Kabanata 54
Sina Amoron at Moroni ay nakipagkasundo para sa palitan ng mga bihag—Mariing hiniling ni Moroni na umurong ang mga Lamanita at itigil ang kanilang mapangwasak na pananalakay—Mariing hiniling ni Amoron na ibaba ng mga Nephita ang kanilang mga sandata at magpasailalim sa mga Lamanita. Mga 63 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikadalawampu’t siyam na taon ng mga hukom, si Amoron ay nagpasabi kay Moroni, hinihiling sa kanya na makipagpalitan ng mga bihag.
2 At ito ay nangyari na nakaramdam si Moroni ng labis na kasiyahan sa kahilingang ito, sapagkat kanyang kailangan ang mga pagkaing ibinibigay para sa mga bihag na mga Lamanita para sa kanyang sariling mga tao; at kailangan din niya ang kanyang sariling mga tao para sa pagpapalakas ng kanyang hukbo.
3 Ngayon, ang mga Lamanita ay nakadakip ng maraming babae at bata, at wala ni isang babae ni bata sa lahat ng bihag ni Moroni, o sa mga bihag na nadakip ni Moroni; kaya nga, si Moroni ay bumuo ng isang pakana upang makakuha ng higit na maraming bihag na mga Nephita mula sa mga Lamanita hangga’t maaari.
4 Samakatwid, siya ay sumulat ng isang liham, at ipinadala ito sa tagapagsilbi ni Amoron, na siya ring nagdala ng liham kay Moroni. Ngayon, ito ang mga salitang isinulat niya kay Amoron, sinasabing:
5 Dinggin, Amoron, ako ay sumulat sa iyo nang bahagya hinggil sa digmaang ito na iyong pinasimulan laban sa aking mga tao, o sa madaling salita, na pinasimulan ng iyong kapatid laban sa kanila, at ipinipilit mo pa ring ipagpatuloy matapos ang kanyang kamatayan.
6 Dinggin, ako ay mangungusap sa iyo nang bahagya hinggil sa katarungan ng Diyos, at sa espada ng kanyang pinakamakapangyarihang poot, na nakaumang sa inyo maliban kung magsisisi ka at iuurong ang iyong mga hukbo sa inyong sariling mga lupain, o sa lupain na inyong pag-aari, ang lupain ng Nephi.
7 Oo, sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na ito kung may kakayahan kang pakinggan ang mga ito; oo, sasabihin ko sa iyo ang hinggil sa yaong kakila-kilabot na impiyerno na naghihintay na tumanggap ng mga mamamatay-taong tulad mo at ng iyong kapatid, maliban kung magsisisi ka at iuurong ang iyong masasamang layunin, at magbalik kasama ang iyong mga hukbo sa inyong sariling mga lupain.
8 Subalit tulad nang minsang tanggihan ninyo ang mga bagay na ito, at nakipaglaban sa mga tao ng Panginoon, gayundin inaasahan kong ito ay muli ninyong gagawin.
9 At ngayon, dinggin, kami ay nakahandang harapin kayo; oo, at maliban kung iuurong ninyo ang inyong mga layunin, dinggin, hahatakin ninyong pababa ang poot ng yaong Diyos na itinatwa ninyo, maging hanggang sa lubusan ninyong pagkalipol.
10 Subalit, yamang buhay ang Panginoon, sasalakayin kayo ng aming mga hukbo maliban kung kayo ay uurong, at malapit na kayong dalawin ng kamatayan, sapagkat pananatilihin namin ang aming mga lungsod at aming mga lupain; oo, at pangangalagaan namin ang aming relihiyon at ang layunin ng aming Diyos.
11 Subalit dinggin, sa palagay ko ay kinakausap kita hinggil sa mga bagay na ito nang walang saysay; o sa palagay ko ay anak ka ng impiyerno; kaya nga, isasara ko ang aking liham sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo na hindi ako makikipagpalitan ng mga bihag, maliban kung magpapalaya kayo ng isang lalaki at kanyang asawa at kanyang mga anak, para sa isang bihag; kung ganito ang inyong gagawin, ako ay makikipagpalitan.
12 At dinggin, kung hindi ninyo ito gagawin, sasalakayin ko kayo na kasama ang aking mga hukbo; oo, maging sasandatahan ko ang aking kababaihan at aking mga bata, at sasalakayin ko kayo, at susundan ko kayo maging sa inyong sariling lupain, na lupain ng ating unang mana; oo, at ito ay magiging dugo sa dugo, oo, buhay sa buhay; at ako ay makikipaglaban sa inyo maging hanggang sa kayo ay malipol sa balat ng lupa.
13 Dinggin, ako ay nagagalit, at gayundin ang mga tao ko; hinangad ninyong paslangin kami, at hinangad lamang naming ipagtanggol ang aming sarili. Subalit dinggin, kung hahangarin pa rin ninyong lipulin kami ay hahangarin naming lipulin kayo; oo, at kukunin namin ang aming lupain, ang lupain ng ating unang mana.
14 Ngayon, isinasara ko ang aking liham. Ako si Moroni; ako ay isang pinuno ng mga tao ng mga Nephita.
15 Ngayon, ito ay nangyari na si Amoron, nang matanggap niya ang liham na ito, ay nagalit; at sumulat siya ng isa pang liham kay Moroni, at ito ang mga salitang isinulat niya, sinasabing:
16 Ako si Amoron, ang hari ng mga Lamanita; ako ay kapatid ni Amalikeo na pinaslang ninyo. Dinggin, ipaghihiganti ko ang kanyang dugo sa inyo, oo, at sasalakayin kayo na kasama ang aking mga hukbo sapagkat hindi ako natatakot sa mga pagbabanta mo.
17 Sapagkat dinggin, inapi ng inyong mga ama ang kanilang mga kapatid, hanggang sa kanilang pagnakawan sila ng kanilang karapatan sa pamahalaan gayong ito ay nararapat lamang sa kanila.
18 At ngayon, dinggin, kung ibababa ninyo ang inyong mga sandata, at ipasaiilalim ang inyong sarili na pamahalaan ng mga yaong nararapat sa pamahalaan, doon ko lamang iuutos na ibaba ng aking mga tao ang kanilang mga sandata at hindi na makikidigma.
19 Dinggin, nagsabi ka ng maraming pagbabanta laban sa akin at sa aking mga tao; subalit dinggin, hindi kami natatakot sa mga pagbabanta mo.
20 Gayunpaman, papayag akong makipagpalitan ng mga bihag alinsunod sa iyong kahilingan, nang nagagalak, upang mailaan ko ang aking pagkain para sa aking mga tauhan ng digmaan; at magpapatuloy kami ng pakikidigma nang walang hanggan, maging sa pagpapasailalim sa mga Nephita sa aming kapangyarihan o sa kanilang walang hanggang pagkalipol.
21 At hinggil sa yaong Diyos na iyong sinasabing aming itinatwa, dinggin, wala kaming nakikilalang gayong katauhan; ni kayo man; subalit kung may katauhan ngang gayon, hindi namin alam subalit marahil nga ay nilikha niya kami gayundin kayo.
22 At kung mayroon ngang diyablo at impiyerno, dinggin, hindi ka ba niya ipadadala roon upang manirahang kasama ng aking kapatid na inyong pinaslang, na iyong ipinahiwatig na nagtungo siya sa isang lugar na gayon? Subalit dinggin, ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga.
23 Ako si Amoron, at isang inapo ni Zoram, na pinilit ng inyong mga ama at inilabas sa Jerusalem.
24 At dinggin ngayon, ako ay isang magiting na Lamanita; dinggin, ang digmaang ito ay ipinagpatuloy upang ipaghiganti ang kanilang mga kaapihan, at mapangalagaan at matamo ang kanilang mga karapatan sa pamahalaan; at isinasara ko ang aking liham kay Moroni.