Kabanata 50
Pinatibay ni Moroni ang mga lupain ng mga Nephita—Nagtayo sila ng maraming bagong lungsod—Nagdanas ng mga digmaan at pagkawasak ang mga Nephita sa mga araw ng kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain—Si Morianton at ang kanyang mga kasamang tumiwalag ay tinalo ni Tiankum—Pumanaw si Nephihas, at ang kanyang anak na si Pahoran ang humalili sa hukumang-luklukan. Mga 72–67 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na hindi tumigil si Moroni sa pagsasagawa ng mga paghahanda para sa digmaan, o sa pagtatanggol sa kanyang mga tao laban sa mga Lamanita; sapagkat iniutos niya na ang kanyang mga hukbo ay magsimula sa pagsisimula ng ikadalawampung taon ng panunungkulan ng mga hukom, na sila ay magsimulang maghukay ng lupa sa paligid ng lahat ng lungsod, sa lahat ng dako ng buong lupain na pag-aari ng mga Nephita.
2 At sa ibabaw ng mga tagaytay ng lupang ito ay iniutos niya na maglagay ng mga kahoy, oo, mga gawang kahoy na itatayong kasintaas ng tao, sa paligid ng mga lungsod.
3 At iniutos niya na sa mga gawang kahoy na ito ay maglagay ng niyaring mga tulos na itatayo sa mga kahoy sa paligid; at ang mga ito ay matitibay at matataas.
4 At iniutos niya na magtayo ng mga toreng makatatanaw sa mga yaong gawang tulos, at kanyang iniutos na magtayo ng mga lugar ng dulugan sa mga toreng yaon, upang hindi sila masaktan ng mga bato at ng mga palaso ng mga Lamanita.
5 At sila ay nakahanda kung kaya’t makapupukol sila ng mga bato mula sa tuktok niyon, alinsunod sa kanilang kasiyahan at kanilang lakas, at patayin siya na magtatangkang lumapit sa mga pader ng lungsod.
6 Sa gayon naghanda si Moroni ng mga muog laban sa pagdating ng kanilang mga kaaway, sa paligid ng bawat lungsod sa buong lupain.
7 At ito ay nangyari na iniutos ni Moroni na humayo ang kanyang mga hukbo patungo sa silangang ilang; oo, at sila ay humayo at itinaboy ang lahat ng Lamanita na nasa silangang ilang patungo sa kanilang sariling mga lupain, na nasa katimugan ng lupain ng Zarahemla.
8 At ang lupain ng Nephi ay humahanggan sa tuwid na landas mula sa silangang dagat hanggang sa kanluran.
9 At ito ay nangyari na nang maitaboy ni Moroni ang lahat ng Lamanita palabas sa silangang ilang, na nasa kahilagaan ng mga lupain na kanilang sariling mga pag-aari, iniutos niya sa lahat ng naninirahan na nasa lupain ng Zarahemla at sa lupain sa paligid na humayo sa silangang ilang, maging hanggang sa mga hangganan na malapit sa dalampasigan, at angkinin ang lupain.
10 At siya ay nagtalaga rin ng mga hukbo sa katimugan, sa mga hangganan ng kanilang mga pag-aari, at inutusan silang magtayo ng mga kuta upang mapangalagaan nila ang kanilang mga hukbo at kanilang mga tao mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.
11 At sa gayon niya nalupig ang lahat ng muog ng mga Lamanita sa silangang ilang, oo, at gayundin sa kanluran, pinatitibay ang hangganan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, sa pagitan ng lupain ng Zarahemla at ng lupain ng Nephi, mula sa kanlurang dagat, humahanggan sa may pinaka-bukal ng ilog Sidon—inaari ng mga Nephita ang lahat ng lupain sa kahilagaan, oo, maging lahat ng lupaing nasa hilaga ng lupain ng Masagana, alinsunod sa kanilang kasiyahan.
12 Sa gayon si Moroni, kasama ang kanyang mga hukbo, na dumarami sa araw-araw dahil sa katiyakan ng kaligtasang ibinibigay ng kanyang mga gawa sa kanila, ay nagsikap na lupigin ang lakas at kapangyarihan ng mga Lamanita mula sa mga lupain na kanilang pag-aari, upang sila ay mawalan ng kapangyarihan sa mga lupaing kanilang pag-aari.
13 At ito ay nangyari na sinimulan ng mga Nephita ang saligan ng isang lungsod, at tinawag nila ang pangalan ng lungsod na Moroni; at ito ay nasa may silangang dagat; at ito ay nasa katimugan na karatig ng hangganan ng mga pag-aari ng mga Lamanita.
14 At sinimulan din nila ang isang saligan para sa isang lungsod sa pagitan ng lungsod ng Moroni at ng lungsod ng Aaron, idinurugtong ang mga hangganan ng Aaron at Moroni; at tinawag nila ang pangalan ng lungsod, o ng lupain, na Nephihas.
15 At sila ay nagsimula rin sa taon ding yaon na magtayo ng maraming lungsod sa kahilagaan, isa sa natatanging pamamaraan na kanilang tinawag na Lehi, na nasa kahilagaan sa may mga hangganan ng dalampasigan.
16 At sa gayon nagtapos ang ikadalawampung taon.
17 At nasa ganitong masaganang kalagayan ang mga tao ni Nephi sa pagsisimula ng ikadalawampu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
18 At sila ay labis na umunlad, at naging napakayayaman nila; oo, at sila ay dumami at naging makapangyarihan sa lupain.
19 At sa gayon natin nakikita na napakamaawain at makatarungan ang lahat ng pamamaraan ng Panginoon, tungo sa pagpapatupad ng lahat ng kanyang salita sa mga anak ng tao; oo, namamasdan natin na ang kanyang mga salita ay napatunayan, maging hanggang sa panahong ito, na kanyang sinabi kay Lehi, sinasabing:
20 Pinagpala ka at ang iyong mga anak; at sila ay pagpapalain, yamang sinusunod nila ang aking mga kautusan, sila ay uunlad sa lupain. Subalit pakatandaan, yamang hindi nila sinusunod ang aking mga kautusan, sila ay itatakwil mula sa harapan ng Panginoon.
21 At nakikita natin na ang mga pangakong ito ay napatunayan sa mga tao ni Nephi; sapagkat ang kanilang mga pag-aaway-away at kanilang mga alitan, oo, kanilang mga pagpaslang, at kanilang mga pandarambong, kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan, kanilang mga pagpapatutot, at kanilang mga karumal-dumal na gawain, na nasa kanila, ang nagdala sa kanila ng kanilang mga digmaan at kanilang pagkalipol.
22 At ang yaong matatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon ay naligtas sa lahat ng panahon, habang libu-libo sa kanilang masasamang kapatid ay dinala sa pagkaalipin, o nasawi sa pamamagitan ng espada, o nanghina sa kawalang-paniniwala, at nakihalubilo sa mga Lamanita.
23 Subalit dinggin, hindi pa nagkaroon ng higit na masayang panahon sa mga tao ni Nephi, magmula sa mga araw ni Nephi, kaysa sa mga araw ni Moroni, oo, maging sa panahong ito, sa ikadalawampu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.
24 At ito ay nangyari na lumipas din sa kapayapaan ang ikadalawampu’t dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom; oo, at gayundin ang ikadalawampu’t tatlong taon.
25 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikadalawampu’t apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom, na magkakaroon din sana ng kapayapaan sa mga tao ni Nephi kung hindi dahil sa isang alitang naganap sa kanila hinggil sa lupain ng Lehi, at sa lupain ng Morianton, na karatig ng mga hangganan ng Lehi; ito ay kapwa nasa mga hangganan na malapit sa dalampasigan.
26 Sapagkat dinggin, ang mga taong nagmamay-ari sa lupain ng Morianton ay inangkin ang isang bahagi sa lupain ng Lehi; kaya nga nagsimulang magkaroon ng mainit na alitan sa pagitan nila, hanggang sa ang mga mamamayan ng Morianton ay humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid, at nanindigan sila na sa pamamagitan ng espada na patayin sila.
27 Subalit dinggin, ang mga taong nagmamay-ari sa lupain ng Lehi ay nagsitakas patungo sa kuta ni Moroni at humingi ng tulong sa kanya; sapagkat dinggin, hindi sila ang nasa kamalian.
28 At ito ay nangyari na nang matuklasan ng mga mamamayan ng Morianton, na pinamumunuan ng isang lalaki na nagngangalang Morianton, na ang mga mamamayan ng Lehi ay nagsitakas patungo sa kuta ni Moroni, labis silang natakot na baka ang hukbo ni Moroni ay salakayin sila at lipulin sila.
29 Samakatwid, inilagay ni Morianton sa kanilang mga puso na nararapat silang tumakas patungo sa lupain na nasa kahilagaan, na napalilibutan ng malalaking katawan ng tubig, at angkinin ang lupain na nasa kahilagaan.
30 At dinggin, natupad na sana nila ang plano na ito, (na magiging dahilan sana ng pananaghoy) subalit dinggin, dahil si Morianton ay isang lalaking maraming kahalingan, kaya nga, siya ay nagalit sa isa sa kanyang mga babaeng tagapagsilbi, at kanyang sinaktan siya at labis siyang binugbog.
31 At ito ay nangyari na tumakas siya, at nagtungo sa kuta ni Moroni, at sinabi kay Moroni ang lahat hinggil sa bagay na ito, at hinggil din sa kanilang mga hangaring tumakas patungo sa lupaing kahilagaan.
32 Ngayon, dinggin, ang mga tao na nasa lupaing Masagana, o sa madaling salita, si Moroni, ay natakot na baka makinig sila sa mga salita ni Morianton at makiisa sa kanyang mga tao, at sa gayon niya makukuha ang pag-aari ng mga bahaging yaon ng lupain, na maglalatag ng saligan ng malulubhang kahihinatnan sa mga tao ni Nephi, oo, mga kahihinatnang magbubunga ng pagbagsak ng kanilang kalayaan.
33 Samakatwid, si Moroni ay nagpadala ng isang hukbo, kasama ang kanilang kuta, upang hadlangan ang mga tao ni Morianton, upang mapigilan ang kanilang pagtakas patungo sa lupaing kahilagaan.
34 At ito ay nangyari na hindi nila sila nahadlangan hanggang sa makarating sila sa mga hangganan ng lupaing Kapanglawan; at doon nila sila nahadlangan, sa makitid na daanang bumabagtas malapit sa dagat patungo sa lupaing kahilagaan, oo, malapit sa dagat, sa kanluran at sa silangan.
35 At ito ay nangyari na ang hukbong ipinadala ni Moroni, na pinamumunuan ng isang lalaki na nagngangalang Tiankum, ay humarap sa mga tao ni Morianton; at labis na matitigas ang mga tao ni Morianton, (dahil sa nahikayat ng kanyang kasamaan at ng kanyang mahihibok na salita) kaya nga nagsimula ang isang digmaan sa pagitan nila, kung saan napatay ni Tiankum si Morianton at tinalo ang kanyang hukbo, at dinala silang mga bihag, at bumalik sa kuta ni Moroni. At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu’t apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
36 At sa gayon naibalik ang mga mamamayan ng Morianton. At sa kanilang pakikipagtipan na pananatilihin ang kapayapaan, sila ay pinabalik sa lupain ng Morianton, at nagkaisa sila at ang mga mamamayan ng Lehi; at sila ay pinabalik din sa kanilang mga lupain.
37 At ito ay nangyari na sa taon ding yaon na naibalik sa mga tao ni Nephi ang kanilang kapayapaan, na si Nephihas, ang pangalawang punong hukom, ay namatay, matapos manungkulan sa hukumang-luklukan nang may ganap na katwiran sa harapan ng Diyos.
38 Gayunpaman, tinanggihan niyang kunin kay Alma ang pag-aari ng mga yaong talaan at mga yaong bagay na ipinalalagay ni Alma at ng kanyang mga ama na pinakabanal; kaya nga iginawad ni Alma ang mga iyon sa kanyang anak na si Helaman.
39 Dinggin, ito ay nangyari na hinirang ang anak ni Nephihas na manungkulan sa hukumang-luklukan bilang kahalili ng kanyang ama; oo, siya ay hinirang na maging punong hukom at gobernador ng mga tao, nang may panunumpa at banal na ordenansa na hahatol nang matwid, at pananatilihin ang kapayapaan at ang kalayaan ng mga tao, at ipagkakaloob sa kanila ang kanilang mga banal na pribilehiyo na sambahin ang Panginoon nilang Diyos, oo, na itataguyod at pangangalagaan ang layunin ng Diyos sa lahat ng kanyang mga araw, at dadalhin ang masasama sa katarungan alinsunod sa kanilang krimen.
40 Ngayon, dinggin, ang kanyang pangalan ay Pahoran. At nanungkulan si Pahoran sa luklukan ng kanyang ama, at sinimulan ang kanyang panunungkulan sa pagtatapos ng ikadalawampu’t apat na taon, sa mga tao ni Nephi.