Kabanata 51
Naghangad ang mga maka-hari na baguhin ang batas at maghirang ng hari—Si Pahoran at ang mga maka-kalayaan ay itinaguyod ng tinig ng mga tao—Pinilit ni Moroni ang mga maka-hari na ipagtanggol ang kanilang bayan o mapatay—Nasakop ni Amalikeo at ng mga Lamanita ang maraming pinatibay na lungsod—Naitaboy ni Tiankum ang pananalakay ng mga Lamanita at pinatay si Amalikeo sa kanyang tolda. Mga 67–66 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikadalawampu’t limang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, matapos nilang maitatag ang kapayapaan sa pagitan ng mga mamamayan ng Lehi at ng mga mamamayan ng Morianton hinggil sa kanilang mga lupain, at matapos simulan ang ikadalawampu’t limang taon sa kapayapaan;
2 Gayunpaman, hindi nila napanatiling matagal ang ganap na kapayapaan sa lupain, sapagkat nagsimulang magkaroon ng alitan sa mga tao hinggil sa punong hukom na si Pahoran; sapagkat dinggin, may isang bahagi ng mga tao ang nagnais na baguhin ang ilang natatanging bahagi ng batas.
3 Subalit dinggin, si Pahoran ay tumangging baguhin ni pahintulutang baguhin ang batas; kaya nga, hindi niya pinakinggan ang mga yaong nagpahayag ng kanilang mga tinig sa pamamagitan ng kanilang mga kahilingan hinggil sa pagbabago ng batas.
4 Samakatwid, ang mga yaong nais na baguhin ang batas ay nagalit sa kanya at nagnais na hindi na siya ang maging punong hukom sa lupain; kaya nga nagkaroon ng mainit na pagtatalo hinggil sa bagay na ito, subalit hindi hanggang sa pagdanak ng dugo.
5 At ito ay nangyari na tinawag ang mga yaong nagnanais na matanggal si Pahoran sa hukumang-luklukan na mga maka-hari, sapagkat nais nilang mabago ang batas sa paraang maibagsak ang malayang pamahalaan at magtaguyod ng isang hari sa lupain.
6 At ang mga yaong nais na manatili si Pahoran bilang punong hukom ng lupain ay pinangalanan ang kanilang sarili na mga maka-kalayaan; at sa gayon sila nahahati, sapagkat ang mga maka-kalayaan ay nangako o nakipagtipan na pananatilihin ang kanilang mga karapatan at ang kanilang mga pribilehiyo sa relihiyon sa pamamagitan ng malayang pamahalaan.
7 At ito ay nangyari na isinaayos ang bagay na ito hinggil sa kanilang pag-aalitan sa pamamagitan ng tinig ng mga tao. At ito ay nangyari na pinagtibay ng tinig ng mga tao ang panig ng mga maka-kalayaan, at si Pahoran ay nanatili sa hukumang-luklukan, na naging dahilan ng labis na kasiyahan sa mga kasamahan ni Pahoran at marami rin sa mga tao ng kalayaan, na nagpatahimik din sa mga maka-hari, kung kaya’t hindi sila nangahas na tumutol kundi napilitang panatilihin ang layunin ng kalayaan.
8 Ngayon, ang mga yaong sumasang-ayon sa mga hari ay ang mga yaong maharlikang angkan, at hinangad nilang maging mga hari; at sila ay itinataguyod ng mga yaong naghahangad ng kapangyarihan at karapatan sa mga tao.
9 Subalit dinggin, ito ay isang mapanganib na panahon para sa mga ganitong alitan sa mga tao ni Nephi; sapagkat dinggin, muling pinukaw ni Amalikeo ang mga puso ng mga tao ng mga Lamanita laban sa mga tao ng mga Nephita, at siya ay nangangalap ng mga kawal mula sa lahat ng bahagi ng kanyang lupain, at sinandatahan sila, at inihahanda para sa digmaan nang buong pagsusumigasig; sapagkat siya ay nangakong iinumin ang dugo ni Moroni.
10 Subalit dinggin, makikita natin na ang kanyang pangako na ginawa niya ay padalus-dalos; gayunpaman, inihanda niya ang kanyang sarili at ang kanyang mga hukbo upang makidigma laban sa mga Nephita.
11 Ngayon, ang kanyang mga hukbo ay hindi gaanong malaki na tulad ng dati, dahil sa maraming libu-libong napatay ng kamay ng mga Nephita; subalit sa kabila ng kanilang malaking kawalan, si Amalikeo ay nakapangalap ng kamangha-manghang malaking hukbo, kung kaya nga’t hindi siya natakot na sumalakay sa lupain ng Zarahemla.
12 Oo, maging si Amalikeo rin ay sumalakay, sa unahan ng mga Lamanita. At ito ay sa ikadalawampu’t limang taon ng panunungkulan ng mga hukom; at ito ay sa gayunding panahon nang sinimulan nilang ayusin ang mga bagay-bagay ng kanilang pag-aalitan hinggil sa punong hukom na si Pahoran.
13 At ito ay nangyari na nang marinig ng mga taong tinatawag na maka-hari na sumasalakay ang mga Lamanita upang makidigma laban sa kanila, sila ay nagalak sa kanilang mga puso; at tumanggi silang humawak ng mga sandata, sapagkat sila ay labis na napoot sa punong hukom, at gayundin sa mga tao ng kalayaan, kung kaya’t tumanggi silang humawak ng mga sandata upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
14 At ito ay nangyari na nang makita ito ni Moroni, at nakita ring dumarating ang mga Lamanita sa mga hangganan ng lupain, siya ay labis na napoot dahil sa katigasan ng mga yaong taong kanyang labis na pinagsikapang pangalagaan; oo, siya ay labis na napoot; ang kanyang kaluluwa ay napuspos ng galit laban sa kanila.
15 At ito ay nangyari na nagpadala siya ng kahilingan, lakip ang tinig ng mga tao, sa gobernador ng lupain, hinihiling na basahin niya ito, at bigyan siya (si Moroni) ng kapangyarihan upang pilitin ang mga tumiwalag na yaon na ipagtanggol ang kanilang bayan o sila ay patayin.
16 Sapagkat ito ang kanyang unang alalahanin, ang wakasan ang mga gayong alitan at pagtatalu-talo sa mga tao; sapagkat dinggin, ito ay naging dahilan noon ng lahat ng kanilang pagkalipol. At ito ay nangyari na pinahintulutan ito alinsunod sa tinig ng mga tao.
17 At ito ay nangyari na inutusan ni Moroni ang kanyang hukbo na labanan ang mga yaong maka-hari, upang hataking pababa ang kanilang kapalaluan at kanilang kataasan at ipantay sila sa lupa, o sila ay humawak ng mga sandata at itaguyod ang layunin ng kalayaan.
18 At ito ay nangyari na humayo ang mga hukbo laban sa kanila; at hinatak nila pababa ang kanilang kapalaluan at kanilang kataasan, kung kaya nga’t nang itaas nila ang kanilang mga sandata ng digmaan upang labanan ang mga tauhan ni Moroni, sila ay pinabagsak at ipinantay sa lupa.
19 At ito ay nangyari na may apat na libo ng mga tumiwalag na yaon ang pinabagsak ng espada; at ang mga yaong pinuno nila na hindi napatay sa digmaan ay dinakip at itinapon sa bilangguan, sapagkat wala nang oras para sa kanilang paglilitis sa panahong ito.
20 At ang mga yaong nalalabing tumiwalag, kaysa sa tagpasin sa lupa ng espada, ay sumuko sa diwa ng kalayaan, at napilitang itaas ang bandila ng kalayaan sa kanilang mga tore, at sa kanilang mga lungsod, at humawak ng mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan.
21 At sa gayon winakasan ni Moroni ang mga maka-haring yaon, kung kaya’t wala nang nakilala pa sa pangalang maka-hari; at sa gayon nawakasan niya ang katigasan at kapalaluan ng mga yaong taong naghahayag na sila ay mga maharlika; sa halip, sila ay ibinaba upang magpakumbaba ng kanilang sarili na katulad ng kanilang mga kapatid at makipaglaban nang buong giting para sa kanilang kalayaan sa pagkaalipin.
22 Dinggin, ito ay nangyari na habang nasa gayong pagwasak si Moroni sa mga digmaan at alitan sa kanyang sariling mga tao, at pinasasailalim sila sa kapayapaan at kabihasnan, at paggawa ng mga alituntunin sa paghahanda para sa digmaan laban sa mga Lamanita, dinggin, ang mga Lamanita ay nakarating sa lupain ng Moroni, na nasa mga hangganan na malapit sa dalampasigan.
23 At ito ay nangyari na hindi sapat ang lakas ng mga Nephita sa lungsod ng Moroni; kaya nga naitaboy sila ni Amalikeo, na marami ang pinagpapapatay. At ito ay nangyari na inangkin ni Amalikeo ang lungsod, oo, inangkin ang lahat ng kanilang mga muog.
24 At ang mga yaong nagsitakas sa lungsod ng Moroni ay nagtungo sa lungsod ng Nephihas; at gayundin ang mga mamamayan ng lungsod ng Lehi ay sama-samang tinipon ang kanilang sarili at gumawa ng mga paghahanda at nakahandang harapin ang mga Lamanita upang makidigma.
25 Subalit ito ay nangyari na tumanggi si Amalikeo na pahintulutan ang mga Lamanita na sumalakay sa lungsod ng Nephihas upang makidigma, kundi pinanatili sila sa malapit sa dalampasigan, nag-iiwan ng mga tauhan sa bawat lungsod upang pangalagaan at ipagtanggol ito.
26 At sa gayon siya nagpatuloy, inaangkin ang maraming lungsod, ang lungsod ng Nephihas, at ang lungsod ng Lehi, at ang lungsod ng Morianton, at ang lungsod ng Omner, at ang lungsod ng Gid, at ang lungsod ng Mulek, ang lahat ng ito ay nasa silangang hangganan sa malapit sa dalampasigan.
27 At sa gayon nakakuha ang mga Lamanita, sa pamamagitan ng katusuhan ni Amalikeo, ng napakaraming lungsod, sa pamamagitan ng kanilang hindi mabilang na hukbo, ang lahat ng ito ay labis na pinatibay alinsunod sa pamamaraan ng pagpapatibay ni Moroni; ang lahat ng ito ay nakapagbigay ng muog para sa mga Lamanita.
28 At ito ay nangyari na humayo sila sa mga hangganan ng lupain ng Masagana, itinataboy ang mga Nephita sa harapan nila at pinapatay ang marami.
29 Subalit ito ay nangyari na hinarap sila ni Tiankum, na siyang pumatay kay Morianton at hinadlangan ang kanyang mga tao sa kanyang pagtakas.
30 At ito ay nangyari na hinadlangan din niya si Amalikeo, habang siya ay humahayo kasama ang kanyang napakalaking hukbo upang maangkin niya ang lupaing Masagana, at ang lupain din sa kahilagaan.
31 Subalit dinggin, siya ay nagdanas ng kabiguan dahil sa pagtataboy na ginawa ni Tiankum at ng kanyang mga tauhan, sapagkat sila ay mahuhusay na mandirigma; sapagkat bawat tauhan ni Tiankum ay nakahihigit sa mga Lamanita sa kanilang lakas at sa kanilang kasanayan sa digmaan, kung kaya nga’t sila ay nagtamo ng kalamangan sa mga Lamanita.
32 At ito ay nangyari na kanilang niligalig sila, hanggang sa kanilang pinagpapatay sila maging hanggang sa magdilim. At ito ay nangyari na itinayo ni Tiankum at ng kanyang mga tauhan ang kanilang mga tolda sa mga hangganan ng lupain ng Masagana; at itinayo ni Amalikeo ang kanyang mga tolda sa mga hangganan sa may baybay ng dalampasigan, at sa gayong pamamaraan sila naitaboy.
33 At ito ay nangyari na nang sumapit ang gabi, si Tiankum at ang kanyang tagapagsilbi ay palihim na umalis nang gumabi, at nagtungo sa kuta ni Amalikeo; at dinggin, sila ay nadaig ng antok dahil sa kanilang labis na pagkapagod, na sanhi ng mga gawain at init ng araw.
34 At ito ay nangyari na palihim na nagtungo si Tiankum sa tolda ng hari, at tinuhog ng sibat ang kanyang puso; at madali niyang napatay ang hari kung kaya’t hindi niya nagising ang kanyang mga tagapagsilbi.
35 At siya ay muling bumalik nang palihim sa kanyang sariling kuta, at dinggin, ang kanyang mga tauhan ay natutulog, at kanyang ginising sila at sinabi sa kanila ang lahat ng bagay na kanyang ginawa.
36 At iniutos niyang maghanda ang kanyang mga hukbo, at baka ang mga Lamanita ay magising at salakayin sila.
37 At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu’t limang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; at sa gayon nagtapos ang mga araw ni Amalikeo.