kamatayang ito, sapagkat mawawasak niyon ang dakilang plano ng kaligayahan.
9 Samakatwid, sapagkat ang kaluluwa ay hindi maaaring mamatay, at ang pagkahulog ay nagdala sa buong sangkatauhan ng espirituwal na kamatayan gayundin ng temporal, ibig sabihin, sila ay itinakwil mula sa harapan ng Panginoon, naaangkop na ang sangkatauhan ay mabawi mula sa espirituwal na kamatayang ito.
10 Anupa’t sapagkat sila ay naging mga likas na makamundo, makalaman, at mala-diyablo, ang kalagayang ito ng pagsubok ay naging kalagayan para sa kanila na maghanda; ito ay naging isang kalagayan ng paghahanda.
11 At ngayon, tandaan, anak ko, kung hindi dahil sa plano ng pagtubos, (isinasaisantabi ito) sa sandaling sila ay mamatay, ang kanilang mga kaluluwa ay malungkot; sapagkat itinakwil sila mula sa harapan ng Panginoon.
12 At ngayon, walang paraan upang mabawi ang mga tao sa kalagayang ito ng pagkahulog, na idinulot ng tao sa kanyang sarili dahil sa kanyang sariling pagsuway;
13 Samakatwid, alinsunod sa katarungan, ang plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, maliban lamang sa mga hinihingi ng pagsisisi ng mga tao sa kalagayang ito ng pagsubok, oo, sa kalagayang ito ng paghahanda; sapagkat maliban sa mga hinihinging ito, ang awa ay hindi magkakaroon ng bisa maliban kung wawasakin nito ang gawa ng katarungan. Ngayon, ang gawa ng katarungan ay hindi mawawasak; kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos.
14 At sa gayon nakikita natin na ang buong sangkatauhan ay nahulog, at sila ay napanghahawakan ng katarungan; oo, ng katarungan ng Diyos, na nagtatalaga sa kanila magpakailanman na itakwil mula sa kanyang harapan.
15 At ngayon, ang plano ng awa ay hindi maisasakatuparan maliban kung may maisasagawang pagbabayad-sala; kaya nga ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang mga hinihingi ng katarungan, nang sa gayon ang Diyos ay maging isang sakdal at makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos.
16 Ngayon, ang pagsisisi ay hindi mapapasa mga tao maliban kung may kaparusahan, na walang hanggan din na katulad ng buhay ng kaluluwa, nakaakibat salungat sa plano ng kaligayahan, na walang hanggan din na katulad ng buhay ng kaluluwa.
17 Ngayon, paano magsisisi ang isang tao maliban kung siya ay nagkasala? Paano siya magkakasala kung walang batas? Paano magkakaroon ng batas maliban kung may kaparusahan?
18 Ngayon, may kaparusahang kaakibat, at isang makatarungang batas na ibinigay, na nagdulot ng paggigiyagis sa budhi ng tao.
19 Ngayon, kung walang batas na ibinigay—kung ang isang tao ay pumaslang, mamamatay siya—siya ba ay matatakot na mamamatay siya kung pumaslang siya?
20 At gayundin, kung walang batas na ibinigay laban sa kasalanan, ang mga tao ay hindi matatakot na magkasala.
21 At kung walang batas na ibinigay, kapag ang mga tao ay magkasala, ano ang magagawa ng katarungan, o maging ng awa, sapagkat ang mga ito ay hindi magkakaroon ng karapatan sa nilikha?
22 Ngunit may isang batas na ibinigay, at isang kaparusahang nakaakibat, at isang pagsisising ipinahintulot; kung aling pagsisisi ay inangkin ng awa; kung wala, aangkinin ng katarungan ang nilikha at ipatutupad ang batas, at ang batas ay magpapataw ng kaparusahan; kung hindi gayon, mawawasak ang mga gawa ng katarungan, at ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos.
23 Ngunit ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagiging Diyos, at aangkin ng awa ang nagsisisi, at ang awa ay darating dahil sa pagbabayad-sala; at ang pagbabayad-sala ang nagpapangyari sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ang magbabalik sa mga tao sa harapan ng Diyos; at sa gayon sila ay manunumbalik sa kanyang harapan upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa batas at katarungan.
24 Sapagkat dinggin, isinasagawa ng katarungan ang lahat ng kanyang hinihingi, at inaangkin din ng awa ang lahat ng kanya; at sa gayon walang maliligtas kundi ang tunay na nagsisisi.
25 Ano, iyo bang ipinalalagay na ang awa ay makaaagaw sa katarungan? Sinasabi ko sa iyo, Hindi; kahit isang kudlit. Kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos.
26 At sa gayon isinasakatuparan ng Diyos ang kanyang mga dakila at walang hanggang layunin, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig. At sa gayon dumarating ang kaligtasan at katubusan ng mga tao, at gayundin ang kanilang pagkalipol at kalungkutan.
27 Samakatwid, O aking anak, sinumang nais na lumapit ay makalalapit at malayang makababahagi sa tubig ng buhay; at ang sinumang hindi lalapit, siya ay hindi pinipilit na lumapit; ngunit sa huling araw, ito ay manunumbalik sa kanya alinsunod sa kanyang mga gawa.
28 Kung kanyang ninais na gumawa ng masama, at hindi nagsisi sa kanyang mga araw, dinggin, masama ang mangyayari sa kanya, alinsunod sa pagpapanumbalik ng Diyos.
29 At ngayon, anak ko, hinihiling ko na ang mga bagay na ito ay huwag mo nang hayaang gumulo pa sa iyo, at hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pambabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi.
30 O anak ko, hinihiling ko na huwag mo nang itatatwa pa ang katarungan ng Diyos. Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto nang dahil sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatatwa sa katarungan ng Diyos; kundi hayaan mong ang katarungan ng Diyos, at ang kanyang awa, at ang kanyang mahabang pagtitiis ang manaig sa iyong puso; at hayaan mo na ito ang magdala sa iyo sa alabok sa pagpapakumbaba.
31 At ngayon, O anak ko, ikaw ay tinawag ng Diyos na mangaral ng salita sa mga taong ito. At ngayon, anak ko, humayo ka, ipahayag ang salita nang may katotohanan at kahinahunan, nang ikaw ay makapagdala ng mga kaluluwa sa pagsisisi, upang ang dakilang plano ng awa ay maangkin sila. At nawa ay ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang alinsunod sa aking mga salita. Amen.