Kabanata 53
Ginamit ang mga bihag na mga Lamanita upang patibayin ang lungsod ng Masagana—Ang mga pagtitiwalag sa mga Nephita ang nagbibigay-daan sa mga pagtatagumpay ng mga Lamanita—Pinamunuan ni Helaman ang dalawang libong kabataang mga anak na lalaki ng mga tao ni Ammon. Mga 64–63 B.C.
1 At ito ay nangyari na nagtalaga sila ng mga bantay sa mga bihag na mga Lamanita, at pinilit silang humayo at ilibing ang kanilang mga patay, oo, at ang mga patay rin ng mga Nephita na nasawi; at si Moroni ay nagtalaga ng mga tauhan upang bantayan sila habang ginagawa nila ang kanilang mga gawain.
2 At si Moroni ay nagtungo sa lungsod ng Mulek na kasama si Lehi, at kinuha ang pamumuno ng lungsod at ibinigay ito kay Lehi. Ngayon, dinggin, ang Lehi na ito ay isang lalaking nakasama ni Moroni sa malaking bahagi ng lahat ng kanyang pakikidigma; at siya ay isang lalaking natutulad kay Moroni, at sila ay nagagalak sa kaligtasan ng bawat isa; oo, minamahal nila ang isa’t isa, at minamahal din ng lahat ng tao ni Nephi.
3 At ito ay nangyari na matapos mailibing ng mga Lamanita ang kanilang mga patay at ang mga patay rin ng mga Nephita, pinahayo sila pabalik sa lupaing Masagana; at si Tiankum, sa mga utos ni Moroni, ay nag-utos na magsimula sila sa paghuhukay ng mga bambang sa paligid ng lupain, o ng lungsod, ng Masagana.
4 At iniutos niya na magtayo sila ng muog na kahoy sa pinakaloob na pampang ng bambang; at sila ay nagtambak ng lupa mula sa bambang sa muog na kahoy; at sa gayon nila pinakilos ang mga Lamanita hanggang sa mapaligiran nila ang lungsod ng Masagana ng matatag na muog na kahoy at lupa, nang napakataas.
5 At ang lungsod na ito ay naging napakatibay na muog mula noon; at sa lungsod na ito nila binantayan ang mga bihag na mga Lamanita; oo, maging sa loob ng muog na kanilang iniutos sa kanila na itayo sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay. Ngayon, si Moroni ay napilitang utusan ang mga Lamanita na gumawa, dahil sa madali silang bantayan habang nasa kanilang gawain; at kailangan niya ang lahat ng kanyang lakas kapag siya ay sasalakay sa mga Lamanita.
6 At ito ay nangyari na sa gayon nagtamo si Moroni ng tagumpay sa isa sa pinakamalakas na mga hukbo ng mga Lamanita, at nakamtan ang pag-aari sa lungsod ng Mulek, na isa sa pinakamalakas na muog ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi; at sa gayon nagtayo rin siya ng muog upang mabantayan ang kanyang mga bihag.
7 At ito ay nangyari na hindi na siya nagtangka pang makidigma sa mga Lamanita sa taong yaon, sa halip pinakilos niya ang kanyang mga tauhan sa paghahanda para sa digmaan, oo, at sa paggawa ng mga muog upang magbantay laban sa mga Lamanita, oo, at sa pagliligtas din sa kanilang kababaihan at kanilang mga anak mula sa taggutom at paghihirap, at paglalaan ng pagkain para sa kanilang mga hukbo.
8 At ngayon, ito ay nangyari na ang mga hukbo ng mga Lamanita, sa kanlurang dagat, sa katimugan, habang wala si Moroni dahil sa ilang pakikipagsabwatan sa mga Nephita na nagdulot ng mga pagtitiwalag sa kanila, ay nakakuha ng kaunting pagwawagi sa mga Nephita, oo, kung kaya’t sila ay nakapag-angkin ng ilang bilang ng kanilang mga lungsod sa bahaging yaon ng lupain.
9 At sa gayon, dahil sa kasamaan sa kanila, oo, dahil sa mga pagtitiwalag at sabwatan sa kanila, sila ay nalagay sa mga napakamapanganib na katayuan.
10 At ngayon, dinggin, ako ay may sasabihin hinggil sa mga tao ni Ammon, na noong una ay mga Lamanita; subalit dahil kay Ammon at sa kanyang mga kapatid, o sa katotohanan, dahil sa kapangyarihan at salita ng Diyos, sila ay nagbalik-loob sa Panginoon; at sila ay dinala sa lupain ng Zarahemla, at mula noon ay ipinagtanggol na ng mga Nephita.
11 At dahil sa kanilang sumpa ay nahadlangan silang humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid; sapagkat sila ay gumawa ng panunumpang hindi na sila magpapadanak pa ng dugo; at alinsunod sa kanilang sumpa, sila ay nasawi na sana; oo, pahihintulutan na sana nila ang kanilang sarili na mahulog sa mga kamay ng kanilang mga kapatid, kung hindi lamang sa awa at labis na pagmamahal ni Ammon at ng kanyang mga kapatid sa kanila.
12 At dahil dito, sila ay dinala sa lupain ng Zarahemla; at mula noon ay ipinagtanggol na ng mga Nephita.
13 Subalit ito ay nangyari na nang makita nila ang panganib, at ang maraming paghihirap at pagdurusang pinapasan ng mga Nephita para sa kanila, sila ay naantig sa pagkaawa at nagnais na humawak ng mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan.
14 Subalit dinggin, nang kukunin na nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, sila ay nadaig ng mga pakiusap ni Helaman at ng kanyang mga kapatid, sapagkat sisirain na sana nila ang sumpang ginawa nila.
15 At natakot si Helaman na baka sa paggawa nito ay mapahamak ang kanilang mga kaluluwa; kaya nga ang lahat ng yaong pumasok sa tipang ito ay napilitang masdan ang kanilang mga kapatid na lumusong sa kanilang paghihirap, sa kanilang mga mapanganib na katayuan sa panahong ito.
16 Subalit dinggin, ito ay nangyari na mayroong silang maraming anak na lalaki, na hindi nakipagtipan na hindi nila kukunin ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa kanilang mga kaaway; kaya nga sama-sama nilang tinipon ang kanilang sarili sa panahong ito, kasindami ng makapaghahawak ng mga sandata, at tinawag nila ang kanilang sariling mga Nephita.
17 At sila ay nakipagtipan na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga Nephita, oo, na ipagtatanggol ang lupain hanggang sa pag-aalay ng kanilang buhay; oo, maging sila ay nakipagtipang hindi kailanman isusuko ang kanilang kalayaan, sa halip sila ay makikipaglaban sa lahat ng pagkakataon upang maipagtanggol ang mga Nephita at ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin.
18 Ngayon, dinggin, may dalawang libo ang mga kabataang lalaking yaon, na pumasok sa tipang ito at kinuha ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
19 At ngayon, dinggin, tulad ng hindi pa sila naging pabigat sa mga Nephita, sila ngayon sa panahong ito ay naging isang malaking tulong din; sapagkat kinuha nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, at ninais nilang si Helaman ang maging pinuno nila.
20 At lahat sila ay mga kabataang lalaki, at sila ay napakagigiting sa tapang, at gayundin sa lakas at gawain; subalit dinggin, hindi lamang ito—sila ay kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila.
21 Oo, sila ay mga lalaki ng katotohanan at katapatan, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.
22 At ngayon, ito ay nangyari na humayo si Helaman sa unahan ng kanyang dalawang libong kabataang kawal, upang tulungan ang mga tao sa mga hangganan ng lupain sa katimugan sa may kanlurang dagat.
23 At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu’t walong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.