Kabanata 60
Dumaing si Moroni kay Pahoran dahil sa kapabayaan ng pamahalaan sa mga hukbo—Hinahayaan ng Panginoon na mapatay ang mga matwid—Kinailangang gamitin ng mga Nephita ang buo nilang lakas at pamamaraan upang mailigtas nila ang sarili mula sa kanilang mga kaaway—Nagbanta si Moroni na lalabanan ang pamahalaan maliban kung magpapadala ng tulong sa kanyang mga hukbo. Mga 62 B.C.
1 At ito ay nangyari na muli siyang sumulat sa gobernador ng lupain, na si Pahoran, at ito ang mga salitang isinulat niya, sinasabing: Dinggin, ipinahahatid ko ang aking liham kay Pahoran, sa lungsod ng Zarahemla, na siyang punong hukom at gobernador ng lupain, at gayundin sa lahat ng yaong pinili ng mga taong ito na mamahala at mangasiwa sa mga bagay-bagay ng digmaang ito.
2 Sapagkat dinggin, may sasabihin ako nang bahagya sa kanila sa paraang may pamumuna; sapagkat dinggin, kayo na rin ang nakaaalam na kayo ay hinirang na mangalap ng mga tauhan at sandatahan sila ng mga espada, at ng mga simitar, at ng lahat ng uri ng sandata ng digmaan ng bawat uri, at ipadala laban sa mga Lamanita, saanmang dako sila sumalakay sa ating lupain.
3 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo na ako na rin, at gayundin ang mga tauhan ko, at gayundin si Helaman at ang kanyang mga tauhan, ay nagdanas ng labis na pagdurusa; oo, maging ng pagkagutom, pagkauhaw, at pagkapagod, at ng lahat ng uri ng paghihirap ng bawat uri.
4 Subalit dinggin, kung ito lamang ang aming dinanas ay hindi sana kami aangal ni daraing.
5 Subalit dinggin, labis ang pagkatay sa ating mga tao; oo, libu-libo na ang napabagsak sa pamamagitan ng espada, samantalang iba sana ang nangyari kung kayo ay nagpadala sa aming mga hukbo ng sapat na lakas at tulong para sa kanila. Oo, labis ang naging kapabayaan ninyo sa amin.
6 At ngayon, dinggin, nais naming malaman ang dahilan ng labis na kapabayaang ito; oo, nais naming malaman ang dahilan ng inyong pabayang katayuan.
7 Magagawa ba ninyong isiping umupo sa inyong mga luklukan sa isang kalagayan ng pabayang pagkatuliro, samantalang ang inyong mga kaaway ay naghahasik ng gawa ng kamatayan sa inyong paligid? Oo, samantalang pinapaslang nila ang libu-libo sa inyong mga kapatid—
8 Oo, maging sila na umaasa sa inyo ng pangangalaga, oo, inilagay kayo sa katayuan na maaari ninyo silang tulungan, oo, maaari sana ninyo silang padalhan ng mga hukbo, upang palakasin sila, at mailigtas ang libu-libo sa kanila mula sa pagbagsak sa pamamagitan ng espada.
9 Subalit dinggin, hindi lamang ito—ipinagkait ninyo ang inyong mga pagkain sa kanila, hanggang sa marami ang nakipaglaban at ibinuwis ang kanilang mga buhay dahil sa kanilang mga taimtim na naisin na taglay nila para sa kapakanan ng mga taong ito; oo, at ginawa nila ito nang mamamatay na sana sila sa gutom, dahil sa inyong labis na kapabayaan sa kanila.
10 At ngayon, mga minamahal kong kapatid—sapagkat nararapat kayong mahalin; oo, at nararapat sana ninyong pukawin nang higit na masigasig ang inyong sarili para sa kapakanan at sa kalayaan ng mga taong ito; subalit dinggin, pinabayaan ninyo sila hanggang sa ang dugo ng libu-libo ay mapapataw sa inyong mga ulo sa paghihiganti; oo, sapagkat nalalaman ng Diyos ang lahat ng kanilang mga pagsusumamo, at lahat ng kanilang pagdurusa—
11 Dinggin, sa akala ba ninyo ay maaari kayong umupo sa inyong mga luklukan, at dahil sa labis na kabutihan ng Diyos ay wala na kayong gagawin pa at ililigtas niya kayo? Dinggin, kung ito ang inaakala ninyo ay nag-aakala kayo nang walang saysay.
12 Sa akala ba ninyo, dahil sa napakarami sa inyong mga kapatid ang napatay ay dahil ito sa kanilang kasamaan? Sinasabi ko sa inyo, kung ito ang inaakala ninyo ay nag-aakala kayo nang walang saysay; sapagkat sinasabi ko sa inyo, marami ang bumagsak sa pamamagitan ng espada; at dinggin, ito ay tungo sa inyong pagkasumpa;
13 Sapagkat pinahihintulutan ng Panginoon na mapatay ang mga matwid upang ang kanyang katarungan at kahatulan ay sumapit sa masasama; kaya nga hindi ninyo dapat na akalain na ang mga matwid ay itinakwil dahil sa napatay sila; subalit dinggin, pumapasok sila sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.
14 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, labis akong natatakot na ang mga kahatulan ng Diyos ay sumapit sa mga taong ito, dahil sa kanilang labis na katamaran, oo, maging ang katamaran ng ating pamahalaan, at ang labis na kapabayaan nila sa kanilang mga kapatid, oo, sa mga yaong napatay.
15 Sapagkat kung hindi dahil sa kasamaan na unang nagsimula sa ating pinuno, napigilan na sana natin ang ating mga kaaway at hindi na sila nakakuha pa ng kapangyarihan laban sa atin.
16 Oo, kung hindi lamang sa digmaang sumiklab sa atin; oo, kung hindi lamang sa mga maka-hari na ito, na pinagmulan ng maraming pagdanak ng dugo sa atin; oo, sa panahong naglalaban-laban tayo, kung pinagsama-sama natin ang ating lakas na tulad ng ating ginawa noon; oo, kung hindi lamang sa pagnanais ng kapangyarihan at karapatan na ginawa sa atin ng mga yaong maka-hari; kung sila ay naging tapat sa layunin ng kalayaan, at nakiisa sa atin, at nakipaglaban sa ating mga kaaway, sa halip na humawak ng kanilang mga espada laban sa atin, na naging dahilan ng maraming pagdanak ng dugo sa atin; oo, kung nilabanan natin sila sa lakas ng Panginoon, naitaboy sana natin ang ating mga kaaway, sapagkat magaganap sana ito alinsunod sa kaganapan ng kanyang salita.
17 Subalit dinggin, tayo ay sinasalakay ngayon ng mga Lamanita, sinasakop ang ating mga lupain, at pinapaslang nila ang ating mga tao sa pamamagitan ng espada, oo, ang ating kababaihan at ating mga anak, at dinadala rin silang mga bihag, pinapangyaring pahirapan sila ng lahat ng uri ng pagpapahirap, at ito ay dahil sa labis na kasamaan ng mga yaong naghahangad ng kapangyarihan at karapatan, oo, maging ang mga yaong maka-hari.
18 Subalit bakit pa ako mangungusap hinggil sa bagay na ito? Sapagkat hindi namin nalalaman kung kayo na rin ay naghahangad ng kapangyarihan. Hindi namin nalalaman kung kayo rin ay mga taksil sa inyong bayan.
19 O pinabayaan ba ninyo kami dahil sa nasa gitna kayo ng ating bayan at kayo ay napaliligiran ng pananggalang, kung kaya’t hindi kayo nagpapadala ng pagkain sa amin, at gayundin ng mga tauhan upang palakasin ang aming mga hukbo?
20 Nalimutan na ba ninyo ang mga kautusan ng Panginoon ninyong Diyos? Oo, nalimutan na ba ninyo ang pagkabihag ng ating mga ama? Nalimutan na ba ninyo na maraming ulit na iniligtas tayo mula sa mga kamay ng ating mga kaaway?
21 O inaakala ninyong ililigtas pa rin tayo ng Panginoon, habang tayo ay nakaupo sa ating mga luklukan at hindi ginagamit ang mga pamamaraang inilaan para sa atin ng Panginoon?
22 Oo, uupo ba kayo sa katamaran samantalang kayo ay napaliligiran ng libu-libong yaon, oo, at sampu-sampung libo, na nauupo rin sa katamaran, samantalang libu-libo ang nasa paligid sa mga hangganan ng lupain ang nagsisibagsak sa pamamagitan ng espada, oo, mga sugatan at duguan?
23 Inaakala ba ninyong ituturing ng Diyos na wala kayong kasalanan samantalang kayo ay nauupong walang kibo at minamasdan ang mga bagay na ito? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi. Ngayon, nais kong tandaan ninyo na sinabi ng Diyos na linisin muna ang loob ng sisidlan, at sa gayon ay malilinis din ang labas ng sisidlan.
24 At ngayon, maliban kung kayo ay magsisisi sa yaong inyong ginawa, at magsimulang bumangon at magsikilos, at magpadala ng pagkain at mga tauhan sa amin, at gayundin kay Helaman, upang maitaguyod niya ang mga yaong bahagi ng ating bayan na nabawi niya, at nang mabawi rin namin ang nalalabi sa ating mga pag-aari sa mga bahaging ito, dinggin, kapaki-pakinabang na hindi tayo makipaglaban pa sa mga Lamanita hanggang sa malinis muna natin ang loob ng ating sisidlan, oo, maging ang pinakamataas na pinuno ng ating pamahalaan.
25 At maliban kung tanggapin ninyo ang aking liham, at lumabas at ipakita sa akin ang tunay na diwa ng kalayaan, at magsikap na palakasin at patibayin ang ating mga hukbo, at magkaloob sa kanila ng pagkain para sa panustos nila, dinggin, mag-iiwan ako ng bahagi ng aking mga maka-kalayaan upang pangalagaan ang bahaging ito ng ating lupain, at iiwan ko ang lakas at mga pagbabasbas ng Diyos sa kanila, upang wala nang ibang kapangyarihan pa ang kumilos laban sa kanila—
26 At ito ay dahil sa kanilang labis na pananampalataya, at kanilang pagtitiis sa kanilang mga pagdurusa—
27 At ako ay magtutungo sa inyo, at kung mayroon man sa inyo na naghahangad sa kalayaan, oo, kung mayroong kahit kislap ng kalayaang natitira, dinggin, ako ay magpupukaw ng mga pag-aaklas sa inyo, maging hanggang sa ang mga yaong naghahangad na magnakaw ng kapangyarihan at karapatan ay malipol na.
28 Oo, dinggin, hindi ako natatakot sa kapangyarihan ni karapatan ninyo, sa halip, sa aking Diyos ako may takot; at ito ay alinsunod sa kanyang mga kautusan na gagamitin ko ang aking espada upang ipagtanggol ang layunin ng aking bayan, at ito ay dahil sa inyong kasamaan kung kaya’t nagdanas kami ng labis na kawalan.
29 Dinggin, panahon na, oo, dumating na ang panahon, na maliban kung imumulat ninyo ang inyong sarili sa pagtatanggol sa inyong bayan at sa inyong mga musmos, ang espada ng katarungan ay nakaumang sa ulunan ninyo; oo, at babagsak ito sa inyo at parurusahan kayo maging hanggang sa inyong ganap na pagkalipol.
30 Dinggin, ako ay naghihintay ng tulong mula sa inyo; at, maliban kung kikilos kayo sa pagtulong sa amin, dinggin, ako ay magtutungo sa inyo, maging sa lupain ng Zarahemla, at hahatawin kayo ng espada, hanggang sa kayo ay mawalan ng kapangyarihan na pigilin ang pag-unlad ng mga taong ito sa layunin ng ating kalayaan.
31 Sapagkat dinggin, hindi pahihintulutan ng Panginoon na mabuhay kayo at maging malakas sa inyong kasamaan upang lipulin ang kanyang mga matwid na tao.
32 Dinggin, inaakala ba ninyo na ililigtas kayo ng Panginoon at maglalabas ng paghahatol laban sa mga Lamanita, samantalang ang kaugalian ng kanilang mga ama ang dahilan ng kanilang poot, oo, at ito ay pinatindi ng mga yaong tumiwalag mula sa atin, samantalang ang kasamaan ninyo ay para sa layunin ng inyong pagmamahal sa kapangyarihan at sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig?
33 Nalalaman ninyong nilalabag ninyo ang mga batas ng Diyos, at nalalaman ninyong niyuyurakan ninyo ang mga ito sa ilalim ng inyong mga paa. Dinggin, sinabi ng Panginoon sa akin: Kung ang mga yaong hinirang ninyo na maging inyong mga gobernador ay hindi magsisisi ng kanilang mga kasalanan at kasamaan, kayo ay aahon upang makidigma laban sa kanila.
34 At ngayon, dinggin, ako, si Moroni, ay napipilitan, alinsunod sa tipang ginawa ko na susundin ang mga kautusan ng aking Diyos; kaya nga nais ko na kayo ay sumunod sa salita ng Diyos, at magpadala kaagad sa akin ng inyong mga pagkain at inyong mga tauhan, at gayundin kay Helaman.
35 At dinggin, kung hindi ninyo gagawin ito ay mabilis akong magtutungo sa inyo; sapagkat dinggin, hindi pahihintulutan ng Diyos na kami ay masawi dahil sa gutom; kaya nga ibibigay niya sa amin ang inyong pagkain, maging kung ito man ay sa pamamagitan ng espada. Ngayon, tiyaking tinutupad ninyo ang salita ng Diyos.
36 Dinggin, ako si Moroni, ang inyong punong kapitan. Hindi ako naghahangad ng kapangyarihan, kundi ang hatakin itong pababa. Hindi ko hinahangad ang papuri ng sanlibutan, kundi ang kaluwalhatian ng aking Diyos, at ang kalayaan at kapakanan ng aking bayan. At sa gayon ko tinatapos ang aking liham.