Kabanata 59
Hiniling ni Moroni kay Pahoran na palakasin ang mga hukbo ni Helaman—Sinakop ng mga Lamanita ang lungsod ng Nephihas—Nagalit si Moroni sa pamahalaan. Mga 62 B.C.
1 Ngayon, ito ay nangyari na sa ikatatlumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, matapos matanggap ni Moroni at mabasa ang liham ni Helaman, siya ay labis na nagsaya dahil sa kagalingan, oo, sa malaking tagumpay ni Helaman sa pagkuha ng mga yaong lupaing nawala.
2 Oo, at ipinaalam niya ito sa lahat ng kanyang mga tao, sa lahat ng lupain sa paligid sa yaong bahaging kinaroroonan niya, upang sila ay magsaya rin.
3 At ito ay nangyari na kaagad siyang nagpadala ng isang liham kay Pahoran, hinihinging mangalap siya ng mga tauhan upang palakasin sina Helaman, o ang mga hukbo ni Helaman, hanggang sa magawa niyang mapangalagaan nang buong gaan ang yaong bahagi ng lupain na mahimalang matagumpay niyang nabawi.
4 At ito ay nangyari na nang maipadala na ni Moroni ang liham na ito sa lupain ng Zarahemla, siya ay nagsimulang muling bumuo ng plano upang makuha niya ang nalalabi sa mga yaong pag-aari at lungsod na nakuha ng mga Lamanita mula sa kanila.
5 At ito ay nangyari na habang gumagawa si Moroni ng mga paghahanda upang humayo laban sa mga Lamanita sa digmaan, dinggin, ang mga mamamayan ng Nephihas, na sama-samang tinipon mula sa lungsod ng Moroni at sa lungsod ng Lehi at sa lungsod ng Morianton, ay sinalakay ng mga Lamanita.
6 Oo, maging ang mga yaong napilitang tumakas mula sa lupain ng Manti at sa lupain sa paligid ay nagsidating at umanib sa mga Lamanita sa bahaging ito ng lupain.
7 At sa gayon, dahil napakarami, oo, at tumatanggap ng lakas sa araw-araw, sa utos ni Amoron ay sinalakay nila ang mga mamamayan ng Nephihas, at sinimulan nilang patayin sila nang may labis na malaking pagkatay.
8 At ang kanilang mga hukbo ay napakalaki kung kaya’t napilitang magsitakas ang mga nalalabing mamamayan ng Nephihas sa kanilang harapan; at sila ay dumating at umanib sa hukbo ni Moroni.
9 At ngayon, dahil sa inakala ni Moroni na may mga tauhang ipinadala sa lungsod ng Nephihas, upang matulungan ang mga tao na pangalagaan ang lungsod na yaon, at nalalamang higit na madaling ipagtanggol ang lungsod mula sa pagbagsak sa mga kamay ng mga Lamanita kaysa sa bawiin ito mula sa kanila, inakala niya na madali nilang mapangangalagaan ang lungsod na yaon.
10 Samakatwid, pinanatili niya ang lahat ng kanyang hukbo sa pangangalaga ng mga yaong lugar na nabawi niya.
11 At ngayon, nang malaman ni Moroni na nawala na ang lungsod ng Nephihas, labis siyang nalungkot at nagsimulang mag-alinlangan dahil sa kasamaan ng mga tao, kung bakit hindi sila mahuhulog sa mga kamay ng kanilang mga kapatid.
12 Ngayon, ito ang kalagayan ng lahat ng punong kapitan niya. Sila ay nag-alinlangan at namangha rin dahil sa kasamaan ng mga tao, at ito ay dahil sa tagumpay ng mga Lamanita sa kanila.
13 At ito ay nangyari na nagalit si Moroni sa pamahalaan dahil sa kanilang kawalang-pagpapahalaga hinggil sa kalayaan ng kanilang bayan.