Ang ulat ng mga tao ni Nephi, at ng kanilang mga digmaan at mga pagtatalu-talo, sa mga araw ni Helaman, ayon sa tala ni Helaman, na kanyang iningatan noong mga araw niya.
Binubuo ng mga kabanata 45 hanggang 62.
Kabanata 45
Naniwala si Helaman sa mga salita ni Alma—Ipinropesiya ni Alma ang pagkalipol ng mga Nephita—Binasbasan at isinumpa niya ang lupain—Si Alma ay maaaring kinuhang paitaas ng Espiritu, maging tulad ni Moises—Lumaganap sa Simbahan ang pagtatalu-talo. Mga 73 B.C.
1 Dinggin, ngayon, ito ay nangyari na labis na nagsaya ang mga tao ni Nephi, dahil sa sila ay muling iniligtas ng Panginoon mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; kaya nga nagbigay-pasasalamat sila sa Panginoon nilang Diyos; oo, at labis silang nag-ayuno at labis na nanalangin, at sinamba nila ang Diyos sa labis na kagalakan.
2 At ito ay nangyari na sa ikalabinsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, na si Alma ay lumapit sa kanyang anak na si Helaman at sinabi sa kanya: Naniniwala ka ba sa mga salitang sinabi ko sa iyo hinggil sa mga yaong talaang iniingatan?
3 At sinabi ni Helaman sa kanya: Opo, naniniwala ako.
4 At muling sinabi ni Alma: Naniniwala ka ba kay Jesucristo, na paparito?
5 At sinabi niya: Opo, pinaniniwalaan ko ang lahat ng salitang inyong sinabi.
6 At muling sinabi ni Alma sa kanya: Susundin mo ba ang aking mga kautusan?
7 At sinabi niya: Opo, susundin ko nang buong puso ang inyong mga kautusan.
8 Pagkatapos ay sinabi ni Alma sa kanya: Pinagpala ka; at pauunlarin ka ng Panginoon sa lupaing ito.
9 Subalit dinggin, ako ay may ipopropesiya sa iyo; subalit ang ipopropesiya ko ay hindi mo ipaaalam; oo, kung ano ang ipopropesiya ko sa iyo ay hindi mo ipaaalam, maging hanggang sa matupad ang propesiya; kaya nga, isulat mo ang mga salitang sasabihin ko.
10 At ito ang mga salita: Dinggin, nahihiwatigan ko na ang mga tao ring ito, ang mga Nephita, alinsunod sa diwa ng paghahayag na nasa akin, sa loob ng apat na raang taon mula sa panahong ipakikita ni Jesucristo ang kanyang sarili sa kanila, ay manghihina sa kawalang-paniniwala.
11 Oo, at doon sila makakikita ng mga digmaan at salot, oo, mga taggutom at pagdanak ng dugo, maging hanggang sa ang mga tao ni Nephi ay malipol—
12 Oo, at ito ay dahil sa manghihina sila sa kawalang-paniniwala at mahuhulog sa mga gawa ng kadiliman, at kahalayan, at lahat ng uri ng kasamaan; oo, sinasabi ko sa iyo, dahil sa sila ay magkakasala laban sa gayong dakilang liwanag at kaalaman, oo, sinasabi ko sa iyo, na mula sa araw na yaon, maging ang ikaapat na salinlahi ay hindi lilipas na lahat bago maganap ang labis na kasamaang ito.
13 At kapag dumating ang dakilang araw na yaon, dinggin, ang panahon ay madaling darating na sila na ngayon, o, ang mga binhi ng mga yaong kabilang ngayon sa mga tao ni Nephi, ay hindi na mabibilang sa mga tao ni Nephi.
14 Subalit ang sinumang malalabi, at hindi mapapatay sa dakila at kakila-kilabot na araw na yaon, ay mabibilang sa mga Lamanita, at magiging tulad nila, lahat, maliban sa ilan na tatawaging mga disipulo ng Panginoon; at sila ay tutugisin ng mga Lamanita hanggang sa malipol sila. At ngayon, dahil sa kasamaan, ang propesiyang ito ay matutupad.
15 At ngayon, ito ay nangyari na nang matapos sabihin ni Alma ang mga bagay na ito kay Helaman, na kanyang binasbasan siya, at gayundin ang iba pa niyang mga anak na lalaki; at binasbasan din niya ang lupain para sa kapakanan ng mga matwid.
16 At sinabi niya: Ganito ang wika ng Panginoong Diyos—Sumpain ang lupain, oo, ang lupaing ito, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, tungo sa pagkawasak, na gumagawa ng kasamaan, kapag sila ay ganap nang hinog; at tulad ng pagkakasabi ko ay gayon ang mangyayari; sapagkat ito ang pagsusumpa at pagbabasbas ng Diyos sa lupain, sapagkat ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot.
17 At ngayon, nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito, binasbasan niya ang simbahan, oo, lahat ng yaong matatag na naninindigan sa pananampalataya mula sa panahong yaon.
18 At nang ito ay magawa na ni Alma, nilisan niya ang lupain ng Zarahemla, na tila bagang magtutungo sa lupain ng Melek. At ito ay nangyari na wala nang narinig pa hinggil sa kanya; hinggil sa kanyang kamatayan o libing ay wala kaming nalalaman.
19 Dinggin, ito ang nalalaman namin, na siya ay isang matwid na tao; at ang usap-usapan ay lumaganap sa simbahan na kinuha siyang paitaas ng Espiritu, o inilibing ng kamay ng Panginoon, maging tulad ni Moises. Subalit dinggin, sinasabi ng mga banal na kasulatan na kinuha ng Panginoon si Moises sa kanyang sarili; at ipinapalagay naming tinanggap din niya si Alma sa espiritu, sa kanyang sarili; kaya nga, sa dahilang ito ay wala kaming nalalaman hinggil sa kanyang kamatayan at libing.
20 At ngayon, ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikalabinsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, na si Helaman ay humayo sa mga tao upang ipahayag ang salita sa kanila.
21 Sapagkat dinggin, dahil sa kanilang mga pakikidigma sa mga Lamanita at sa maraming maliliit na pagtatalu-talo at kaguluhang naganap sa mga tao, ay kinailangang ipahayag ang salita ng Diyos sa kanila, oo, at kinailangang magkaroon ng isang pagsasaayos sa buong simbahan.
22 Samakatwid, si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay humayo upang itatag na muli ang simbahan sa lahat ng lupain, oo, sa bawat lungsod sa lahat ng dako ng buong lupain na pag-aari ng mga tao ni Nephi. At ito ay nangyari na naghirang sila ng mga saserdote at guro sa lahat ng dako ng buong lupain, sa lahat ng simbahan.
23 At ngayon, ito ay nangyari na matapos makapaghirang si Helaman at ang kanyang mga kapatid ng mga saserdote at guro sa mga simbahan, nagkaroon ng pagtatalu-talo sa kanila, at sila ay tumangging makinig sa mga salita ni Helaman at ng kanyang mga kapatid;
24 Kundi sila ay naging palalo, naging mapagmataas sa kanilang mga puso, dahil sa kanilang labis-labis na kayamanan; kaya nga sila ay naging mayayaman sa kanilang sariling mga paningin, at tumangging makinig sa kanilang mga salita, na lumakad nang matwid sa harapan ng Diyos.