Kabanata 56
Nagpadala si Helaman ng liham kay Moroni, isinasalaysay ang katayuan ng digmaan sa mga Lamanita—Nakatamo sina Antipus at Helaman ng malaking pagtatagumpay sa mga Lamanita—Nakipaglaban ang dalawang libong kabataan na mga anak ni Helaman nang may mahimalang lakas, at walang napatay sa kanila. Talata 1, mga 62 B.C.; talata 2–19, mga 66 B.C.; at talata 20–57, mga 65–64 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikatatlumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom, sa ikalawang araw ng unang buwan, si Moroni ay nakatanggap ng isang liham mula kay Helaman, inilalahad ang mga pangyayari sa mga tao sa bahaging yaon ng lupain.
2 At ito ang mga salitang isinulat niya, sinasabing: Aking minamahal na kapatid na Moroni, kapwa sa Panginoon at sa mga pagdurusa sa ating digmaan; dinggin, mahal kong kapatid, ako ay may sasabihin sa iyo kahit paano hinggil sa aming pakikidigma sa dakong ito ng lupain.
3 Dinggin, dalawang libo ng mga anak na lalaki ng mga yaong taong inilabas ni Ammon mula sa lupain ng Nephi—ngayon, nalalaman mo na sila ay mga inapo ni Laman, na siyang pinakamatandang anak na lalaki ng ating amang si Lehi;
4 Ngayon, hindi ko na kailangang ilahad pa sa iyo ang hinggil sa kanilang mga kaugalian o kanilang kawalang-paniniwala, sapagkat nalalaman mo ang hinggil sa lahat ng bagay na ito—
5 Samakatwid, sapat na sa akin ang sabihin ko sa iyo na dalawang libo ng mga yaong kabataang lalaking ito ang humawak ng kanilang mga sandata ng digmaan, at ninais na ako ang maging pinuno nila; at kami ay humayo upang ipagtanggol ang ating bayan.
6 At ngayon, nalalaman mo rin ang hinggil sa tipang ginawa ng kanilang mga ama, na hindi sila hahawak ng kanilang mga sandata ng digmaan laban sa kanilang mga kapatid upang magpadanak ng dugo.
7 Subalit sa ikadalawampu’t anim na taon, nang makita nila ang ating mga paghihirap at ating mga pagdurusa para sa kanila, sisirain na sana nila ang tipang ginawa nila at hahawak ng kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol tayo.
8 Subalit hindi ko sila mapahihintulutan na kanilang sirain ang tipang ito na kanilang ginawa, ipinapalagay na tayo ay palalakasin ng Diyos, hanggang sa hindi na tayo maghihirap pa dahil sa pagtupad sa sumpang ginawa nila.
9 Subalit dinggin, narito ang isang bagay kung saan tayo ay maaaring magkaroon ng labis na kagalakan. Sapagkat dinggin, sa ikadalawampu’t anim na taon, ako, si Helaman, ay humayo sa unahan nitong dalawang libong kabataang lalaki patungo sa lungsod ng Judea, upang tulungan si Antipus, na siyang hinirang mong pinuno ng mga tao sa bahaging yaon ng lupain.
10 At isinama ko ang aking dalawang libong anak (sapagkat sila ay karapat-dapat na tawaging mga anak) sa hukbo ni Antipus, kung aling lakas ay labis na ikinasiya ni Antipus; sapagkat dinggin, ang kanyang hukbo ay nabawasan ng mga Lamanita dahil sa nakapatay ang kanilang hukbo ng malaking bilang ng ating mga tauhan, kung aling pangyayari ay nararapat tayong magdalamhati.
11 Gayunpaman, maaari nating aluin ang ating sarili sa katotohanang ito, na sila ay namatay para sa kanilang bayan at sa kanilang Diyos, oo, at sila ay maliligaya.
12 At ang mga Lamanita ay nakapagpanatili rin ng maraming bihag, lahat sila ay mga punong kapitan, sapagkat wala nang iba silang pinatawad na mabuhay. At ipinapalagay namin na sila ngayon sa mga oras na ito ay nasa lupain ng Nephi; gayon nga ito kung hindi sila napatay.
13 At ngayon, ito ang mga lungsod na naangkin ng mga Lamanita sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo ng napakarami sa ating magigiting na tauhan:
14 Ang lupain ng Manti, o ang lungsod ng Manti, at ang lungsod ng Zisrom, at ang lungsod ng Cumeni, at ang lungsod ng Antipara.
15 At ito ang mga lungsod na naangkin nila nang ako ay makarating sa lungsod ng Judea; at natagpuan ko si Antipus at ang kanyang mga tauhan na gumagawa nang buong lakas upang patibayin ang lungsod.
16 Oo, at sila ay nanghihina sa katawan maging sa espiritu, sapagkat sila ay buong giting na nakikipaglaban sa araw at gumagawa sa gabi upang pangalagaan ang kanilang mga lungsod; at sa gayon sila nagdanas ng labis na paghihirap ng lahat ng uri.
17 At ngayon, sila ay nanindigang magwagi sa lugar na ito o mamatay; kaya nga, maaari mo ngang ipalagay na itong maliit na hukbong dinala ko, oo, ang mga yaong anak ko, ay nagbigay sa kanila ng malaking pag-asa at labis na kagalakan.
18 At ngayon, ito ay nangyari na nang makita ng mga Lamanita na nakatanggap si Antipus ng karagdagang lakas sa kanyang hukbo, sila ay napilitan sa mga utos ni Amoron na huwag sumalakay sa lungsod ng Judea, o lumaban sa amin, upang makidigma.
19 At sa gayon kami kinasihan ng Panginoon; sapagkat kung sila ay sumalakay sa amin sa kahinaan naming ito, maaari na sana nilang malipol ang aming maliit na hukbo; subalit sa gayon kami iningatan.
20 Sila ay inutusan ni Amoron na pangalagaan ang mga yaong lungsod na nasakop nila. At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu’t anim na taon. At sa pagsisimula ng ikadalawampu’t pitong taon, naihanda na namin ang aming lungsod at aming sarili sa pagtatanggol.
21 Ngayon, kami ay nagnanais na salakayin kami ng mga Lamanita; sapagkat hindi namin nais na salakayin sila sa kanilang mga muog.
22 At ito ay nangyari na naglagay kami ng mga tagamanman sa paligid upang bantayan ang mga galaw ng mga Lamanita, upang hindi nila kami malampasan sa gabi ni sa araw upang makasalakay sa iba nating mga lungsod na nasa kahilagaan.
23 Sapagkat nalalaman namin na sa mga lungsod na yaon ay hindi sapat ang kanilang lakas upang harapin sila; kaya nga kami ay nagnais, kung kanilang lalampasan kami, na salakayin sila sa kanilang likuran, at sa gayon sila labanan sa likuran at sa gayunding oras ay sagupain sila sa harapan. Ipinapalagay naming malulupig namin sila; subalit dinggin, kami ay nabigo sa aming naising ito.
24 Sila ay hindi nangahas na lampasan kami ng kanilang buong hukbo, ni nangahas ng isang bahagi nila, sa takot na hindi sapat ang kanilang lakas at bumagsak sila.
25 Ni hindi sila nangahas na humayo laban sa lungsod ng Zarahemla; ni hindi sila nangahas na tawirin ang bukal ng Sidon, patungo sa lungsod ng Nephihas.
26 At sa gayon, sa pamamagitan ng kanilang mga hukbo, sila ay nanindigang pangalagaan ang mga yaong lungsod na kanilang nasakop.
27 At ngayon, ito ay nangyari na sa ikalawang buwan ng taong ito, may dinala sa amin na maraming pagkain mula sa mga ama ng yaong aking dalawang libong anak.
28 At may ipinadala ring dalawang libong tauhan sa amin mula sa lupain ng Zarahemla. At sa gayon kami nakahanda nang may sampung libong tauhan, at mga pagkain para sa kanila, at para din sa kanilang mga asawa at kanilang mga anak.
29 At ang mga Lamanita, dahil sa nakikitang dumarami ang aming mga hukbo sa araw-araw, at dumarating ang mga pagkain para sa aming panustos, nagsimula silang matakot, at nagsimulang biglaang sumalakay, na kung maaari ay wakasan ang pagtanggap namin ng mga pagkain at lakas.
30 Ngayon, nang makita namin na ang mga Lamanita ay nagsimulang maging balisa sa paraang ito, nagnais kaming magsagawa ng pakana sa kanila; kaya nga si Antipus ay nag-utos na humayo ako kasama ang aking mga batang anak patungo sa kalapit na lungsod, na tila bagang kami ay nagdadala ng mga pagkain para sa kalapit na lungsod.
31 At pinahayo kami sa malapit sa lungsod ng Antipara, na tila bagang magtutungo kami sa kasunod na lungsod, sa mga hangganan sa may dalampasigan.
32 At ito ay nangyari na humayo kami, na tila bagang may dala kaming mga pagkain, upang magtungo sa lungsod na yaon.
33 At ito ay nangyari na humayo si Antipus kasama ang isang bahagi ng kanyang hukbo, iniwan ang nalalabi upang pangalagaan ang lungsod. Subalit hindi siya humayo hangga’t nakahayo na ako kasama ang maliit kong hukbo, at nakalapit sa lungsod ng Antipara.
34 At ngayon, sa lungsod ng Antipara nakahimpil ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita; oo, ang pinakamarami.
35 At ito ay nangyari na nang maipaalam ito sa kanila ng kanilang mga tagamanman, sila ay lumabas kasama ang kanilang hukbo at humayo laban sa amin.
36 At ito ay nangyari na nagsitakas kami sa harapan nila, pahilaga. At sa gayon namin naakay palayo ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita;
37 Oo, nang may kalayuan, kung kaya’t nang makita nila ang hukbo ni Antipus na tumutugis sa kanila, nang kanilang buong lakas, na hindi sila lumiko sa kanan ni sa kaliwa, kundi ipinagpatuloy ang kanilang paghayo sa tuwid na landas sa pagtugis sa amin; at, tulad ng inaakala namin, kanilang layuning mapatay kami bago sila maunahan ni Antipus, at ito ay upang hindi sila mapaligiran ng aming mga tao.
38 At ngayon, si Antipus, namamalas ang aming panganib, ay pinabilis ang paghayo ng kanyang hukbo. Subalit dinggin, gabi na; kaya nga kami ay hindi nila naunahan, ni hindi sila naunahan ni Antipus; kaya nga nagtayo kami ng kuta para sa gabi.
39 At ito ay nangyari na bago sumapit ang pagsikat ng umaga, dinggin, ang mga Lamanita ay tinutugis kami. Ngayon, hindi sapat ang aming lakas upang makipaglaban sa kanila; oo, hindi ko mapahihintulutan na ang aking mga batang anak ay bumagsak sa kanilang mga kamay; kaya nga ipinagpatuloy namin ang aming paghayo, at humayo kami sa ilang.
40 Ngayon, hindi sila nangahas na lumiko sa kanan ni sa kaliwa sa takot na sila ay mapaligiran; ni hindi rin ako lumiko sa kanan ni sa kaliwa sa takot na maabutan nila ako, at hindi namin kayang humarap sa kanila, kundi mapapatay kami, at makatatakas sila; at sa gayon kami tumakas sa buong maghapon sa ilang, maging hanggang sa magdilim.
41 At ito ay nangyari na muli, nang sumapit ang liwanag ng umaga ay nakita namin ang mga Lamanita na sumasalakay sa amin, at kami ay nagsitakas mula sa kanilang harapan.
42 Subalit ito ay nangyari na hindi nagtagal ang kanilang pagtugis sa amin nang tumigil sila; at ito ay sa umaga ng ikatlong araw ng ikapitong buwan.
43 At ngayon, kung naabutan man sila ni Antipus ay hindi namin nalalaman, subalit sinabi ko sa mga tauhan ko: Dinggin, hindi natin nalalaman na baka tumigil sila sa layuning tayo ang sumalakay sa kanila, upang kanilang mahuli tayo sa kanilang bitag;
44 Samakatwid, ano ang masasabi ninyo, aking mga anak, haharapin ba ninyo sila upang makidigma?
45 At ngayon, sinasabi ko sa iyo, mahal kong kapatid na Moroni, na hindi pa ako nakakikita ng gayong labis na katapangan, hindi pa, hindi sa lahat ng Nephita.
46 Sapagkat tulad ng pagtawag ko sa kanila na aking mga anak (sapagkat silang lahat ay napakabata pa) maging sinabi nila sa akin: Ama, dinggin, kasama natin ang ating Diyos, at hindi niya pahihintulutang bumagsak tayo; kaya nga tayo ay humayo; hindi natin papatayin ang ating mga kapatid kung kanilang hahayaan tayo; anupa’t humayo na tayo, na baka magapi nila ang hukbo ni Antipus.
47 Ngayon, hindi pa sila kailanman nakipaglaban, gayunpaman hindi sila natatakot sa kamatayan; at mas iniisip pa nila ang kalayaan ng kanilang mga ama kaysa sa kanilang sariling mga buhay; oo, tinuruan sila ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, ililigtas sila ng Diyos.
48 At inilahad nila sa akin ang mga salita ng kanilang mga ina, sinasabing: Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina.
49 At ito ay nangyari na bumalik ako kasama ang aking dalawang libo laban sa mga Lamanita na ito na tumutugis sa amin. At ngayon, dinggin, ang mga hukbo ni Antipus ay naabutan sila, at nagsimula ang isang kakila-kilabot na digmaan.
50 Ang hukbo ni Antipus na mga pagod dahil sa kanilang mahabang paghayo sa napakaikling panahon ay magsisibagsak na sana sa mga kamay ng mga Lamanita; at kung hindi ako bumalik na kasama ang aking dalawang libo ay nakamtan na sana nila ang kanilang layunin.
51 Sapagkat si Antipus ay bumagsak sa pamamagitan ng espada, at marami sa kanyang mga pinuno, dahil sa kanilang kapaguran, na sanhi ng bilis ng kanilang paghayo—kaya nga, ang mga tauhan ni Antipus, na nalilito dahil sa pagbagsak ng kanilang mga pinuno, ay nagsimulang magbigay-raan sa harapan ng mga Lamanita.
52 At ito ay nangyari na ang mga Lamanita ay nagkalakas-loob, at nagsimulang tugisin sila; at sa gayon sila tinutugis ng mga Lamanita nang may labis na pagsusumigasig nang si Helaman ay dumating sa kanilang likuran kasama ang kanyang dalawang libo, at nagsimula silang labis na pagpapatayin, hanggang sa ang buong hukbo ng mga Lamanita ay tumigil at bumaling kay Helaman.
53 Ngayon, nang makita ng mga tao ni Antipus na nagsitalikod ang mga Lamanita, sama-samang tinipon nila ang kanilang mga tauhan at muling sumalakay sa likuran ng mga Lamanita.
54 At ngayon, ito ay nangyari na kami, ang mga tao ni Nephi, ang mga tao ni Antipus, at ako kasama ang aking dalawang libo, ay pinaligiran ang mga Lamanita, at pinagpapatay sila; oo, hanggang sa sila ay napilitang isuko ang kanilang mga sandata ng digmaan at gayundin ang kanilang sarili bilang mga bihag ng digmaan.
55 At ngayon, ito ay nangyari na nang isuko nila ang kanilang sarili sa amin, dinggin, binilang ko ang mga yaong kabataan na kasama kong nakipaglaban, nangangambang baka marami sa kanila ang napatay.
56 Subalit dinggin, sa aking labis na kagalakan, wala ni isang kaluluwa sa kanila ang bumagsak sa lupa; oo, at sila ay nakipaglaban na tila bagang may lakas ng Diyos; oo, wala pang mga taong nakikilalang nakipaglaban nang may gayong mahimalang lakas; at lakip ang gayong makapangyarihang lakas nila sinalakay ang mga Lamanita, kung kaya’t kanilang natakot sila; at dahil dito, isinuko ng mga Lamanita ang kanilang sarili bilang mga bihag ng digmaan.
57 At dahil sa wala kaming paglalagyan para sa mga bihag namin, nang mabantayan namin sila upang mailayo namin sila mula sa mga hukbo ng mga Lamanita, kaya nga ipinadala namin sila sa lupain ng Zarahemla, at ang isang bahagi ng mga yaong tauhan ni Antipus na hindi napatay, na kasama nila; at ang nalalabi ay aking isinama at inianib sila sa aking mga kabataang Ammonita, at sinimulan ang aming paghayo pabalik sa lungsod ng Judea.