Kabanata 58
Nakuha nina Helaman, Gid, at Tiomner ang lungsod ng Manti sa pamamagitan ng pakana—Umurong ang mga Lamanita—Pinangalagaan ang mga anak ng mga tao ni Ammon samantalang hindi matinag silang nanindigan sa pagtatanggol ng kanilang kalayaan at relihiyon. Mga 63–62 B.C.
1 At dinggin, ngayon, ito ay nangyari na ang aming sumunod na layunin ay makuha ang lungsod ng Manti; subalit dinggin, walang paraang mailayo namin sila mula sa lungsod sa pamamagitan ng aming maliliit na pangkat. Sapagkat dinggin, naaalala nila ang ginawa namin noong una; kaya nga hindi namin sila malinlang na lumayo sa kanilang mga muog.
2 At hindi hamak na higit silang marami kaysa sa aming hukbo kung kaya’t hindi kami nangahas na humayo at salakayin sila sa kanilang mga muog.
3 Oo, at kinailangang gamitin namin ang aming mga tauhan sa pangangalaga ng mga bahaging yaon ng lupain na nabawi namin ang pagmamay-ari; kaya nga, kinakailangang kami ay maghintay, upang makatanggap kami ng karagdagang lakas mula sa lupain ng Zarahemla at gayundin ng karagdagang panustos na mga pagkain.
4 At ito ay nangyari na sa gayon ako nagpasugo ng mensahero sa gobernador ng ating lupain, upang maipaalam sa kanya ang hinggil sa mga bagay-bagay ng ating mga tao. At ito ay nangyari na naghintay kami na makatanggap ng mga pagkain at lakas mula sa lupain ng Zarahemla.
5 Subalit dinggin, kaunti lamang ang naging pakinabang nito; sapagkat ang mga Lamanita ay tumatanggap din ng labis na lakas sa araw-araw, at marami ring pagkain; at gayon ang aming kalagayan sa panahong ito.
6 At ang mga Lamanita ay biglaan kaming sinasalakay sa pana-panahon, napagpasiyahang lipulin kami sa pamamagitan ng pakana; gayunpaman, hindi kami maaaring makidigma sa kanila, dahil sa kanilang mga dulugan at kanilang mga muog.
7 At ito ay nangyari na naghintay kami sa ganitong mahirap na kalagayan sa loob ng maraming buwan, maging hanggang sa masasawi na sana kami dahil sa kawalan ng pagkain.
8 Subalit ito ay nangyari na nakatanggap kami ng pagkain, na inihatid sa amin ng isang hukbo ng dalawang libong tauhan bilang tulong sa amin; at ito lamang ang tulong na natanggap namin, upang ipagtanggol ang aming sarili at ating bayan mula sa pagbagsak sa mga kamay ng ating mga kaaway, oo, upang labanan ang kaaway na hindi mabilang.
9 At ngayon, ang dahilan ng aming mga kagipitang ito, o ang dahilan kung bakit hindi sila nagpadala ng karagdagan pang lakas sa amin, ay hindi namin nalalaman; kaya nga, kami ay nalungkot at napuspos din ng takot, na baka sa anumang pamamaraan ay dalawin ng mga paghahatol ng Diyos ang ating lupain, tungo sa ating pagkalupig at lubos na pagkalipol.
10 Samakatwid, ibinuhos namin ang aming mga kaluluwa sa panalangin sa Diyos, upang palakasin niya kami at iligtas kami mula sa mga kamay ng ating mga kaaway, oo, at bigyan din tayo ng lakas na mapangalagaan natin ang ating mga lungsod, at ating mga lupain, at ating mga pag-aari, para sa pagtataguyod ng ating mga tao.
11 Oo, at ito ay nangyari na dinalaw kami ng mga paniniyak ng Panginoon nating Diyos na ililigtas niya kami; oo, hanggang sa siya ay bumulong ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa, at nagbigay sa amin ng malaking pananampalataya, at pinangyaring kami ay umasa ng aming kaligtasan sa kanya.
12 At nagkalakas-loob kami sa aming maliit na hukbo na natanggap namin, at matatag na nanindigang gapiin ang ating mga kaaway, at pangalagaan ang ating mga lupain, at ating mga pag-aari, at ating mga asawa, at ating mga anak, at ang layunin ng ating kalayaan.
13 At sa gayon kami humayo nang buong lakas namin laban sa mga Lamanita, na nasa lungsod ng Manti; at itinayo namin ang aming mga tolda sa may tabi ng hangganan ng ilang, na malapit sa lungsod.
14 At ito ay nangyari na kinabukasan, nang makita ng mga Lamanita na kami ay nasa mga hangganan ng ilang na malapit sa lungsod, sila ay nagpasugo ng mga tagamanman sa paligid namin upang malaman nila ang bilang at lakas ng aming hukbo.
15 At ito ay nangyari na nang makita nilang hindi kami malakas, alinsunod sa aming mga bilang, at natatakot na harangin namin ang kanilang panustos maliban kung sila ay lalabas upang makidigma sa amin at patayin kami, at inaakala ring madali nila kaming malilipol dahil sa napakalaki nilang hukbo, kaya nga nagsimula silang gumawa ng mga paghahanda upang makasalakay sila at makidigma laban sa amin.
16 At nang makita namin na sila ay gumagawa ng mga paghahanda upang salakayin kami, dinggin, iniutos ko na si Gid, kasama ang isang maliit na bilang ng mga tauhan, ay magkubli ng kanilang sarili sa ilang, at gayundin si Tiomner at ang isang maliit na bilang ng mga tauhan ay magkubli rin ng kanilang sarili sa ilang.
17 Ngayon, si Gid at ang kanyang mga tauhan ay nasa dakong kanan at ang iba ay nasa dakong kaliwa; at nang maikubli nila ang kanilang sarili, dinggin, ako ay nanatili kasama ang nalalabi sa aking hukbo, sa yaon ding lugar kung saan una naming itinayo ang aming mga tolda sa paghahanda sa panahon ng pagsalakay ng mga Lamanita upang makidigma.
18 At ito ay nangyari na sumalakay ang mga Lamanita kasama ang kanilang napakalaking hukbo laban sa amin. At nang sila ay makalapit at sasalakayin na sana kami gamit ang mga espada, inutusan ko ang aking mga tauhan, ang mga yaong kasama ko, na magsiurong sa ilang.
19 At ito ay nangyari na mabilis kaming tinugis ng mga Lamanita, sapagkat labis silang nagnanais na abutan kami upang mapatay nila kami; kaya nga sinundan nila kami sa ilang; at dumaan kami sa gitna nina Gid at Tiomner kung kaya’t hindi sila natuklasan ng mga Lamanita.
20 At ito ay nangyari na nang nakaraan na ang mga Lamanita, o nang nakaraan na ang hukbo, sina Gid at Tiomner ay nagsilabas mula sa kanilang mga lugar na pinagkukublihan at hinarang ang mga tagamanman ng mga Lamanita upang hindi na sila makabalik pa sa lungsod.
21 At ito ay nangyari na nang kanilang maharangan sila, sila ay nagsitakbo patungo sa lungsod at sinalakay ang mga bantay na naiwan upang bantayan ang lungsod, hanggang sa kanilang nalipol sila at nasakop ang lungsod.
22 Ngayon, ito ay nagawa dahil sa ipinahintulot ng mga Lamanita na ang kanilang buong hukbo, maliban sa iilang bantay lamang, na maakay palayo patungo sa ilang.
23 At ito ay nangyari na nasakop nina Gid at Tiomner sa pamamaraang ito ang kanilang mga muog. At ito ay nangyari na itinuloy namin ang aming pagtakas, matapos ang mahabang paglalakbay sa ilang patungo sa lupain ng Zarahemla.
24 At nang makita ng mga Lamanita na patungo sila sa lupain ng Zarahemla, labis silang natakot, na baka may planong binuo upang madala sila sa pagkalipol; kaya nga nagsimula silang umurong patungong muli sa ilang, oo, maging pabalik sa yaon ding landas na dinaanan nila.
25 At dinggin, sumapit ang gabi at itinayo nila ang kanilang mga tolda, sapagkat inakala ng mga punong kapitan ng mga Lamanita na napagod ang mga Nephita dahil sa kanilang paghayo; at inaakalang naitaboy nila ang kanilang buong hukbo kaya nga hindi sila nag-isip hinggil sa lungsod ng Manti.
26 Ngayon, ito ay nangyari na nang sumapit ang gabi, iniutos ko na ang aking mga tauhan ay huwag magsitulog, sa halip ay magsipaghayo sila gamit ang ibang daan patungo sa lupain ng Manti.
27 At dahil sa aming paghayong ito sa gabi, dinggin, kinabukasan ay nalampasan namin ang mga Lamanita, kung kaya nga’t naunahan namin sila na makarating sa lungsod ng Manti.
28 At sa gayon, ito ay nangyari na sa pamamagitan ng pakanang ito, naangkin namin ang lungsod ng Manti nang walang pagdanak ng dugo.
29 At ito ay nangyari na nang makarating ang mga hukbo ng mga Lamanita sa malapit sa lungsod, at nakita nilang nakahanda kaming humarap sa kanila, labis silang nanggilalas at nakadama ng masidhing takot, kung kaya nga’t sila ay nagsitakas sa ilang.
30 Oo, at ito ay nangyari na nagsitakas ang mga hukbo ng mga Lamanita sa buong bahaging ito ng lupain. Subalit dinggin, sila ay nagtangay ng maraming babae at bata mula sa lupain.
31 At ang mga yaong lungsod na nasakop ng mga Lamanita, lahat ng yaon sa mga oras na ito ay nasa ating pag-aari; at ang ating mga ama at ating kababaihan at ating mga anak ay nagsisibalik na sa kani-kanilang mga tahanan, lahat maliban sa mga yaong nadalang bihag at tinangay ng mga Lamanita.
32 Subalit dinggin, ang aming hukbo ay maliit upang mapangalagaan ang napakaraming lungsod at napakalaking pag-aari.
33 Subalit dinggin, kami ay nagtitiwala sa ating Diyos na siyang nagbigay sa amin ng tagumpay sa mga yaong lupain, kaya nga’t nakuha namin ang mga yaong lungsod at ang mga yaong lupain, na pag-aari natin.
34 Ngayon, hindi namin nalalaman ang dahilan ng hindi pagpapadala ng pamahalaan sa amin ng karagdagang lakas; ni hindi rin nalalaman ng mga yaong tauhang ipinadala sa amin kung bakit hindi kami nakatanggap ng karagdagang lakas.
35 Dinggin, hindi namin nalalaman kung nabigo kayo, at kinailangan ninyo ng mga hukbo sa dakong iyan ng lupain; kung gayon, hindi namin nais na dumaing.
36 At kung hindi gayon, dinggin, kami ay nangangamba na baka may pagkakahati sa pamahalaan, kung kaya’t hindi sila nagpapadala ng karagdagang tauhan upang tulungan kami; sapagkat nalalaman naming higit na marami sila kaysa sa ipinadala nila.
37 Subalit dinggin, ito ay hindi na mahalaga—nagtitiwala kaming ililigtas kami ng Diyos, sa kabila ng kahinaan ng aming mga hukbo, oo, at ililigtas kami mula sa mga kamay ng ating mga kaaway.
38 Dinggin, ito ang ikadalawampu’t siyam na taon, sa ikahuling bahagi, at nasa pag-aari na natin ang ating mga lupain; at ang mga Lamanita ay nagsitakas patungo sa lupain ng Nephi.
39 At ang mga anak ng mga yaong tao ni Ammon, na labis kong pinupuri, ay kasama ko sa lungsod ng Manti; at itinaguyod sila ng Panginoon, oo, at pinangalagaan sila upang hindi magsibagsak sa pamamagitan ng espada, kung kaya’t maging isang katao ay hindi napatay.
40 Subalit dinggin, nakatanggap sila ng maraming sugat; gayunpaman, sila ay hindi natinag sa kalayaang yaon kung saan sila ginawang malaya ng Diyos; at sila ay mahigpit sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos sa araw-araw; oo, patuloy nilang sinusunod ang kanyang mga panuntunan, at kanyang mga kahatulan, at kanyang mga kautusan; at malakas ang kanilang pananampalataya sa mga propesiya hinggil sa yaong magaganap.
41 At ngayon, mahal kong kapatid na Moroni, nawa ang Panginoon nating Diyos, na siyang tumubos at nagpalaya sa atin, ay patuloy kang pangalagaan sa kanyang harapan; oo, at nawa ay itaguyod niya ang mga taong ito, maging sa magtagumpay ka sa pagkamit sa lahat ng yaong kinuha ng mga Lamanita mula sa atin, para sa ating panustos. At ngayon, dinggin, tinatapos ko ang aking liham. Ako si Helaman, ang anak ni Alma.