Mga Banal na Kasulatan
Alma 49


Kabanata 49

Hindi nasakop ng mga sumasalakay na Lamanita ang mga pinatibay na lungsod ng Ammonihas at Noe—Isinumpa ni Amalikeo ang Diyos at nangakong iinumin ang dugo ni Moroni—Si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay nagpatuloy sa pagpapalakas sa Simbahan. Mga 72 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na sa ikalabing-isang buwan ng ikalabinsiyam na taon, sa ikasampung araw ng buwan, ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nakitang papalapit patungo sa lupain ng Ammonihas.

2 At dinggin, ang lungsod ay muling itinayo, at nagtalaga si Moroni ng isang hukbo sa mga hangganan ng lungsod, at sila ay nagbunton ng lupa sa paligid upang sumanggalang sa kanila mula sa mga palaso at sa mga bato ng mga Lamanita; sapagkat dinggin, lumalaban sila sa pamamagitan ng mga bato at ng mga palaso.

3 Dinggin, sinabi ko na ang lungsod ng Ammonihas ay muling itinayo. Sinasabi ko sa inyo, oo, na ang bahagi nito ay muling itinayo; at dahil minsan na itong nawasak ng mga Lamanita dahil sa kasamaan ng mga tao, inakala nila na muli itong magiging madaling huli para sa kanila.

4 Subalit dinggin, anong laki ng kanilang kabiguan; sapagkat dinggin, ang mga Nephita ay nakapagbunton ng isang tagaytay ng lupa sa paligid nila, na napakataas kung kaya’t hindi maipukol ng mga Lamanita ang kanilang mga bato at maipana ang kanilang mga palaso sa kanila nang mabisa, ni hindi nila masalakay sila maliban lamang sa kanilang lugar ng pasukan.

5 Ngayon, sa pagkakataong ito ay labis na nanggilalas ang mga punong kapitan ng mga Lamanita, dahil sa karunungan ng mga Nephita sa paghahanda ng kanilang mga lugar ng dulugan.

6 Ngayon, inakala ng mga pinuno ng mga Lamanita, dahil sa kalakihan ng kanilang bilang, oo, inakala nilang magkakaroon sila ng pribilehiyong salakayin sila tulad ng kanilang nagawa noon; oo, at hinandaan din nila ang kanilang sarili ng mga kalasag, at ng mga baluti sa dibdib; at hinandaan din nila ang kanilang sarili ng mga kasuotang balat, oo, labis na makakapal na kasuotan upang matakpan ang kanilang kahubaran.

7 At dahil sa ganitong kahandaan ay inakala nilang kanilang madaling magagapi at mapasasailalim ang kanilang mga kapatid sa singkaw ng pagkaalipin, o ang patayin at lipulin sila alinsunod sa kanilang ikasisiya.

8 Subalit dinggin, sa kanilang labis-labis na panggigilalas, sila ay nakahanda para sa kanila, sa isang kaparaanang hindi pa kailanman nalaman sa mga anak ni Lehi. Ngayon, sila ay nakahanda para sa mga Lamanita, upang makidigma alinsunod sa mga tagubilin ni Moroni.

9 At ito ay nangyari na ang mga Lamanita, o ang mga Amalikeohita, ay labis-labis na nanggilalas sa kanilang pamamaraan ng paghahanda para sa digmaan.

10 Ngayon, kung si haring Amalikeo ay humayo mula sa lupain ng Nephi, sa unahan ng kanyang hukbo, ay marahil iniutos niya sa mga Lamanita na salakayin ang mga Nephita sa lungsod ng Ammonihas; sapagkat dinggin, hindi niya pinahahalagahan ang dugo ng kanyang mga tao.

11 Subalit dinggin, si Amalikeo rin ay hindi humayo upang makidigma. At dinggin, ang kanyang mga punong kapitan ay hindi nangahas na salakayin ang mga Nephita sa lungsod ng Ammonihas, sapagkat binago ni Moroni ang pamamalakad sa mga gawain sa mga Nephita, kung kaya nga’t ang mga Lamanita ay nabigo sa kanilang mga lugar ng dulugan at hindi nila sila masalakay.

12 Samakatwid, sila ay umatras sa ilang, at dinala ang kanilang kuta at humayo patungo sa lupain ng Noe, inaakalang yaon ang susunod na pinakamainam na lugar para sa kanila upang masalakay ang mga Nephita.

13 Sapagkat hindi nila nalalamang pinatibay ni Moroni, o tinayuan ng mga kuta ng dulugan, ang bawat lungsod sa buong lupain sa paligid; kaya nga, sila ay humayo sa lupain ng Noe nang may matatag na paninindigan; oo, ang kanilang mga punong kapitan ay nagsihayo at sumumpang kanilang lilipulin ang mga mamamayan ng lungsod na yaon.

14 Subalit dinggin, sa kanilang panggigilalas, ang lungsod ng Noe, na mahinang lugar noon, ngayon, dahil kay Moroni, ay naging malakas, oo, maging hanggang sa malampasan ang lakas ng lungsod ng Ammonihas.

15 At ngayon, dinggin, ito ay karunungan ni Moroni; sapagkat kanyang inakala na sila ay matatakot sa lungsod ng Ammonihas; at dahil ang lungsod ng Noe ang pinakamahinang bahagi ng lupain noon, kaya nga sila ay magtutungo roon upang makidigma; at sa gayon nga ito umayon sa kanyang mga naisin.

16 At dinggin, hinirang ni Moroni si Lehi na maging punong kapitan ng mga tauhan sa lungsod na yaon; at ito ang yaon ding Lehi na nakipaglaban sa mga Lamanita sa lambak na nasa silangan ng ilog Sidon.

17 At ngayon, dinggin, ito ay nangyari na nang matuklasan ng mga Lamanita na si Lehi ang namumuno sa lungsod, muli silang nabigo, sapagkat labis silang natatakot kay Lehi; gayunpaman, ang kanilang mga punong kapitan ay nangako nang may panunumpa na sasalakayin ang lungsod; kaya nga, pinamunuan nila ang kanilang mga hukbo.

18 Ngayon, dinggin, ang mga Lamanita ay hindi makapasok sa kanilang mga kuta ng dulugan sa kahit anong pamamaraan maliban na lamang sa pasukan, dahil sa kataasan ng tagaytay na ibinunton, at sa kalaliman ng bambang na hinukay sa paligid, maliban sa pasukan.

19 At sa gayon ang mga Nephita ay nahahandang patayin ang lahat ng magtatangkang umakyat upang makapasok sa kuta sa ibang daan, sa pamamagitan ng pagpukol ng mga bato at pagpana ng mga palaso sa kanila.

20 Sa gayon sila nakahanda, oo, isang pangkat ng pinakamalalakas nilang tauhan, na may mga espada at may mga tirador, upang patamaan ang lahat ng sinumang magtatangkang pumasok sa kanilang lugar ng dulugan sa lugar ng pasukan; at sa gayon sila nakahandang ipagtanggol ang sarili laban sa mga Lamanita.

21 At ito ay nangyari na dinala ng mga kapitan ng mga Lamanita ang kanilang mga hukbo sa harapan ng lugar ng pasukan, at nagsimulang makipaglaban sa mga Nephita, upang makapasok sa kanilang lugar ng dulugan; subalit dinggin, sila ay naitaboy sa pana-panahon, kung kaya’t sila ay napatay nang may malubhang pagkatay.

22 Ngayon, nang malaman nilang hindi nila makukuhang daigin ang mga Nephita sa daanan, sinimulan nilang hukayin ang kanilang mga tagaytay ng lupa upang sila ay magkaroon ng daanan patungo sa kanilang mga hukbo, upang sila ay magkaroon ng patas na labanan; subalit dinggin, sa mga pagtatangkang ito ay nililipol sila ng mga batong ipinupukol at mga palasong ipinapana sa kanila; at sa halip na mapuno ang kanilang mga bambang sa pamamagitan ng paghukay sa mga tagaytay ng lupa, ang mga ito ay napuno nang bahagya ng kanilang mga patay at sugatang katawan.

23 Sa gayon nadaig na lahat ng mga Nephita ang kanilang mga kaaway; at sa gayon ang mga Lamanita ay nagtangkang patayin ang mga Nephita hanggang sa mapatay ang lahat ng kanilang punong kapitan; oo, at mahigit sa isanlibo sa mga Lamanita ang napatay; samantala, sa kabilang panig, ay wala ni isang katao man lamang sa mga Nephita ang napatay.

24 May mga limampung sugatan na nalantad sa mga palaso ng mga Lamanita sa daanan, subalit sila ay pinagsanggalang ng kanilang mga kalasag, at kanilang mga baluti sa dibdib, at kanilang mga baluti sa ulo, kung kaya’t ang kanilang mga sugat ay nasa kanilang mga binti, marami sa mga ito ay labis na malulubha.

25 At ito ay nangyari na nang makita ng mga Lamanita na napatay nang lahat ang kanilang mga punong kapitan, sila ay nagsitakas patungo sa ilang. At ito ay nangyari na bumalik sila sa lupain ng Nephi upang ipaalam sa kanilang haring si Amalikeo, na isang Nephita sa pagsilang, ang hinggil sa kanilang malaking pagkatalo.

26 At ito ay nangyari na labis siyang nagalit sa kanyang mga tao, dahil sa hindi niya nakuha ang kanyang nais sa mga Nephita; hindi niya napasailalim sila sa singkaw ng pagkaalipin.

27 Oo, labis siyang napoot, at isinumpa niya ang Diyos, at gayundin si Moroni, nangangako nang may panunumpa na iinumin niya ang kanyang dugo; at ito ay dahil sa sinunod ni Moroni ang mga kautusan ng Diyos sa paghahanda para sa kaligtasan ng kanyang mga tao.

28 At ito ay nangyari na sa kabilang dako, pinasalamatan ng mga tao ni Nephi ang Panginoon nilang Diyos, dahil sa kanyang walang kapantay na kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.

29 At sa gayon nagtapos ang ikalabinsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

30 Oo, at nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa kanila, at labis na kasaganaan sa simbahan dahil sa kanilang pagsunod at pagsusumigasig na kanilang ibinigay sa salita ng Diyos, na ipinahayag sa kanila ni Helaman, at ni Siblon, at ni Corianton, at ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, oo, at ng lahat ng yaong inordenan sa banal na orden ng Diyos, matapos mabinyagan tungo sa pagsisisi, at isinugo na mangaral sa mga tao.